Hindi parin makapaniwala si Miguel, na ngayon na magsisimula ang kanyang bagong trabaho bilang hardinero. Matapos maipadala ang kanyang resume isang linggo palang ang nakakalipas, kahapon ay kaagad siyang tinawagan ng magiging amo at sinabihang tanggap na ito sa trabaho. At heto ngayon, tanaw na ng kanyang paningin, ang napakalaking masyon ng mga Valdez. Kaya naman ng makalapit sa malaking gate ng nasabing masyon, kaagad ng pinindot ni Miguel ang doorbell na naroon.
Isang medyo may edad ng matandang babae, na batid ni Miguel ay isang kasambahay ang bumungad sa kanya pagkabukas ng malaking gate.
"Magandang umaga po, ako po ang bagong hardinero." pakilala ni Miguel sa matanda.
Saglit namang pinagmasdan ng matanda ang lalaki, at ng makita ang guwapong mukhang meron ang kaharap, naiiling na pinagbuksan na niya ang nagpakilalang bago nilang hardinero.
"Sundan mo ako hijo." saad ng matanda.
Sa narinig sa matanda, kaagad namang sumunod si Miguel. At habang nakasunod ito, saglit na pinagmasdan ni Miguel ang paligid ng malawak na bakuran ng masyon, at gaya nga ng kanyang inaasahan, hindi magiging madali ang bago niyang trabaho, sa lawak ng hardin na kita ng kanyang dalawang mga mata.
Ilang minuto pang paglalakad, narating na rin nila ang malaking pintuan papasok sa masyon.
"Maghintay ka muna sa sala hijo at tatawagin ko lang si Ma'am Violet." baling ng matanda kay Miguel pagkabukas nito ng pinto.
"Sige po." magalang na sagot ni Miguel, at iniwan na nga siya ng matanda. Minabuti naman ni Miguel na maupo sa sofa, habang hinihintay nito ang pagbaba ng bagong amo. At habang naghihintay, pasimple nitong pinagmasdan ang paligid ng malawak na sala. Sa nakita nitong maraming cctv na nakalagay sa mga sulok ng nasabing sala, pati na sa ilang bahagi ng mansyon na tanaw ng malinaw niyang mga mata, alam kaagad ni Miguel na tama ang kanyang naisip na hindi magiging madali ang totoong pakay niya sa lugar.
Nang marinig ng matalas na mga tenga ni Miguel, ang mga yabag na galing sa taong pababa ng malaking hagdan, na unang bumungad sa kanya pagkapasok niya ng mansyon kanina. Inayos na ni Miguel ang sarili, dahil alam nitong umpisa na ng kanyang pagpapanggap.
"Hijo, heto na si ma'am Violet." tawag ng pansin ng matandang kasambahay kay Miguel.
Kaagad namang tumayo si Miguel, at bumaling sa magiging amo.
"Magandang umaga po ma'am, ako po si Miguel ang bagong niyong hardinero." pakilala ni Miguel at medyo natigilan siya ng makita ang mukha ng babaeng amo. Taliwas sa inaasahan niyang may edad ng babae ang bubungad sa kanya, inaamin ni Miguel na mas bata ang maganda at seksing babaeng kaharap niya ngayon.
"Masyado namang nakakatanda ang ma'am, at 'wag mo na akong popoin, mukhang hindi naman nagkakalayo ang mga edad natin." saad ni Violet at nagugustuhan nito ang nakikitang makisig at guwapong lalaki na bago nilang hardinero.
Samantala, pigil ng matandang kasambahay na si Myrna ang mapailing, dahil gaya ng kanyang inaasahan, may bago na namang pagkakaabalahan ang malanding babaeng amo.
"Hindi naman po yata tama iyon ma'am, amo ko kayo, kaya normal lang po na igalang ko kayo." sagot naman ni Miguel sa babaeng amo. At kita rin nito ang pagkilatis ng babae sa kanya mula ulo hanggang paa.
"You're right but I insist, just drop the po and opo thing, just call me Ma'am Violet okay." ngiting saad ni Violet at lahad pa nito ng sariling kamay sa makisig at guwapong lalaking kaharap.
Maagap naman na inabot ni Miguel ang nakalahad na kamay ng babaeng amo, pero hindi siya basta-basta magpapadala sa nakangiti at magandang mukhang meron si Violet, dahil alam nitong isang mapanganib na tao ang sinumang makakasalamuha niya sa masyon na ito ng mga Valdez.
