“HON!” tawag ni Doña Cattleya sa asawa habang nasa gazebo ang mga ito at tinatanaw sina Gawen at Emzara na parehong nakahiga sa dalawang lounge chair na nasa gilid ng swimming pool. Hapon na at hindi na masakit sa balat ang sikat ng araw kaya naroon sa lounge chair ang mag-ama at nagsa-sunbathing.
“Yes, honey?” sagot ni Señor Salvador sa asawa at binalingan pa ito ng tingin.
“I really like Ella for Gawen,” wika nito.
Mabilis namang nagsalubong ang mga kilay ng señor at napakilos sa puwesto nito upang harapin ang asawa. “What do you mean, hon?”
Bumuntong-hininga naman ang Doña Cattleya at saglit na dinala sa bibig nito ang baso ng juice na iniinom nito at sinulyapan ang asawa. “What I mean is... kung nagawa nating ipagkasundo sina Sakura at Sebas na magpakasal, bakit hindi rin natin gawin iyon kay Gawen at Ella?” nakangiti pang tanong nito sa asawa.
“What?” halos mag-isang linya pa ang mga kilay ng Señor Salvador.
“Kausapin natin sina Governor Alcantara na ipagkasundo ang dalawa. Tutal naman at gusto rin Gov. si Gawen para kay Ella. Mabuti ’yon para sa susunod na eleksyon, suportado talaga ni Gov. ang anak natin.”
“Honey, we can’t do that.”
“And why not?” nagsalubong na rin ang mga kilay ng doña.
“Kasi unang-una, alam natin pareho na ayaw ni Gawen na pangungunahan siya tungkol sa pag-aasawa niya. Iyon ang hiling niya sa atin dati pa man. At pangalawa, hindi ko pa nakita si Gawen na sinulyapan niya si Ella na may kasamang pagkagusto. Hindi ko nararamdaman na may gusto ang anak natin kay Ella. Hindi naman natin siya puwedeng pwersahin na pakasalan si Ella dahil lang iyon ang gusto natin, iyon ang gusto mong mangyari, honey.”
“But we did it to Sakura and Sebas.”
“I know. Pero iba naman ang sitwasyon ng dalawang batang ’yon, hon.”
Bumuntong-hininga ulit ang Doña Cattleya at inismiran ang asawa. “Gusto mo lang talaga si Gelaena para sa anak natin.”
“Well I won’t deny it to you, hon,” wika nito. “I really like Gelaena for Gawen. Pero hindi naman ibig sabihin n’on ay pipilitin ko ang anak natin na gustohin niya rin si Gelaena. It’s up to him kung magustohan man niya ang batang ’yon o hindi.” Pagpapaliwanag nito. “Ang inaalala ko lang din ay ang apo natin. Emzara likes Gelaena very much. Kaya kung ako lang ang masusunod, mas gusto ko pang si Gelaena ang maging asawa ni Gawen dahil hindi na siya mahihirapang huliin o kunin ang loob ng batang ’yan. Unlike Ella, Emzara doesn’t like her.”
“Matututunan din naman ni Emzara na magustohan si Ella, hon.”
“I doubt it, Cattleya.” Anang Señor Salvador at muling sinulyapan ang mag-ama. “Huwag na lang natin pakialaman si Gawen kung sinuman ang babaeng mapupusuan niya. Kung si Ella man o Gelaena, let’s support him. Tutal naman at hindi naman naging pasaway sa atin ang batang ’yan simula pa man. Hindi kaya sa ibang kapatid niya.”
Muling nagpakawala nang buntong-hininga ang doña at tinapunan ulit ng tingin ang anak at apo.
“GALEANA! Do you know how to swim?” tanong sa kaniya ni Emzara nang makalapit na siya sa swimming pool area habang bitbit niya ang tray na pinaglagyan niya ng dalawang baso ng juice at sandwich. Gumawa siya ng meryenda para sa mag-ama dahil iyon ang rekwes sa kaniya ng mga ito.
“Um, oo naman,” sagot niya.
“Then, join us.”
Bigla siyang napalingon kay Gawen na nakapikit ang mga mata habang nakahiga sa isang lounge chair. At mula sa guwapo nitong mukha’y dahan-dahan na bumaba ang paningin niya papunta sa maskulado nitong dibdib at pababa pa sa abs nito. Hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na mapalunok ng kaniyang laway dahil sa nakikita niyang magandang tanawin. Damn. Ito ang pangalawang beses na nakita niya ang magandang katawan ni Gawen. At kagaya sa unang beses na makita niya itong naghubad, nag-iinit na naman ang mukha niya at lumalakas na naman ang kabog ng kaniyang puso.
Holy!
“Stop staring at me, Gelaena.”
Bigla siyang nagulat nang magsalita si Gawen at magmulat ng mga mata. Mabilis itong tumingin sa kaniya kaya hindi na siya nakapagbawi ng tingin dito.
“Um, h-hindi naman po ako... nakatingin sa inyo, Yorme!” pagdadahilan niya at sinulyapan si Emzara.
Bumuntong-hininga si Gawen pagkuwa’y kumilos sa puwesto nito. Umupo ito at kinuha ang towel na nasa uluhan ng lounge chair. Isinampay nito iyon sa balikat upang takpan ang katawan nito.
Hmp! Ang damot naman. Talagang tinakpan pa ang abs niya. Hindi ko naman aangkinin ’yon. Titingnan ko nga lang, e!
“Where’s my juice?” masungit na tanong nito sa kaniya.
Kaagad naman niyang dinampot ang baso at iniabot niya iyon dito. “Heto po, Yorme.”
“Thanks.”
At nang balingan niya naman ng tingin si Emzara, ibinigay niya rin dito ang isa pang juice pati ang sandwich.
“Thank you, Gelaena.” Anang bata. “Hindi ka gumawa ng juice and sandwich mo?” tanong nito sa kaniya nang umupo siya sa tabi ng bata.
“Hindi na. Busog pa naman ako, e!”
“Join us Gelaena, okay?”
“Um, h-hindi puwede,” wika niya at lihim niyang sinulyapan si Gawen na nasa tapat niya lang din. Nakatingin ito sa kaniya ng seryoso. Pinipilit niya ring huwag magdikit ang mga tuhod nilang halos magkiskisan na. Sigurado kasi siyang makukuryente na naman siya kapag nagkadaiti ang mga balat nilang dalawa.
“Why not?”
“E, tapos na kasi akong naligo kanina.” Pagdadahilan niya.
“It’s okay. You can take a bath again, Gelaena.”
“Hindi na. Papanuorin ko na lang kayo mamaya.”
“You can join if you want, Gelaena.”
Bigla siyang napatingin kay Gawen nang magsalita ito.
Kinagat nito ang gilid ng sandwich at ngumuya.
Napalunok ulit siya habang pinagmamasdan niya ang bawat paggalaw ng bagang at adams apple nito. Parang nag-slow motion pa ang paningin niya rito.
My God!
“H-hindi na po, Yorme,” sabi niya mayamaya at ngumiti siya nang tumingin din ito sa kaniya.
Kahit ano ang pilit sa kaniya ni Emzara na sumama sa pagsu-swimming ay hindi siya nagpapilit sa bata. Nang matapos mag-meryenda ang dalawa ay pinagkasya na lamang niya ang kaniyang sarili na pagmasdan ang mga ito habang naglalangoy sa tubig.
Ang totoo’y gusto naman talaga niyang mag-swimming din. Ang problema lamang, nahihiya siya kay Gawen na makita siya nitong nakasuot ng bikini. Noon ngang gabi na maligo siya roon ay nahiya siya n’on dahil nakita nito ang katawan niya, pero mabuti na lamang at nahulog siya sa tubig dahil sa pagkabigla niya kaya naitago niyang bigla ang katawan niya. Pero ngayon? Oh, no! Iyon marahil ang isa sa pinakahuling gagawin niya habang kasama niya si Gawen. Hindi niya magagawang ibandera sa harapan ng Mayor ang kaniyang katawan. Although, aminado naman siyang maganda ang hubog ng katawan niya at ilang beses na rin siyang naligo na nakasuot lang ng bikini kapag inaaya siya ng mga kaibigan niya na maligo ng dagat, pero hindi niya kayang gawin iyon ngayon.
“Gelaena, come on! Join us!”
Ngumiti siya nang mula sa dulo ng swimming pool ay sumigaw si Emzara upang tawagin siya. Nakaupo siya sa lounge chair na inuupuan ni Gawen kanina at pinapanuod niya lamang ang mag-ama na nag-i-enjoy sa paglangoy-langoy sa tubig.
“Come on, Gelaena!”
Nakagiting umiling siya sa bata. Mayamaya ay ang matinis na sigaw ni Emzara at sinundan ng malakas na halakhak nito ang maririnig sa buong paligid nang kalitiin ito ni Gawen sa baywang.
“Stop tickling me, Daddy!” sigaw nito.
“But I love tickling you, sweetheart!”
“Oh, no!” humagalpak ulit ito ng tawa.
Mas lalong lumapad ang ngiti sa mga labi niya habang pinagmamasdan ang dalawa.
Nitong mga nakaraang araw, napapansin niyang hindi na madalas hanapin ni Emzara ang mommy nito. Marahil dahil sa oras at atensyon na itinutuon dito ni Gawen kaya kahit papaano ay nakakaligtaan na ng bata ang ina nito. Tama nga ang sinabi niya no’ng nakaraan na iyon lamang ang kulang kay Emzara. Atensyon, oras at pag-aaruga. Mukhang naniwala naman ata si Gawen sa sinabi niya kaya iyon ang ginagawa nito ngayon sa bata.
At natutuwa naman siya!
“GELAENA, HIJA!”
Bigla siyang napatingin sa bumukas na pinto nang marinig niya roon ang boses ng kaniyang Tiya Hulya.
“Tiya? Bakit po?” tanong niya.
Naglakad naman ito palapit sa kaniya nang makapasok nang tuluyan sa silid nila. Nagpakawala rin ito nang malalim na paghinga na siyang naging dahilan upang mapakunot ang kaniyang noo.
“May... problema po ba, Tiya Hulya?” tanong niya at saglit na itinigil ang ginagawang pagtupi sa kaniyang mga damit.
“Tumawag sa akin si Aly. Gusto ka raw—”
“Tiya,” wika niya upang putulin agad ang pagsasalita ng matanda. Nag-iwas din siya bigla ng paningin dito. “Kung anuman po ang sinabi sa inyo ni Aly... huwag n’yo na lang po sabihin sa akin, Tiya Hulya. Ayoko pong marinig.”
“Pero hija—”
“Please lang po, Tiya Hulya!” aniya nang muli siyang mag-angat ng mukha upang tingnan ang matanda. Bumuntong-hininga rin siya nang malalim. “Ayoko na po munang makarinig ng kahit ano’ng balita. Alam n’yo naman po kung ano ang dahilan ko, Tiya Hulya. Napag-usapan na po natin ang tungkol dito.”
“Nag-aalala lang ako, hija.”
“Huwag na po kayo mag-alala, Tiya Hulya. Matatapos din naman po itong problema ko.”
Muling bumuntong-hininga ang matanda at mataman siyang tinitigan. “Ikaw ang bahala, Gelaena.”
Tipid siyang ngumiti sa matanda. “Salamat po, Tiya Hulya!”
“Siya, maiiwan muna kita riyan at tatapusin ko ang niluluto ko sa kusina.” Mayamaya ay paalam nito sa kaniya.
Tumango naman siya bilang tugon bago tumalikod ang matandang Hulya at iniwanan siyang mag-isa sa silid na iyon.
Humugot siya ulit nang malalim na paghinga at marahas iyong pinakawalan sa ere. Mayamaya ay ipinilig niya ang kaniyang ulo upang iwaglit sa kaniyang isipan ang saglit na naging pag-uusap nila ng kaniyang Tiya Hulya.
Nang matapos niyang iligpit ang kaniyang mga gamit ay muli siyang pumanhik sa silid ni Emzara upang tingnan kung gising na ba ito.
“NAPAPANSIN ko ang pananahimik mo mula pa kaninang hapon, bes!” anang Arlene sa kaniya habang nasa kusina silang dalawa.
Bumaba siya roon dahil gusto niyang magtimpla ng gatas para makatulog na siya. Mag-a-alas onse na kasi ng gabi, pero gising pa rin ang kaniyang diwa.
“May problema ka ba, bes?” tanong sa kaniya ni Arlene nang hindi siya agad sumagot.
Umiling siya, “wala,” sagot niya. “May iniisip lang ako.”
Ngumiti naman sa kaniya si Arlene. “Tungkol ba sa inyo ni Yorme?” tanong nito.
Tiningnan niya ito ng seryoso. “Ikaw talaga! Kapag nag-uusap tayo, laging si Yorme ang bukambibig mo.”
Nanunudyo pa ang ngiti nito sa kaniya. “E sa gusto ko na kayo lagi ang topic kapag nag-uusap tayo, may magagawa ka ba, amiga?”
Napaismid siya at napailing na lamang.
“Pero aside from kidding, amiga. Baka may problema ka talaga? Puwede mong sabihin sa akin!”
“Wala nga akong problema, Arlene!” aniya. “Pero, salamat sa concern mo.” Ngumiti pa siya rito.
