Alyas Kanto Boy 2
The Reunion
AiTenshi
December 29, 2020
"Raul ano ka ba? Inaantok pa ako alam mo naman na puyat ako kagabi," ang bulong ko noong maramdam ko itong dumadampi ng halik sa aking labi.
Tumagilid pero nakasunod pa rin ito sa akin kaya naman para tumigil na ito sa kanyang paglalambing ay lumaban ako ng halik sa kanya. Ninamnam ko ang init ng kanyang labi na nagbibigay sa akin ng ibayong kiliti habang nakapikit pa rin ang aking mga mata.
Halos ilang taon na rin kaming magkasama ni Raul, ang aming samahan ay masasabi kong perpekto bagamat hindi ito ganoong ka-smooth sailing. Tanggap ko naman na may pagkasiraulo siya at hindi malaman kung ano ang iniisip kapag nakatitig sa akin ang kanyang gwapong mukha.
Tahimik.
Matapos ang kanyang mainit na halik ay tumigilid ako at noong bahagya akong dumilat ay nakita ko si Raul sa aking tabi, nakadapa, nakaharap sa akin ang mukha, naghihilik at may kaunting tulo laway pa sa bibig. Nagtaka ako kung paano niya ako nahalikan kung ganoong mas malalim pa ang tulog niya sa akin?
Nasa ganoong pagtataka ako noong biglang lumundag ang kanyang aso si Badtrip sa aking mukha at saka dinilaan ang aking labi. Dito ko napagtanto na si Badtrip pala ang humahalik sa akin kanina at hindi si Raul! "Pwe!! Gago kang aso ka! Bwisit ka!" ang sigaw ko dahilan para magising si Raul. "Oy, napaka ingay mo naman, ano bang problema?" tanong niya sa akin habang nakadilat ang isang mata.
"Napakasira ulo ng aso mo! Akala ko ikaw ‘yung humahalik sa akin pero yan palang aso mo ang salarin. Saka bakit ba pinapapasok mo dito iyan? Baka maya maya ay magkagalis pa tayong dalawa," ang reklamo ko sabay hampas ng unan kay Badtrip.
Sinangga ito ni Raul, "huy, ano ka ba? Pati aso ay inaaway mo. Alam mo gusto ka lang romansahin ni Badtrip siguro ay nanonood siya kapag niroromansa kita kaya gusto niya itong itry. Napakatalino at napaka-curious kasi talaga ng aso ko na ito," ang wika nito sabay halik sa kanyang alagang chow chow.
"Sira ulo ka! Bakit kailangan mo akong pahalikan sa aso mo? Punong puno na ako sa inyong dalawa! Arghh! Heto na! Mag su-super saiyan na ako!" ang galit kong sigaw sabay lundag sa kanyang ibabaw at dito ay nagbuno kaming dalawa.
Part 1
"Good morning honey cake with condensada on top," ang mahabang bati ni Raul noong maupo kami sa kusina para mag-almusal.
Umirap lang ako sa kanya at saka himigop ng mainit na kape. "Bakit parang mainit yata ang ulo mo?" tanong nito.
"Anong maganda sa morning? Antok na antok pa ako Robles. Alam mo ba kung anong oras na akong nakauwi galing event kagabi? Tapos paggising ko ay hahalikan pa ako ng aso mong may sira rin katulad mo," ang reklamo ko na hindi maitago ang pagkainis.
Tumabi siya sa akin at inilingkis ang kamay sa aking likuran, "parang anak mo na rin si Badrtip, naglalambing lang siya sa iyo. Huwag ka na mainis diyan lalo kang nagiging cute e," ang pambobola niya.
"Wala akong anak na aso! Tigilan mo nga ako Robles paano kung may rabies iyang si Badtrip tapos edi namatay pa ako," ang reklamo ko ulit.
