Episode-1

2009 Words
INIISIP ni Diego ang offer ng taong nag-hire sa kanilang dalawa ng kaibigan niyang si Dante. Kung siya lang ay hindi siya magdadalawang-isip na sunggaban agad ang oportunidad. Ngunit kailangan muna niyang isangguni iyon kay Dante. “Pare, tatanggapin mo ba ang iniaalok sa ’yo? Gusto lang kitang paalalahanan na mga sindikato ang nag-hire sa ’tin, baka diyan tayo madisgrasya,” sabi ni Dante sa kanya. “Kahit buhay ko isusugal ko para sa kaligtasan niya. Matagal ko nang pinangarap na makasama ang babaeng ’yon. At sa pagkakataong ito ay hinding-hindi ko na siya pakakawalan pa. Pero siyempre, kailangan kong malaman ang sagot mo kung papayag ka,” sagot ni Diego. “Pero napakadelikado ng papasukin mo, pare. Isa pa, napakayaman ng babaeng ’yon. Sa palagay mo ba, papatulan niya ang kagaya mo? Magandang lalaki ka, matangkad, may magandang katawan, at mukha kang mayaman. Kaya lang, kahit bali-baliktarin pa natin ang mundo, mga tambay lang tayo na walang trabaho.” Napangiwi si Diego sa tinuran ng kaibigan. Totoo naman na wala siyang maipagmamalaki. Subalit sa pagkakataong ito ay susugal siya. Gagawin niya ang lahat para iligtas ang babaeng matagal na niyang pangarap. Biglang sumakit ang kanyang ulo at napansin agad iyon ni Dante. Namimilipit siya habang hawak ang magkabilang sentido. “Pare, okay ka lang ba? Ano’ng nangyayari sa ’yo. Dalhin na kita sa ospital?” Pinagpawisan siya nang malapot. Kakaiba ang pagsigid ng sakit ng kanyang ulo at para siyang masusuka. Malalakas ang pitik ng mga ugat niya sa ulo na parang anumang oras ay maaari siyang bumigay. “Bigyan mo lang ako ng tubig.” Halos takbuhin naman ni Dante ang kusina sa loob ng tinitirhan nilang barong-barong. “Pare, heto bilis, inumin mo agad.” Mabilis iniabot ni Dante ang isang baso ng tubig. Inisang lagok lang ni Diego iyon. Sumandal siya sa kahoy na upuan at saka pumikit, hanggang sa naramdaman niya na unti-unting nabawasan ang kirot at bumalik na sa normal ang kanyang pakiramdam. Nag-aalalang mukha ng kaibigan ang kanyang namulatan. “Sigurado ka bang okay ka na, pare? Ano kaya kung pumunta tayo ng ospital at ipa-checkup mo na ’yan? Baka iba na ’yang pagsakit-sakit ng ulo mo, eh.” Ayaw niyang mag-isip ng kung ano-ano dahil kahit ang kaibigan niya ay walang alam sa tunay niyang kalagayan. Ayaw rin niyang mag-alala ito sa kanya. “Pare, papaano pala kung nasa gitna tayo ng operasyon at biglang sumakit nang ganyan ang ulo mo? Sa palagay ko talaga, hindi tama ang desisyon mo. Mahirap na, pare. Papaano kung mangyari ang kagaya nito?” “Hindi naman siguro, bro. Saka ngayon ko lang naman ito naramdaman. Baka nagkataon lang dahil sobrang init. Basta ’pag tumawag uli ’yong lalaki, ipakiusap mo agad sa ’kin, okay?” sagot ni Diego. Napatango na lang si Dante sa kaibigan. Halos isang taon na niyang kaibigan si Diego at napakabait nito sa kanya. Sa tono ng pananalita nito ay mukha itong may pinag-aralan, napakapropesyonal din nito kung kumilos. *** GABI na at nasa higaan na si Diego nang maalala niya ang biglaang pagsakit ng ulo. Biglang may pumasok na alaala sa kanya—isang mansiyon at mga lalaking kamukha niya. Pilit niyang inalala iyon pero kahit ano’ng pilit niya ay hindi niya ito maalala. Ang sabi ng mag-asawang tumulong sa kanya ay nakita raw siya ng mga ito na duguan sa gilid ng dalampasigan. Naalala na naman niya ang mag-asawa. Ang huling paalam sa kanya ng mga ito ay dadalawin lang ang mga anak sa Maynila pero hindi na sila bumalik pa. Mag-isa na lang siya ngayon sa barong-barong. Mabuti na lang at sinasamahan siya ni Dante. Minsan nagtataka siya sa kanyang sarili, parang may gusto siyang gawin pero hindi naman niya iyon maalala. ’Pag nanonood siya ng TV, may biglang pumapasok sa isipan niya. Nagsasalimbayan ang mukha ng tatlong lalaki na kamukha niya, pati na ang mag-asawang may-edad na malawak ang pagkakangiti sa kanya. Sinubukan niyang kalimutan iyon at pilit inisip ang misyon na nais