“YORME, puwede bang bitawan mo ako? Nasasaktan ako, oh! Kinakaladkad mo ako!” naiinis na saad niya kay Gawen habang mahigpit pa rin nitong hawak ang kaniyang kamay at patuloy pa rin ito sa paglalakad palabas ng mansion. “Please, nasasaktan na ako. Dahan-dahan naman!” reklamo pa niya nang muntikan na siyang matapilok. Sinusubukan niya pa ring bawiin ang kaniyang kamay mula rito, pero hindi niya magawa.
Tila wala namang naririnig si Gawen at patuloy lamang ito sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa may gazebo. Roon lamang siya nito binitawan at matalim ang titig na hinarap siya. Magkasalubong naman ang kaniyang mga kilay nang titigan niya rin rito. Hinawakan pa niya ang palapulsuhan niyang labis na nasaktan dahil sa mahigpit na pagkakahawak nito sa kaniya maging ang panghihila nito sa kaniya palabas ng mansion.
“Ano ba ang problema mo?” magkahalong galit at inis na tanong niya rito.
Hindi naman agad nakasagot si Gawen, sa halip ay humugot ito nang malalim na paghinga at tiim-bagang na pinakawalan iyon sa ere. Mayamaya, tumalikod ito sa kaniya at nagparoo’t parito nang lakad habang nakahawak na ang isang kamay nito sa batok.
“Damn it.”
Mas lalong nagsalubong ang kaniyang mga kilay nang marinig niya ang pagmumura nito. Ano ba ang problema ng lalaking ito? Basta-basta na lamang siyang hinila! Pero mabuti na rin na dumating ito kanina sa kusina kaya hindi siya nahalikan ni Goran. Dahil kung hindi... malamang na sa mga sandaling ito, natikman na niya ang mga labi ng kapatid nito.
Oh, damn! Kahit sa hinagap niya ay hindi naman sumagi sa isipan niya na mahalikan siya ni Goran.
Napayuko siya saglit at kagat ang pang-ibabang labi ay napapikit siya nang mariin.
“What are you doing, Gelaena?”
Mabilis siyang nag-angat ng mukha niya at muling tinapunan ng tingin ang binata na ngayon ay magsalubong pa rin ang mga kilay habang nakatitig na sa kaniya.
Walang anu-ano’y biglang kumabog ang kaniyang puso dahil sa klase ng paninitig nito sa kaniya.
“A-ano... ano’ng ibig mong sabihin?” nauutal at kinakabahang tanong niya. Napalunok pa siya ng kaniyang laway.
“Goran is about to kiss you. Pero parang wala kang balak na pigilan siya para halikan ka. Why?” halatang-halata sa mukha nito ang galit ngayon, pero halatang pinipigilan lang din nito ang sarili.
Halos mag-isang linya na ang mga kilay niya dahil sa sinabi nito. Bakit ba ito nagagalit sa kaniya ngayon dahil muntikan na siyang mahalikan ni Goran? Oh, nagseselos ba ito sa kaniya? Marahil nga’y tama ang sinabi ni Arlene sa kaniya na may gusto na rin sa kaniya si Gawen kaya ito nagseselos? Dahil sa ideyang iyon na pumasok sa isipan niya, hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na makadama ng tuwa!
“We’re in a relationship, Gelaena!”
Napamaang siyang bigla. Hindi niya inaasahan ang sasabihin nito sa kaniya ngayon. Ano raw? Tama ba ang narinig niya sa sinabi nito?
“We’re in a relationship now, Gelaena!”
“We’re... in what?” gulat na gulat na tanong niya.
Malalim na buntong-hininga ang muling pinakawalan ni Gawen sa ere pagkuwa’y naiinis na ginulo ang buhok nito. Nagtiim-bagang pa itong muli. “Come on! I don’t need to repeat what I said. Narinig mo ang sinabi ko, Gelaena.” Saad nito. Pero mayamaya ay biglang lumamlam ang hitsura nito habang nakatitig pa rin sa kaniya. Pinipilit na pakalmahin ang sarili nito.
Ilang saglit na katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Pinoproseso pa rin ng utak niya ang mga sinabi nitong iyon. Labis siyang nagulat! Iyon ay kung tama nga ba ang narinig niya sa mga sinabi nito!
