PAGKABUKAS pa lamang ni Gawen sa pinto ng silid ni Emzara, kaagad niyang nakita ang bata na nasa ibabaw ng kama at mahimbing na natutulog. Dahan-dahan siyang pumasok at naglakad palapit sa higaan. Maingat din siyang umupo sa gilid nito habang mataman niyang pinagmamasdan ang payapa nitong mukha na natutulog.
Muli siyang nagpakawala nang malalim na buntong-hininga pagkuwa’y umangat ang kanang kamay niya at masuyong hinawi ang hibla ng buhok ng bata na nasa tapat ng mukha nito.
“I’m sorry, Emzara.” Mahinang sambit niya. “Your mom is dead. You will never see her again.”
Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang kaniyang kalooban dahil sa malungkot na balitang natanggap niya kanina. Hindi pa rin siya makapaniwalang wala na si Eula, ang nanay ng batang ito. Ang tagal-tagal niyang hinanap ang kaibigan niya, pero sa huli ay ito lamang pala ang matatanggap niyang balita.
Laman pa rin ng isipan niya kung sino ang pumatay kay Eula. Ang sa pagkakaalam niya, mabait na tao si Eula. Sa tagal na nilang magkakilala at magkaibigan, wala siyang may nabalitaan na may nakaaway ito, puwera na lamang no’ng nasa college pa sila. Minsan ay may nakakaaway na schoolmate nila si Eula. Pero bukod doon, wala na. Sino kaya ang pumatay rito? Iyon ang malaking katanungan sa isipan niya na gusto niyang malaman kaya inutusan niya ulit ang kaniyang investigator na alamin ang tungkol doon. Mabigyan man lang niya ng hustisya ang pagkamatay ng ina ni Emzara.
Ilang saglit pa siyang nanatili sa silid ni Emzara bago siya nagpasyang tumayo sa kaniyang puwesto at nilisan ang kwarto ng bata. Nang lumabas siya sa may lanai, nakita niya roon ang kaniyang magulang na nag-uusap.
“Hijo, akala ko ba ay nasa City Hall ka ngayon!” anang Doña Cattleya nang makita ang anak.
Nang tuluyang makalapit sa mga magulang ay umupo siya sa bakanteng silya.
“Is there a problem?” kunot ang noo na tanong sa kaniya ng kaniyang papa.
Muli siyang napabuntong-hininga nang malalim. “Nakausap ko ang investigator na inutusan ko para hanapin si Eula,” sabi niya.
“Talaga? So, ano ang balita? Nakita na raw niya si Eula?” tanong ng kaniyang mama.
Tumango siya. Hindi pa rin nagbabago ang seryosong mukha niya.
“Nasaan na raw siya ngayon? Wala pa rin ba siyang balak na balikan ang anak niya?” tanong din ng kaniyang papa.
“She’s dead, ma, pa,” sabi niya.
Biglang nanlaki ang mga mata ng doña habang si ang kaniyang papa naman ay nangunot ang noo at mas lalong tumitig sa kaniya.
“What did you say?” hindi makapaniwalang tanong ng kaniyang ina.
“Eula is dead, ma,” sabi niya ulit. “Natagpuan ng investagitor ko at ng mga pulis ang bangkay niya sa apartment na inuupahan niya sa Mindoro. Isang linggo na raw ang bangkay niya bago natagpuan.”
“Oh, Diyos ko!” ang nausal ni Doña Cattleya at napatutop pa sa bibig nito.
“Ano raw ang sabi ng mga pulis? Sino ang pumatay sa kaniya?” tanong ulit ni Señor Salvador.
“Wala pa raw balita ang mga pulis kung sino ang pumatay sa kaniya. Pero pinapabalik ko ulit sa Mindoro ang investigator ko para alamin kung sino talaga ang nasa likod ng pagkamatay ni Eula.”
“My God! Kawawa naman ang apo ko. Ang tagal na niyang hinihintay na bumalik ang mommy niya, tapos ngayon... ito lang pala ang malalaman natin! I’m sure na labis na masasaktan ang batang ’yon.” Malungkot na saad ng doña.
