MALALIM na buntong-hininga ang pinakawalan ni Gawen sa ere habang nagpapalakad-lakad siya sa loob ng suite na tinutuluyan niya ngayon. Nasa Quezon City siya isang linggo na. It’s been one week simula nang magtungo siya sa syudad kaya isang linggo na rin niyang hindi nakikita at nakakausap si Gelaena. Pagkatapos nang nangyari sa kanilang dalawa nang gabing iyon sa loob ng opisina ng kaniyang ama, hindi na sila nagkausap ng dalaga kahit pa man gusto na niyang ipagtapat ang kaniyang nararamdaman para dito. Bigla kasing dumating si Arlene at inisturbo ang moment nilang dalawa ni Gelaena. Sinabi nitong dumating daw sa mansion si Migo at naghihintay sa kaniya sa sala. Kaya ayaw pa man niyang pakawalan ang dalaga at gusto pa niyang damhin ang mainit nitong katawan, gustohin pa man niyang makasama pa ito roon ng ilang sandali, wala na rin siyang nagawa. Ngunit bago sila lumabas sa silid na iyon, sinigurado niya sa kaniyang sarili na sa susunod ay hindi na niya palalagpasin pa ang pagkakataon para umamin sa dalaga. At nang gabing iyon ay umalis siya sa mansion kasama si Migo at nagtungo nga siya sa Quezon City dahil may importante siyang meeting na dadaluhan sa congress.
Isang linggo na ang nakalilipas. Gustohin man niyang marinig manlang ang boses ni Gelaena sa telepono, pero hindi naman niya magawa. Paano, wala naman siyang cellphone at number ng dalaga. Paano naman niya ito tatawagan para makausap?
Muli siyang bumuntong-hininga nang malalim at naglakad palabas sa terrace. Pinagmasdan niya ang mga ilaw na nagmumula sa iba’t ibang gusali na nasa paligid ng hotel na tinutuluyan niya ngayon.
Kanina pa niya gustong magpunta sa kabilang kwarto para kausapin si Migo na tumawag ito sa mansion para makausap niya si Gelaena, pero inuunahan naman siya ng kaba at hiya na rin. Baka mamaya ay kung ano pa ang isipin sa kaniya ni Migo kapag nalaman nito na may lihim na rin siyang nararamdaman para sa dalaga. Nahihiya siya na baka isumbat sa kaniya ni Migo ang rules na mahigpit niyang ipinagbabawal noon pa man.
Oh, damn!
Napatiim-bagang siya at muling bumuntong-hininga nang malalim.
Ilang minuto siyang nanatili sa kaniyang kinatatayuan bago siya nagpasyang pumasok ulit sa kwarto at bumalik na sa kama. Halos magmamadaling araw na rin. Kailangan na niyang matulog dahil maaga pa siyang gigising kinaumagahan.
Kahit hindi pa man makatulog at laman pa rin ng kaniyang isipan si Gelaena, pinilit niya ang kaniyang sarili, hanggang sa hindi na niya namalayang hinila na rin siya ng kaniyang antok.
“MAY PIKLAT ka pala sa likod mo, bes!” anang Arlene kay Gelaena at dumukwang pa ito palapit sa kaniya upang titigan ang buhay na piklat na nasa bandang itaas sa kaliwang baywang niya.
Nilingon niya ang kaibigan. Nasa swimming pool sila ngayon. Nag-aya kasi sa kaniya kanina si Emzara na maligo roon. Tutal naman at sila lamang ang tao ngayon sa mansion dahil umalis din ang mag-asawang Señor Salvador at Doña Cattleya kaya hindi na rin siya tumanggi sa bata. Nakasuot siya ng bra habang cotton short naman ang pang-ibaba niya. Gayo’n din si Arlene na pinilit niya lang na sumama sa kanila ni Emzara kanina.
“Oo, bes,” sagot niya.
“Ngayon ko lang napansin ’yan. Saan mo ba nakuha ’yan, bes?” tanong pa sa kaniya ni Arlene.
Banayad siyang bumuntong-hininga at umayos sa kaniyang puwesto. “Matagal na ’yang piklat ko. Magtatatlong taon na rin,” sabi niya. “Nagkaroon kasi ng aksidente ang kotse na sinasakyan ko noon. Nawalan daw ng preno kaya hayon... nalagay sa panganib ang buhay ko. Ang kwento ni Tiya Hulya sa akin, anim na buwan daw akong nasa hospital at walang malay dahil sa matinding nangyari sa akin nang maaksidente ako. Ang akala nga raw nila ay wala ng pag-asa na magising pa ako. Pero heto ako ngayon... nabigyan ng second chance para mabuhay at i-enjoy ulit ang buhay ko.” Ngumiti pa siya.
