CHAPTER 17

3470 Words
“ARE you excited, Emzara?” nakangiting tanong ni Gelaena sa kaniyang alaga habang itinatali niya ang buhok nito. Tumango naman ang bata, “I’m excited, Gelaena,” sagot nito. “This is the first time I will go to the family day at our school.” “First time?” tanong niya at bahagyang nangunot ang noo. “Yeah,” sabi nito. “Bakit first time mo lang sasali sa family day?” tanong niya at huminto na sa ginagawa sa buhok nito nang matapos niyang itali iyon. “Well, the last time we had a family day... we didn’t go. Because, I don’t have a mommy. And Daddy Mayor was busy with his work. And...”anito at huminto sa pagkukuwento. Tinitigan niya ang maliit nitong mukha nang humarap na ito sa kaniya. “And?” tanong niya pa. “I don’t want to interact with many people.” Bumuntong-hininga siya dahil sa sinabi nito. Naiintindihan niya ito. E, sabi nga ng mga kasama niya sa mansion, ngayon lamang nakausap nang maayos si Emzara at ngayon lamang ito ngumiti at tumawa dahil sa kaniya. Pero noon... kahit ano’ng gawin ng mga tao sa mansion, wala talagang makasundo si Emzara, kahit si Mayor Gawen ay madalas ding makasagutan nito. Hinaplos niya ang buhok at pisngi nito pagkuwa’y ngumiti siya nang matamis. “Pero ngayon ay a-attend ka na,” sabi niya. “Because you’re here. Because you will go with me and Daddy Mayor.” “Oo naman. Sasama ako sa inyo ni Yorme,” sabi niya. “Baka mamaya, sumulpot sa school n’yo si Ella, nako...” “Don’t worry Gelaena. I don’t like Ella. I only like you.” Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi niya dahil sa sinabi nito sa kaniya. Kinabig niya ito upang yakapin at hinalikan niya ang ulo nito. “Let’s go. Bumaba na tayo at baka naghihintay na sa atin si Yorme. Magalit na naman ’yon sa akin,” wika niya ’tsaka siya tumayo sa kaniyang puwesto at magkahawak kamay sila ni Emzara na lumabas sa silid nito. Simula pa no’ng isang araw, sinusungitan na naman siya ni Gawen. Hindi niya malaman kung ano ang nagawa niyang kasalanan para uminit na naman ang ulo nito sa kaniya. Sa pagkakaalam niya... wala naman siyang nagawang mali para magalit na naman ito sa kaniya. Ang huling pag-uusap nila ay nang umagang tinanong niya ito kung gusto nito ng kape at ipagtitimpla niya ito, pero sa halip na sagutin siya ay hinanap nito si Arlene. Hanggang sa kinagabahan, pag-uwi nito galing City Hall, ay sinusungitan pa rin siya. Ang buong akala pa man din niya ay medyo friends na silang dalawa. Pero nag-assumed na naman pala siya sa part na ’yon! “Hi, Gelaena. Good monring!” nakangiting bati sa kaniya ni Migo nang pagkababa nila sa sala ay naroon na ang binata, kasama nito si Gawen. Nginitian niya ito. “Good morning din sa ’yo, Migo!” at nang balingan niya ng tingin si Gawen, seryoso itong nakatingin sa kaniya. Ngingiti na sana siya rito at babatiin din ito, pero mabilis naman itong nag-iwas ng tingin sa kaniya at bumuntong-hininga pa. “Let’s go Emzara!” anito at inilahad pa ang kamay sa bata na kaagad naman nitong kinuha at binitawan ang kaniyang kamay. Hmp! Ang sungit talaga! Umagang-umaga, e! Sumunod na lamang siya sa dalawa nang maglakad na ang mga ito palabas sa main door. Si Migo naman ay umagapay sa kaniya. “Kumusta ang tulog mo kagabi, Gelaena?” Nilingon niya si Migo. “Okay naman, Migo.” Aniya. “Ikaw?” tanong niya rin. “Okay na okay rin. Lalo pa at napanaginipan kita kagabi.” Muli siyang napalingon dito at bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya. “Ako? Napanaginipan mo?” tanong niya. Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ni Migo at tila nahihiyang napakamot sa likod ng ulo nito. “Nakakahiya mang aminin pero... iyon ang totoo.” Anito. Nagsalubong lalo ang mga kilay niya at bahagya niyang naramdaman ang pagtayo ng mga balahibo niya sa braso at batok niya. Oh, gosh! Ito ang unang beses na may nagsabi sa kaniyang lalaki na napanaginipan siya. Medyo nakakakilabot lamang para sa kaniya. Ano’ng malay niya kung nakakahindik pala ang panaginip nito tungkol sa kaniya? Bahagya siyang tumikhim at naglakad muli. “A-ano... ano naman ang napanaginipan mo tungkol sa akin?” tanong niya. “Well, siguro dahil hindi ka mawala sa isipan ko dalawang araw na kaya napanaginipan kita kagabi. At... sa panaginip ko ay pinayagan mo na raw akong ligawan ka.” Doon lamang siya biglang nakahinga nang maluwag. Ah, hindi naman pala nakakatakot ang panaginip nito tungkol sa kaniya. Pero ang weird pa rin sa pakiramdam niya. Pinilit na lamang niyang ngumiti nang lingunin niya itong muli. At sa hindi sinasadya... bumangga siya sa likod ni Gawen nang hindi niya mapansin ay huminto na pala ito sa paglalakad. “Ay, s-sorry po, Yorme!” mabilis na paghingi niya nang paumanhin at ngiwing ngumiti nang lumingon ito sa kaniya. Umatras siya. “Hindi ka ba marunong tumingin sa nilalakaran mo, Gelaena?” masungit na tanong nito sa kaniya. “Sorry po!” aniya at nagbaba na lamang ng mukha. “Tsk.” Anang Gawen at binuhat na si Emzara upang isakay sa van. “Sorry, Gelaena.” Saad ni Migo nang tumabi ito sa kaniya. Tinanguan na lamang niya ito ’tsaka sumunod na rin siya kay Gawen nang makasakay na rin ito sa van. Uupo na sana siya sa tabi nito, pero bigla naman itong nagsalita. “Bawal kang umupo sa tabi ko, Gelaena.” “Po? Bakit naman Yorme?” tanong niya. “Wala naman pong nakasulat sa upuan na bawal akong umupo rito sa tabi ninyo.” Tiim-bagang na napabuntong-hininga naman si Gawen. At akma na sana itong magsasalita, pero naunahan naman ito ni Migo. “Sa likod na tayo pumuwesto, Gelaena.” Anito. “Sa likod ka umupo, Gelaena. Migo, sa frontseat ka.” Anang Gawen. “Okay po, Mayor.” Saad na lamang ng binata ’tsaka nito binuksan ang pinto sa frontseat at doon na nga ito sumakay. Si Gelaena naman ay sa likod na ng mag-ama pumuwesto. Naging tahimik lamang siya habang nakatuon sa labas ng bintana ang paningin niya. Si Emzara naman ay kinakausap si Gawen at nagtatanong na tungkol sa mga gagawing activity sa family day. First time kasi ng bata na a-attend kaya wala pa itong idea sa mga gagawin mamaya. Ipinaliwanag naman ni Gawen kay Emzara ang mga ginagawa sa family day. Dahil naaliw na rin siya sa pakikinig sa usapan ng dalawa, hindi na niya namalayan at nakarating na pala sila sa eskwelahan. Pagkababa pa lamang nila sa van ay kaagad na sumalubong sa kanila ang mga teacher ng school na pinangunahan ng principal. “Good morning po, Mayor Gawen!” nakangiting bati ng babaeng principal at nakipagkamay