I’m having my coffee in the garden when the frontgate security radioed Ramil about the Governor's troop who wanted to barge in. I overheard everything.
‘Let them in.’
‘Pero sir, armado po ang mga security niya.’
‘Hindi hangal si Governor para banggain ako. Kung ‘yun talaga ang plano niya dapat kanina niya pa pinatay ang security natin sa labas. Hanggang ngayon hindi ka pa rin marunong magbasa ng tao, Ramil.’
‘I’m sorry sir.’
‘Masyadong duwag ang governor ng norte para kalabanin tayo. Mas mahalaga sa kanya ang pera at reputasyon kaysa sa anak niya.’
‘Copy, sir.’
Nangangalahati ako sa black coffee ko nang huminto ang isang high end na sedan na may convoy na 4x4 pick-up.
Halos sabay-sabay na bumaba ang mga sakay ng pick up. Nasa sampu silang lahat kasama ang mga sakay sa likuran. At lahat sila matataas ang dalang armas. I smirked and continue in sipping my coffee.
Binuksan nila ang passenger seat ng sedan at bumaba si Governor Herras.
‘Harrison.’ Tumayo sa harapan ko isang lalaking may katabaan at 5’6” ang taas at nasa mid-fifties na rin ang edad.
I smiled and sipped my coffee. Tumingala ako sa kanya habang nilalagay sa stainless na mesa ang tasa ng kape.
‘Have a seat governor.’ Nakatiim-bagang siyang umupo. Sumunod naman sa likod niya ang dalawang security. ‘Napabisita ka yata, Gov.’
‘Nasa hospital ang anak ko kaya normal lang sigurong puntahan kita.’ Nasa boses niya ang galit.
‘Ah… ‘yun ba? Hinatid ba siya ng mga tauhan ko sa inyo? Ang sabi ko kasi suguraduhing makakauwi sa inyo ng humihinga pa.’
‘Hayop ka!’ akma niya sana akong susuntukin pero biglang lumapit si Ramil at tinutukan siya ng baril. Naging alerto din ang mga tauhan ni Governor at tinutukan din kami ng matataas nilang baril.
‘Hay, Gov, akala ko kasi naturuan mo ang anak mo ng baseball hindi pala. Hindi niya nasalo ang mga tira ko.’
‘Demonyo ka!’ nagtagis ang ngipin niyang humarap sa akin.
‘Ah… gustong-gusto ko ang salitang ‘yan.’ I crossed my arms at kalma pa rin ang ekspresyon kong humarap sa kanya.
Umikot ang mata niya sa paligid kasama ng mga tauhan niya nang dumating ang iba kong security kasama ang isang jeep na may M16 sa itaas.
Ngumisi ako nang masilayan ang takot sa mga mata nila.
‘People did not call me Demon for nothing, Gov. You know that.’ Napalunok siya sa sinabi ko. ‘Magpasalamat ka na lang hinatid ko ng buhay pa ang anak mo. Kabayaran ‘yun sa panloloko niya kay Andrea.’
‘Harry naman, isyu na ‘yun ng mga bata. Hindi na natin dapat pinapakialaman.’
‘Isyu ng mga bata? Alam ng mga politician at elite people na dine-date ng anak mo si Andrea tapos binastos niya ng ganun?!’ Kinwelyuhan ko siya at walang nagawa ang mga security niya dahil kung hindi tatadtarin ko ng M16 ang katawan nila.
‘H-Harrison, H-harry please kumalma ka.’
‘Ang lakas naman ng sayad ng anak mo para bastusin ang isang Del Salvacion!!’ nagbanggang ang ngipin ko sa pangingitngit. ‘No one can ever hurt and abandon the Del Salvacion. No one! At kung mayroon man hinding-hindi ko palalagpasin.’
Kinapa nito ang dalawa kong kamay na nakahawak sa kwelyo niya.
‘Harry, a-alam ko. K-kaya nga nandito ako para huminge ng tawad para sa anak ko.’ Umiling ako.
‘Hindi. Pagkalabas ng hospital ng anak mo, gusto kong lumuhod siya sa harapan ni Andrea, magmakaawa at huminge ng tawad.’
‘O-Oo, gagawin niya. P-pangako, harry dadalhin ko siya kay Andrea.’
Patulak ko siyang binitawan.
‘Umalis na kayo baka tuyuin ang utak ko at dito ko na kayo ilibing lahat.’
Dali-dali siyang tumayo. Muntik pa siyang madapa nang patakbong bumalik sa sasakyan niya mabuti na lang at nasalo ng kanyang mga tauhan.
Pinanood ko silang umalis na bahag ang buntot.
‘Ramil,’
‘Yes, sir.’
‘Hanapan mo ng kalokohan ang mag-amang ‘yun. Kahit ano, mas maganda kung may mahanap kayong s*x video at kung may makuha kayo, ikalat niyo sa internet.’
‘Copy sir.’
‘Bibigyan ko sila ng leksyon na hindi nila makakalimutan sa tanang buhay nila.’