“We kissed four times already, Gelaena.” Anang Gawen mayamaya at muling napabuntong-hininga. “Tapos... tapos hahayaan mo lang na halikan ka ni Goran? Parang okay lang sa ’yo na halikan ka ng kapatid ko gayo’ng girlfriend na kita!”
Biglang naghiwalay ang kaniyang mga kilay at walang emosyon ang mukha na napatitig siyang lalo sa gwapo nitong mukha.
Oh, Gelaena! Hindi ka nga nagkakamali sa mga narinig mong sinabi niya sa ’yo. Anang kaniyang isipan.
Naramdaman niya ang lalong paglakas nang kabog ng kaniyang puso. Saglit siyang hindi nakapagsalita at seryoso lamang siyang nakatitig sa gwapong mukha ng binata. Mayamaya, nang makabawi na siya sa labis na pagkabigla sa mga pangyayari at sa mga sinabi nito sa kaniya, humugot siya nang napakalalim na paghinga at marahas na pinakawalan iyon sa ere. Saglit pa siyang nag-iwas ng tingin dito upang supilin muna ang kaniyang sarili.
“Oh, so because of that kiss kaya girlfriend mo na ako at boyfriend na kita?” tanong niya rito mayamaya at muling sinalubong ang mga mata nito.
“Yeah,” walang pagdadalawang-isip na sagot naman sa kaniya ni Gawen.
Natawa siya sa sinabi nito sa kaniya.
“Do not laugh at me, Gelaena. I’m not kidding right now.”
“Pagkatapos ng halik na nangyari sa atin sa library no’ng gabing ’yon... umasa ako na sa gabing iyon mismo ay sasabihin mo na sa aking gusto mo rin ako, Yorme. Pero hindi ka nagsalita. Umalis ka at nawala ka ng ilang araw. Tapos kanina nang dumating ka, ni hindi mo ako nagawang sulyapan manlang gayo’ng mahigit isang linggo akong naghintay na umuwi ka rito. Tapos ngayon...” aniya at saglit na tumigil sa kaniyang pagsasalita at kumuha ng hangin upang pagaanin ang kaniyang dibdib na labis na ang pagreregodon sa mga sandaling iyon. “Tapos ngayon bigla mo na lang ako hahatakin papunta rito sa labas at sasabihin mong girlfriend mo na ako kaya hindi ako dapat magpahalik sa kapatid mo. Bakit, nagsabi ka ba sa akin? Nanligaw ka ba sa akin?” tanong niya.
Napatikom naman ng bibig niya si Gawen dahil sa mga sinabi niya. Mayamaya ay nag-iwas ito ng tingin sa kaniya at muling nagpakawala nang malalim na paghinga.
“I’m sorry,” sabi nito. “That night... I was about to tell you how I feel for you, Gelaena. I really do. Pero, hindi ako nagkaroon ng chance dahil... dahil dumating si Arlene at kailangang kong umalis dahil may importante akong gagawin sa trabaho ko. But... but I swear I promised to myself na kakausapin na kita pagkabalik ko rito.” Pagpapaliwanag nito. “And I’m sorry kung hindi kita sinulyapan kanina nang dumating ako. Sa maniwala ka o hindi, I... I missed you so much. Pinigilan ko lang ang sarili ko na huwag kang tingnan kanina dahil sigurado ako na hindi ko mapipigilan ang sarili ko na hindi ka lapitan at yakapin. Or maybe... to kiss you again because... because I missed your lips.”
Napamaang siyang muli dahil sa mga sinabi nito. Nagsasabi ba ng totoo sa kaniya ang lalaking ito? Naramdaman niya ang pag-iinit ng kaniyang mukha dahil sa huling mga sinabi nito. Oh, at talagang namiss din nito na halikan siya?
Malamlam na tumitig sa kaniya si Gawen at pagkuwa’y humakbang palapit sa kaniya.
“I... I like you, Gelaena!”
Sa sandaling marinig niya ang mga katagang iyon, tuluyan nang sumabog ang kaligayahan sa puso niya. Kumabog pa nang husto ang kaniyang puso na para bang lalabas na iyon sa kaniyang dibdib. Oh, my gulay! Medyo kinakapos na rin siya ng hangin.
My God! Totoo na ba talaga ito? Nagtapat sa kaniya si Gawen na gusto rin siya nito? Hindi ba siya nananaginip lamang?
Lihim niyang kinurot ang kaniyang hita. At mukhang hindi nga siya nananaginip lamang ngayon. Nasaktan kasi siya dahil sa pagkurot niya sa hita niya.
“I’m a conversative person, Gelaena. Kaya... ang halik na nangyari sa atin nang gabing ’yon...” anito at saglit na huminto sa pagsasalita at humakbang pa ng isang beses palapit sa kaniya. Dahan-dahan nitong kinuha ang isang kamay niya at masuyo iyong pinisil at ikinulong sa mga palad nito. “Dapat panagutan mo ako.”
Hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili na mapangiti dahil sa huling mga sinabi nito. Ano raw? Dapat ay panagutan niya ito dahil sa halik na nangyari sa kanila? Aba, iba rin pala ang Yorme niya!
“Please... don’t smile at me like that.”
Hindi niya malaman kung nalulungkot ba ito ngayon o nahihiya sa kaniya dahil sa mga sinabi nito!
“G-gusto mo rin ako?” mayamaya ay tanong niya rito.
Unti-unti namang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Gawen at bahagya itong tumango upang sagutin ang tanong niya.
“T-talaga?” paninigurado pa niya.
Kinuha ulit ni Gawen ang isa pa niyang palad. “Gusto kita, Gelaena. Gusto mo rin naman ako, hindi ba?” tanong din nito sa kaniya.
Hindi na niya pinigilan ang kaniyang sarili at hinayaan niyang sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi niya at tumango rin siya. “Gustong-gusto.”
“Really?” lumiwanag bigla ang mukha nito.
“Kahit masungit ka at makupad kumilos para ipagtapat sa akin ang damdamin mo at mas inuuna mo pang halikan ako kaysa mag-confess.”
“Oh, Gelaena!” anito at biglang binitawan ang mga kamay niya at kinabig siya palapit sa katawan nito at niyakap siya nang mahigpit.
Kahit nagulat siya sa ginawa nito, natawa na lamang siya at gumanti na rin ng yakap dito.
“Thank you! Oh, thank you, Gelaena.” Anang Gawen habang mahigpit pa rin ang pagkakayakap sa kaniya. Naramdaman pa niya ang paghalik nito sa buhok niya.
“OH, I CAN’T believe I confessed to you!” anang Gawen sa kaniya habang nakaupo na sila sa sofa na nasa loob ng gazebo. May maliit na espasyo sa pagitan nilang dalawa.
Mataman itong nakatitig sa kaniya.
Napangiti siyang muli. At kahit naiilang siya sa klase ng paninitig ni Gawen sa kaniya, pinigilan niya ang kaniyang sarili na mag-iwas ng tingin dito. Natutuwa kasi siyang pagmasdan ang nagniningning nitong mga mata. Ngayong harap-harapan itong nakangiti sa kaniya, mas lalo pa itong naging gwapo sa paningin niya.
Oh, holy lordy!
“Kahit ako, hindi pa rin ako makapaniwalang... gusto mo rin pala ako, Yorme.”
“I told you to stop calling me Yorme,” sabi nito.
Nakagat niya ang pang-ibaba niyang labi at tipid na ngumiti.
Muling nagpakawala nang malalim na paghinga si Gawen pagkuwa’y inabot nito ang kaniyang kamay at masuyo iyong muling pinisil at dinala sa tapat ng bibig nito upag gawaran ng halik ang likod niyon.
“I’m sorry kung hindi ko agad nasabi sa ’yo ang nararamdaman ng puso ko para sa ’yo, Gelaena. But God knows how much I really wanted to confess how I feel for you. Hindi ko lang alam kung paano o ano ang gagawin ko para makausap ka. Ilang gabi na ring naghihirap ang kalooban ko kakaisip ng puwede kong gawin para sabihin ko sa ’yo na gusto kita. Idagdag pa ang labis na selos na nararamdaman ko dahil kay Goran. Oh, God! Sobrang bigat ng pakiramdam ko nitong mga nagdaang araw at gabi, lalo na kapag naiisip kong mauunahan na ako ni Goran na makuha ka. But now...” saglit itong huminto sa pagsasalita at tinitigan ang kaniyang kamay na hawak pa rin nito. Hinaplos-haplos nito ang likod niyon pagkuwa’y muling tumitig sa kaniya. May malapad ng ngiti sa mga labi nito. “I’m so happy right now, Gelaena. Magaan na ang pakiramdam ko ngayon nasabi ko na ang damdamin ko para sa ’yo.”