“Seryoso ka, huh! Kasi... kapag may problema ako, tahimik din ako at malalim ang iniisip.”
“Huwag mo na akong pansinin, Arlene. Ayos lang talaga ako.”
“Okay,” wika na lamang nito. “So, maiiwan na kita rito! Inaantok na rin kasi ako, e!”
“Good night, Arlene.”
“Good night, bes! Umakyat ka na rin pagkatapos mong inumin ’yang gatas mo para makapagpahinga ka na.”
Tumango na lamang siya at saglit na sinundan ng tingin si Arlene hanggang sa makalabas na ito sa kusina.
Muli siyang nagpakawala nang malalim na paghinga ’tsaka inisang lagok na ang natitirang gatas sa baso niya at pagkatapos ay tumayo na sa kaniyang puwesto. Naglakad siya papunta sa lababo upang hugasan iyon. Akma na sana siyang maglakakad papunta sa lalagyan ng mga baso upang ibalik doon ang ginamit niya, pero ganoon na lamang ang kaniyang gulat nang pagkapihit niya ay nakita niya si Gawen na nakatayo na sa gilid ng kitchen counter habang seryosong nakatingin sa kaniya. Sa labis na gulat niya, bigla niyang nabitawan ang basong hawak niya at nabasag iyon.
Malalim na paghinga ang hinugot niya at saglit na inipon iyon sa dibdib niya habang mariin siyang nakapikit. Mayamaya ay pinakawalan niya iyon sa ere at masamang tingin ang ibinigay sa binata.
“Namumuro na po talaga kayo, Yorme!”
Hindi niya talaga maintindihan kung ano ang trip ng Mayor na ito o sadyang talent lang nito na manggulat ng tao lalo na sa kaniya! Kung talagang may sakit lamang siya sa puso, unang beses pa lamang na ginulat siya nito ay naisugod na siya sa ospital.
God!
“I didn’t mean to startle you, Gelaena.” Bale-walang saad nito na hindi manlang kumilos sa kinatatayuan nito.
Inismiran niya ito ’tsaka tinapunan ng tingin ang kawawang baso na nagkapira-piraso na sa sahig.
“Para po kayong multo na basta-basta na lang nanggugulat.” Naiinis pang saad niya ’tsaka siya umalis sa kaniyang kinatatayuan upang kunin ang dastpan at tambo upang walisin ang mga bubog na iyon.
“Make me a cup of coffee, Gelaena.”
“See? Magpapatimpla lang po pala kayo ng kape, tapos manggugulat pa kayo!”
“Huwag ka ng magreklamo.” Anito at umupo sa high chair na nasa gilid ng kitchen counter at pinanuod ang pagwawalis niya. Minsan pa nga itong napapasulyap sa mukha ng dalaga. Mayamaya ay bumuntong-hininga ito. “I saw you talking to Migo this afternoon,” sabi nito mayamaya.
Saglit naman siyang tumigil sa kaniyang pagwawalis at tinapunan ng tingin si Gawen.
“Bawal po ba akong makipag-usap sa PA ninyo, Yorme?” tanong niya at muling itinuon ang paningin sa kaniyang ginagawa.
“It’s not what I mean, Gelaena.” Anito. “I just want to know kung nililigawan ka na ba ni Migo?”
Nangunot ang kaniyang noo at muling napasulyap dito.
“Ayoko kasi na nagliligawan o magkakaroon ng relasyon ang mga empleyado ko. That’s one of my rules, Gelaena.” Anito.
“Hindi n’yo naman po agad sinabi sa akin na may ganoong rules po pala kayong pinapatupad, Yorme,” aniya. “Sa buong bayan ng Bulacan po ba ipinapatupad din ninyo ang rules na ’yon?” tanong pa niya na ikinasingkit ng mga mata nito. Ngumiti siya. “Joke lang po,” aniya. “Pero huwag po kayong mag-alala... hindi po ako nililigawan ni Migo.”
“Really?” tanong pa nito. “Because yesterday, Migo talked to me. He asked my permission kung okay lang daw na liligawan ka niya.”
Muli siyang napatingin kay Gawen dahil sa mga sinabi nito. Ano raw? Nagpaalam dito si Migo na liligawan siya nito? Hindi nga ba’t nagkausap naman silang dalawa na hindi siya magpapaligaw rito dahil hindi naman boyfriend ang hanap niya kung bakit siya nagtatrabaho sa mansion? Aba, hindi pala marunong makaintindi ang lalaking ’yon!