kay Gawen. “Good morning, Mrs. Colon. Good morning everyone!” nakangiting bati rin nito sa mga taong naroon. Nakatayo lamang si Gelaena sa likod ni Gawen habang hawak-hawak niya ang kamay ni Emzara. “Maraming salamat po at nakadalo kayo ngayon sa family day natin, Mayor.” “I’m happy to join in the celebration of this family day. The last time, I couldn’t come here because Emzara didn’t want to attend. But now... she herself told me she wants to come here para maki-celebrate sa family day.” “Kaya nga po, Mayor! Thank you so much po again sa pagdalo ninyo ngayon.” Saad pa ng principal. “Let’s go inside po. Any minute ay magsisimula na po ang program natin.” Lumingon kay Gelaena si Gawen at pagkuwa’y tiningnan din nito si Emzara. “Let’s go.” Kaagad namang humawak si Emzara sa kamay ni Gawen habang hindi pa rin nito binibitawan ang kamay ni Gelaena. Magkaagapay silang tatlo na naglakad na. Hindi tuloy maiwasang bigyan ng kakaibang tingin ng mga tao ang kanilang hitsura ngayon. Kung titingnan, para silang isang pamilya na a-attend sa family day na iyon. Hanggang sa makarating sila sa auditorium kung saan gaganapin ang mga activity nila. Nakangiting binati pa ng mga taong naroon ang Mayor. Nang mag-umpisa ang program, tahimik lamang si Gelaena na nakaupo sa likod nina Gawen at Emzara. Hanggang sa magsimula na ang ibang mga activity. “Ayaw mo bang sumali sa games, Emzara?” tanong niya sa bata nang bahagya siyang dumukwang sa tabi nito. “Mmm, I want to watch them first, Gelaena.” “Pero sasali ka mamaya?” Lumingon ito sa kaniya at kumibot-kibot pa ang maliit nitong bibig. Parang may gusto itong sabihin sa kaniya pero nag-aalangan lamang. Ngumiti siya, “sumali ka na mamaya. I’m sure mag-i-enjoy ka sa mga games nila. Para maging masaya rin ang experience mo ngayon,” sabi niya. “Will you join too, Gelaena?” “E...” bahagya siyang tumingin kay Gawen na seryosong nakatingin lamang sa mga batang nagkakasiyahan na sa laro. “Kung kailangan kong sumali, sasali ako,” sabi niya at muling ngumiti. “Alright. I’ll join then.” Anito. “Daddy Mayor!” nang balingan nito ng tingin si Gawen. “Yes, sweetheart?” “I want to join them.” “Alright. We will join them.” Anang Gawen at ngumiti pa pagkuwa’y masuyong hinaplos ang buhok ng bata. “Nagugutom ka na ba?” mayamaya ay tanong niya ulit kay Emzara. “Do you bring snacks, Gelaena?” “Oo naman! Gumawa ako ng sandwich para sa ’yo.” Pagkasabi niya niyon ay kaagad niyang kinuha ang bag na dala niya. Nakapatong iyon sa silyang nasa tabi niya. Kinuha niya roon ang sandwich na ginawa niya kanina. May libreng pagkain naman ang school para sa family na um-attend sa araw na ’yon... pero alam niya kasing masiyadong mapili sa pagkain si Emzara kaya nagdala na rin siya ng baon in case na maghanap ito ng ibang makakain. “Here,” sabi niya at ibinigay sa bata ang tinapay. Muli niyang inabala ang kaniyang paningin sa mga batang nag-i-enjoy na nang husto sa mga palaro. “Nag-i-enjoy ba ang lahat sa games natin?” tanong ng isang teacher na nagsisilbing MC. “Yes po!” sagot ng mga bata. “Very good! But before we proceed to our next game. May special presentation muna tayo mula sa Grade Two students. Mayroon silang inihandang special