Nag-iinit nang husto ang kaniyang mukha dahil sa labis na kilig na kaniyang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Pero gayo’n pa man, hindi niya pa rin inalis ang pagkakatitig sa mapupungay nitong mga mata, maging sa mamula-mula nitong mga labi.
“Girlfriend na kita, Gelaena, hindi ba?” tanong nito mayamaya.
“Hindi mo pa nga ako nililigawan, e!” aniya.
Bigla namang naglaho ang ngiti sa mga labi ni Gawen at seryosong napatitig sa kaniya. Mayamaya ay umayos ito sa pagkakaupo nito ngunit hindi pa rin binibitawan ang kaniyang kamay.
“Ang sabi mo, conservative person ka, pero nauna pa ang apat na halik bago ka magtanong sa akin kung girlfriend mo na ba ako o hindi kaya ay hindi ka manlang nagsabi sa akin kung puwede mo akong ligawan,” sabi niya. “Aba, gusto ko rin naman maranasan ang maligawan, Yorme este—Gawen.” Saad niya. “Tapos ako pa ang dapat na managot sa ’yo dahil sa halik na ginawa mo sa akin? Iba ka rin ano?” natawa siya nang pagak at masuyong hinila ang kamay niya para bawiin iyon.
“Well, I never had a girlfriend before. You are my first kiss and you’re going to be my first girlfriend kaya dapat lang na panagutan mo ako.” Seryosong saad nito sa kaniya. Bahagya pa ngang kumibot-kibot ang mga labi nito na siyang nagpa-cute sa hitsura nito ngayon.
Napahagikhik siya. Hindi niya malaman kung cute ba ito o gwapo? Ah, pareho lang! He can be both.
“Pananagutan mo naman ako... e ’di sige, pananagutan na rin kita.” Aniya.
Muling ngumiti si Gawen dahil sa sinabi niya.
“Pero...” aniya nang akma na sana itong magsasalita. “Gusto kong ligawan mo pa rin ako.”
“Alright,” sabi nito. “But...” tumikhim pa ito at banayad na nagpakawala nang malalim na buntong-hininga at saglit na nag-iwas ng tingin sa kaniya.
Bahagya namang nangunot ang kaniyang noo. “But ano?” tanong niya.
“Is it okay if... if we keep it under wraps for now?”
Mas lalong nagsalubong ang kaniyang mga kilay.
“Just for now, Gelaena. Ayoko lang na magkaroon ng problema sa atin, lalo na sa ’yo. Nakapag-desisyon na kasi akong tatakbo ako bilang gobernador sa susunod na eleksyon. Ayoko lang na may maging issue tungkol sa atin. Or... ayoko na may ibato sa ’yo ang mga tao na hindi maganda. Maiintindihan mo naman ako, hindi ba?” malamlam ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya.
Banayad siyang nagpakawala rin nang buntong-hininga ’tsaka marahang tumango. Ngumiti siya. “Naiintindihan kita,” sabi niya. Iyon ang totoo. Naiintindihan niya ang klase ng trabaho nito.
Ngumiting muli si Gawen sa kaniya at kinuha ulit ang kaniyang kamay. “Thank you, Gelaena.” Anito at dinala ulit iyon sa tapat ng bibig nito at masuyong hinagkan ang likod niyon.
“Masaya ako ngayon, Gawen. Iyon ang totoo.”
“So am I, L’amour de ma vie.” Nakangiti pa ring saad ni Gawen sa kaniya.
Magsasalita na sana siya para tanungin ito kung ano ang ibig sabihin ng sinabi nito sa kaniya, pero...
“Gelaena!”
Bigla silang napalingon ni Gawen kay Arlene na ngayon ay palapit na sa kanilang dalawa. Mabilis niyang binawi mula rito ang kaniyang kamay.
Tumikhim siya. “Um, b-bakit, Arlene?” tanong niya sa kaibigan.
Hindi naman agad sumagot ang dalaga. Sa halip ay ipinagpalipat-lipat nito ang tingin sa kanila ni Gawen nang makalapit ito nang tuluyan sa kanilang dalawa. Mayamaya ay biglang sumilay ang malapad at nanunudyo nitong ngiti sa kanila.
“Arlene!” saway niya sa kaibigan at pinanlakihan niya ito ng mga mata.
“Sorry po sa isturbo sa moments ninyo, Mayor, amiga,” anito. “Pero... Mayor, pinapatawag ka po ni Señor Salvado. Gusto ka raw po niyang makausap.”
Bumuntong-hininga si Gawen. At nang tumingin siya rito, tumingin din ito sa kaniya at tipid na ngumiti ’tsaka tumayo na.
“Thank you, Arlene,” anito. “Gelaena!”
Nakangiting tumango naman siya. “S-sige po, Yorme.”
Kaagad na tumalikod si Gawen at naglakad na palayo sa kanila. Sinundan pa nila ni Arlene ng tingin ang binata. At nang tuluyan itong makalayo, kaagad na umupo sa tabi niya si Arlene at yumakap sa braso niya.
“Hoy amiga! Ano ang chika? Bakit kayo magkasama rito ng labidabs mo? May ganap ba?” sunod-sunod at halatang excited na tanong nito sa kaniya.
Magkasalubong ang mga kilay na nilingon niya ito. “Ano’ng ganap?” kunwari ay takang tanong niya.
“Sus! Huwag ka na mag-deny talent portion diyan, amiga! Kitang-kita ko ang kislap ng mga mata mo.” Anito.
Umirap siya rito at tinanggal niya ang mga braso nitong nakayakap sa kaniya ’tsaka siya tumayo at lumayo rito. “Hindi ako nag-d-deny, Arlene,” sabi niya. “Nag... nag-usap lang kami ni Yorme tungkol sa—”
“Tungkol sa pag-ibig ninyo para sa isa’t isa?” tanong nito at tumayo na rin at lumapit sa kaniya. Muling yumakap sa kaniyang braso. “Sige na kasi... aminin mo na sa akin. Kayo na ba? Nagkaunawaan na ba kayo?” pamimilit pa nito sa kaniya.
Bumuntong-hininga siya at seryosong tiningnan ang dalaga. “Walang aminan na nangyari sa pagitan namin ni Yorme, Arlene.” Pagsisinungaling niya rito. Kaibigan niya si Arlene at mapapagkatiwalaan niya ito at isa pa, president nga raw ito sa love team nila ni Gawen, pero hindi niya na muna siguro sasabihin dito ang tungkol sa kanila ni Gawen. ’Tsaka na lang siguro kapag okay na silang dalawa.
“Ang damot mo naman, Gelaena.” Nakasimamgot na saad nito sa kaniya at bumitaw sa pagkakayakap sa braso niya. “Halata na nga sa mukha mo na okay na kayo ni Mayor, tapos ayaw mo pang mag-share. Kung ganoon pala, tapusin na lang natin itong pagkakaibigan natin—”
“Ang oa mo naman, Arlene!”
“Oa na kung oa, nakakapagtampo ka pa rin! Ako na nga itong nagpu-push sa inyo ni Mayor, tapos—”
“Oo na,” sabi niya para matigil na ito sa pagsasalita. Baka nga talagang tuluyan itong magtampo sa kaniya.
Bigla itong humarap sa kaniya at ngumiti nang malapad.
Oh, walang-hiya talaga ang babaeng ito! Sa isip-isip niya.
Muli itong lumapit sa kaniya at niyakap ang baywang niya. “Ibig sabihin official na ang team GaGe?” tanong nito.
“Hindi pa. Pero... pero umamin na rin siya sa akin na gusto niya rin ako.”
Impit na napatili si Arlene. Napatakip pa ito sa bibig. “My God! Masaya ako, amiga! Ayeeee! Sabi na nga ba, e! Magtatagumpay rin ang manok ko.” Anito.
Napangiti na lamang din siya at napailing dahil sa hitsura ni Arlene. Labis nga itong kinikilig ngayon dahil sa kanila ni Gawen.