“I don’t know if I should tell Emzara about this,” aniya. “I don’t want her to be hurt too much if she finds out that her mommy is already dead.”
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Doña Cattleya ’tsaka ito sumandal sa upuan nito.
“Hayaan na lang natin. Huwag mo na lang sabihin sa kaniya ang totoo. Hayaan na lang natin na isipin niyang nasa malayo lang ang mommy niya at hindi na babalik. Sa paglipas ng panahon, masasanay rin siyang wala ang mommy niya.” Anang Señor Salvador.
Tahimik na muling napabuga siya nang paghinga.
NANGUNOT ANG NOO ni Gelaena habang nasa gilid siya ng pinto at aksidente niyang narinig ang pinag-uusapan ng mag-asawang Ildefonso at ng anak nitong si Gawen. Palabas sana siya at pupunta sa gazebo para doon na muna magpahangin, tutal naman at natutulog pa ang kaniyang alaga.
My God! Patay na ang mommy ni Emzara? Sa isip-isip niya.
Bigla naman siyang nakadama ng lungkot para sa bata. Gustong-gusto pa naman ni Emzara na mahanap ang mommy nito, tapos ngayon ay malalaman niyang patay na pala ito! Malamang na labis ngang masasaktan ang bata kapag malaman nito ang totoo.
Laglag ang mga balikat at malungkot siyang naglakad patungo sa kusina. Hindi na siya tumuloy sa pagpunta sa gazebo.
“Oh, bes! Okay ka lang?” tanong sa kaniya ni Arlene nang mapansin siya nito.
Umupo siya sa silyang nasa tabi ng lamesa. Muli siyang bumuntong-hininga nang malalim. “Nalulungkot ako para kay Emzara,” aniya.
Saglit namang itinigil ni Arlene ang ginagawa nitong pagpupunas sa ibabaw ng kitchen counter at kunot ang noo na tumitig sa kaniya. “Ano ang ibig mong sabihin?” tanong nito.
“Narinig ko kasi na nag-uusap sina Doña Cattleya, Señor Salvador at Mayor Gawen. Ang sabi ni Mayor, patay na raw ang mommy ni Emzara.”
“Huh?” gulat na tanong ni Arlene. Bakas na bakas sa mukha nito ang labis na pagkabigla. “Totoo bes?” naglakad pa ito palapit sa kaniya at umupo sa silyang nasa tabi niya.
Tumango siya. “Iyon ang narinig kong usapan nila sa labas,” sagot niya. “Pero, huwag ka lang maingay. Sa atin-atin na muna ito. Ang sabi kasi ni Señor Salvador, huwag na lang daw ipaalam kay Emzara kasi labis na masasaktan ang bata.”
“Kawawa naman pala si señorita,” malungkot na sabi ni Arlene. “Ang tagal-tagal na niyang naghihintay na bumalik ang mommy niya tapos... wala na pala siyang hihintayin na bumalik. Sigurado akong labis nga na masasaktan ang batang ’yon.”
“Kaya nga Arlene. Nalulungkot ako para sa kaniya.”
“Saan daw natagpuan ang mommy niya?” tanong pa nito.
“Mindoro. Iyon lang ang narinig ko na sinabi ni Mayor.”
Muli siyang bumuntong-hininga nang malalim at sumandal sa likod ng upuan niya. “Grabe... ako nga labis ng nasaktan nang iwanan ako ng mama ko. Ano pa kaya si Emzara kapag malaman niyang wala na siyang mommy. Na kahit kailan ay hindi na niya makikita pa ang mommy niya.”
“Mabuti na lang at hindi ka pinaalis ni Señor Salvador, bes. Ngayon ka mas kailangan ni Señorita Emzara. Mas kailangan pagtuonan ng buong pansin at atensyon ang batang ’yon. Kahit pa sabihing hindi nila ipapaalam ang totoo, alam kong mas lalo pa siyang malulungkot at masasaktan kasi hindi na babalik ang mommy niya kahit kailanman.”
