CHAPTER 42

2790 Words
“NANAY HULYA!” tawag ni Arlene sa matanda habang nasa kusina ang dalawa at abala sa paghahanda para sa lulutuing ulam sa tanghalian. Nakaupo si Arlene sa high chair na nasa tapat ng kitchen counter habang abala ito sa paghihiwa ng gulay. Ang matandang Hulya naman ay nasa tapat ng kalan. “Oh, bakit, hija?” sagot nito. Saglit na huminto sa ginagawa nito si Arlene at buntong-hiningang tinapunan ng tingin ang matanda. “Ayos lang po ba talaga si Gelaena?” kunot ang noo at mababanaag sa boses nito ang pag-alala para sa kaibigan. “Bakit mo naman naitanong, hija?” balik na tanong ng matanda. “Kasi po, Nanay Hulya, napapansin ko lang po simula no’ng nakaraang linggo nang makaramdam siya ng pananakit sa ulo niya, parang may nag-iba po sa kaniya,” wika nito. Napatigil din naman ang matanda at pagkuwa’y nilingon ang dalaga. Seryoso ang mukha nito. Mayamaya ay kaagad ding nag-iwas ng tingin. “Hindi n’yo po ba napapansin ’yon, Nanay Hulya?” tanong pa ni Arlene. “Napapansin ko naman ’yon, hija,” sagot nito. “Bakit po kaya? I mean... hindi na po siya kagaya no’ng bago pa lang siya rito. Masaya po siyang kausap at ka-bonding. Parati po kaming magkausap. Pero... ngayon po tahimik siya.” Humugot nang malalim na paghinga ang matandang Hulya at pinakawalan iyon sa ere. “May alam po ba kayo kung bakit ganiyan si Gelaena ngayon, Nanay Hulya?” tanong nitong muli. Hindi naman agad sumagot ang matanda. “Hindi po kaya... dahil sa aksidente niya noon kaya po sumakit ang ulo niya no’ng nakaraang linggo?” tanong pa ng dalaga. “Pasensya na po kayo Nanay Hulya kung marami po akong tanong ngayon sa inyo. Nag-aalala lang po talaga ako para kay Gelaena. Naninibago na rin po sa ikinikilos niya ngayon.” Naglakad ang matanda palapit sa puwesto ni Arlene at tinulungan na ito sa ginagawa. “Pagpasensyahan mo na rin ang batang ’yon sa ngayon. May pinagdadaanan lang ’yon.” “Pinagdadaanan po? Ano po ang ibig n’yong sabihin, Nanay Hulya?” “Gustohin ko mang sabihin sa ’yo, Arlene... pero wala ako sa lugar para gawin iyon. Basta ang masasabi ko lang sa ’yo... kung anuman ang mangyari sa susunod na mga araw, sana ay maintindihan mo si Gelaena.” Nangunot ang noo ni Arlene at napatitig sa mukha ng matanda. Halata sa mukha nito ang pagkalito dahil sa mga sinabi ni Hulya. Magsasalita pa sana ang dalaga upang magtanong, pero pumasok naman sa kusina si Anilito. “Arlene!” tawag nito sa dalaga. Bigla namang sumilay ang ngiti sa mga labi nito nang lumingon sa nobyo. “Bakit, mahal ko?” tanong nito. “Gusto ka raw makausap ni Doña Cattleya. May ipag-uutos ata sa ’yo.” “Sige na, hija. Iwan mo na ’yan at puntahan mo na ang doña. Ako na ang bahala riyan.” Anang matanda. Kaagad namang tumayo sa puwesto nito si Arlene at lumabas ng kusina kasama si Anilito. NANG MAKARINIG si Gawen ng katok mula sa labas ng kaniyang opisina, saglit siyang huminto sa pagtitipa sa kaniyang laptop. “Yes, come in!” aniya. Bumukas naman iyon at pumasok si Migo. “Mayor, nasa labas po si Mr. Dimagiba.” Ani nito. “Let him in, Migo. Thank you.” Aniya. “Okay po, Mayor,” sabi nito ’tsaka muling lumabas. Ilang segundo lang ay muling bumukas ang pinto at pumasok ang kaniyang private investigator. “Good afternoon po, Mayor.” “Good afternoon, Franco. Have a sit,” sabi niya nang maisarado ang laptop niya. “Ano ang balita?” tanong niya agad nang makaupo sa visitor’s chair ang lalaki. “Pasensya na po kung ilang araw po akong hindi nakapag-update sa inyo, Mayor,” wika nito. “Pero, may maganda po akong balita sa inyo ngayon.” Saglit itong huminto sa pagsasalita at inilapag sa kaniyang mesa ang bitbit nitong brown envelope. Bahagyang nangunot ang kaniyang noo at napatitig dito nang husto. “Spell it, Franco.” Aniya. “Kaninang madaling araw lang po ako nakatanggap ng tawag sa kaibigan kong pulis kaya nagmadali akong makipagkita sa kaniya. At... heto na nga po ang magandang balita. Nalaman na ng mga pulis kung sino ang nasa likod ng pagkamatay ni Miss Hernandez.” Hindi na siya nagsayang pa ng segundo at kaagad niyang dinampot ang envelope at binuksan iyon. Binasa niya ang report na naroon. Tiningnan niya rin isa-isa ang mga picture na naroon. “Si Señor Carlos Crisostomo. Dating mayor ng San Marcelino, Zambales. Ayon sa nakuha kong impormasyon, siya ang nag-utos na ipapatay si Miss Hernandez. But as of now ay wala pang makuhang sapat na ebidensya ang mga pulis para arestuhin itong si dating Mayor Carlos. Natagpuan kasing patay na rin ang natitirang inutusan niya para patayin si Miss Hernandez.” Kunot ang noo at tiim-bagang na napabuntong-hininga siya nang malalim habang seryosong nakatitig sa larawan ng isang lalaki na medyo may edad na. Narinig na niya ang pangalang Carlos Crisostomo noon. At oo nga, sa pagkakaalam niya ay dati itong alkalde ng nabanggit na lugar ng kaniyang PI. Pero, paano naman kaya ito nakilala ni Eula? Ano ang dahilan ng taong ito para ipapatay ang kaniyang kaibigan? “Mayor, alam ko pong sinabi ko po sa inyo dati na tatapusin ko itong trabaho ko sa inyo. Pero... magpapaalam po sana ako sa inyo na kung maaari ay tatapusin ko na ang trabaho kong ito sa inyo ngayon?” Mas lalong nangunot ang kaniyang noo at napatingin dito. “Why?” tanong niya. “Pasensya na po kayo, Mayor. Nagkaroon po kasi kami ng malaking problema ng misis ko kaya gusto ko munang mag-lie low sa trabaho ko para makabawi sa kaniya. Ayoko man pong itigil itong trabaho ko, pero mahalaga rin po sa akin ang relasyon at kasal namin ng misis ko.” Pagpapaliwanag nito sa kaniya. Muli siyang napabuntong-hininga nang malalim pagkuwa’y ibinalik niya saglit sa envelope ang hawak niyang mga papel at larawan. “I understand, Franco,” sabi niya. “Malaki rin ang naging tulong mo sa akin para sa kasong ito ni Eula.” “Trabaho ko naman po ’yon, Mayor.” Tumango siya. “Thank you. And... si Migo na ang bahala para ibigay sa ’yo ang sahod at bonus mo.” Ngumiti naman ang lalaki. “Maraming salamat po, Mayor.” Ani nito. “Huwag po kayong mag-alala. Napakiusapan ko naman po ang kaibigan kong pulis na kaagad kayong tawagan dito sa opisina ninyo kapag may bago po silang update tungkol sa kasong ito.” “Thank you again, Franco.” Tumayo ito sa puwesto nito at nakipagkamay sa kaniya. Tinanggap naman niya iyon. “Paano po, mauuna na po ako, Mayor.” Saad pa nito. Tumango na lamang siya rito at sinundan ito ng tingin nang maglakad na palabas sa kaniyang opisina. Pabagsak na sumandal siya sa kaniyang upuan kasabay niyon ang pagpapakawala niyang muli nang malalim na paghinga. Pagkatapos ay muli niyang kinuha ang envelope at binasa ulit ang report na naroon. Mayamaya ay muli siyang nakarinig ng katok at bumukas ang pinto. Muling pumasok si Migo. “Mayor, nandito rin po si Governor Alcantara, gusto raw po kayong makausap,” sabi nito. “Okay,” sagot niya at kaagad na ibinalik sa loob ng envelope ang hawak niya at itinago iyon sa credenza na nasa likod ng upuan niya. “Good afternoon, Governor!” bati niya sa matanda nang pumasok ito sa opisina niya. Tumayo pa siya sa kaniyang puwesto at sinalubong ito. Inilahad niya rito ang kaniyang kamay. Ngunit, taliwas sa inaasahan niya, hindi ito nakipagkamay sa kaniya at nilagpasan lamang niya. Mabilis na nangunot ang kaniyang noo at napasunod ang kaniyang tingin dito. Nagbuntong-hininga siya ’tsaka naglakad pabalik sa harap ng kaniyang lamesa at umupong muli sa kaniyang swivel chair. “Have a sit, governor.” Aniya. Umupo naman ito sa visitor’s chair habang hindi pa rin nagbabago ang seryosong mukha nito. “May kailangan ba kayo?” tanong niya. “I need to talk to you, Gawen. It’s important.” “Sure, governor,” sabi niya. “What is it?” Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito sa ere bago nagsalitang muli. “It’s concerning the proposal I talked to you about, Gawen.” Bahagyang nagsalubong ang kaniyang mga kilay at matamang napatitig dito. “About... me and Ella?” tanong niya. “Yeah,” sagot nito. “Governor—” “I know nagkausap na tayo no’ng nakaraan tungkol sa bagay na ito. And you know I agreed and respected your decision. Pero... ngayon ay nagbago ang isip ko.” “What do you mean, governor?” “Simula umpisa pa man, Gawen, alam mong nasa sa ’yo lagi ang boto at suporta ko. Malaki ang naging tulong ko sa ’yo sa pagtakbo mo sa eleksyon kahit noong nag-uumpisa ka pa lamang sa politika hanggang sa mga sandaling ito. Ni isa ay wala akong hiniling na kapalit sa ’yo dahil alam kong kagaya sa papa mo ay mabuti kang tao at tutulong ka sa mga kababayan natin na siyang layunin ko rin simula nang pinasok ko ang politika ito. Pero ngayon... alang-alang sa anak ko. Gusto kong maningil ng kabayaran sa lahat ng naging tulong ko sa ’yo, Gawen.” Mas lalong nagsalubong ang kaniyang mga kilay dahil sa sinabi nito. Gusto niya sanang magtanong kung ano ang nais nitong ipahiwatig sa kaniya, pero hinintay na lamang niya na ipagpatuloy nito ang pagsasalita. “Gusto kong pakasalan mo ang anak ko kapalit ng mga nagawa kong tulong sa ’yo, Gawen.” Napamaang siya! Ano raw? Hindi ba’t nagkaintindihan naman na sila no’ng huli nilang pag-uusap tungkol sa bagay na iyon? Hindi niya kayang tanggapin ang inaalok nitong kasal para sa kanila ni Ella. Sinabi niya na rito ang kaniyang dahilan. Pero bakit ngayon ay biglang nagbago ang isip nito? At isa pa... sinabi niya na rin dito na ayos lamang sa kaniya na hindi siya nito suportahan sa pagtakbo niya bilang governor sa susunod na eleksyon. Ayos lamang sa kaniya kung mananalo siya o matatalo. Pero hindi niya matatanggap ang alok nito. Lalo pa ngayon na mahal niya na si Gelaena. Hindi niya maaatim na saktan ang babaeng mahal niya kapag nagpakasal siya kay Ella. “Governor Alcantara, I understand you. Lalo na sa lahat ng tulong at suporta na ibinigay mo sa akin sa loob ng ilang taon ko rito sa politika. Pero—” “Kung hindi mo tatanggapin ang alok kong ito, Gawen... then you give me no choice para i-pull out ko ang suporta ko sa ’yo.” Natahimik siya! Seryoso lamang siyang nakatitig dito. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ulit sa ere ni Governor Alcantara at muling nagsalita. “I love my daughter so much, Gawen. And I can’t bear to see her sad just because the man she likes doesn’t like her.” “I’m sorry, Governor Alcantara. But like what I have said—” “Pag-isipan mo ulit ang alok ko sa ’yo, Gawen,” sabi nito kaya naputol ang kaniyang pagsasalita. “There’s still more than a month before the election. But I’ll give you one week to think about it. Kung hindi ka papayag sa gusto ko, I’m sorry, pero hindi ko itutuloy ang pagsuporta ko sa ’yo sa election. And... ipatitigil ko kay Ella ang pagtulong niya sa ’yo about sa campaign.” Ani nito. “Iyon lang ang ipinunta ko rito para kausapin ka. So, I have to go.” Hindi na niya nagawang makapagsalita pang muli nang tumayo sa puwesto nito si Governor Alcantara at lumabas na sa kaniyang opisina. Ilang sandali siyang napatitig sa nakasaradong pinto bago muli siyang nagpakawala nang malalim na buntong-hininga at napasandal sa kaniyang swivel chair. “ARE YOU OKAY, BRO?” Narinig niya ang tanong ni Abraham, pero hindi siya nag-abalang lingunin ang pinsan. Nasa gazebo na sila ngayon ng bahay ng pinsan niyang si Octavio. Sa Santa Maria, Bulacan. Kasama niya ang mga kapatid at mga pinsan. Pinuntahan kasi siya kanina sa City Hall nina Goran at Abraham at inayang magpunta sa bahay ni Octavio. Nagkaayaan daw kasi ang mga ito na mag-inom doon kaya dinaanan siya ng mga ito para isama. Wala sana siyang balak na sumama dahil marami pa siyang kailangang tapusin na trabaho, pero dahil okupado ang kaniyang isipan dahil sa naging pag-uusap nila ni Governor Alcantara kanina, iniwanan na muna niya ang kaniyang trabaho at sumama sa mga ito. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya sa ere ’tsaka dinala sa kaniyang bibig ang bote ng beer na hawak niya at tinungga iyon. Hindi siya mahilig sa alak kaya tanging beer at red wine lamang ang kaya niyang inumin. “Iniisip ko lang kung tutuloy pa ba ako sa pagtakbo ko ngayong darating na eleksyon.” Aniya. Kunot ang noo na napalingon sa kaniya ang kapatid at mga pinsan. “What do you mean?” tanong ni Octavio sa kaniya. “Hindi ba’t nagsimula na kayong mag-prepare para sa campaign?” tanong din sa kaniya ng pinsan niyang si Esrael. “Yeah, Esra.” “So, what’s the problem? Bakit ka naman nagdadalawang-isip na mag-back out?” tanong din sa kaniya ng kaniyang kapatid na si Sebas. “Hindi ba’t suportado ka rin naman ni Governor Alcantara?” tanong ni Judas. “Yeah. Suportado niya ako. Pero... nagkausap kami kanina. Pinuntahan niya ako sa City Hall. Akala ko ay nagkaintindihan na kami no’ng huli naming pag-uusap tungkol sa inaalok niya sa aking kasal.” “Kasal?” kunot ang noo na tanong ni Goran. “Ito ba ’yong sinasabi ni papa na inaalok sa ’yo ni Governor Alcantara, kuya? Na pakakasalan mo si Ella? Ang anak niya?” Tumango naman siya upang sagutin ang tanong ng kapatid. “What?” nagtataka at hindi makapaniwalang tanong ulit ni Octavio. “May kapalit pala ang pagsuporta niya sa ’yo?” “No’ng unang magkausap kami tungkol sa bagay na ito, I explained to him na hindi ko matatanggap ang alok niya sa akin dahil hindi ko naman gusto si Ella. And hindi pa rin ako handang pumasok sa isang relasyon.” “Pero niligawan mo si Gelaena,” nakangiting saad ni Alihan sa kaniya. Sinulyapan niya ang pinsan. “I did,” sabi niya. “Pero unexpected naman kasi ang naramdaman ko kay Gelaena. I didn’t expect to fall in love with her so quickly. And besides, kahit naman hindi dumating si Gelaena sa buhay ko, hindi pa rin ako papayag sa alok ni governor. I don’t like Ella.” “So ano ang plano mo ngayon?” tanong pa ni Esrael sa kaniya. “Wala akong plano na tanggapin ang alok niya. At ayos lang naman sa akin kung hindi niya ako susuportahan sa campaign na ito. Ayos lang sa akin kung matalo ako sa eleksyon.” “E ’di sabihin mo agad sa kaniya,” sabi ni Sebas. “Sino ba ang mas importante sa ’yo? Si Gelaena naman, hindi ba?” Ngumiti siya dahil sa sinabi ng kaniyang kapatid. Pagkatapos ay banayad siyang bumuntong-hininga at tumango. Of course! Mas importante sa kaniya si Gelaena. Matagal na siyang nakaupo bilang Mayor ng San Ildefonso, Bulacan. At makailang beses na rin niyang pinag-iisipan dati pa man na hindi na siya tatakbo sa susunod na eleksyon dahil balak na niyang magpahinga. Napilitan lamang siya ngayon dahil sa mama niya. Pero kung sasabihin niya sa kaniyang ina ang desisyon niya sa pag-pull out ng candidacy niya for governor, sigurado naman siyang maiintindihan siya nito. “Tumakbo ka man sa susunod na eleksyon o hindi, we were always here to suppor you, bro!” anang Judas sa kaniya. “Yeah, right. At isa pa... hindi ko gusto ang Ella na ’yon para sa ’yo.” Anang Abraham. “Parang may kakaiba akong napapansin sa kaniya.” “Matagal ka ng Mayor ng San Ildefonso, kuya. Kung hindi ka man tutuloy sa pagtakbo mo bilang gobernor, alam kong maiintindihan ka ng mga taong sumusuporta sa ’yo.” Ani Goran. “Oo nga, bro.” Alihan. “At isa pa... tumutulong ka naman pati sina Tito Salvador sa mga kababayan ninyo kahit dati pa man. No’ng hindi ka pa Mayor.” “Thank you so much for your support, guys.” “We are Ildefonso. Kapag may problema ang isa... nandito ang lahat para dumamay.” Ngumiti siyang muli at itinaas ang boteng hawak niya. “Cheers!” “Cheers!” “And cheers for the new couple. Gawen and Gelaena!” anang Abraham. “Cheers para sa susunod na maitatali.” Natatawang saad pa ni Alihan. Natawa na lamang siya ng pagak pagkuwa’y tinungga ulit ang boteng hawak niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD