“HI, GOOD MORNING!”
Biglang napalingon si Gelaena sa lalaking nagsalita mula sa may likuran niya. Ngumiti naman siya nang makita niya ang nakangiting mukha ng lalaking kasama ni Mayor Gawen kahapon.
“Good morning din!” ganting bati niya rin dito at muling tinapunan ng tingin ang slice bread na nilalagyan niya ng strawberry jam. Iyon kasi ang rekwes sa kaniya ng kaniyang alaga. Alas sais pa lang ay nagising na siya kasi ayon sa schedule ng kaniyang alaga na ibinigay sa kaniya ni Doña Cattleya no’ng isang araw ay may pasok daw ito sa school tuwing Martes at Huwebes. Sa tuwing Lunes, Meyerkules at Beyernes naman ay pinupuntahan lamang ito ng tutor nito para turuan. Alas syete pa lang din naman ng umaga at nag-rekwes nga sa kaniya si Emzara na igawa niya ito ng sandwich na strawberry daw ang palaman kaya bumaba siya sa kusina.
“Ako pala si Migo!” mayamaya ay pagpapakilala nito sa kaniya. “Assistant ako ni Mayor Gawen.”
Muli niya itong nilingon. “Ako naman si Gelaena. Bagong yaya ni Señorita Emzara.” Pagpapakilala niya rin at inilahad niya ang kaniyang kamay rito. “Nice to meet you, Migo.”
Kaagad naman itong lumapit sa kaniya upang tanggapin ang kaniyang palad. “Nice to meet you too, Gelaena.” Anito. “Mabuti naman at mukhang... magkasundo agad kayo ng anak ni Mayor.” Dagdag pang saad nito.
Nang matapos niyang takpan ang jam, ibinalik niya iyon sa lalagyan. “Kaya nga ayaw akong paalisin ni Señor Salvador dahil sa lahat daw ng naging yaya ng anak ni Mayor, ako lang ang nakasundo ng bata.”
Tumango naman ang lalaki. “That’s true. Nakailang tawag na rin ako kay Ma’am Ella para magpahanap ng bagong yaya, pero lahat naman ay hindi tumatagal at kaagad na umaalis. Pero mabuti na lang at ngayon ay nagustohan ka ni Señorita Emzara.”
Ngumiti siya ulit sa lalaki nang balingan niya ito ng tingin. “Gusto mo ba ng kape? Ipagtitimpla kita?” sa halip ay tanong niya rito mayamaya.
“Um, h-hindi na.” Anito at umiling pa. “I can make my own coffee,” sabi nito at kaagad na naglakad palapit sa coffee maker.
“Or ayaw mo lang na ipagtimpla kita kasi sinabi ko kahapon kay Mayor na hindi ako masarap magtimpla ng kape?” pabirong saad niya habang bitbit niya na ang tray na pinaglagyan niya ng sandwich na ginawa niya at ng gatas na itinimpla niya para sa bata.
Tila nahihiyang napakamot naman sa ulo nito ang lalaki.
Tumawa naman siya ng pagak. “Niloko ko lang kahapon si Mayor. Nakakainis kasi siya, e!” aniya.
“Grabe! Ang tapang mo para gawin mo ’yon kay Mayor Gawen.” Tila hindi pa rin ito makapaniwala dahil sa naging sagutan nila ng mayor sa nagdaang umaga. Kung ano ang naging hitsura nito kahapon ay ganoon pa rin ang hitsura nito ngayon.
“Bagay lang ’yon sa kaniya. Ang panget naman ng ugali niya, e!” aniya at napaismid pa siya.
At sakto nang pagkatingin niya sa may pinto ng kusina, papasok na roon ang Mayor na pinag-uusapan nila. Mukhang narinig ata nito ang mga sinabi niya dahil magkasalubong na naman ang mga kilay nito habang nakatingin sa kaniya.