"Sige ma'am Violet, ibig ba nitong sabihin ay magsisimula na rin ako ngayon?" sagot at tanong ni Miguel sa amo, na batid rin ng binata na ayaw ng pakawalan ng babae ang kanyang kamay.
Gaya nga ng kanyang inaasahan sa lalaking kaharap, sa pagkikipagkamay pa lang niya sa bagong hardinero, alam at ramdam ni Violet na brusko at lalaking-lalaki ang matipunong si Miguel, kaya naman hindi na siya makapaghintay na maakit ang huli, gaya ng maraming lalaking patay na patay sa kanya.
"Oo naman at sasamahan na kita palabas, dahil gusto kong makita kung paano mo ako didiligan, I mean ang mga halaman ko sa garden." ngiting sagot ni Violet na may kasama pang pang-aakit.
Hindi inaasahan ni Miguel na sa unang pagkikita palang nila ng babaeng amo ay lantarang magpapakita kaagad ito ng interes sa kanya. Ganunman, handang ibigay ni Miguel ang kahit na ano, basta maging matagumpay lang ang kanyang plano, na dahilan ng pananatili niya sa Mansyon ng mga Valdez.
"Palabiro pala kayo ma'am Violet, sige ituro mo sa akin kung saan ang kailangan kong diligan." 'di papatalong sagot ni Miguel.
"Kung ganun halika, at sigurado akong magugustuhan mo ang ipapadilig ko sa'yo." ngiting yakag ni Violet sa hot niyang hardinero.
At sinundan nga ni Miguel ang babaeng amo, na gaya ng kanyang inaasahan ay mahilig nga sa guwapo at matipunong lalaki na katulad niya.
'Mukha pa namang mabait ang binata, pero sigurado akong matutulad rin ito sa mga naging lalaki ni Violet, na ipapaligpit ni sir kapag nabisto nito na nagkaroon ito ng relasyon kay ma'am.' saad sa sarili ni Myrna, na naiwang sinundan ng tingin ang papalabas na babaeng amo kasama ng bago nilang hardinero.
...
Dahil araw ng sabado, medyo late na ng magising si Timothy. At gaya ng madalas niyang gawin sa tuwing gigising siya, unang ginawa ng binata ay ang kapain ang salamin na nasa malapit na mesa sa kanyang kama, medyo malabo kasi ang paningin na mayroon siya, at ang pagsusuot ng salamin sa mata ay malaking tulong para makakita siya na maayos. Kaya naman pagkakapa nito sa salamin, mabilis na isunuot na rin niya ito. Saglit na nag-unat siya ng mga braso bago ito tuluyang bumangon, at ng makabangon ay gaya ng kanyang palagiang ginagawa, kaagad nitong hinawi ang kurtina sa kanyang bintana, para tignan ang hardin na nasa tapat ng kanyang kuwarto. Pero hindi ang inaasahan niyang mga tanim na halaman na puno ng iba't-ibang bulaklak, isang matipunong lalaking walang suot na damit na kasalukuyang nagdidilig sa mga ito ang bumungad kay Timothy. Kaya naman sandaling natigilan ang binata at tinignan ang makisig na lalaking abala parin sa pagdidilig ng mga halaman, pero ng matauhan sa kanyang ginagawa, mabilis na tinakpan muli ng kurtina ni Timothy ang bintana sa kanyang kuwarto, bago pa siya mahuli ng lalaki at mag-isip ng masama sa kanya.
Hindi naman napansin ni Miguel ang pagtingin na iyon sa kanya ni Timothy, pero batid ng una ang paggalaw ng kurtina sa bintanang kaharap ng kinaroonan niyang hardin.
'Bago siguro naming hardinero.' kausap sa sarili ni Timothy at muli'y bumalik sa kanyang isipan ang magandang katawan ng lalaking nasa hardin na katapat lang ng sariling kuwarto.
...
Matapos makaligo ay lumabas na sa kanyang kuwarto si Timothy para kumain ng almusal. Pagdating nga sa hapag ng binata, kaagad naman siyang napansin ng kanyang yayang si Myrna.
"Senorito maupo ka na." nakangiting saad ni Myrna, at mabilis nitong naihanda ang pagkain ng kaisa-isang taong dahilan ng pananatili parin niya sa mansyon ng mga Valdez.
"Salamat po nay Myrna, sabayan na po ninyo ako." nakangiting anyaya ni Timothy sa itinuring na niyang ina.
"Hindi na senorito, mamaya na lang ako kakain kasama ng iba." tanggi ng matanda at ayaw nitong makita ni Violet ang pagsama niya sa almusal sa alaga.