“Nagpaalam po siya sa inyo, Yorme?” tanong niya.
“Yeah,” sagot nito.
“Ano po ang sinabi ninyo?”
“That he can’t court you and he has to follow my rules.”
Ah, ang akala ko’y sinabi mo na hindi niya ako puwedeng ligawan kasi... may gusto ka na rin sa akin. Oh, Gelaena! Alam kong assuming ako sa part na ’yon... pero kasi, minsan nahuhuli ko siyang nakasulyap sa akin. Lalo na no’ng isang araw habang naliligo sila ni Emzara sa pool. Ilang beses ko siyang nahuli na nakatingin sa akin, tapos kapag nakikita niyang nakatingin din ako sa kaniya bigla siyang magsusungit. E, parang isa ’yon sa sign na may gusto na rin siya sa akin! Hindi naman sa assuming talaga ako!
“Thank you po, Yorme!” aniya. “Ang totoo po niyan, may boyfriend na po kasi ako kaya hindi na po ako maaaring tumanggap ng bagong manliligaw.”
Biglang nagsalubong ulit ang mga kilay ni Gawen dahil sa sinabi niya. “You have a boyfriend?” tanong nito.
Ngumiti siya at tumango. “Opo,” sagot niya.
Nagtiim-bagang naman ito at bumuntong-hininga. Ilang segundo siya nitong tinitigan at pagkatapos ay kaagad na tumayo sa puwesto nito. “Huwag mo na akong ipagtimpla ng kape.” Anito at kaagad na tumalikod.
“Po? Bakit po, Yorme?” habol na tanong niya habang sinusundan niya ito ng tingin.
Pero hanggang sa makalabas na lamang ito sa kusina ay hindi manlang sinagot ang tanong niya.
“Hindi ko talaga maintindihan ang ugali ni Mayor Gawen. Sa lahat ng Mayor na nakilala ko, siya lang talaga ang may ganoong pag-uugali. Weather-weather. Hindi ko ma-gets.” Napapailing na saad niya at ipinagpatuloy na lamang ang pagwawalis niya. At pagkatapos ay pumanhik na rin siya sa silid ng kaniyang alaga.
“GOOD MORNING, GELAENA!” nakangiting bati sa kaniya ni Migo nang pumasok ito sa kusina, kasunod naman nito si Gawen.
Nginitian niya rin naman ang lalaki. “Good morning din, Migo!” bati niya rito. “Good morning po, Yorme!”
Pero nilagpasan lamang siya ni Gawen at nagdiretso ito papunta sa hapag.
“Mainit ba ang ulo ng boss mo?” bulong na tanong niya kay Migo.
Sinulyapan naman ni Migo si Gawen at pagkuwa’y umiling at muling tiningnan siya. “Hindi naman.”
E, bakit hindi niya ako pinansin?
“Where is Arlene?” mayamaya ay tanong ni Gawen.
Naglakad naman siya palapit sa dining table. “Nasa labas po, Yorme,” sagot. “Gusto n’yo po ba ng kape?”
“Migo, call Arlene. Magpapatimpla ako ng kape.” Sa halip ay utos nito sa PA at hindi manlang pinansin ang tanong niya.
Napatingin siya kay Migo at ngiwing nginitian naman siya nito bago tumalikod at lumabas sa kusina. Tinapunan niya ulit ng tingin si Gawen. Seryoso ang mukha nito habang nakatuon na ang paningin sa news paper na hawak nito.
“Nandito naman po ako Yorme, ako na lang po ang—”
“I want Arlene to make my coffee. You can leave now.”
Dismayadong napabuntong-hininga na lamang siya at bahagyang tumango.
Ano na naman kaya ang problema niya at nagsusungit na naman siya sa akin ngayon? Sa isip-isip niya ’tsaka siya tumalikod at naglakad palabas ng kusina.
“Bes!” tawag sa kaniya ni Arlene nang magkasalubong sila sa sala.
“Ipagtimpla mo raw ng kape ang amo mo.” Masungit na saad niya.
“Ay, LQ kayo umagang-umaga?” nakangiting tanong sa kaniya ni Arlene.
Inirapan niya ito. “Ewan ko kung ano na naman ang problema ng isang ’yon. Puntahan mo na.”
“Mmm, may LQ nga.” Napahagikhik pa si Arlene bago ito tumalikod na at nagtuloy ng paglalakad papunta sa kusina.
Siya naman ay pumanhik na rin sa hagdan upang puntahan ang kaniyang alaga.