Maaga akong gumising para magluto at mag-asikaso. Alas tres pa lang ay dilat na ang mga mata ko. Pumunta na ako sa kusina at saka lumapit sa ref.
"Ano kaya ang puwedeng lutuin ngayon?" tanong ko sa sarili ko.
Panay kasi kami frozen foods sa umaga at instant naman sa gabi. Nagluluto naman sila ng ulam pero 'yung mga basic lang gaya ng pritong isda, adobong sitaw, tortang talong at adobong baboy.
This time ako naman ang magluluto. Hindi lang pang-agahan dahil puwede na ring pang-tanghalian.
Kumuha ako ng kalahating pusit, bawang, suka, at toyo. Pumunta ako sa lamesa at nagsimula nang mag-gayat ng bawang at saka ihinanda ang kalan at kawali para sa pagluluto. Pagkabukas ko ng apoy ay may nakita ako sa taas ng ref. Mga sachet ng kung anu-anong pampalasa.
Lumapit ako dito at saka tiningnan ang mga ito. Habang tinitingnan ay naagaw ng atensiyon ko ang isang malaking sachet.
"Coconut milk powder?" pagbasa ko sa nakasulat. Nakaisip ako ng ideya para mas sumarap pa ang lulutuin ko. Masarap sana kung purong gata kaso ito lang ang mayroon dito kaya ito na lang muna ang gagamitin ko.
Una, iginisa ko muna ang bawang bago ko inilagay ang mga pusit at saka pinakulo ito ng dalawang minuto.
Makalipas ang dalawang minuto…naglagay ako ng 1/4 na suka at isang tablespoon ng toyo at muli na naman itong pinakuluan sa loob ng walong minuto.
Sunod ko naman na ginawa ang paglalagay ng coconut milk powder at mga pampalasa gaya ng asin at paminta. Muli ko itong pinakuluaan ng ilang minuto bago patayin ang apoy.
Napatingin ako sa lagayan ng mga sangkap at saka kinuha roon ang spring onion at hiniwa ang mga ito sa maliliit at saka inilagay sa ibabaw ng ulam bilang toppings.
"Wow, ang bango naman niyan!" sabi ni Tessa na papalapit sa akin habang nasa likuran niya naman si Christian.
"Mukhang masarap iyan, ah?" sabi naman ni Christian habang tinitingnan nilang dalawa ang luto ko.
"Ano'ng mukhang masarap? Panigurado masarap na iyan, puwede na bang kumain?" sabi ni Tessa kaya ngumiti ako sa kanila.
"Oo naman, ang aga niyo pala? May lakad ba kayo?" tanong ko sa kanila.
"May check up ako ngayon, sasamahan ako ni Christian bago siya pumasok sa work," sabi ni Tessa sa akin habang kumukuha siya ng mga plato, kutsara at tinidor. Inabot naman sa akin ni Christian ang isang mangkok para sa ulam at siya na ang nagsandok ng kanin na sinaing pa kagabi. Lumapit na kaming tatlo sa lamesa pero bago iyon ay kumuha muna si Tessa ng pitsel at tatlong baso para sa amin. Nagtimpla naman ng kape si Christian para din sa aming tatlo.
"Tara, kumain na tayo," excited na sabi ni Tessa at saka kami nagdasal na tatlo bago kumain. Nang matapos ay pinauna ko na silang mag-sandok para malaman ko kaagad ang feedback nila. Pagkasubo pa lamang nila ng kanin at ulam ay nakita ko na ang kinang sa mga mata nila kaya natawa ako habang pinagmamasdan ang dalawa.
"Ang sarap!" sabay na sabi nila kaya ngumiti ako at kumain na rin kasabay nila.
"Ano pala ang tawag sa luto na ito?" tanong ni Christian sa akin.
"Dapat adobo talaga ang gagawin ko pero may nakita akong coconut milk powder kaya ang tawag na diyan ay squid with coconut milk," sagot ko sa kaniya kaya tumangu-tango siya at nagpatuloy na kami sa pagkain. Halos maubos ang ulam namin ngayong agahan dahil sa hindi nila mapigilan ang kaning pagkain dahil daw sa sobrang sarap.
"Naku, dapat ikaw na ang nagluluto rito, eh," sabi ni Tessa sa akin kaya ngumiti ako sa kaniya.
"Ano ka ba? Kahit naman masarap siyang magluto, eh, hindi dapat siya panay kilos dito," sabi ni Christian kay Tessa.
"Puwede naman, walang problema sa akin, at saka nakikitira naman ako dito kaya okay lang talaga," sabi ko sa kanila kaya nginitian nila ako.
"Naku, dapat pinagluluto mo rin si Madam dahil panay pa-order 'yon ng lunch, 'di ba?" sabi ni Tessa sa akin. Napasimangot naman ako sa sinabi niya. Trabaho ko pa ba iyon? At saka baka itapon niya lang kung gagawin ko iyon.
"Gusto no'n mga mahal, baka hindi iyon mahilig sa mga cheap," sagot ko sa kaniya kaya sabay sila na umiling na dalawa.
"Ano ka ba, sir? Masarap ang luto mo dahil para kaming nasa isang sikat na restaurant," sabi ni Tessa sa akin.
"Iyan ba ang balak mong i-business, sir?" tanong ni Christian sa akin kaya nginitian ko siya.
"Oo, dahil ito ang passion ko," sabi ko kaya nakita ko na naman ang pagkinang sa mga mata nila.
"Hala, sana kami ang kuhain mo na taga-tikim," sabi nila kaya nagtawanan kami.
"Bakit hindi? Haha, sige pagbubutihin ko ang pagpra-practice," sabi ko sa kanila.
"Sus, sisiw lang ito sa 'yo, baka nga pati si Madam mapaluhod mo kapag natikman ang luto mo," sabi ni Tessa kaya nagtawanan na naman kami.
"Sige na, mag-asikaso na ako, ingat kayo sa lakad niyo," paalam ko at nagpunta na sa guest room.
*
"Sabihin mo sa kaniya na hindi ako makikipagkita sa bisugo na iyon!" Pagkapasok ko pa lang ng opisina niya ay iyon na kaagad ang nabungaran ko. May kaaway na naman siguro siya. Baka yung kaaway niya rin no'ng nakaraan.
Napatahimik siya nang makita ako at saka ako inirapan at kinausap na naman ang kausap niya sa kaniyang cellphone.
Maldita!
"No, way! I will never ever do that, I'm gonna end this call coz you're wasting my time," aniya at saka padabog na inilapag ang kaniyang cellphone sa lamesa.
"Ma'am, ito na po ang mga record na kailangan niyo," sabi ko sa kaniya na lumapit sa kinauupuan niya. Bahagya siyang napaatras at nagtama ang paningin namin na dalawa. Ganito ba siya kailag sa mga lalaki?
Inilapag ko sa kaniyang lamesa ang mga folder na naglalaman ng records for the past months. Tiningnan ko siya at saka ako lumakad paatras habang nakatingin din siya sa akin.
Siguro kailangan ko rin na mag-adjust para sa kaniya dahil baka may rason siya kung bakit galit siya sa mga lalaki.
Hindi niya na ako inimikan pa at saka tiningnan na lamang ang ibinigay ko sa kaniya.
Napaupo ako sa coach at saka isinandal ang aking likuran dito. Hindi ko napigilan ang sarili ko na ipikit ang mga mata ko dahil sa pagod. Wala naman akong gagawin at isa pa wala pa naman siyang iuutos sa akin.
"Pagod ka?" Tila malambing na tono sa aking pandinig na sabi ni Ma'am Ezy. Iminulat ko ang mga mata ko at saka siya tiningnan sa mga mata. Nakita ko pa na namula ang kaniyang pisngi bago ako irapan.
"Bakit ba paikot ka nang paikot sa mga mata mo?" bigla kong naitanong sa kaniya kaya tiningnan niya ako nang masama.
"Eh, kung ang mga mata mo kaya ang paikutin ko? At saka ano ba iyang salamin mo na iyan? Napaka-cheap!" sabi niya sa akin at na-hurt ako sa sinabi niya kaya iniwasan ko ang mga tingin niya sa akin.
"Oh, I didn't mean to hurt you. What I was trying to say is…" Hindi makapag-desisyon na sabi niya.
"Ano?" tanong ko kaya inirapan niya ako at saka tumayo papalapit sa akin.
"I want to buy you a new one!" sabi niya habang pinagkrus ng landas ang kaniyang dalawang kamay sa ilalim ng kaniyang dibdib.
"For what?" tanong ko habang nakatingala sa kaniya.
"You are my secretary so ginagawa ko ito para sa mga empleado ko, maliwanag na ba?" pagpipigil na inis niya na sabi habang binibigyan ako ng isang pilit na ngiti. Napangiti ako sa ginawa niya at saka humawak sa aking baba.
"Alam ko, iniisip ko lang kasi na baka may iba ka pang rason kung bakit mo ito gagawin sa akin," sabi ko sa kaniya kaya namula siya at iniwas ang kaniyang tingin sa akin. Ibinaba niya ang kaniyang dalawang kamay bago siya magsalita.
"Kung ayaw mo, eh, 'di 'wag! Madali lang naman akong kausap, eh." Pagsusungit niya at akmang tatalikuran niya ako ay hinawakan ko ang kaniyang kanang kamay at saka tiningnan siya ng diretso sa kaniyang mga mata.
Nakita ko ang gulat sa kaniyang mga mata dahil sa ginawa ko kaya kaagad ko rin siyang binitiwan.
"Sorry, nabigla lang ako," sinserong usal ko sa kaniya. Umiwas siya ng tingin at saka naupo sa couch sa kanan ko.
"Bakit ang dali lang para sa iyo na sabihin ang mga iyan?" tanong niya sa akin.
"Ah, sorry, hindi ko talaga sinasadya," sabi ko sa kaniya kaya tiningnan niya ako nang may pagtataka.
"Sir@ulo, ang ibig kong sabihin ay yung sorry," sabi niya sa akin kaya nakahinga ako nang maluwag.
"Kung sincere ka sa paghingi ng tawad hindi mo na patatagalin pa para hindi na ito lumala," sabi ko sa kaniya kaya napabuga siya ng hangin bago magsalita.
"Tungkol sa nangyari kahapon, sorry, wala lang talaga ako sa sarili ko," sabi niya at saka tumayo na.
Para akong nawala sa sarili ko nang marinig ko ang mga sinabi niya.
"Isa pa nga?" Hiling ko sa kaniya pero bumalik na naman ang pagiging masungit niya.
"Tumayo ka na nga diyan!" sabi niya sa akin. Ngumiti ako sa kaniya at saka tumayo na.
"Lalabas na ako, tawagin mo na lang ako if you need anything," sabi ko sa kaniya. Akmang hahakbang na ako papunta sa pinto pero nagsalita na naman siya para pigilan ako.
"Sandali lang!" sabi niya at narinig ko ang tunog ng kaniyang mga takong papunta sa mesa niya. Nakita ko siyang binuksan ang kaniyang drawer at saka may inilabas na pa-rectangle na box at inabot ito sa akin.
"Ano ito?" tanong ko at nakita ko na naman ang pag-ikot ng mga mata niya kaya binuksan ko na lamang ang box at saka tiningnan ang loob nito. Napangiti ako nang makita ko ang tatak nito.
"Queenslyn? Mahal ito 'di ba?" sabi ko habang inilalabas ang eye glass sa bag.
"Oo, and I think you can't afford that kaya ako na mismo ang bumili," masungit na sabi niya. Imbis na mainis ako sa kaniya ay mas lalo akong natuwa. Hindi niya ipinapakita ang totoo niyang nararamdaman kaya nagsusungit siya.
"Sinusuot iyan, hindi tinitingnan, akin na nga ako ang magsusuot sa iyo!" sabi niya at saka inagaw sa akin ang salamin. Hinubad ko ang salamin na suot ko at saka tumitig sa kaniya. Nakita ko sa mga mata niya na titig na titig siya sa aking mukha habang namumula ang kaniyang dalawang pisngi. Mas matangkad ako sa kaniya kahit pa nakasuot siya ng sapatos na may takong. Nakatingala siya sa akin at ako naman ay nakayuko sa kaniya.
"Huwag mo nga akong tingnan," sabi niya at saka dahan-dahang isinuot ang salamin sa mga mata ko.
Hawak-hawak niya ang salamin na nasa mga mata ko habang sinusuri ito na nakasuot sa akin.
"Alam mo, mas bagay sa iyo na walang salamin, saka wala nga pala itong grado kasi alam ko namang walang grado ang salamin na gamit mo," sabi niya habang nakatingin sa akin. Napangiti ako sa itsura niya dahil napaka-inosente niyang tingnan.
"Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaki sa malapitan?" tanong ko sa kaniya kaya nanlaki ang mga mata niya.
Bibitiwan niya na sana ako nang biglang may pumasok sa loob ng kaniyang office kaya sabay kaming napalingon dito habang gano'n pa rin ang aming sitwasyon.