Tama si Arlene. Ngayon ay bigla siyang nagkaroon ng malaking dahilan upang hindi umalis at iwanan ang bata. Sa kaniya lamang ito nakikinig at naniniwala sa mga sinasabi niya. Parang pakiramdam ng puso niya, kailangan niyang alagaan nang husto ang bata, lalo pa ngayon na wala na itong ina.
PAGKAPASOK NIYA sa silid ng kaniyang alaga, sakto namang kagigising lamang nito. Nakaupo na ito sa ibabaw ng kama at kinukusot pa ang mga mata nito.
“Gelaena!” namamaos ang boses nito nang tawagin nito ang kaniyang pangalan.
Ngumiti siya at naglakad palapit dito. “Hi. Kumusta ang tulog mo?” malambing na tanong niya nang makaupo siya sa gilid ng kama nito. Bahagya pa niyang inabot at inayos ang hibla ng buhok nitong nahulog sa tapat ng mukha nito.
“I had a bad dream, Gelaena.” Malungkot na saad nito.
Nangunot ang kaniyang noo. “Bad dream?” tanong niya. “Bakit ano ang napanaginipan mo?”
“My mommy...”
Bigla naman siyang napatitig dito nang mataman. Ang pagsasalubong ng kaniyang mga kilay ay biglang nawala. Mayamaya ay bumuntong-hininga siya at kumilos siya sa kaniyang puwesto. Lumipat siya sa tabi nito at saka niya ito niyakap. “Bad dream lang ’yon. Kung anuman ang napanaginipan mo tungkol sa mommy mo, hindi totoo ’yon.”
“Are you sure?”
“Yeah,” sagot niya. “Ibig sabihin lang kasi n’on... sobra ka na ring nami-miss ng mommy mo kaya napanaginipan mo siya.”
“Really?”
Tumango siya. At mayamaya ay tumingala sa kaniya si Emzara. Pinilit niyang ngumiti rito nang matamis pagkatapos ay hinawakan niya ang maliit nitong pisngi at masuyo niyang hinaplos iyon.
“Promise me that you will find my mommy, okay?”
Napatitig siya sa mga mata nitong puno ng lungkot at pangungulila. Muli siyang ngumiti ng pilit at tumango. “Promise.” Pagkatapos ay muli niya itong niyakap. Ginawaran pa niya ng halik ang ulo nito.
“Thank you, Gelaena!”
“SINO ANG BISITA na dumating, Arlene?” usisang tanong niya nang makapasok siya sa kusina. Galing kasi siya sa silid ng kaniyang alaga at katatapos lamang ng klase nito kasama ang Math tutor nito. Gusto niya sanang lumabas kanina sa kwarto ng bata para makapag-focus ito sa pag-aaral, pero nakiusap naman sa kaniya si Emzara na huwag niya itong iiwan kaya nanatili na rin siya roon at nakinig na rin sa tutor nito.
“Ah, si Señorito Judas ang nariyan. Pinsan ni Mayor,” sagot ni Arlene. “Kasama rin ang asawa niya na si Señorita Marya at ang anak nila na si Señorito Noah.” Dagdag pa nito.
“Ah!” tumango-tango pa siya.
“Tapos na ba ang klase ni Señorita Emzara?”
“Oo, katatapos lang,” sagot niya. “Ikukuha ko lang siya ng juice at snack.”
“Nako, pababain mo na lang siya rito. Sigurado akong labis na matutuwa ang batang ’yon dahil narito si Señorito Noah. Bukod kasi sa ’yo... si Señorito Noah din ang malapit kay señorita. Matalik kasi silang makaibigan.”
“Ganoon ba?”
“Oo. Sige, puntahan mo na lang ang alaga mo tapos isama mo sa sala.”
“Okay sige.” Pagkasabi niya niyon ay kaagad naman siyang tumalikod at muling lumabas ng kusina. Pumanhik siya sa silid ni Emzara.
“Where is my juice, Gelaena?” tanong agad sa kaniya ng bata.
“Nasa kusina pa,” sagot niya. “Pero... halika at bumaba tayo. Nariyan daw ang kaibigan mong si Señorito Noah.”
Bigla namang sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi ng bata nang marinig ang sinabi niya. “Really?”
Tumango siya. “Halika.” Inilahad niya rito ang kaniyang kamay.
Mabilis namang lumapit sa kaniya si Emzara at humawak sa kamay niya. Magkaagapay silang lumabas sa kwarto hanggang sa makababa sila sa mataas na hagdan.
“Emzara!”
Ang nakangiting mukha ng guwapong batang lalaki ang kaagad na sumalubong sa kanila. Nagmamadali pa itong lumapit kay Emzara at walang sabi-sabi na niyakap ang kaniyang alaga. Napabitaw tuloy siya sa kamay nito.
“How are you, Emzara?” nang lumayo ang batang lalaki.
“I’m fine, Noah. How about you?”
“Well, I’m happy right now because I saw you again.” Anito at kumindat pa.
Oh, did he wink at Emzara?
Hindi niya napigilan ang mapangiti nang malapad habang pinagmamasdan niya ang nag-uusap na dalawang bata. Ano ba naman itong puso niya! Mga bata lang naman ang nag-uusap sa harapan niya pero bakit parang kinikilig siya? Lalo na dahil sa sinabi ng batang lalaki na masaya raw ito dahil nakita nitong muli si Emzara.
“Hi.”
Bigla siyang nag-angat ng kaniyang mukha nang makarinig siya ng tinig ng babae. Bumungad sa paningin niya ang magandang mukha ng babae. Nakangiti ito sa kaniya. Maputi, matangkad at sexy.
“Ikaw ba ang bagong yaya ni Emzara?” tanong nito sa kaniya.
Ngumiti rin naman siya at tumango. “Opo, ma’am.”
“Oh, don’t call me ma’am. Just call me Marya. Hi, nice to meet you. What’s your name?” anito sa kaniya ’tsaka inilahad sa kaniya ang kamay nito.
Nakangiting kaagad naman niyang tinanggap ang palad nito. “Gelaena. Nice to meet you too.” Pagpapakilala niya rito.
“Mabuti at mukhang magkasundo agad kayo ni Emzara.”
Saglit niyang tinapunan ng tingin ang dalawang bata na nag-uusap pa rin. Pagkuwa’y muli niyang binalingan ng tingin ang babaeng kausap. “Ang sabi nila sa akin, ako lang daw ang nakasundo agad ni Emzara sa lahat ng naging yaya niya.”
“That’s true,” wika nito. “Walang may nagtatagal na yaya ni Emzara dahil lagi niyang inaaway. Kaya natutuwa akong malaman na finally, may nakasundo rin siyang magbabantay sa kaniya.” Nakangiti pa rin ito sa kaniya.
Muli siyang napangiti dahil sa sinabi ng babae. Natanaw na niya ito kanina nang bumaba siya at magtungo sa kusina, unang tingin pa lamang niya rito kanina ay nagandahan agad siya sa mukha nito. Pero mas maganda pa pala ito kapag nasa malapitan na. At mukhang mabait din naman ito. Magaan kasing kausap. Hindi kagaya sa ibang kakilala niyang magaganda nga, pero panget naman ang ugali.
Mayamaya ay napatingin siya sa main door nang pumasok doon si Mayor Gawen at may kasama itong matangkad at guwapong lalaki. Parehong seryoso ang mukha ng dalawa habang nag-uusap. Pero nang makalapit ang mga ito sa puwesto nila ni Marya, bigla namang ngumiti sa kaniya ang lalaki. Ito marahil ang Judas na sinasabi ni Arlene sa kaniya. Asawa nitong si Marya.
My God! Bakit ang gagwapo naman nila? Sa isip-isip niya. Aminado naman siya sa kaniyang sarili na guwapo talaga si Mayor Gawen, hindi niya nga lang type ang ugali nito.
“Hon, this is Gelaena. New nanny ni Emzara.” Anang Marya sa asawa.