"Nay naman, kung si tita Violet ang inaalala ninyo, ako pong bahala sa kanya." saad ni Timothy sa alam nitong dahilan ng pagtanggi sa kanya ng matanda.
"Ayos lang ako senorito, tama naman siya, na ang kasambahay ay 'di dapat sabayan ang amo sa pagkain."
"Nay, alam ho naman n'yo na hindi lang bilang kasambahay ang turing ko sa inyo, kung tutuusin mas gusto ko pa pong kayo ang kasabay ko kesa sa taong iyon."
"Alam ko naman iyon senorito, pero ako na lang ang iiwas at ayokong magtalo pa kayo ni ma'am ng dahil sa akin." sagot ng matanda.
Wala na ngang nagawa pa si Timothy, kaya gaya ng madalas na nangyayari, muli, mag-isa na naman siyang kumain ng almusal sa mahabang hapag na iyon. Minsan pa, hiniling ng binata na sana ay isang simpleng buhay na lang ang mayroon siya, hindi sa tinatanggihan niya ang mariwasang buhay na mayroon siya simula ng isilang siya, pero kung ang kapalit ay may buo siyang pamilya na palaging kasalo niya sa pagkain, handang iwanan ni Timothy anumang oras ang buhay Prinsepeng kanyang tinatamasa.
Matapos kumain ay kaagad na lumabas ng masyon ang binata, nakalimutan rin niya pansamantala ang nakitang lalaki kanina, kaya ngayon ay papunta siya sa kanyang sariling hardin, na siya mismo ang nagtanim ng mga halaman na naroon.
Dala ang isang gunting na gagamitin niya sa pagtanggal sa mga damong ligaw at mga natuyong dahon sa mga tanim nitong bulaklak, kaagad ng nagtungo si Timothy sa lugar ng hardin na katapat lang ng kanyang kuwarto.
Sa mga sandaling iyon, nandoon malapit sa lugar rin na iyon si Miguel, na malapit ng simulan ang pagtabas ng mga damo sa malawak na hardin.
Abala sa pagputol ng mga tuyong dahon si Timothy, nang marinig nito ang maingay na dulot ng makinang ginagamit sa pagtabas ng damo.
Sa gulat nga ni Timothy at napaatras ito na naging dahilan ng pagkatumba nito, pero mabuti na lang na naitukod niya ang dalawang kamay, kaya hindi tumama ang kanyang ulo kahit pa sa lupa lang sana ang babagsakan nito. At dala ng impact ng nangyari sa kanya, nahulog rin ang salamin na suot ng binata, kaya naman ng makaupo, simulan na nitong kapain ang malapit sa kinauupuan, sa pagbabakasakaling kaagad na mahanap ang nahulog na salamin.
Ang pagkagulat na naging dahilan nga ng pagkatumbang nangyaring 'yon kay Timothy ay nasaksihan ni Miguel, na ilang metro lang ang layo sa kinaroroonan ng una. Kaya naman napakunot-noo ang binata, nang makita nito ang ginagawang pagkapa ng lalaking malapit lang sa kanya. At ng mapagtanto ni Miguel ang dahilan ng pagkapa ng binatang kasalukuyan niyang pinagmamasdan, hindi na nag-aksaya pa ng panahon ito at lumapit na sa kinaroroonan ng lalaki na patuloy parin sa pagkapa sa lupa.
Ilang minuto na rin siya sa ginagawa at dahil sa malabo ang kanyang paningin, hirap si Timothy na mahanap ang nahulog nitong salamin. Abala parin ito sa paghahanap, nang mapansin nito ang bulto ng tao na lumapit na sa kinalalagyan niya.
At malabo man ang mga mata, nakasisiguro ang binata na isang lalaki ang ngayon ay malapit lang sa kanya.
"Si-sino ka?" kabang tanong ni Timothy sa lalaki.
Walang narinig na sagot si Timothy sa lalaki, sa halip isang kamay ang sumunod na naramdaman ng binata sa kanyang baba.
Sa paglapit nga ni Miguel sa kinaroroonan ng lalaki, isang salamin ang kaagad na nakita nito. Sa puntong iyon, tama nga ang kanyang hinala na ang bagay na iyon ang hinahanap ng lalaki. Kaya naman, para matulungan ang lalaki ay mabilis na pinulot ni Miguel ang salamin. At sa ginawa ay nakuha nito ang atensyon ng lalaki, na bagamat batid niyang malabo ang paningin ay alam na ang kanyang presensya. Kasunod nga nito ang pagtatanong ng lalaki, kung sino siya, pero hindi sinagot ni Miguel ang tanong na iyon, sa halip ay nakita na lamang nito ang sarili, na imbes na iabot sa lalaki ang pag-aaring salamin, gamit ang isang niyang kamay, hinawakan niya ang baba ng lalaki at ipinasuot rito ang salamin na kanina pa nito hinahanap.
