CHAPTER 1
Nararamdaman na ni Francheska na lumalamig na ang ihip ng hangin. Unti-unti na ring binabalot ng dilim ang buong paligid dahil sa papalubog na araw sa kanluran. Kanina pa nagsialisan ang mga kaibigan at kapitbahay na nakiramay sa kanya.
Ngunit si Francheska ay nandoon at nanatiling nakatitig pa rin sa puntod ng kanyang ina. Kanina lang nang ihatid nila sa huling hantungan ang kanyang ina. Parang hindi makapaniwala si Cheska na tuluyan na nga siyang iniwan nito.
Anim na araw na mula nang mamatay ang kanyang ina dahil sa breast cancer. Mula pagkabata ay ito na ang lagi niyang kasama. Ang kanyang ama ay hindi na niya nagisnan pa. Ayon sa kanyang inang si Leticia ay naaksidente ito sa daan dahil sa pagmamaneho nito ng lasing.
Maaga siyang naulila sa ama sa edad na tatlong taon. Bagaman at solo siyang itinaguyod ng ina ay masasabi niya na mapalad pa rin siya kahit papaano dahil natutugunan nito ang mga pangunahing pangangailangan nila.
Isang guro ang kanyang ina sa isang pampublikong paaralan sa kanilang bayan. Ang propesyon nito ang tumustos sa kanyang pag-aaral hanggang sa siya ay magkolehiyo.
Walong buwan na nga mula nang magtapos siya ng kursong Nursing. At kung kailan matutulungan niya na ang kanyang ina sa gastusin ay saka naman ito nawala.
Hindi niya mapigilan ang paglandas muli ng mga luha sa kanyang pisngi. Muli ay naalala niya ang mga pinagdaanan ng kanyang ina nitong nakalipas na mga buwan.
"Dumidilim na, hija. Tayo nang umuwi," anang tinig sa kanyang likuran.
Marahan ang ginawang paglingon ni Cheska. She saw Don Benedict Olvidares. Ang matandang don na kinamulatan niya na mula pagkabata. Hindi niya inaasahan na makikita pa ito doon. Inaakala niya na siya na lamang ang tao sa sementeryong iyon. Pero hayun at nakatayo ang don ilang dipa mula sa kanya na sa wari ay talagang inaantay siya.
Don Benedict--- iyon ang tawag ng kanyang ina dito kaya iyon ang nakasanayan niyang itawag dito. Kahit pa nagpupumilit itong tawagin niya na tito.
"Hindi niyo ho ako kailangang hintayin," magalang niyang wika dito.
"Gusto kong ihatid ka pauwi. Obligasyon kong masiguro na---"
"Wala ho kayong obligasyon sa akin," putol niya sa sasabihin pa nito.
Mula pa noon ay lagi na itong dumarating sa kanila. May dala-dalang kung anu-ano--- groceries, prutas o kahit laruan noong bata pa siya. Minsan ay naabutan niya itong nag-aabot ng pera sa kanyang ina noong elementarya pa lang siya. Na mariing tinanggihan ni Leticia. Narinig niyang sinabi ng ina na hindi nila kailangan ng salapi nito. Pero patuloy pa rin ito sa pag-abot ng tulong sa kanilang mag-ina. Na sa kalaunan ay hinahayaan na lamang ng kanyang ina. Wala ring saysay kung tanggihan nila ang mga inaabot nito dahil iginigiit iyon ng don.
"Hindi ko ho maintindihan kung bakit inoobliga ninyo ang inyong sarili sa aming mag-ina," magalang niyang turan dito.
Napabuntong-hininga ito bago nilingon ang puntod ng kanyang ina. Nasilip niya na dumaan panandali ang lungkot sa mga mata nito bago nagsalita. "Sabihin na lang natin na gusto kong makabawi sa isang tao na labis kong nasaktan."
"Hindi ko maintindihan..."
"Wala na ang mama mo. Ano ang plano mo ngayon, Cheska?" pag-iiba nito ng usapan at hindi pinansin ang sinabi niya. Ibinaling niya muli ang paningin sa puntod ng ina. Nang hindi siya sumagot ay nagpatuloy ang don. "You can work in my company if you want. You are a nursing graduate and since na mga gamot ang produkto namin---"
"Bakit niyo po ito ginagawa?"
"I told you my reason."
"Para makabawi sa taong nasaktan? Si nanay ho ba?" lakas-loob niyang tanong dito.
Tinitigan siya ng don. "Don't you know that sometimes I wished that you are my own daughter? Pero hindi iyon maaaring mangyari. But I hope someday you will get a chance to meet my son and who knows..." nagkibit-balikat ito at hindi na itinuloy ang sasabihin. "Kung hindi mo gustong ihatid kita, hija, ay sige. Pero umuwi ka na rin at padilim na." Tuluyan nang tumalikod ang don at naglakad patungo sa sasakyan nito.
Ilang minuto pa ang inilagi ni Francheska sa sementeryo bago umuwi.
Pagkauwi mula sa sementeryo ay kinausap niya si Tiya Martha--- pinsan ito ng kanyang ina na dahil sa pamamasukan bilang katulong ay hindi na nakapag-asawa.
"Balak mong tanggapin ang alok ni Mr. Olvidares?" tanong nito nang mabanggit niya ang alok na trabaho sa kanya ng don. Nakaringgan niya ng pag-aatubili ang tinig nito.
Napatanaw si Cheska sa labas ng bintana. Balot na ng dilim ang buong paligid. Kasingdilim ng buhay niya ngayong wala na ang ina. "Hindi ko po alam, tiya. Mula noon ay lagi nang andiyan si Don Benedict para tulungan kame. At hindi ko po maintindihan kung bakit niya ito ginagawa."
Naupo si Tiya Martha sa silyang narra na nasa sala nila. Ayon sa kanyang ina ay karamihan ng gamit na nasa bahay nila ay mula pa sa mga magulang nito. Naipundar umano ng lolo at lola niya dahil sa pagtatrabaho ng mga ito.
"Hindi ko alam kung tamang sabihin ko ito sa iyo, Cheska." Napalingon siya sa tiyahin na nag-aalangan sa sasabihin sa kanya. "Pero mula ng ikalawang taon mo sa kolehiyo hanggang sa makapagtapos ka ay si Don Benedict na ang nagtustos ng pag-aaral mo."
Nagugulumihanang napatitig siya sa tiyahin. "Hindi ko po maintindihan. Bakit niya ginawa iyon?"
"Nasa ikalawang taon ka pa lang sa kolehiyo nang madiskubre namin ang sakit ng iyong ina, Cheska. At nasa stage two na ito. Hindi niya kakayanin na gastusan ang pag-aaral mo kasabay ng pagpapagamot niya. Doon na nag-alok si Don Benedict na pag-aralin ka."
"Bakit po hindi niyo sinabi sa akin? Maiintindihan ko naman kung kailangan kong tumigil," naluluha na niyang sambit.
"Alam mong hindi papayag si Leticia na huminto ka..."
"Matagal niyo nang alam ang tungkol sa sakit ni Nanay pero hindi niyo sinabi sa akin?" wika niya na may hinanakit.
"Ayaw ni Leticia na mag-alala ka, hija."
"Ayaw mag-alala? Tiya, normal lang na mag-alala ako," giit niya dito. Mayamaya ay idinagdag niya, "Sino po ba si Don Benedict, Tiya Martha? Bakit ganoon na lang kung tulungan niya kame?"
Hindi sumagot ang tiyahin niya bagkus ay tumayo ito at pumasok sa sariling silid. Inaakala ni Cheska na hindi na nito sasagutin ang mga katanungan niya. Ngunit mayamaya ay lumabas ito ng silid na tangan-tangan ang isang maliit na kwaderno.
"Narito ang gusto mong malaman tungkol sa nakaraan ng iyong ina. Siguro ay masasagot niyan ang mga tanong mo."
*****
NAKATAYO sa kabilang panig ng kalsada si Francheska at nakatanaw sa katapat na kompanya--- ang Olvidares Manufacturing Corporation.
Eksaktong dalawang linggo mula ng huli niyang nakausap si Don Benedict. Mula ng libing ng kanyang ina ay hindi na muli ito nadalaw sa kanila. And now, there she was, standing outside of the big company that the don owns.
Ipinasya niyang puntahan ito sa pag-aaring kompanya nang malaman niya ang totoo mula kay Tiya Martha. Gusto niya itong personal na pasalamatan sa lahat-lahat ng tulong nito. Mula sa pagpapa-aral sa kanya hanggang sa pagtulong nito sa pagpapagamot ng nanay niya.
Mayamaya ay nakipagsabayan na siya sa mga taong tumatawid. Tinunton niya ang daan patungo sa reception area ng kompanya pagkatapos niyang dumaan sa mga guard.
Tumikhim muna siya bago magsalita. "Good morning, miss."
Tumuwid mula sa pagkakayuko ang receptionist mula sa binabasang mga papel. "Yes, ma'am? What can I do for you?" she said in a friendly tone.
"Ahmmm... Is Mr. Olvidares there?"
"Are you referring to the eldest Olvidares, ma'am?"
Napakunot-noo siya sa tanong ng receptionist. Eldest?
"Ye... yes," sagot niya. Siguro nga ay si Don Benedict ang tinutukoy nito.
"Kasalukuyan pong nasa importanteng meeting si Sir. Do you have an appointment with him, ma'am?"
"Wala eh. But I am sure na kakausapin ako ni Don Benedict. Pakisabi si Francheska," wika niya.
"Si Sir Benedict?" nagtataka nitong tanong. Nagkatinginan pa ito ng katabing babae na kasamahang receptionist.
"Yes, miss. Siya ang hanap ko."
"Hindi mo ba alam, ma'am? Wala na po si Sir Benedict."
"W-what do you mean? Umalis ba siya? Out of the country?" may panghihinayang niyang tanong. Kung napaaga lang ang punta niya ay malamang na naabutan niya pa ito. Bakit nga ba naghintay pa siya ng ilang araw bago ito kausapin?
"Wala na po si Sir Benedict," singit ng isa pang receptionist. "Naaksidente siya two weeks ago. Dead on the spot."
Shock was understatement sa narinig niya. Daig niya pa ang nasabugan ng bomba. Wala na si Don Benedict? Ang taong malaki ang naitulong sa kanilang mag-ina.
Naririnig niya pang nagsasalita ang babae ngunit hindi iyon masyadong marehistro sa utak niya. She said the exact date when Don Benedict met an accident. Exactly the date when they last met mula sa burol ng kanyang ina.
Isiping hindi masyadong maganda ang tapos ng kanilang usapan. Hindi niya man lang ito napasalamatan ng personal.
Dala ng pagkabigla, na isiping magkasunod itong nawala ng kanyang ina, hindi napigilan ni Francheska ang pagpakawala ng luha sa kanyang mga mata.
"Are you okay, miss?"
Hindi niya ito sinagot at naglakad na palabas. Pero bago pa man niya marating ang bukana ng kompanya ay tuluyang napahagulhul ng iyak si Francheska. Uncaring of what people might say ay pinakawalan niya ang mga luha.
Life is so unfair! Bakit nawawala ang mga taong nagmamalasakit sa kanya? Paano niya pa itatama ang maling akala ni Don Benedict tungkol sa nakaraan ngayong wala na ito?