"Sira, sinisipilyo ko si Badtrip at mas madalas pa siyang mag pagupit ng buhok kaysa sa iyo. Saka bakit ba nagwo-worry ka Gregory? Unless na lang kung nakipaghalikan ka kay Badtrip at nakipaglaplapan ka sa aso ko," ang wika nito sa akin. Nagbalik tuloy sa aking ala-ala ‘yung nangyari kaninang maga kung saan akala ko ay siya ang humahalik sa akin kaya naman "argh!"
Tumingin ako kay Raul at nag deny, "hindi ah! Bakit naman ako lalaban ng halik sa aso! Syempre alam ko nama ang difference ng nguso mo at nguso ng aso mo. Kung mayroon man ha," ang pang aasar ko.
"Ganoon ba, mabuti na lang hindi mo hinalikan si Badtrip kasi hindi ko pa siya nalinis at napaliguan. Kagabi kasi pagka-park ko ng sasakyan dyan sa gate ay nakita ko itong si Badtrip na dinidilaan ‘yung poop ng aso ng kapitbahay mabuti na lang nakita ko agad ito," ang wika nito habang nakangisi kaya naman agad akong napahawak sa aking bibig at nasuka sa lababo.
"Bakit honey cake, buntis ka ba? Nakadale na ba ako?" tanong nito sa akin.
"Ilayo mo sa akin yang aso mo dahil gagawin ko azucena iyan! Napaka salahula ng aso mo!" ang singhal ko sa kanya.
Matagal na rin kaming magkasama ni Raul, magbuhat noong ikinasal kaming dalawa ay wala namang malaking problema ang dumating sa aming dalawa, maliban na lang doon sa mga kalokohan nilang magkakabarkada sa compound. Sa pagdaan ng mga taon ay nag-mature na rin si Raul, ang ibig kong sabihin ay kaunti lang dahil loko loko pa rin ito. Pero pagdating sa aming relasyon ay kine-claim niya ang pagiging "perfect husband" pero ito ay according lang na man sa theory niya. Dahil sa kanilang limang alyas daw ng compound ay siya ang pinakagwapo, pinakamabait, masipag, responsable, pinaka-hot, pinakamatino, makatao, maka Diyos at makakalikasan.
Perfect nga naman siya dahil kapag pareho kaming galing sa trabaho ay nagluluto pa siya, naglalaba at namamatlantsa ng aming mga damit. Wala itong reklamo at kadalasan ay parang nagiging purong house husband na lang siya.
Pero may pagkakataon din naman tamad ito at maghapong nakahiga sa sofa habang nanonood ng pelikula. Utos doon at utos dito, pati pagkakamot ng likod niya ay sa akin pa rin iaasa kaya't kung minsan ay mapipikon kang talaga. Pero ayos lang naman dahil kasama ang mga ito sa isinumpaan kong tungkulin bilang kanyang kabiyak.
Mayroon kaming sariling unit dito sa Amerika, pero mas gusto pa rin naming tumira sa Pilipinas. Lalo na si Raul na halos nakakalimang buwan palang ay uwi uwi na ito bagamat mayroon naman siyang trabaho dito pero naiinip pa rin dahil hinahanap hanap raw niya ang masayang buhay sa compound. Pareho na ring stable ang aming buhay, may ipon naman kami para sa future kaya't sa mga susunod na taon ay wala kaming gagawin kundi ang magbakasyon ng magkasama sa iba't ibang lugar.
"Ano bang ginagawa mo?" tanong ko kay Raul noong makita itong abalang abala sa pagtuldok sa keyboard ng kanyang laptop. "Gumagawa ako ng invitation para sa reunion namin, magandang idea iyon ‘di ba?" ang nakangiting wika nito.
"Ah okay, teka ‘di ba two years palang kayong hindi nagkikita kita? May group chat pa kayo sa f*******:. Bakit reunion agad? Parang ang OA n’yo naman yata?" tanong ko sa kanya.
"Dahil namimiss na namin ang isa't isa, saka huwag ka ngang mainggit sa amin. Kung gusto mo mag reunion din kayong mga misis na basag trip. Burahin ko nga kayo, hindi na kayo invited!" ang wika niya sabay delete sa mga pangalan namin kaya kinatukan ko siya. "Sira ka talaga, hindi naman ako tutol sa trip n’yong reunion na feeling n’yo 10 years na kayong hindi nagkikita pero magkakachat naman kayo sa GC araw araw."
"Hindi mo kami mauunawaan kasi wala ka naman sa brotherhood. Gumawa ka rin ng invitation para kina Julian at magkaroon na lang kayo ng gantsilyo party, gumawa kayo ng mga jacket o kaya ay mga punda ng unan o kaya ay mga door mat. Basta itong reunion namin ay sagrado kaya huwag n’yong pakialaman," ang masungit na hirit ni Raul.
"Bakit sagrado? Saan ba yang venue ng reunion n’yo? Sa Vatican o Jerusalem?" ang pang aasar ko naman. Nangiwi siya at kinuha si Badtrip na natutulog sa kanyang tabi at iniabot sa akin. "Paki ayos na tong passport ni Badtrip dahil uuwi na tayo, tuloy na tuloy na ito!"
"Hoy Robles, ang reunion ay kinakailangan ng fund raising para maisagawa. Hindi masaya ang reunion kung wala kayong budget at huwag kang magkakamaling kumuha sa savings natin dahil sasamain ka sa akin, hindi naman sa nagdadamot ako pero para sa atin iyon," ang wika ko naman.
"Mayaman si Gomer, mayaman si Johan at may pera si mama doon sa Aliaga, Nueva Ecija. Magbebenta ako sa isang buong sakahan para lang maisagawa ang reunion na ito," ang paninindigan nito sabay gusot sa aking buhok. "Papadala natin itong mga na-print kong invitations sa kanila via door to door!" ang dagdag pa niya.
"Door to door talaga? Bakit ‘di mo na lang ipadala via email o kaya i-save mo ‘yung image at i-send mo sa group chat n’yo?"
"Nung nag-away tayo last week dahil nagselos ka doon sa babaeng nakakandong sa akin sa opisina. Bakit sa halip na sumakay ka sa akin ay mas pinili mong maglakad mula doon sa general highway hanggang dito sa apartment natin? Ang sagot ay dahil gusto mong mag-inarte at ipakita sa akin na kaya mong makarating sa patutunguhan mo kahit maglakad ka lang," ang tugon niya sa akin.
"So anong connect ng door to door mail sa paglalakad ko pauwi?" tanong ko sa kanya.
"Wala. Naalala ko lang ‘yung ginagawa mo at hindi ko naisumbat sa iyo iyon kahapon dahil nagsex tayo agad at nawala ito sa isip ko. Saka mas maganda kung door to door ang email, mas espesyal at mas ramdam na ramdam," ang wika niya dahilan para mapangiwi na lang ako.
"Ang akala ko pa naman ay mailalagay at maipapasok mo ang analogy ng paglalakad ko sa door-to-door mail mail na sinasabi mo. Kung sabagay ay mayroon naman talagang similarity ang paglalakad ko sa door-to-door mail na iyan. Parehong mabagal kaya iyan pagpinadala mo kila Johan ay next month pa nila matatanggap."
"Ah basta kahit anong sabihin mo ay walang makapipigil sa amin kahit na kayo pang mga misis na kontra bulate."
"Hindi naman kita pinipigil, doon lang kita inilalagay sa mas maganda at mas tama, napaka-retro mo kasi," tugon ko naman. "Eh teka kailan ba to Raul?"
Ngumisi ito sa nagsalita, "Apat na buwan mula ngayon! Kaya ayusin mo na ‘yung mga gamit natin dahil uuwi na tayo!" ang excited na wika nito sabay lundag sa kama na parang bata.
Itutuloy.