“Hi. Nice to meet you. I’m Judas.”
Ngumiti rin siya. “Hello po, sir! Nice to meet you rin po.” Nakipagkamay siya rito.
“May nakasundo na palang yaya niya ang anak mo!”
“Yeah.” Tipid na sagot ni Mayor Gawen sa pinsan. “Come, let’s go to my office. Doon na tayo mag-usap.” Anito at kaagad na naglakad palayo.
“L’amour... may pag-uusapan lang kami ni Gawen.” Anang Judas sa asawa.
“Yeah, sure. Take your time.” Anang Marya. “Come here, Gelaena. Tayo na muna ang mag-usap habang busy pa ang dalawang bata.”
Saglit niyang nilingon si Emzara na nakangiting kausap ang batang lalaki. Pagkatapos ay kaagad siyang sumunod kay Marya nang maglakad na ito papunta sa sofa.
“GELAENA, can you sleep beside me?”
Napahinto siya sa pag-aayos ng kumot ng bata nang magsalita ito. Nang tingnan niya ito sa mga mata, mataman itong nakatitig sa kaniya.
“Please! I’m scared. Maybe I’ll have another bad dream later.”
Ngumiti naman siya. “Of course. Tatabihan kita kung ’yon ang gusto mo,” sabi niya at umikot agad siya sa kabilang parte ng kama at doon siya sumampa. Nang makahiga na siya, tumagilid naman paharap sa kaniya ang bata. Idinantay niya sa maliit nitong baywang ang kaniyang braso. “Don’t worry, dahil katabi mo akong matutulog ngayon, hindi ka na mananaginip ng bad.”
Ngumiti naman ito sa kaniya. Oh, mas lalo itong nagiging cute kapag nakangiti.
“You know what... dapat lagi kang nakangiti. You look more beautiful kapag nakangiti ka kaysa kapag lagi kang nakasimangot.” Saad niya at umangat ang kaniyang kamay upang haplosin ang buhok at pisngi nito.
“You’re beautiful too, Gelaena.”
Mabilis na sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi niya. “Talaga?” kunwari ay tanong niya.
Hindi naman sa nagbubuhat siya ng sarili niyang bangko, pero aminado siyang maganda siya. Duh, marami naman kasing salamin sa bahay nila kaya lagi niyang nakikita ang sarili niyang mukha at hitsura! She’s beautiful. Marami din ang nagsasabi niyon sa kaniya.
“You’re just like my mommy. She’s beautiful too.”
“Lahat tayo ay beautiful. Walang panget na tao,” sabi niya. “Ang sabi ng lola ko sa akin noon... ang tao raw ay nilikha kawangis ng Diyos natin. So ibig sabihin... lahat tayo ay magaganda at guwapo. Sa ugali lang madalas nagkakaroon ng problema. Mayroon tao na mabait, mabuti sa kapwa at mayroon namang masama o panget ang ugali. Kagaya ni...”
“Like who?” tanong nito sa kaniya.
Ngumiti siyang muli. “Kagaya sa bagong kakilala ko. Guwapo sana siya, pero panget lang ang ugali niya.”
“Mayor told me last night... panget daw ang ugali mo.”
“Naniniwala ka ba sa sinabi niya na panget ang ugali ko?”
“Mmm!” anito at nag-isip pa.
Walang-hiya! Baka mamaya ay sabihin naman nito sa kaniya na panget nga ang ugali niya. Malilintikan talaga sa kaniya ang Mayor na ’yon! Nilason pa ang utak ng inosenteng bata.
“I think you’re not,” sagot nito.
Napangiti siyang muli. “Very good! That’s why I really like you. Kasi bukod sa maganda ka na, maganda pa ang ugali mo.” Saad niya.
Kung anu-ano pa ang mga napag-usapan nilang dalawa dahil maraming tanong sa kaniya ang bata. Hindi niya naman magawang balewalain ito. Dahil din sa pagkukuwentohan nilang dalawa, kahit papaano ay parang mas naging open sa kaniya si Emzara. Marami itong ikinuwento sa kaniya tungkol sa buhay nito noon kasama ang mommy nito.
Hindi na nga niya namalayan... habang nagkukuwento siya rito tungkol sa childhood niya rin ay natutulog na pala ito. Napangiti na lamang siya na tinitigan ang cute nitong mukha.
“Good night, Emzara!” bulong niya at hinagkan niya ang noo nito ’tsaka siya pumikit na rin. Hinayaan lamang niyang nakabukas ang ilaw. Ayaw kasi ng bata ng madilim.
BAHAGYANG nagsalubong ang mga kilay ni Gawen nang pagkapasok niya sa silid ni Emzara, nakita niya sa ibabaw ng kama si Gelaena. Mahimbing na natutulog habang nakayakap ito sa bata at ganoon din naman ang kaniyang anak. Halos magkadikit pa ang mukha ng mga ito.
What is she doing here? Bakit dito siya natulog? Sa isip-isip niya nang makalapit siya sa gilid ng kama at pinagmasdan ang mukha ng dalaga na mahimbing na natutulog.
Ewan, pero parang may magnet ata ang maamong mukha ni Gelaena at hindi niya agad maialis ang pagkakatitig sa mukha nito. Habang tumatagal na nakatitig siya rito ay parang unti-unti niyang nararamdaman ang papalakas nang papalakas na pagkabog ng kaniyang dibdib.
Mabilis niyang ipinilig ang kaniyang ulo at bumuntong-hininga.
Damn.
Si Emzara ang sinadya niyang puntahan sa silid niyon dahil gusto niyang tingnan muna ito bago siya matulog. Pero bakit sa mukha ng dalaga natuon ang atensyon niya?
Tinapunan niya ng tingin ang mukha ni Emzara. Mukhang mahimbing na rin naman ang pagkakatulog nito. Payapa.
Tatalikod na sana siya para lumabas na at baka maisturbo pa niya ang dalawa, pero narinig naman niya ang mahinang paghikbi ng bata.
“Mommy!”
Nangunot ang kaniyang noo nang lingunin niya ulit ito. Parang nananaginip ata ito!
“Mommy! Mommy!” mahinang sambit nito.
Kaagad naman siyang umupo sa gilid ng kama at masuyong hinawakan sa braso ang bata. “Shhh!” aniya at masuyong hinaplos-haplos niya ang likod nito.
“Please, mommy!”
“Hey!” kumilos siya sa kaniyang puwesto. Dumukwang siya upang silipin ang mukha nito kung umiiyak ba. “Shhh! Sleep tight, darling.” Hinagod-hagod niya rin ang buhok nito.
BAHAGYANG naalimpungatan si Gelaena nang parang pakiramdam niya ay biglang sumikip ang kaniyang pagilid. Sakto namang pagkamulat niya ng kaniyang mga mata, ang mukha ni Gawen ang kaniyang nakita habang sobrang lapit nito sa mukha niya.
Biglang nanlaki ang kaniyang mga mata at napatitig sa guwapong mukha ng Mayor. Wala sa sariling napalunok din siya bigla.
Oh, my God! Ano ang ginagawa niya? Is he going to kiss me?
Biglang kumabog nang malakas ang kaniyang dibdib dahil sa isiping iyon.
Shit.
“M-mayor?” kunot ang noo at gulat na sambit niya kasabay niyon ang pagpalipat-lipat ng paningin niya sa mga mata at mapula nitong mga labi. “M-mayor... h-hahalikan mo ba ako?” nauutal na tanong niya habang binabayo pa rin ng kaba ang dibdib niya.
Mabilis namang nagsalubong ang mga kilay ni Gawen at pagkuwa’y umangat. “I’m not going to kiss you,” seryosong sabi nito sa kaniya. “And why would I kiss you?” Tanong pa nito. “Tsk.” Anito at mabilis na bumaba sa kama at tumalikod.
Napatulala na lamang siya at napatitig sa likod ng Mayor hanggang sa makalabas na ito nang tuluyan sa pinto.