dance para sa atin.” “Oh, Emzara... kayo na ’yon.” Nakangiting saad niya sa bata. “Do you dance, sweetheart?” kunot ang noo na tanong naman ni Gawen nang lingunin nito si Emzara. “Um, I do. We practiced, but...” anito at saglit na huminto sa pagsasalita at nilaro-laro ang mga daliri sa kamay. “But I don’t want to join.” “Why?” “I just don’t want to. Nahihiya ako.” Ngumiti naman si Gawen at hinawakan sa kamay ang anak. “Come on, sweetheart. You don’t have to be shy. Show me your dancing talent.” “I don’t—” “Ang sabi mo sa akin last time, sasali ka kapag sumama ang Daddy Mayor mo rito sa family day ninyo,” singit na sabi niya. “Huwag ka ng mahiya, Emzara! We’re here to cheer you.” “Gelaena is right, Emzara. We will cheer you. So come on.” “But...” anito at tinapunan ng tingin ang mga classmates nitong naglalakad na papunta sa gitna. Bumuntong-hininga ito saglit na nagkamot sa may leeg nito ’tsaka tila napipilitang tumayo. “Go, Emzara! Kaya mo ’yan.” Nakangiting saad niya. “Señorita Emzara, come here.” Tawag ng MC sa bata. “Go on. You can do it.” Anang Gawen at nginitian pa ito. Wala namang nagawa si Emzara kun’di ang maglakad na palapit sa mga classmates nito. Ilang minuto lamang, pagkatapos mag-formation ang mga ito ay nagsimula na ring tumugtog ang isang jolly song. Mula sa puwesto ni Gelaena, tumayo siya at lumipat sa tabi ni Gawen. Pumapalakpak pa siya habang malapad ang ngiti. “Go, Emzara!” Sa umpisa ay halatang nag-i-enjoy na rin si Emzara na sumabay sa mga kaklase nito sa pagsayaw. Pero nang nasa kalagitnaan na ang tugtog, bigla na lamang huminto ang bata at napahawak sa lalamunan nito at mayamaya’y biglang natumba. “Emzara!” Parehong sambit nila ni Gawen at sabay pa silang napatayo sa kanilang puwesto. Pareho silang napatakbo palapit sa bata. Nahinto ang malakas na tugtog pati ang pagsasayaw ng mga bata. Maging ang ibang mga parents na naroon ay parepareho nagulat dahil sa nangyari. “Emzara!” nag-aalalang tawag ni Gawen sa bata at kaagad na iniangat ang ulo nito at masuyong hinawakan ang namunutla nitong mukha. “Emzara! A-ano... ano ang nangyari sa kaniya?” nag-aalalang tanong niya nang lumuhod siya sa tabi ni Gawen at hinawakan ang kamay ni Emzara na nanlalamig. “We need to take her to the hospital.” Pagkasabi niyon ni Gawen ay kaagad nitong kinarga ang bata at nagmamadaling naglakad palabas sa auditorium na iyon. Nagkakagulo pa ang mga taong naroon. “Manong, pakibilisan po ang pagmamaneho!” tarantang saad niya sa driver ni Gawen nang makalulan na sila sa van. “Emzara, wake up, sweetheart!” bakas sa mukha ni Gawen ang labis na pag-aalala para sa bata habang mataman itong nakatitig sa namumutla pa rin nitong mukha. “May... may namumula sa leeg niya.” Aniya nang mapansin niya ang maliliit na bilog sa may leeg nito. Tiningnan din naman iyon ni Gawen. “Mario, hurry up!” anito mayamaya. “Ito na po, Mayor!” sagot ng driver. Nang makarating sila sa malapit na ospital, kaagad na dinala sa Emergency Room si Emzara. Malalim na paghinga ang pinakawalan ni Gelaena sa ere at kinakabahang nagparoo’t parito siya nang lakad habang nasa labas sila ni Gawen ng ER. Ano kaya ang nangyari sa kaniyang alaga? Bakit bigla na lamang itong nahimatay