Pagkasuot ng kanyang salamin, bumungad sa dalawang mata ni Timothy ang seryosong guwapong mukha ng lalaki, na siyang tumulong sa kanya para muling makakita ng maayos.
Hindi naman alam sa sandaling iyon ni Miguel, kung bakit bigla itong natigilan ng mapako ang kanyang paningin sa mukha ng lalaking kanyang tinulungan. At nanatili parin sa baba ng lalaki ang kanyang kamay.
Nagtataka man si Timothy sa tila ba natigilang lalaki, pinili na lamang na magsalita ng binata.
"Uhm salamat kuya."
Sa narinig, doon pa lang natauhan si Miguel, at mabilis na tinanggal ang kamay na nasa baba parin ng lalaki.
"Wala 'yon, oo nga pala sa tanong mo kanina, ako si Miguel ang bagong hardinero dito sa mansyon." sagot at pakilala ni Miguel, sabay lahad pa nito sa isang kamay.
"Ako naman si Timothy kuya Miguel, anak ako ng may-ari ng mansyon." pakilala ni Timothy at inabot naman ang nakalahad na kamay ng bago nilang hardinero. At naging dahilan nga para masilayan muli ng binata, ang magandang katawan ng bago nilang hardinero na siyang unang nakita niya kanina, pagkabukas niya ng kurtina sa bintana ng sariling kuwarto.
Lihim namang napangiti si Miguel, na nahalata ang napakong pagtitig sa kanyang katawan ng bagong kakilala, na kaisa-isang pa palang anak ng taong pakay niya sa mansyong iyon. At sa naisip na maaari nitong gamitin, ang lalaking kasalukuyang hawak parin ng isa niyang kamay, isang plano ang kaagad na sumunod na nabuo sa kanyang isipan. At hindi na nag-aksaya pa ng oras si Miguel, dala parin ng magkatagpo nilang mga kamay ni Timothy, mabilis nitong nahila papunta sa kanya ang huli.
Sa hindi nga naisip na gagawin sa kanya ng bagong kakilalang lalaki, sa paghila nito sa kanya ay naging dahilan para mapunta ang kanyang mukha sa dibdib ng walang suot na pang-itaas na bago nilang hardinero. At bago pa makaalis sa puwestong iyon si Timothy, sunod na naramdaman nito ang isang braso ni Miguel na pumalupot sa kanyang likod.
"Mamayang gabi, samahan mo ako sa kuwarto ko." bulong ni Miguel sa tenga ni Timothy, bago nito pakawalan ang huli.
Ang kabang dulot ng makisig na lalaki na tumulong sa kanya kanina, sa isang iglap lang ay napalitan ng pagkainis. Inaamin ni Timothy na tagilid ang kanyang sekswalidad, at alam lahat ng mga kasama niya sa mansyon ang tungkol sa bagay na iyon. Aminado rin siya na bagamat hindi natuwa sa kanya ang daddy niya ng ipaalam nito ang tungkol dun, wala naman siyang narinig na masamang salita galing dito. Puwera na lang sa kaisa-isang tao na si Violet, na sa simula palang ay pareho na ang pagkadisguto nila sa isa't-isa. Kaya naman sa narinig nitong salita na galing sa bago nilang hardinero, inaamin ni Timothy na tila ba pambabastos iyon sa kanya ng lalaki.
Kaya naman ng maramdaman niya ang pagluwag ng hawak sa kanya ng hardinero, isang malakas na pagtulak ang ibinigay ni Timothy sa para sa kanya ay bastos na lalaki.
"Kung hayok ka sa bagay na iyon, sa iba mo hanapin!" inis na turan ni Timothy at mabilis nitong iniwanan ang bastos na hardinero.
Hindi naman inaasahan ni Miguel ang reaksyon na iyon ni Timothy, na matapos itulak ng huli ay mabilis na nakuha ang balanse bago pa ito mabuwal sa pagkakatayo. At imbes na magalit sa tinuran ni Timothy, namalayan na lang ng binata ang sariling napapangiti habang pinagmamasdan ang papalayong anyo ng nainis sa kanyang lalaki.
"Mahihirapan yata ako sa herederong iyon." naiiling pero nangingiting kausap sa sarili ni Miguel.