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin dito. “Sige, Migo. Mauuna na ako, huh? Ihahatid ko lang ito sa silid ng alaga ko.” Pagkasabi niya niyon ay kaagad siyang naglakad palapit sa pinto. Hindi niya manlang tinapunan ng tingin ang Mayor nang madaanan niya ito, pero binati niya ito, “morning po sa inyo, Mayor!” aniya at nagtuloy-tuloy na sa kaniyang paglalakad hanggang sa makapanhik ulit siya sa silid ng kaniyang alaga.
“What took you so long, Gelaena?”
Isa sa napansin niya sa ugali ng bata, parang ayaw nito sa mabagal kumilos! Kahit ilang minuto pa lang na late siyang bumalik sa silid nito ay nagrereklamo agad sa kaniya dahil matagal daw siya.
“I’m sorry,” aniya at inilapag niya sa center table ang pagkain na dala niya. “Halika, kumain ka muna. Mayamaya lang ay aalis na rin tayo.”
Kaagad namang lumapit sa kaniya ang bata at umupo sa tabi niya.
“Paborito mo ba ang strawberry?” tanong niya habang pinagmamasdan niya itong kumakain.
Tumango naman ito. “Yeah. I love strawberry,” sagot nito.
“Ano pala ang pangalan ng mommy mo?”
“Eula,” sagot nito nang malunok ang unang kagat nito sa tinapay. Pagkatapos ay binalingan siya ng tingin. “Her name is Eula.”
Mmm, wala naman siyang kakilala na may pangalang Eula. Saan niya naman uumpisahan ang paghahanap sa nanay nito? Sa totoo lang, wala naman talaga siyang balak na hanapin ang nanay nito. Sinabi niya lang iyon sa bata para tumahan ito sa pag-iyak. Pero dahil nga na-guilty siya, parang no choice siya kun’di gawin nga ang sinabi niya rito na tutulungan niya itong makita ang mommy nito. Susubukan na lamang siguro niyang maghanap sa social media. Baka sakaling makita niya ito at matulungan at mapasaya niya itong si Emzara.
“May picture ka ba ng mommy mo?” tanong niya mayamaya.
Huminto naman sa pagkain ang bata at tumingin ulit sa kaniya. Mayamaya ay umiling ito. “No I don’t have, Gelaena.” Malungkot na saad nito.
Oh, paano niya naman ito matutulungan na hanapin sa social media ang nanay nito kung wala siyang ideya kung ano ang hitsura nito? Ah, bahala na nga! Hindi niya na muna iyon iisipin sa ngayon.
Pagkatapos kumain at magbihis ng kaniyang alaga ay bumaba na rin sila sa sala dahil naghihintay na raw ang driver na maghahatid sa kanila papunta sa private school na pinapasukan nito.
MULA SA KINATATAYUAN ni Gawen, tanaw na tanaw niya si Emzara at Gelaena na magkahawak kamay na lumabas sa main door. Tinitigan niya ang maliit na mukha ng bata. She was smiling while talking to Gelaena. At habang nakikita niya ang malawak na ngiting iyon sa mga labi ng bata, tila bigla siyang nakaramdaman ng ginhawa. Maybe his father was right. Magkasundo nga agad ang dalawa. Kumpara sa mga naunang yaya na kinuha niya, lagi lamang inaaway ni Emzara ang mga ito. Laging umiiyak ang bata at hindi manlang mapatahan ng yaya nito. Pero ngayon, bago lang din naman nitong nakilala si Gelaena, pero kaagad itong nagustohan ni Emzara.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya sa ere nang makasakay na sa backseat ng kotse ang dalawa.
“Naniniwala ka na ba?”
Bigla siyang napalingon sa tabi niya nang bahagya siyang magulat dahil sa pagsasalita ng kaniyang ama. Kanina pa ba ito sa tabi niya? Hindi niya namalayan ang paglapit nito sa kaniya.
“I told you... Emzara really likes Gelaena. Kaya huwag mo ng awayin ang bagong yaya ng anak mo. Huwag mo na rin siyang paalisin dito sa mansion. Ikaw rin, mahihirapan ka na namang maghanap ng bagong yaya na makakasundo ng batang ’yon.”
Muli siyang napabuntong-hininga at naglakad palapit sa mesa na nasa gilid ng swimming pool. Umupo siya sa silyang naroon.
“I still don’t like her, papa.” Seryosong saad niya.
“Dahil ba sa nangyari kahapon?” tanong ng Señor Salvador at naglakad na rin ito palapit sa anak. “Si Hulya na mismo ang nagsabi sa akin na mabait na bata si Gelaena. She’s not a thief—”
“Of course sasabihin iyon ni Manang Hulya kasi pamangkin niya ang babaeng ’yon. Kakampihan niya ’yon.” Pinutol niya ang pagsasalita ng kaniyang ama.
Umiling naman ang Señor Salvador habang pinagmamasdan ang anak. “Huwag mo munang husgahan ang batang ’yon. I can see in her eyes that she’s a nice person. At kita mo naman na sa kaniya lang nakikinig ang anak mo. Isang sabi niya lang na tumahan na sa pag-iyak, tumatahan agad. Dahil siguro mabuti ang puso niya kaya agad siyang nagustohan ng apo ko.”
“Fine, papa,” aniya nang tapunan niya ito ng tingin. “Hindi ko na siya paaalisin sa trabaho niya. Hindi n’yo na siya kailangang purihin nang purihin sa harapan ko.” Hindi niya maitago ang iritasyon dahil sa dalaga.
Actually, hindi naman talaga siya magagalit dito at hindi niya ito paaalisin bilang yaya ni Emzara kung hindi lamang siya nito napagkamalang hardinero. Damn it. Sa tanang buhay niya, iyon pa lamang ang malaking insulto na natanggap niya mula sa taong hindi niya naman kilala. And worse, yaya lang ng anak niya ang nagsabi niyon sa kaniya.
Ngumiti naman ang Señor Salvador. “She’s beautiful.”
Mabilis na nagsalubong ang kaniyang mga kilay at muling napatingin sa ama. Ano ang ibig ipahiwatig ng sinabi nito sa kaniya at ng ngiti nito ngayon? Oh, huwag lang sabihin sa kaniya ng kaniyang ama na tipo nito si Gelaena!
“I think I like her—”
“Pa, you’re here in the mansion at nariyan lang si mama sa loob.”
“Not for me, ano ka ba namang bata ka!” nakasimangot na sabi ng kaniyang ama.
’Tsaka naman niya naintindihan ang ibig nitong sabihin. Muli siyang napabuntong-hininga at napailing. Magsasalita pa sana siya, ngunit hindi niya na lamang ginawa. Alam niya kasing hahaba pa nang hahaba ang usapan nila ng kaniyang ama kung papatulan niya pa ito. Kilala niya ang ugali nito. Baka matulad lamang siya sa kaniyang kapatid na si Sebas na napilitang magpakasal kay Sakura dahil sa pangungulit ng kanilang magulang. Even him, may mga pagkakataon din minsan na kinakausap siya ng magulang niya kung kailan siya mag-aasawa at lalagay sa tahimik. He’s thirty-three kaya kailangan niya na raw maghanap ng girlfriend at magpakasal. Para daw may katulong na rin siya sa mga campaigns niya kapag nag-i-eleksyon na.
“I really like her.” Muling saad ng Señor Salvador nang tumalikod na ito at nagsimulang maglakad palayo.
Napapailing na lamang siya nang sundan niya ng tingin ang kaniyang ama.
DAHAN-DAHAN na isinarado ni Gelaena ang pinto ng silid ni Emzara. Kakatulog lamang ng bata kaya nagpasya na siyang lumabas at bumaba sa kusina kasi nagugutom na rin siya. Pasado alas nuebe na ng gabi. Ang tagal matulog ng kaniyang alaga dahil nakipaglaro pa ito sa kaniya pagkatapos nilang mag-aral. Kanina pa naman siya pinuntahan ni Arlene para sabihan na kakain na sila, pero dahil hindi niya naman magawang iwanan nang gising pa ang bata ay sinabihan niya si Arlene na mamaya na siya kakain. Nalipasan na nga siya ng gutom, pero ayos lang. At least hindi siya nagkaroon ng problema sa kaniyang alaga sa araw na iyon. Simula nang umaga nang magtungo sila sa eskwelahan nito, behave naman si Emzara. Hindi nang-away ng classmate kagaya sa sinabi sa kaniya ng teacher nito. Nang makauwi rin naman sila nang tanghali ay naging payapa rin ang kaniyang mga kilos sa mansion dahil wala ang Mayor.
Nang makababa sa mataas na hagdan ay nagdiretso siya sa silid nila ng kaniyang Tiya Hulya. Nadatnan niya ang matanda na nakahiga na sa kama pero gising pa.
“Tiya, bakit po gising pa kayo?” tanong niya.
“Hindi pa kasi ako makatulog,” sagot nito. “Kumain ka na ba, hija?”
“Hindi pa po,” sagot niya nang makalapit siya sa kaniyang kama at umupo sa gilid niyon. Nagpakawala pa siya nang malalim na buntong-hininga.
Bumangon naman ang kaniyang Tiya Hulya. “Ayos ka lang ba, hija?” tanong nito sa kaniya.
Binalingan niya naman ng tingin ang matanda at ngumiti siya rito pagkuwa’y tumango. “Ayos lang po ako, Tiya Hulya,” sagot niya. “Siguro... naninibago pa ang katawan ko sa trabaho ko.”
“Basta, kung hindi mo kaya ang trabaho rito, magsabi ka lang sa akin, huh? Ako na ang kakausap kay Señor Salvador.”
“Kaya ko naman po, tiya. Sadyang... naninibago nga lang talaga po ang katawan ko.”
Ngumiti naman sa kaniya ang matanda. “Oh, siya sige... halika at sasamahan na kita sa kusina para kumain ka na.”
Pinigilan niya ang akmang pagtayo nito, “hindi na po, tiya,” wika niya. “Magpahinga na po kayo. Kaya ko na pong asikasuhin ang sarili ko.”
“Sigurado ka?”
Nakangiting tumango naman siya at tumayo na sa kaniyang puwesto. “Matulog na po kayo. Mag-a-alas dyes na po.”
“Siya sige.”
“Good night po, Tiya Hulya.”
“Good night, hija.”
Nang makalabas na siya ng kanilang silid ay tinahak na niya ang daan papunta sa kusina. Tahimik na ang buong paligid. Marahil ay nagpapahinga na ang mga tao sa mansion. Maging si Arlene ay maaga atang nagpahinga.
PAGKATAPOS NIYANG kumain, sa halip na bumalik na sa silid nila upang magpahinga, nagdesisyon si Gelaena na magtungo na muna sa swimming pool area upang doon ay saglit na magpahinga. Busog pa naman siya kaya tama lamang na magmunimuni siya saglit doon.
Tahimik lamang siyang nakaupo sa lounge chair na nasa gilid ng pool habang nakatulala siyang nakatitig sa tubig. Ang lalim ng kaniyang iniisip kaya hindi niya namalayan ang paglapit ni Gawen sa kaniyang puwesto.
“What are you doing here?”
Gulat na napalingon siya kay Mayor Gawen habang nasa tapat ng kaniyang dibdib ang isang palad niya.
“Jusko naman po, Mayor! May balak po ba kayong patayin ako sa takot?” magkasalubong ang mga kilay at naiinis na tanong niya rito. “Nanggugulat naman po kayo riyan!”
“Tsk.” Anito at nagpakawala nang malalim na buntong-hininga ’tsaka humakbang palapit sa isa pang lounge chair na nasa kaibayo ng kaniyang puwesto. May bitbit din itong bote ng beer. Nag-iinom pala ito.
Bumuntong-hininga rin siya at muling ibinalik ang kaniyang paningin sa tubig.
Mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Walang ibang maririnig sa paligid kun’di ang huni ng pang-gabing hayop.
“How was Emzara doing at school?”
Napalingon siya kay Gawen nang ito ang unang bumasag sa katahimikan sa pagitan nila. Tumitig siya sa naka-side view nitong mukha. Kagaya niya ay nakatitig din ito sa tubig.
“Okay naman po siya, Mayor,” sagot niya. “Ang sabi sa akin ng teacher niya... ito raw ang unang araw na pumasok si Emzara ng hindi nang-away ng classmate niya.”
Lumingon din sa kaniya si Gawen. Seryoso pa rin ang mukha nito. “What are you talking about?” tanong pa nito.
“Ang sabi po ng teacher niya, hindi raw nakikinig at nagpa-participate sa mga activities ang anak mo, pero kanina, bibo siya sa lahat ng klase nila.”
“Emzara is not like that—”
“Pero iyon ang sabi sa akin ng teacher niya kanina. Hindi ko naman po kailangang magsinungaling sa inyo para siraan ang anak n’yo,” wika niya upang putulin ito sa pagsasalita.
Muli itong tumingin sa kaniya habang magkasalubong na naman ang mga kilay. Kahit bigla siyang nakadama ng pagkailang dahil sa klase ng paninitig nito sa kaniya, nilabanan niya iyon.
Damn. Sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nailang sa isang lalaki. Tila, kakaiba ang epekto sa kaniya ng kulay brown nitong mga mata.
Lihim siyang napalunok at tumikhim at pagkatapos ay pasimple siyang nag-iwas ng tingin dito. Itinapon niya sa dulo ng swimming pool ang kaniyang paningin. “Hindi naman po sa nanghihimasok ako sa inyo, Mayor. Pero... alam kong alam mo kung bakit ganoon ang inaasta ng anak mo,” sabi niya rito. “Wala namang ibang hinihiling ang bata kun’di ang makita at makasama ulit ang mommy niya. Kaya kung mahahanap mo agad ang mommy niya, sigurado akong babalik sa dating sigla niya si Emzara. Alam kong mabait siyang bata. Sadyang... kulang lamang siya ng aruga at atensyon mula sa kaniyang ina.”
Hindi naman sumagot ang Mayor sa mga sinabi niya. Sa halip ay dinala sa bibig nito ang bote ng beer at tinungga iyon.
Muli siyang nagbaling ng tingin dito at ilang segundo pa niyang tinitigan ang guwapong mukha nito bago siya humugot muli nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere. Mayamaya ay tumayo na siya sa kaniyang puwesto.
“Mauuna na po ako. Good night sa iyo, Mayor!” aniya at kaagad siyang tumalikod at naglakad palayo. Hindi na siya naghintay ng tugon mula rito dahil alam naman niyang hindi ito sasagot sa kaniya.
NAG-ANGAT ng mukha si Gawen nang mula sa labas ng kaniyang opisina sa City Hall ay nakarinig siya ng mahinang katok. Abala siya sa pagbabasa ng importanteng documents.
“Come in!” aniya.
Bumukas naman ang pinto at pumasok doon ang kaniyang personal assistant na si Migo.
“Good afternoon po, Mayor!” bati nito sa kaniya nang maglakad ito palapit sa kaniyang mesa.
“What is it, Migo?” tanong niya at saglit na inilapag ang papel na hawak niya ’tsaka siya umayos sa kaniyang pagkakaupo.
“Nasa labas po ang private investigator ninyo. Gusto raw po kayong makausap ngayon.”
“Papasukin mo siya,” sabi niya.
“Sige po, Mayor.” At kaagad itong tumalikod at muling lumabas.
Ilang saglit lang ay pumasok nga ang isang lalaki na siguro’y nasa late 40’s na. Ito ang bagong investigator na inutusan niya para hanapin si Eula. Ang unang investigator kasi na nakausap niya para hanapin ang nanay ni Emzara ay sumuko na. Halos mag-iisang taon na kasi ay hindi pa rin nito mahanap ang babae. Hindi na raw nito alam kung saan pa maghahanap ng taong magaling magtago.
“Magandang araw po, Mayor!”
“Good day! Have a sit,” aniya at kaagad na iniligpit ang mga papel na binabasa niya kanina.
Nang makaupo sa visitor’s chair ang lalaki, may inilapag itong brown envelope sa kaniyang mesa. Seryosong tinitigan niya ito.
“May balita ba sa ipinapagawa ko sa ’yo?” tanong niya.
Bumuntong-hininga naman ang lalaki. “May balita po ako, Mayor. Pero, hindi ako sigurado kung magugustohan ninyo ang sasabihin ko ngayon.”
Nangunot ang kaniyang noo. “I want to hear it,” aniya.
Itinulak naman ng lalaki ang envelope papunta sa harap niya, “iyan po ang mga ebidensya na nakuha ko sa paghahanap kay Miss Hernandez. Sa Iloilo po siya namalagi ng anim na buwan pagkatapos niyang manatili sa Bohol. Nang pinuntahan ko po ang address niya roon no’ng nakaraang buwan, nakita ko po siya roon ng dalawang beses. Pero pagkatapos n’on ay hindi na siya bumalik sa bahay na inuupahan niya. And last week, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang koneksyon ko... and we found her.” Anito at saglit na tumigil sa pagsasalita.
Naghintay siya na muli itong magsalita, pero tinitigan lamang siya nito ng seryoso. Kaya nagpasya siyang damputin ang envelope upang tingnan ang laman niyon. Mas lalong nagsalubong ang kaniyang mga kilay nang makita niya ang larawan na naroon.
“Natagpuan po namin ang bangkay niya sa loob ng apartment na bago niyang inuupuhan sa Mindoro.” Anang lalaki.
What? Patay na si Eula? But why? How?
Isa-isa niyang tiningnan ang pictures ng bangkay ng babae na nakahandusay sa sahig. Ang dugo na nasa paligid ng katawan nito ay naghalong kulay pula at itim na. Namamaga na rin ang katawan at mukha nito.
“Ayon sa pulis na nakausap ko, isang linggo na raw ang bangkay ni Miss Hernandez. Kung hindi pa ako nagpabalik-balik sa apartment niyang iyon... hindi namin malalaman na isang linggo na pala siyang walang buhay. Hindi raw alam nang may-ari ng apartment ang nangyari. Dahil simula raw nang lumipat doon si Miss Hernandez, isang beses lamang itong nakita nang may-ari ng apartment.” Pagpapaliwanag pa ng investigator sa kaniya.
Bigla siyang nakadama ng lungkot dahil sa kaniyang nalaman. Nalulungkot siya hindi lamang dahil patay na pala ang matalik niyang kaibigan, kun’di nalulungkot siya nang husto para kay Emzara. Matagal ng gusto nitong makita ang mommy nito, tapos ngayon ay malalam na lamang niya na patay na pala ito! Ano na lamang ang sasabihin niya sa bata? Panigurado siyang labis itong masasaktan kapag malaman nitong hindi na babalik kahit kailanman ang mommy nito.
Tiim-bagang na binitawan niya ang mga larawan at humugot siya nang malalim na paghinga at pinakawalan iyon sa ere. Napahagod pa siya sa kaniyang batok at pagkuwa’y sumandal siya sa kaniyang swivel chair. Bigla siyang na-stress dahil sa malungkot na balitang natanggap niya. “What is the cause of her death?” tanong niya.
“Iyon pa po ang inaalam ko, Mayor. Maging ang mga pulis din sa Mindoro ay wala pang sapat na ebidensya kung ano ang dahilan ng pagkamatay ni Miss Hernandez. Pero may kutob ako na may taong humahabol sa kaniya kaya siya umalis at nagtago. Ayaw niya sigurong madamay ang anak niya kaya sa inyo niya iniwan ang bata.”
Muli siyang napabuga nang malalim na paghinga.
Pagkatapos ng pag-uusap nila ng kaniyang investigator ay nagpaalam ito agad sa kaniya. Naiwan naman siyang tahimik at nakatulala lamang habang maraming iniisip. Hindi niya na tinapos ang ginagawang trabaho kanina at kaagad siyang tumayo sa kaniyang puwesto at lumabas sa kaniyang opisina.
“Mayor, saan po kayo pupunta?” tanong sa kaniya ni Migo nang kaagad itong sumunod sa kaniya.
“Just stay here, Migo. Kapag may naghanap sa akin, sabihin mo ay umuwi ako saglit sa mansion.”
“Opo, Mayor.”