kanina? Okay naman si Emzara kaninang umaga maging bago magsimula ang performance nito kasama ang mga kaklase! Ilang minuto ang lumipas habang naghihintay sila ni Gawen sa labas ng ER nang bumukas naman ang pinto niyon at lumabas ang Doctor na babae. “Doc, how is she?” nag-aalala pa ring tanong ni Gawen sa doctor nang lumapit ito rito. “Good morning, Mayor Gawen!” bati muna nito. Naglakad na rin si Gelaena palapit kay Gawen. “Ano po ba ang nangyari kay Emzara, doc?” hindi niya mapigilang magtanong din. “Well, based on the examination I did on your daughter, Mayor. She had an allergy.” Anito. “Allergy?” kunot ang noo na tanong ni Gawen. “Opo, Mayor,” sagot nito. “Is this the first time na nagkaroon ng allergy ang bata?” “Well, yeah. I didn’t know that she has allergy.” “Ano po ba ang kinain niya kanina bago siya nawalan ng malay?” Bigla naman siyang kinabahan nang maalala niya ang sandwich na ginawa niya para kay Emzara. Iyon lang naman ang pagkain na kinain ng bata kanina. “Gelaena!” anang Gawen nang balingan siya nito ng tingin. Napalunok naman siya ng laway at nag-aalalang tumingin din kay Gawen. “Um, g-ginawan ko po siya ng sandwich kanina. Iyon lang din po ang kinain niya,” aniya. “Peanut butter po ang inilagay ko.” “May allergy marahil siya sa peanut kaya nagkaroon siya ng problema sa lalamunan niya at nawalan siya ng malay kanina. But, you don’t have to worry, Mayor. Mabuti na lang po at naisugod n’yo po siya agad dito sa hospital.” Humugot nang malalim na paghinga si Gawen at pinakawalan iyon sa ere pagkuwa’y napahagod ito sa batok. Dahil sa sinabi ng doctor ay halatang kumalma naman agad ito at nabawasan ang pag-aalala para kay Emzara. Habang si Gelaena naman ay mas lalong nakadama ng takot at kaba sa kaniyang dibdib. Kung ganoon ay kasalanan pala niya kung bakit nawalan ng malay si Emzara kanina! Kasalanan niya kung bakit naisugod sa ospital ang bata. Mabilis niyang kinagat ang pang-ilalim niyang labi nang maramdaman niya ang pag-iinit sa sulok ng kaniyang mga mata. Labis siyang nag-alala para kay Emzara. “I’ll monitor her condition again later, Mayor. Kaya hindi ko na po muna siya papayagan na lumabas ngayong araw. Kapag okay na ang pakiramdam niya bukas, puwede na siyang umuwi.” Tumango naman si Gawen. “Thank you, doc.” “Maiiwan ko po muna kayo, Mayor.” Nanghihina ang mga tuhod na napaupo si Gelaena sa bench na nasa gilid ng pasilyo at nagpakawala rin siya nang malalim na paghinga. “GELAENA!” Bigla siyang napalingon sa kaniyang likuran nang marinig niya ang boses ni Gawen. Nang makita niyang palapit na ito sa kaniyang puwesto, mabilis niyang pinunasan ang kaniyang mga luhang kanina pa naglalandas sa kaniyang mga pisngi at pagkuwa’y inayos niya ang kaniyang sarili. Kanina pa siyang naroon sa may fire exit at tahimik na umiiyak. Nakokonsensya pa rin kasi siya dahil sa nangyari kay Emzara. Sinisisi niya pa rin ang kaniyang sarili dahil sa nangyari sa bata. “What are you doing here?” “Y-yorme!” mahinang saad niya at tumikhim pa upang tanggalin ang bolang nakabara sa lalamunan niya. “Are you crying?” biglang nangunot ang noo ni Gawen nang makalapit ito sa kaniya at mapansin ang pamumula ng kaniyang mga mata. Bahagya naman