‘Paano po si Senator Herras.’ Tukoy nito sa asawa ni Gov. Isa siya sa mga nanalong senator nung nakaraang eleksyon.
‘Kailan ba nagkaroon ng puwang ang mga mayayaman at pulitiko sa batas ng criminal na pinapairal ko?’
‘Sorry po sir, maghahanap po kami kaagad.’
Papasok na ako nang bahay nang salubungin ako ni Manang Lisa.
‘Master, tumawag po ang Presidente gusto ka raw niya makausap?’
‘Okay.’
‘Sir samahan po namin kayo.’
‘Hindi na. Baka nandun si Lola at may makita na pagdududuhan niya. Gawin niyo na lang ang pinapatrabaho ko.’
‘Yes, sir.’
Pagkababa ko ng kotse sinalubong agad ako ng isang matangkad at makisig na PSG. Binati niya ako at sinamahan sa loob ng palasyo.
Inayos ko ang butones ng coat ko at ang necktie. Huminto kami sa isang pinto na halos tatlong metro ang lawak. Binuksan iyon ng security.
‘Mr. President, Mr. Harrison is here.’
‘Send him in.’
Pumasok ako. Naabutan ko siyang nakaupo sa table niya at may suot na eyeglasses.
‘Good morning, Mr. President.’
Ngumisi siya pagkatapos pagmasdan ang kabuuan ko.
‘Kagalang-galang ka talaga tingnan sa tuwing nagsusuot ka ng ganyan.’
‘Thank you, Mr. President.’
‘Nabalitaan ko ang ginawa mo sa anak ni Gov. Herras.’
‘I apologize-.’
‘Maganda ‘yung ginawa mong ‘yun. Hindi tama na saktan na lang ng kung sinu-sino si Andrea. Bibigyan kita ng regalo para dun.’
‘Hindi na po kailangan. Dapat lang po ‘yung gawin ng isang Kuya para sa kapatid niya.’
‘Nakita ko ang appearance mo sa Foundation.’ Pag-iiba nito agad ng usapan. ‘Naging pabor sa akin ang feedback ng mga tao. Kaya mag-laylo ka na muna sa gulo. Nagustuhan ng mga tao ang image na pinakita mo. Isang adoptive grandchild ng Presidente ang may busilak na puso na tumulong sa taong bayan. Nag-fit din kayo ng First Lady dahil kitang-kita na close kayo at normal sa isa’t-isa.’
‘Ganun naman talaga kami ni Grandma mula pa po noon. Tunay na apo ang turing niya sa akin.’
‘Sinasabi mo bang hindi ganun ang turing ko sa’yo?’
‘Hindi po sa ganun, Mr. President.’
‘Huwag na huwag mong kakalimutan kung saan ka nanggaling!’ dinuro-duro niya na naman ako gaya ng palagi niyang ginagawa. Tumayo siya at lumapit sa akin. ‘Harrison,’ tinapik niya ang pisnge ko. ‘ano pa bang gusto mo? Binibigay ko sa’yo lahat maging ang pangalan ng pamilya ko kahit hindi kita kadugo. Ikaw ang pinagkakatiwalaan ko sa lahat, alam mo lahat ng tungkol sa akin. Ngayon sabihin mo sa mukha ko na hindi pamilya ang turing ko sa’yo!’
‘I’m sorry po Grandpa. Sorry po talaga.’
Bumuntong-hininga siya.
‘May pinadala akong files kay Ramil. ‘Yun ang huli mong trabaho bago ka maglaylo.’
‘Opo Grandpa.’
‘Umalis ka na. Dalawin mo ang Grandma mo, nabanggit kong pupunta ka kaya gusto ka niya makausap.’
‘Opo.’
Eighteen years ago
Nakaupo ako sa sementadong hagdan sa labas papasok ng mansion. Nandun lang ako sa gilid at pilit sinisiksik ang sarili upang hindi mapansin ng ibang bisita. Naaaliw akong nanonood sa mga bata na naglalaro ng mamahalin nilang laruan, bili ng mayayaman nilang magulang.
I sighed. Sana ako din. Ibinalik ko na lamang ang atensyon sa nakabuklat na libro na nakapatong sa hits ko. Mag-aaral na lang ako para yumaman din gaya nilang lahat.
Nasa kalagitnaan na ako ng pagbabasa nang may nangalabit sa tagiliran ko.
‘O, Andrea.’ Nanlaki ang mata ko nang makarating siya sa tabi ko. Seven years old lang siya. Ang alam ko nasa loob siya ng mansion kasama ang parents at lolo’t lola niya. ‘Bakit ka nandito?’
‘Hindi ka ba papasok sa loob?’ yumuko at umiling lamang ako. ‘Bakit naman? ‘Diba kuya kita kaya bakit hindi ka papasok sa loob?’
‘Bawal ako dun. Magagalit ang Lolo mo.’
‘Lolo mo rin naman siya.’ Ngumiti na lang ako. Hay sana nga katulad ko si Andrea. Tanggap at mahal ng buong pamilya.
‘Hindi nila ako tanggap.’
‘Bakit naman?’
‘Hindi kasi mayaman ang nanay ko. Aksidente lang ang lahat kaya ipinanganak ako.’
‘Paanong aksidente?’
‘Ikaw talagang bata ka, ang kulit mo.’ mahina kong ginulo ang buhok niya.
‘Dapat doon ka nakatira sa amin para may kalaro ako at para may kakampi ako.’
‘Kakampi? Bakit may umaaway ba sa’yo?’
‘Wala naman. Madalas lang akong mag-isa sa bahay parating wala si Mommy at Daddy.’
‘Ah baka nagtatrabaho lang.’
‘Siguro.’ Tumayo siya at pinagpag ang maliit niyang bistida. ‘Kuya, halika sa loob sama tayo. Maraming foods dun. Ipapakilala na din kita sa mga kaibigan ko.’
‘Hindi na. Okay lang ako dito.’
‘Sige na.’ wala na akong nagawa kundi sumabay nang hilahin niya ang kamay ko. Kapag nagmatigas ako baka mabitawan niya ang kamay ko, ma-out of balance at mahulog siya sa hagdan. Nakakatakot ‘yun.
Lahat ng mata nakatingin sa amin ni Andrea nang pumasok kami sa lobby ng mansion. Mabilis na tumayo si Congressman at nilapitan kaming dalawa. Pinakuha niya si Andrea sa yaya at inakbayan ako palayo sa mga tao. Dinala niya ako sa kusina kung saan mga katulong at driver lang ang nandun.
Papasok pa lang nga kami nahuli na niya ang tenga ko at patapon akong tinulak sa may cabinet.
‘Ikaw na bata ka, ‘diba sabi ko magtago ka at ‘wag magpapakita sa mga bisita?!’
‘Nagtago naman po ako kaya lang hinila po ako ni Andrea.’
‘Sumasagot ka pa!’ isang malutong na sampal ang nakuha ko sa kanya. Wala akong ibang nagawa kundi umiyak. ‘Lisa!’
‘Yes po Congressman, itago mo ‘tong batang ‘to. Siguraduhin mong hindi makikita ng mga bisita!’
‘Yes po.’
‘Bwesit!’ mabigat ang hakbang niyang umalis.
Dinala ako ni Manang Lisa sa maid’s quarter. Ginamot niya ang pumutok kong labi na natama sa ngipin ko pagkasampal sa akin.
‘Harry naman, anak, ‘diba sabi ko lumayo ka sa kanila maging kay Andrea?’
‘Lumayo naman po ako, kaya lang si Andrea ang lumapit sa akin. Kung aawayin ko naman siya para umalis pagagalitan din naman ako ni Congressman.’
Salubong ang kilay at naawang tumingin na lamang sa akin si Manang Lisa.
‘Hindi po ba pareho kami ng Tatay ni Andrea? Pero bakit po iba ang turing nila sa akin? Dahil ba katulong lang ang nanay ko?’
‘Harry pagpasensyahan mo na lang ang mga nangyari ha? Hayaan mo na lang sila, gawin mo na lang kung anong gusto nila. Ang mahalaga makapag-aral ka at makapag-tapos kapag nangyari ‘yun makakaalis ka na dito. Tsaka hindi naman lahat sila ayaw sa’yo ‘diba? Mahal na mahal ka ng Lola mo, ayaw lang nilang malaman ng mga tao na naging batang ama ang anak nila. Teenager palang siya nang ipanganak ka. Naiintindihan mo naman ‘yun ‘diba? Nasa politics kasi ang pamilya niyo kaya ganun. Magpakabait ka na lang ha?’
Tumango-tango ako. Tama si Manang Lisa, kahit naman maglayas ako wala rin akong pupuntahan at baka mas lalo lang kang mahirapan sa labas kaya titiisin ko na lang ang pananakit ni Lolo. Kapag nakapagtapos na ako at may trabaho na, aalis ako sa bahay na ‘to. Magpaparami din ako ng pera para mabili ko lahat ng gusto ko. Kahit ano gagawin ko maging mayaman lang ako at tanggapin ng pamilyang ito.
‘Magpalit ka na muna ng damit. Dito ka na lang muna ha? May trabaho pa ako sa kusina.’
‘Opo.’
‘Matulog ka na muna kung gusto mo.’
‘Manang Lisa.’
‘Ano ‘yun? Nagugutom ka ba? Padadalhan kita dito ng pagkain.’
‘Hindi po. Busog po ako. Itatanong ko lang po kung pwedeng kayo ang pumunta sa school ko? Recognition day po namin, may honor po ako.’ Lumawak ang ngiti nito.
‘Oo naman. Mula nung bata ka ako na pumupunta sa school mo kaya bakit itatanong mo pa?’
‘Salamat po.’
‘Magpahinga ka na muna diyan kung may gusto ka puntahan mo lang ako sa kusina.’
‘Opo.’