Mataman at nakamaang naman si Arlene habang nakatitig sa kaniya habang ikinukuwento niya ang nangyaring iyon sa kaniya noon.
“Hala! Grabe naman ’yon, bes,” sabi nito.
Tipid siyang ngumiti ulit. “Grabe talaga, Arlene! Kaya nga nang magising ako at ikinuwento sa akin ni Tiya Hulya ang nangyari sa akin noon... hindi rin ako makapaniwala na ganoon pala kalala ang nangyari sa akin. Wala naman kasi akong maalala sa nangyari sa akin noon, e!”
Marahas na nagpakawala nang buntong-hininga si Arlene pagkuwa’y mula sa pagkakaupo nito sa gilid ng pool ay bumaba ito sa tubig at tumingala sa kaniya. “My God! Mabuti na lang pala at nakaligtas ka, bes. Kung hindi... malamang na wala akong nakilala na Gelaena ngayon. At lalo ng hindi kayo magkakakilala ni Yorme mo.”
Muli siyang napangiti dahil sa sinabi nito. That’s true. Kaya nga nitong mga nakaraang araw, simula nang mapunta siya sa mansion ng mga Ildefonso, ang dami niyang realization sa buhay. Unang-una na roon, kung hindi siya sumama sa Tiya Hulya niya sa pagbalik nito sa mansion, hindi niya makikilala si Gawen at hindi niya mararanasan ang kilig at saya na nararamdaman ng kaniyang puso ngayon. Panigurado siyang... hanggang ngayon ay nakaburo lamang siya sa kanila at patuloy na naririndi sa mga salita ng kaniyang ama at puro problema ang iniisip niya sa paglipas man o pagdating araw.
“And I won’t have the chance to meet you, Gelaena.”
Napalingon sila ni Arlene kay Emzara na ngayon ay naglalakad na palapit sa kanila. Nakasuot din ito ng bathing suit na kulay pink at may maliit na salbabida sa baywang nito.
Napangiti siya at inilahad niya rito ang kaniyang kamay. Nang mahawakan niya ang maliit nitong kamay ay inalalayan niya itong makaupo sa tabi niya.
“At masaya ako na nakilala rin kita,” sabi niya.
“Are you already Daddy Mayor’s girlfriend?” tanong nito bigla sa kaniya.
Nangunot ang kaniyang noo at napatitig sa nakangiting mukha nito habang nakatitig sa kaniya. Mayamaya ay binalingan niya rin ng tingin si Arlene na kagaya ni Emzara, malapad din ang pagkakangiti sa kaniya.
“Huh? Bakit... bakit ka naman nagtatanong ng ganiyan, señorita?” tanong niya rito.
“Well, I heard lolo and Ate Arlene talking about you and Daddy Mayor.”
Muli siyang napatingin kay Arlene.
Ngumiti itong lalo sa kaniya. “Team GaGe na rin si Señor Salvador, bes. Na-recruited ko na siya last week pa,” sabi nito.
“Tsk. Ikaw talaga, Arlene.” Saad na lamang niya.
“And I talked to Ate Arlene and I told her that I want to join the fans club. I’m a new member, Gelaena.” Anito. “Right, Ate Arlene?” nag-pretty face pa ito nang muling tumingin sa kaniya.
Hindi na niya napigilan ang matawa ng pagak dahil sa sinabi nito. Napailing pa siya.
“See, bes? Dumadami na kaming GaGenatics. Hindi na lamang ako ang nag-iisang sumusuporta sa inyo ni Yorme mo.”
“Pati ’yong bata hindi mo na pinatawad. Isinama mo pa sa kalokohan mo.”
“Aba, bes, hindi lang basta kalokohan itong fans club namin, right, señorita?” kinuha pa nito ang simpantya ng bata.
“Yeah,” walang alinlangan na sagot nito. “Señorito Goran is a nice person, but I don’t like him for you, Gelaena. I only like Daddy Mayor for you.”
“Aba, at may alam ka na rin tungkol sa usaping ito?” tanong niya.
“Ate Arlene told me.”
Napamaang siya at muling tinapunan ng tingin si Arlene na bigla namang nag-peace sign sa kaniya.