siyang nag-iwas ng tingin dito. “H-hindi po,” sagot niya. Saglit nitong tinitigan ang dalaga pagkuwa’y bumuntong-hininga. “You’re crying, Gelaena.” Anito. Muli niyang sinupil ang kaniyang sarili. Mayamaya ay muli siyang nag-angat ng mukha upang salubungin ang mga mata ng binata. “Sorry po, Yorme!” “Sorry for what?” “Sa nangyari po kay Emzara,” sabi niya. “Kasalanan ko po ang nangyari sa kaniya. I mean... hindi ko po sinasadya. Hindi ko po kasi alam na may allergy po pala siya sa peanut. Sorry po.” Muli siyang naluha at napayuko ulit. Labis siyang nahihiya kay Gawen dahil sa kapalpakan na namang nagawa niya. “Huwag po sana kayong magagalit sa akin, Yorme!” “I’m not mad at you, Gelaena.” Anang Gawen. “And it’s not your fault. Walang may kasalanan sa nangyari kanina. Just like me, wala ka ring alam na may allergy si Emzara sa pagkain na ’yon. So, stop blaming yourself.” “E, h-hindi ko lang po mapigilan na sisihin ang sarili ko dahil sa nangyari sa kaniya. Nagi-guilty po ako sa nangyari kaya sorry po, Yorme.” “Come on, Gelaena! Stop saying sorry and stop blaming yourself.” Muli siyang nag-angat ng mukha at tumingin ulit kay Gawen. Pinunasan niya rin ang mga luhang muling pumatak sa kaniyang mga mata. “Hindi po talaga kayo galit sa akin, Yorme?” Seryosong tinitigan siya nito at pagkuwa’y nagpakawala ulit nang buntong-hininga. “Gusto mong magalit ako sa ’yo?” “Hindi po!” nakangusong saad niya. “Nagtatanong lang naman po ako, e! Gusto ko lang po makasigurado kung talagang hindi po kayo galit sa akin. Baka po mamaya... tanggalin n’yo po ako bigla sa trabaho ko—” “Mapipilitan talaga akong tanggalin ka sa trabaho mo kung iiyak ka pa rin diyan, Gelaena.” “Hindi na nga po ako umiiyak, Yorme, e!” aniya at pinilit na ngumiti. “Salamat po.” Saad pa niya ’tsaka walang sabi-sabi na lumapit siya rito at yumakap dito nang mahigpit. Nagulat naman si Gawen dahil sa ginawang iyon ng dalaga. Sa pagkabigla nito’y hindi agad ito nakakilos sa puwesto nito. Maging si Gelaena rin naman ay nabigla sa ginawa niya. Bahagya pang nanlaki ang kaniyang mga mata habang nakadikit ang kaniyang mukha sa dibdib nito at mahigpit na nakapulupot ang mga braso niya sa katawan nito. Dahil nakalapat ang kaniyang tainga sa tapat ng dibdib nito’y dinig na dinig niya ang malakas na t***k ng puso ni Gawen. Maging ang kaniyang puso’y bigla ring nagregodon dahil sa pagkakadikit nilang dalawa. Damang-dama niya ang mainit maging ang matigas nitong katawan. Oh, Gelaena! Ano’ng ginawa mo at bigla ka na lamang yumakap sa kaniya? Bigla siyang nakadama ng hiya at pag-iinit ng buong mukha niya. Mayamaya ay unti-unti siyang kumalas sa pagkakayakap niya kay Gawen. Hindi pa niya malaman kung titingnan niya ito sa mga mata o mananatili na lamang na nakayuko dahil sa pagkapahiya niya! “Gelaena—” “S-sorry po, Yorme!” aniya at kahit nangangatog ang kaniyang mga tuhod ay bigla siyang kumaripas nang takbo upang lumayo kay Gawen. Walang nagawa si Gawen kun’di sundan ng tingin ang dalaga na ngayon ay papaliko na sa dulo ng pasilyo. Mayamaya ay wala sa sariling napangiti siya at napahawak sa tapat ng kaniyang dibdib na malakas pa rin ang pagkabog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD