Napatawa sila kapwa ni Darcelle sa ibinungad ni Jenna.
“Of course not!” sabay pa silang sumagot.
“Ito? No way! Ano sa tingin mo, meow?” anang Darcelle na bahagya siyang siniko sa tagiliran.
Hinimas-himas niya lang iyon nang marahan at nakangisi pa rin. “No way, hippo!” deny rin niya. Bahagya niyang sinimangutan ang babae.
“See?” anang Darcelle kay Jenna. “Kung kami nga, bakit hippo ang itatawag niya sa ‘kin? Ano’ng sweet sa hippo?”
Napatawa na lang si Jenna pero nanunudyo pa rin ang mga tingin nito sa kanilang dalawa ni Darcelle. Well, sino ba siya para sisihin ito? Talaga naman kasing iba ang relasyon nilang dalawa ng kababata.
“Meow at hippo?” taas-kilay na wika nitong pabaling-baling ng tingin sa kanila.
Kumibit sila kapwa. “Long story,” anilang dalawa ni Darcelle. Sabay pa rin.
Napailing-iling na lang si Jenna sa kanila na parang sumuko na. “Anyway, doon na kayo maupo. Or kung saan n’yo gusto. Basta vacant pa sa bandang doon,” sabay turo nito sa isang mesa sa may sulok malapit sa makeshift stage ng function hall ng hotel.
Sumunod na siya kay Darcelle na nagpatiuna na papunta sa isang mesa kung saan sila itinuro ni Jenna. Iniwasan niyang mapatitig sa magandang pang-upo nito na natural lang ang pagkembot.
Sinalubong sila ni Raven. Or more particularly, si Darcelle ang sinalubong nito. Isa ito sa mga may gusto sa dalaga noong high school pa sila pero hindi makapag-diskarte sa kaibigan dahil natatakot. Paano ba naman kasi ay parang tomboy ang dalaga noong high school pa sila. Ayaw nitong mabugbog. May pagka-sadista kasi ito noon.
Nagigiliw tuloy si Claude na napaisip ngayon. Babaeng-babae na kasi ang dalaga sa kilos at suot nito ngayon kumpara noon sa tuwing hindi sila nag-u-uniform. May free day sila tuwing Wednesday noon sa kanilang school at palaging naka-jeans at naka-baseball cap ang dalaga. Hindi lang iyon. Parang lalaki rin ang gupit ng buhok nito noon kaya sino ba naman ang hindi makaisip na lesbiana ito? Siguro siya lang.
“Hi, Darce!” ang bati ni Raven sa dalaga, pagkatapos ay tinanguan lang siya nito. Nakasuot ng navy blue na three-piece suit ang dating kaklase na bagay na bagay rito.
Sinagot niya rin lang ito ng tango at naupo na.
“Hey, Claude. Long time, no see,” saad ni Harriet at tumabi ito sa pag-upo sa kanya gamit ang bakanteng silya na binalutan ng telang kulay puti.
Ngumiti ang binata sa babaeng kauupo lang. May crush si Harriet sa kanya noon at hanggang ngayon. Iyon nga lang ay parang mas obvious ngayon. Parang lumalandi na talaga ito sa kanya. Parang mas matapang na ngayon angn dating.
Napatitig tuloy siya sa babaeng may makapal na makeup at maikling buhok. Suot nito ang pulang halter na cocktail dress. Maganda at balingkinitan ito pero hindi niya type. Pati pabango nito ay hindi niya type. Masyadong matamis para sa pang-amoy niya. Nakakasura.
“Nice seeing you here, Harriet,” aniyang may matipid na ngiti sa babae. He was just being civil to her, that is.
Sumulyap siya kay Darcelle na nakipagtawanan kay Raven. Malapit na malapit ang lalaki sa dalagang nakaupo sa may tapat niya lang. Naitanong niya tuloy sa sarili kung ano ang sinabi ng lalaking iyon at tawa nang tawa ang kaibigang babae. Gusto niyang mainis. Gayunpaman ay hindi niya inalis ang paningin mula sa dalawang giliw na giliw pa rin sa pag-uusap na hindi niya masyadong naririnig dahil parang nagbubulungan lang ang mga ito. Plus, may musika pang nakatugtog. Not to mention, Harriet was trying to distract him.
“So, may plano ka ba after this reunion tonight?” Pinalambing ni Harriet ang boses at saka nilandas ng isang kamay ang kanyang balikat patungo sa kanyang braso.
“Um… let me think first.” Kunwari ay nag-iisip siya. “Sorry. Kasama ko nga pala si Darcelle, eh. May pupuntahan pa kami pagkatapos nito.”
Napalingon naman sa kanya si Raven habang si Harriet ay umasim ang mukha at tumayo na para iwanan ang mesa nilang iyon.
“May pupuntahan pa kayo ni Claude pagkatapos nito?” Narinig niyang tanong ni Raven kay Darcelle.
Tumaas ang kilay ng babae na tumingin sa kanya. “Meow, pakikuha naman ako ng pagkain, o.”
“Lubus-lubsin mo na ang pagiging alalay ko, ah, hippo.” Tumayo siyang umismid dito. Iniwan na niya ang dalawa sa kanilang mesa para kumuha ng pagkain. Gutom na rin naman siya.
Habang kumukuha siya ng pagkain para sa kanilang dalawa ng dalaga ay kinausap naman siya ni Randy. Medyo mataba ito at parang puputok na ang suot nitong polo shirt at slacks. Nakipagkumustahan lang ito nang saglit sa kanya tapos ay may nabanggit itong kaso. Humingi ito sa kanya ng payo tungkol sa lupain ng pamilya nito. Binigyan naman niya ng kaunting payo ang dating kaklase na mukhang masaya sa narinig. Pagkatapos noon ay tinapik siya nito sa balikat at nagpaalam siya para bumalik sa kanilang mesa. Inilapag niya ang plato para sa dalaga at para sa kanya sa ibabaw ng mesa.
“Oy, saan ang soft drink?” ani Darcelle.
“Ang demanding mo, ah! Dalawa lang ang kamay ko, o. Ikaw naman kaya ang pumunta roon. Porke nandiyan si Raven, ayaw mo nang gumalaw sa kinauupuan mo?” sarkastikong aniya.
Tumawa si Raven sa sinabi niya. Tumayo ito para magpresinta nang ikuha ito ng soft drink. “Ako na,” sabi nito.
“Pakidalhan mo na rin ako, pare! Salamat!” pahabol niya sa mestisong lalaki.
“Kapal mo, ah. Inutusan mo pa ‘yong tao,” reklamo ng dalaga na binigyan siya ng isang ismid.
“Pakiusap ‘yon, hindi utos. May ‘paki’ nga, ‘di ba? Isa pa, ikaw nga ay hindi na nahihiyang utusan ako. Eh, si Raven? Ba’t nahihiya ka roon?” pakli niya.
Inikot nito ang mga mata. “Iba naman kasi si Raven kaysa sa ‘yo.”
“Ha!” Bahagya niyang kinalampag ang mesa.
“Hoy! Tigilan mo nga ‘yan.” Hinawakan nito ang ilang kubyertos na lumukso. “Siyanga pala, andami ng pagkaing nilagay mo sa plato ko, ah. Hindi ako balyena,” reklamo nitong pinandilatan siya. Naging linya rin ang mga labi nito habang sinalubong niya ang mga mata nito. Nag-fencing pa ang mga kilay nito.
“Tsk! Malay ko ba kung nag-di-diyeta ka diyan. Dati naman ang takaw-takaw mo. Kung ikaw na lang kaya ang kumuha ng pagkain mo kanina? Nakipagharutan ka lang naman kay Raven,” inis na tuya niya.
“Hoy, hindi ako nakipaglampungan doon, ah!” deny naman ni Darcelle. Pinandilatan pa siya nito.
Hindi na siya umimik. Pinagdiskitahan na lang niyang kainin ang humba. Nginuya niya iyon nang nginuya at parang tinutuya ang dalaga na ito ang nginunguya niya. Inirapan lang naman siya at nagsimula na itong kumain.
Napatanong naman siya sa sarili kung ano ang isinagot nito kanina kay Raven tungkol sa alibi niya kay Harriet kanina. Sinabi kaya nitong wala silang lakad? Magpapahatid kaya ito kay Raven mamaya sa apartment nito o may pupuntahan pang ibang lugar na sila lang dalawa?
Napapilig si Claude ng kanyang ulo. Siya ang kasama nitong pumunta rito kaya sabay silang uuwi na dalawa. Tapos.
Napatitig siya kay Raven na nakangiting ibinigay ang soft drink ng dalaga pagkalapag nito ng soft drink na hiningi niya. Tapos na yata itong kumain dahil panay ang pakikipag-usap nito kay Darcelle. Hindi man lang kumuha ng pagkain nito.
Bigla na naman siyang nakaramdam ng inis. Inignora na siya ng babae kasi na para bang hindi siya nag-e-exist bigla. Nakausap lang si Raven, eh.
Parang gusto niyang magwala sa inis pero siyempre naman ay ipinakita na lang niya ang kalmanteng sarili na para bang hindi siya apektado. Bakit ba kasi siya apektado? Letse talaga.
“Halika. Sayaw tayo.” Hinatak niya ang dalaga nang umalis si Raven para yata mag-CR. Napadilat si Darcelle ng mga mata at napilitang sumama sa kanya.