“Sorry na, bes! E, mabuti pa kasi ’yong bata nakakaintindi sa kilig na nararamdaman ko kaysa sa mga senior citizens sa kusina.” Anito at umismid pa.
Buntong-hiningang napailing na lamang siya dahil sa mga sinabi ni Arlene sa kaniya.
“Don’t get mad, Gelaena. We just want you and Daddy Mayor to get into a relationship. You two are so bagay.” Humagikhik pa ito at nagtakip ng bibig.
“Nako, isa ka pa! At naniniwala ka naman sa mga sinasabi ni Arlene sa ’yo?”
“Well...” anito at binalingan ng tingin si Arlene pagkuwa’y nagpatulong dito na makababa sa tubig. “Just like you... I already like Ate Arlene, too.”
“Aha! Si Arlene tinatawag mong ate, samantalang ako Gelaena lang?” aniya at mabilis siyang bumaba rin sa tubig at kaagad na kiniliti ang bata na napatili agad nang malakas. “Ikaw talaga! Lagot ka sa akin.”
“Ahhh, Ate Arlene, help me!” tili pa nito.
Napuno ng sigaw at halakhak ang swimming pool area dahil sa kakulitan nilang tatlo roon.
KAAGAD SIYANG napalingon sa bumukas na pinto ng silid nila ng kaniyang Tiya Hulya. Nakita niyang nagmamadaling pumasok doon si Arlene.
“Bes!” tawag nito sa kaniya.
Nangunot naman ang kaniyang noo. “Bakit?”
“Nariyan na si Yorme mo. Kararating lang nila ni mylabs Migo.”
Mabilis ding naghiwalay ang kaniyang mga kilay at lumiwanag ang kaniyang mukha dahil sa sinabi nito. Sumilay rin ang ngiti sa mga labi niya.
“T-tagala?”
“Oy, excited talaga siyang makita ulit ang labidabs niya.” Panunudyo pa sa kaniya ni Arlene at tinusok-tusok ang baywang niya.
Hindi na niya itinago sa kaibigan ang excitement na naramdaman niya ngayon. Oh, God! Walong araw din kaya siyang naghintay na bumalik sa mansion ang irog niya. Kahit araw-araw niya itong nami-miss at gusto ng makita, pero wala naman siyang magawa dahil nasa malayo ito at may trabahong ginagawa.
“Sige na... huwag mo na pigilan ’yang kilig mo. Alam ko naman na kaunti na lang sasabog ka na riyan!”
Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi niya dahil sa sinabi pa ni Arlene sa kaniya.
“Sus! Inlababo nga talaga ang amiga ko,” sabi pa nito. “Halika na sa labas. Iwanan mo na muna ’yang ginagawa mo.”
Kaagad naman niyang ibinaba ang kaniyang unan na kakapalit niya lamang ng punda at sumunod kay Arlene nang lumabas na ito ng silid. Mas lalong lumakas ang pagkabog ng kaniyang dibdib habang naglalakad na siya papunta sa sala. Maging ang kaniyang mga kamay at tuhod ay ramdam niya ang bahagyang panginginig. Hindi na siya makapaghintay na muling masilayan ang gwapong mukha ng kaniyang iniirog.
Sakto nang makarating sila ni Arlene sa sala, papasok naman sa main door si Gawen, kasunod nito si Migo. Napahinto siya sa kaniyang paghakbang at napatitig sa mukha ng binata. Pakiramdam pa nga niya ay nag-slow motion ang buong paligid niya habang titig na titig siya sa mukha ni Gawen.
Oh, walong araw lang naman na hindi niya ito nakita, ngunit mas lalo pa itong naging gwapo sa paningin niya ngayon.
Mayamaya, nang mapatingin sa direksyon niya si Gawen, nakita niya ang maliit na ngiting sumilay sa mga labi nito. Hindi na rin niya napigilan ang mapangiti rito. Ipinilig pa niya ang kaniyang ulo.
“Hoy, bes!”
Sunod-sunod siyang napakurap nang marinig niya ang boses ni Arlene. Napatingin siya rito pagkuwa’y tumingin ulit sa direksyon ni Gawen... hindi ito nakatingin sa kaniya, sa halip ay kausap nito si Ella. Oh, kasama pala nito ang babaeng iyon? Hindi niya napansin kanina nang pumasok ito sa sala. At dahil sa excitement niyang makita ulit si Gawen kaya bigla siyang nag-ilusyon na nginitian siya nito.
“Natulala ka na riyan!” bulong sa kaniya ni Arlene nang lumapit ito sa tabi niya.
Napatikhim siya habang nakatingin pa rin sa direksyon nina Gawen at Ella.
“Kasama niya pala ang Ella na ’yan!” sambit niya.
“Hindi ko rin alam na kasama pala ni Mayor ang babaeng ’yan. Akala ko... sila lang ni mylabs Migo ang magkasamang dumating.”
Lihim siyang bumuntong-hininga at napaismid. Ang akala pa man din niya ay magiging masaya siya ngayong bumalik na sa mansion ang irog niya, ang hindi niya inaasahan ay kasama rin pala nito si Ella.
“Sure, sa office na lang ni Tito Salvador natin pag-usapan ang tungkol diyan.” Dinig nilang saad ni Ella.
“Yeah. Let’s go.” Anang Gawen at iminuwestra pa ang kamay upang paunahin na sa paglalakad si Ella.
Sinundan niya ng tingin ang tatlo dahil hinihintay niyang susulyapan manlang siya ni Gawen, pero hindi iyon nangyari. Hanggang sa makalayo na lamang ang mga ito.
Humugot siya ulit nang malalim na paghinga, dismayado at laglag ang mga balikat na pinakawalan niya iyon sa ere.
“Ayy, hindi ka manlang sinulyapan, bes?” dismayadong saad din ni Arlene at binalingan siya ng tingin matapos nitong sundan ng tingin ang tatlo.
Umismid siya. At sa halip na sagutin ang sinabi ni Arlene, tumalikod na lamang siya at naglakad na pabalik sa silid nila. Bigla siyang nakadama ng lungkot. Ilang araw niya itong hinintay na umuwi, pero hindi manlang siya nagawang sulyapan!
Ano, ganoon na lamang iyon? Pagkatapos niya akong halikan ulit bago siya umalis last week, ngayon ay hindi niya ako magawang tingnan? Huramentado ng kaniyang isipan.
“Ano, gagawa na naman kami ni Señor Salvador ng hakbang para magkalapit ang dalawa?” tanong ni Arlene sa sarili habang sinusundan din ng tingin si Gelaena. “Tsk. Tsk. Tsk. Kasi naman itong manok namin, nakarami na ng tuka, pagkatapos tumatakbo naman palayo.” Napailing pa ito. “Nako, nako, Mayor. Kung hindi lang talaga kita bet para sa amiga ko, si Señorito Goran na lang ang kakampihan ko. Mabuti pa ang kapatid mo mabilis ang galaw.”
“YAYA GELAENA!”
Biglang napasulyap si Gelaena sa may pinto ng kusina nang marinig niya mula roon ang nakakainis na boses ni Ella. Nakataas pa ang noo nito habang naglalakad palapit sa kaniya.
Lihim siyang napaismid. Oh, God! Ipinagdadasal pa lamang niya kanina na huwag na niyang makita ulit ngayong araw ang mukha ng babaeng ito dahil mas lalo lamang siyang maiirita, pero heto, papalapit na nga sa kaniya.
“May kailangan ka ba?” walang buhay na tanong niya nang tumayo ito sa tapat ng kitchen counter kung saan siya nakatayo rin.
Hindi naman agad ito nagsalita, sa halip ay tinaasan siya nito ng kilay at tinitigan ng seryoso.
“Awear akong maganda ako, Ella. So naiintindihan ko kung bakit ganiyan ka makatitig sa akin ngayon,” sabi niya. At bago pa man niya ibalik ang kaniyang paningin sa miryenda ni Emzara na ginagawa niya ay nakita pa niya ang pangungunot ng noo ni Ella dahil sa sinabi niya.
“Excuse me, hindi ako nagagandahan sa ’yo.” Anito.
“So ano nga ang kailangan mo at pumunta ka rito?” bale-walang tanong niya ulit.
“Well.” Anito at bumuntong-hininga. Ipinagkrus pa sa tapat ng dibdib nito ang mga braso. “I just want to talk to you, Gelaena. Ayoko ng magpaligoy-ligoy pa. I saw the way you looked at Gawen earlier, nang dumating kami. Do you like him, Gelaena?” tanong nito.
Saglit siyang tumigil sa kaniyang ginagawa at muling nag-angat ng mukha upang tingnan ang babae. Sinalubong niya ang seryoso nitong titig sa kaniya.
“Single si Yorme. At wala namang rules sa buong San Ildefonso, Bulacan, na nagpapatupad na bawal magkaroon ng crush sa kaniya, hindi ba?” sa halip ay saad niya rito.
Muling tumaas ang isang kilay nito. “Oh, so you really like him?” anito. “Kung ganoon, paprangkahin na kita, Gelaena. Ngayon pa lang ay itigil mo na ’yang pagkagusto mo kay Gawen. You know why?” tanong pa nito. Mayamaya ay namaywang ito habang hindi pa rin bumababa ang isang kilay nito. “First, hindi ikaw ang tipo ng babae na magugustohan ni Gawen. Masiyado kang ordinary woman para pumasa sa taste ni Gawen. Second, you’re not beautiful kaya walang dahilan para magustohan ka ni Gawen. Third, hindi kita ka-level kaya kung nangangarap kang magugustohan ka ni Gawen, tigilan mo na. Ako ang tipo ng babae na papasa sa standard niya. Do you understand me, Gelaena?”
Napangiti naman siya bigla dahil sa mga sinabi nito sa kaniya.
“Why are you smiling?” halata sa boses nito ang biglang pagkainis dahil sa naging reaction niya.
“Natatawa lang ako dahil sa mga sinabi mo, Ella,” sabi niya.
“At ano ang nakakatawa sa mga sinabi ko?”
Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa gilid ng kitchen counter at muling sinalubong ang mga titig ni Ella sa kaniya. “First, kung hindi ako ang tipo ni Gawen sa isang babae, sino ang tipo niya? Ikaw?” tanong niya. “Para sa akin, napaka-ordinary mo lang din na babae para magustohan ni Yorme. Second, kung ang mukha ko ay hindi maganda, ano ang tawag mo sa mukha mo?” ngumiti siya ng nang-aasar.
Biglang napasimangot si Ella dahil sa mga sinabi niya. Ang mga kamay nitong nakahawak sa baywang nito ay nalaglag at tumalim din ang titig sa kaniya.
“And third, you’re right, Ella. Hindi tayo magka-level.” Aniya.
“How dare you to say—”
“Hey, what’s going on here?”
Naputol ang pagsasalita ni Ella at sabay silang napatingin sa may pinto nang marinig nila roon ang boses ni Goran.
“Are you two fighting?” tanong pa ng binata nang maglakad na ito palapit sa kanila ni Ella.
Ang nakasimangot na mukha ng babae ay biglang napalitan ng ngiti nang makita nito ang kapatid ni Gawen.
“No we’re not, Goran. We’re just... talking. Right, Yaya Gelaena?” saad pa nito nang tumingin sa kaniya at lihim siyang pinanliitan ng mga mata.
Ngumiti siya ulit. “Opo, Sir Goran. Nag-uusap lang po kami ni Ella,” aniya.
“Ah! I thought nag-aaway kayo.” Anito.
“Well, I’ll go ahead. Bye Goran!” anang Ella at kaagad na tumalikod at naglakad palabas ng kusina.
Naiwan silang dalawa ng binata roon.
“What are you doing, Gelaena?” mayamaya ay tanong sa kaniya ni Goran.
“Um, ginawan ko lang po ng miryenda si Emzara.”
Tumango naman ito at tinapunan ng tingin ang sandwich na ginawa niya. Pagkatapos ay umupo ito sa high chair na naroon sa gilid. “Mukhang masarap ’yan. Puwede mo ba akong gawan ng isa?”
Ngumiti naman siya. “Oo naman. Wait lang.” Aniya at kaagad siyang tumalima upang gumawa ulit ng isa pang sandwich.
“Nagtatampo pa rin ako sa ’yo dahil hindi mo ako sinipot sa usapan natin last week.”
Dinig niyang saad nito sa kaniya. Bahagya niya itong sinulyapan at tipid siyang ngumiti nang magtagpo ang mga mata nila.
“Sorry. Kasi ano, e...” aniya at kaagad na nag-isip ng alibi niya rito. Sa totoo lang ay nahihiya rin siya sa binata. Pagkatapos no’ng gabing iyon na hindi siya nagpakita rito, hindi niya alam kung ano’ng mukha ang ihaharap niya rito. Pero mabuti na lamang at isang linggo niya rin itong hindi nakita sa mansion kaya kahit papaano ay nawala ang pamomroblema niya kung sakaling magkikita at kakausapin siya nito.
“It’s okay. Sabi naman sa akin ni Arlene ay masama raw ang tiyan mo that night. I was worried. Kasi baka dahil sa chocolate na ibinigay ko sa ’yo kaya sumama ang tiyan mo.”
Bahagyang nangunot ang kaniyang noo dahil sa mga sinabi nito. Oh, so nagsinungaling pala si Arlene sa binata no’ng gabing iyon para lang pagtakpan siya? Kung sabagay... iyon naman ang gusto ni Arlene na mangyari, ang hindi siya sumama sa binata.
“Um, b-baka nga dahil sa chocolate na binigay mo,” sabi na lamang din niya. Oh, kahit hindi naman na niya nakita pa ang tsokolate maging ang bulaklak na ibinigay nito sa kaniya no’ng nakaraan. Ewan kung saan na iyon napunta. “Hindi kasi ako masiyadong mahilig sa matatamis, e!”
“Kaya pala,” sabi nito. “I’m sorry. But don’t worry, next time... hindi na kita bibigyan ng chocolate. But you like the flowers, right?”
Kaagad naman siyang tumango. “Oo naman. I love flowers.”
“Good to hear that,” sabi pa nito. “So, how about this valentine’s, are you free? I mean, we can reschedule our supposed date that night!”
Muli siyang napatingin dito. Hala, oo nga at ilang araw na lamang valentine’s na. Nawala na sa isip niya iyon!
“Wala ka bang ibang puwedeng ayain sa valentine’s para maging date mo?”
Ngumiti sa kaniya ang binata. “Gelaena, nag-iisa ka lang hindi ba? So, wala na akong ibang maaya ng date sa valentine’s na kapangalan mo at kamukha mo.” Anito. “So, I hope this time... hindi mo na ako biguin, Gelaena.”
Hindi niya magawang sagutin ang mga sinabi nito. Oh, well, wala naman kasi talaga siyang puwedeng isagot sa mga sinabi nito. Hindi niya pa rin gusto na maka-date ang binata. Kung sana si Gawen lamang ito, hindi pa man ito nagtatanong sa kaniya kung puwede siya nitong maka-date ay oo agad ang sagot niya.
Tinitigan siya ni Goran nang mataman at pagkuwa’y tumayo ito sa puwesto nito at umikot papunta sa puwesto niya. Walang sabi-sabi ay kinuha nito ang isang kamay niya na nasa ibabaw ng kitchen counter. Masuyo nitong ginagap ang kaniyang palad.
“I really like you, Gelaena!” anito.
Napamaang na lamang siya habang nakatitig sa mga mata nito. Hindi niya pa rin alam kung ano ang sasabihin niya rito.
Mayamaya ay umangat ang isang kamay ni Goran at masuyong hinawakan ang kaniyang pisngi. Ngumiti pa ito sa kaniya at dahan-dahang bumaba ang mukha sa mukha niya.
Oh, no! Hahalikan niya ako? Gelaena, huwag kang papayag! Sigaw ng kaniyang isipan. Ngunit ang katawan niya, hindi niya maigalaw.
“I really like you, Gelaena!”
Tumama pa sa mukha niya ang mainit at mabango nitong hininga habang papalapit nang papalapit ang mukha nito sa kaniya. Mas lalo siyang nanigas sa kaniyang kinatatayuan at hindi malaman kung ano ang kaniyang gagawin. Ayaw ng puso’t isipan niya na mangyari ang balak ni Goran na paghalik sa kaniya, pero hindi siya makakilos.
“Damn it, Goran!”
Sabay silang napalingon ni Goran sa may pinto nang marinig nila mula roon ang galit na boses ni Gawen.
Kaagad niyang nabawi ang kaniyang kamay na hawak ni Goran at napaatras siya rito. Napalunok pa siya ng kaniyang laway habang nakikita niya ang galit na mukha ni Gawen.
“Kuya—”
“Are you going to kiss her?” galit at tiim-bagang na tanong pa ni Gawen habang malalaki ang hakbang nito na lumapit sa kanilang dalawa.
“Why? Is there a problem?” nagtatakang tanong ni Goran.
Bumuntong-hininga si Gawen at ipinagpalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Goran. Mayamaya ay walang salita na kinuha nito ang kaniyang kamay at hinila siya palapit dito.
“You can’t kiss her, Goran.”
“But kuya—”
“Come here, Gelaena!”
Bigla siyang napasunod kay Gawen nang hatakin nito ang kaniyang kamay. Hindi pa rin siya nakakahuma sa mga nangyari kaya nagpatianod na lamang siya sa binata hanggang sa makalabas sila sa kusina.