niyang makuha upang mailigtas ang babaeng kanyang minamahal. Kinabukasan ay maaga siyang gumising at agad pinuntahan sa mahabang upuan si Dante. “Hey, bro. Wake up. Ano? Tumawag na ba?” tanong ni Diego kay Dante. “Wala, pare. Baka nakahanap na ng iba ang mga ’yon. Kaya huwag mo na ’yong isipin at baka sumakit na naman ang ulo mo,” kamot-ulo nitong sagot sa kanya. Panghihinayang ang nadama ni Diego. Bagsak ang balikat siyang tumalikod at lumabas ng barong-barong. Sinundan lang ng tingin ni Dante ang kaibigan. Naawa siya rito. Talagang tinamaan ito sa magandang babaeng ’yon. Malabo namang magkagusto ang dalaga sa kaibigan dahil langit at lupa ang pagitan ng dalawa. Isa pa, ang alam niya sa mga mayayaman ay mga magulang ang humahanap ng mapapangasawa ng kanilang anak. Sa katayuan ng kaibigan niya ay siguradong hindi ito papasa sa mga magulang ng babae. Sinundan niya ito sa labas at inakbayan nang biglang mag-ring ang cell phone niya sa bulsa. Agad na nangislap ang mga mata ni Diego, umaasa na iyon na ang hinihintay nitong tawag. “Hello. Ano ho ang kailangan nila?” “Pare, ako ang naghahanap ng tao. Interesado pa ba kayo ng kaibigan mo? Maaari bang pumunta na kayo dito ngayon din? Nagmamadali si Boss dahil buhay ng anak niya ang nakataya rito.” Sasagot pa sana si Dante nang hablutin ni Diego ang cell phone at agad na nakipag-usap sa nasa kabilang linya. Matapos ang tawag ay mabilis hinila ni Diego si Dante papasok ng bahay. Nagmamadali siyang nagluto ng kanin at nagbukas ng sardinas. Kailangang may laman ang tiyan nila dahil malayo ang magiging biyahe nila. *** HALOS anim na oras ang biyahe ng bus na sinakyan nina Diego at Dante patungo sa Zamboanga City. Puro kabundukan ang nadadaanan nila at bihira na rin ang mga sasakyan sa dakong iyon. Pinakahuling bus station ang binabaan nila. Isang lalaki ang lumapit sa kanila at bumulong kay Diego. Malalaki ang hakbang na sumunod sila rito at sumakay sa isang pampasaherong tricycle. Wala silang imikan habang bumibiyahe hanggang maging rough road na ang kalsada. Ilang makitid na daan pa ang pinasok nila hanggang sa makarating sila sa lugar. Bumaba sila ng tricycle at halos nasa labinlimang matipunong lalaki ang sumalubong sa kanila, karamihan ay mukhang mga sanggano. Dalawang lalaki ang lumapit sa kanila at sumenyas na sumunod sila. Nagkatinginan lang sila at naglakad na sa likuran ng mga ito. Nagtataasang talahiban ang lugar. Huminto sila sa harap ng limang lalaki. Lahat sila may mga hawak na baril. “Marunong ba kayong humawak nito?” Agad na sumagot si Diego. “Yes, boss!” Bumaling ang mukha ni Dante sa kaibigan. Binigyan sila ng calibre .45 pistol at itinuro ang ta-target-in nila sa shooting range. Kailangan lahat ’yon ay matamaan nila. Hindi man sa sentro pero dapat tamaan nila ang mga ’yon para makapasa sila sa dalawang araw nilang training. Unang pumwesto si Diego. Lahat ng mga lalaki ay nakatutok ang tingin sa kanya. Pagbigay ng signal ng pinaka-leader nila ay sunod-sunod na pinaputukan ni Diego ang mga target. Sapul lahat iyon sa pinakagitna. Manghang-mangha sa kanya ang lahat lalo na ang pinaka-leader nila. Pati si Dante ay hindi makapaniwala. “Congrats, Diego. Pasok ka na at mukhang hindi mo na kailangan mag-training pa sa paghawak ng baril.” Pumwesto naman si Dante. Bawat kalabit niya ng gatilyo ay tinatamaan naman niya ang lahat ng target. Iyon nga lang, iba-iba ang tama niya sa target. “Pasok ka na, Dante. Kailangan mo lang ng kaunting training.” Matapos magpasalamat sa leader ay nilapitan agad ni Dante ang kaibigan. “Pare, ang galing mo! Saan mo ’yon natutunan?” Iling lang ang naisagot ni Diego dahil kahit siya ay hindi alam kung bakit marunong siyang gumamit ng baril. “Doon naman kayo sa kabilang side para sa martial arts,” sabi ng leader nila. Dalawang lalaki ang naabutan nila roon. Agad pumorma si Dante, wala namang kibo si Diego na nakatingin lang sa dalawa. Biglang sumigaw ang mga lalaki at sinugod silang dalawa. Mabilis ang naging reaksiyon ni Diego. Agad niyang naiwasan ang sunod-sunod na sipa at suntok. Hindi man lang nakatama sa kanya ang trainor nila. Si Dante naman ay ilang beses bumagsak at halos malampaso ang mukha sa damuhan. Iniwan ng isa si Dante at sinabihang kailangang mag-training pa siya at saka ito bumaling kay Diego na nakikipaglaban din sa kasama nito. “Tingnan natin ang galing mo, Diego.” Inulan nito ng sipa at suntok si Diego pero ni hindi man lang tumama ang mga iyon sa kanya. Hindi nila makita ang kilos at galaw ni Diego sa sobrang bilis nito. Iyon ang inabutan ng pinaka-boss nila. Isang malakas na palakpak ang nagpatigil sa kanilang tatlo. “Diego, saan ka nag-aral ng martial arts pati ng paghawak ng baril?” “Ah, eh, sir, sa isang kakilala lang ho,” pagsisinungaling niya. “Kakaiba ang paraan mo sa paghawak ng baril, sa martial arts ay kakaiba rin ang istilo mo.” Ngumiti lang siya rito. Mabuti na lang at hindi na siya nito tinanong pa dahil kahit siya ay hindi alam kung saan niya natutuhan ang mga ’yon. Exempted na siya sa training, ginawa pa siyang trainor ng pinaka-boss nila. Agad niyang hinila si Dante para siya mismo ang magturo dito. Lahat ng maisip niya ay itinuro niya sa kaibigan, gano’n din sa limang lalaki na tinuruan niya. Namangha kay Diego ang karamihan sa kakaibang galing niya sa pakikipaglaban. Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay ni Diego. Naka-complete uniform sila na parang katulad sa elite force. Biglang kumirot ang ulo ni Diego. Hindi nakaligtas kay Dante ang reaksiyon ng kaibigan kaya agad niya itong nilapitan. “Okay ka lang, pare? Masakit ba ang ulo mo?” “Hindi naman gaano, bro. Parang may pumitik lang.” Nagmamadaling tumalikod si Dante at kumuha ng isang basong tubig saka iyon iniabot sa kaibigan. Tulad ng dati, agad ding nawala ang kirot sa ulo ni Diego. Magkatabi silang naupo sa pinakalikuran ng truck. “Basta, pare, ’pag bigla kang nakaramdam ng kirot, inumin mo agad ang tubig na nasa bulsa mo.” Tango lang ang isinagot ni Diego. Tumigil ang truck at isa-isa silang sinenyasan ng kaniilang commander na tumahimik at binawalan silang magsalita. Nagmamadali silang nagsibaba at mabilis ang mga kilos na pumasok sa kagubatan. Sina Diego at Dante ay nakasunod lang sa karamihan. Dalawang .45 pistol ang nasa katawan ni Diego, ilang magasin, at dalawang double blade Swiss knife. *** SA ibang bahagi ng area ay tahimik ang kilos ng elite team. Ang ilan sa kanila ay mga sniper. Lahat sila ay nakamaskarang itim na mga mata at bibig lang ang nakikita. Naka-all-black sila, may Philippine flag sa kanang bahagi ng balikat, agila naman sa kaliwa. Iyon ang pagkakakilanlan ng isang elite special force. Nakaramdam ng lungkot ang pinuno nilang si Josh nang maalala niya ang kanyang kapatid. Kung buhay pa sana ito, siguradong kasama nila ito ngayon. Mula nang mamatay sa plane crash sa gitna ng karagatan ang kapatid ay parang napilayan silang tatlong magkakapatid. Hindi na nila nakita ang katawan ng kapatid. Hindi maiwasang mangilid ang luha ni Josh sa tuwing naaalala ang kakambal nilang tatlo. Sumenyas siya sa mga tauhan. “Malapit na tayo. Ayon sa source, may grupong naririto para iligtas ang buhay ni Ms. Aqua. Hinire daw iyon ng ama ng babae.” Sila naman ay naririto dahil sa misyon nilang iligtas ang mga hostage na hawak ng mga rebelde, at isa na roon ang kaisa-isang anak at tagapagmana ng isang tycoon. Hangga’t maiiwasang makasagupa ang grupong hinire ng ama ng dalaga ay iiwas sila, pero kung hindi na ay “kill them all” ang utos niya sa mga tauhan. Priority ang mga hostage, iyon ang pakay nila. Habang papalapit sila sa target ay biglang kinabahan si Josh. Agad niyang nilingon ang dalawang kapatid at saka sumenyas. Agad namang nag-thumbs up ang mga ito sa kanya. Kakaiba ang kaba niya ngayon. May pakiramdam na hindi maipaliwanag sa loob ni Josh.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD