BAHAGYANG sinilip ni Gelaena ang mukha ni Emzara. Nang makita niyang mahimbing na itong natutulog ay dahan-dahan siyang kumilos upang umalis sa kaniyang puwesto. Mabuti na lamang at hindi ito nagising nang tanggalin niya ang kaniyang braso sa ilalim ng leeg nito. Nang makatayo siya ay kaagad siyang nagtungo sa banyo upang umihi. Kanina pa talaga niya iyon pinipigilan. Hindi lamang siya makaalis sa tabi ni Emzara dahil nakayakap ito sa kaniya.
Pagkatapos niyang gumamit ng banyo, sa halip na bumalik sa kama upang matulog na ay nagpasya siyang lumabas ng silid upang bumaba sa kusina at magtimpla ng gatas. Alas onse y medya na ng gabi. Napagod naman ang katawan niya dahil sa pakikipaglaro niya sa bata kanina maging sa pagsu-swimming nila sa falls na pinagdalhan sa kanila ni Gawen, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dinadalaw ng kaniyang antok. Nang humiga si Emzara kanina ay kaagad niya itong tinabihan, pero hanggang ngayon ay gising na gising pa rin ang kaniyang diwa.
Pagkababa niya sa kusina, kaagad siyang nagtimpla ng kaniyang gatas at umupo sa kabisera habang iniinom iyon.
Nagpakawala siya nang malalim na paghinga pagkuwa’y masuyong hinagod ang kaniyang batok at balikat na hanggang ngayon ay sumasakit pa rin kahit nilagyan naman niya iyon ng salonpas na ibinigay sa kaniya ni Gawen no’ng nakaraang gabi.
“Why are you still awake?”
Bigla siyang nagulat at napalingon sa may pinto ng kusina nang marinig niya mula roon ang boses ni Gawen. Nakita niya itong naglalakad na palapit sa kaniyang direksyon. He’s wearing white round neck t-shirt and gray pajama. Bakat na bakat pa sa suot nitong t-shirt ang malapad nitong mga balikat at dibdib. Oh, hindi niya na naman napigilan ang ma-imagine ang katawan nitong sa unang pagkakataon ay nasilayan niya kaninang umaga.
Marahan siyang bumuntong-hininga at nagbawi ng tingin dito. “Ang hilig n’yo po talagang manggulat, Yorme.” Kunot ang noo na saad niya.
“Akala ko kasi ay walang tao rito dahil nakapatay naman ang ilaw.” Anito at nagdiretsong lumapit sa refrigerator at kumuha roon ng malamig na tubig. Pagkatapos ay dinala nito sa mesa ang pitcher at kumuha ng baso.
Ang akala pa niya ay hindi ito uupo roon, pero mali pala siya. Dalawang bakanteng upuan ang nakapagitan sa kanilang dalawa.
“Can’t sleep?” tanong nito ulit sa kaniya.
Marahan naman siyang tumango bilang sagot sa tanong nito. Hindi niya magawang tumingin dito nang diretso dahil hayon na naman ang kaniyang puso at nag-uumpisa na namang kumabog. Hindi niya talaga maintindihan ang kaniyang sarili kung bakit niya iyon nararamdaman! Sa tuwing nasa malapit si Gawen, awtomatik ay iyon agad ang nagiging reaksyon ng kaniyang puso. Para bang nagreregodon kaagad.
Katahimikan ang namayani sa apat na sulok ng kusina habang siya ay nakatitig sa baso ng kaniyang gatas at si Gawen naman ay nakatitig sa lamesa.
Banayad siyang bumuntong-hininga. “Mayor!” mayamaya ay binasag na niya ang katahimikang iyon. Naiilang kasi siya at hindi kumportable ang kaniyang pakiramdam, lalo pa’t mas tumitindi ang pagkabog ng kaniyang puso.
Tumingin naman sa kaniya si Gawen. “Yeah?”
Saglit siyang napalunok at tumikhim. Kahit kumakabog-kabog ang puso niya’y pinilit niyang salubungin ang mga mata nito. Mabuti na lamang at hindi niya naisipang buksan ang ilaw kanina kaya malamlam lamang ang liwanag na pumapasok sa bintana sa itaas ng lababo. Hindi nito masiyadong maaaninag ang mukha niyang panigurado siya na namumula na ngayon. Ramdam niya kasi ang pag-iinit n’on. Dim lamang ang liwanag sa loob ng kusina, pero kitang-kita niya pa rin ang magaganda at kulay tsokolate nitong mga mata. “Sorry po, huh! Pero... narinig ko po kasi ang pag-uusap ninyo ng magulang mo no’ng isang araw. Totoo po ba talagang... patay na ang nanay ni Emzara?” lakas-loob na tanong niya rito kahit alam naman niya ang sagot sa kaniyang tanong.
Saglit na tumitig sa kaniya si Gawen at pagkatapos ay nag-iwas din kasabay niyon ang pagpapakawala nito nang malalim na paghinga. “Yeah,” tipid na sagot nito.
Napabuntong-hininga rin naman siya. “Kawawa talaga si Emzara! Umaasa pa naman siyang magkikita pa sila ng mommy niya. Pero... ganoon pala ang nangyari sa kaniya.” Muli siyang nakadama ng lungkot para sa kaniyang alaga.
“Never tell Emzara about that,” sabi nito. “I don’t want her to know that her mommy is gone... dahil ayokong masaktan siya nang husto.”
“Pero... kahit naman po ipagpaliban ninyo ang pagsasabi sa kaniya ng totoo, masasaktan pa rin naman po siya, Mayor. I mean, mas mainam po siguro kung ngayon pa lamang ay sasabihin na ninyo sa kaniya ang totoo.” Iyon ang iniisip niya simula pa kanina. Nang una ay sang-ayon siya sinabi nito maging ni Señor Salvador na huwag na munang ipapaalam sa bata ang totoo. Kasi alam niyang labis nga itong masasaktan. Pero napag-isip-isip niya, karapatan naman ni Emzara na malaman agad ang totoo. Alam niya na darating naman ang araw na matututunan ding tanggapin ng bata ang katotohanang wala na ang mommy nito. Masakit sa una, pero masasanay rin ito.
Muling tumingin sa kaniya si Gawen. “That’s my decision, Gelaena. Kaya wala kang sasabihin sa bata tungkol sa nangyari sa nanay niya.” Seryosong saad nito sa kaniya.
Napatikom na lamang siya at tumango. Well, kung sabagay... wala naman siyang karapatan na pilitin itong sabihin kay Emzara ang nangyari sa nanay nito. Si Mayor Gawen ang legal guardian ni Emzara kaya ito lamang ang may karapatan na magdesisyon para sa bata.
Muli, namayani ang saglit na katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Pero mayamaya ay tumayo ulit si Gawen sa puwesto nito at ibinalik sa refrigerator ang pitcher na kinuha nito. “Magpahinga ka na. Maaga pa tayong uuwi bukas.” Anito sa kaniya.
Tumango siyang muli. “Good night po, Yorme.” Aniya.
Akma na sanang hahakbang si Gawen upang lisanin ang kusina, pero muli nitong binalingan ng tingin ang dalaga. “By the way, I need your resume tomorrow.”
Napatingala naman siya rito. Saglit siyang tumitig dito bago siya dahan-dahang tumango. “O-opo, Yorme! Ibibigay ko po sa inyo bukas. Gagawa po ako pagkauwi natin sa mansion.” Aniya.
Tumango rin naman ito sa kaniya ’tsaka tumalikod na. Hindi na siya nag-abalang sundan ito ng tingin. Nang hindi na niya narinig ang mga yabag nito... muli siyang bumuntong-hininga at inubos na ang kaniyang gatas. Pagkatapos ay pumanhik na ulit siya sa kanilang silid.
HINDI PA MAN siya nakakapasok sa kusina ay patakbo nang sumalubong sa kaniya si Arlene at yumakap sa kaniyang braso.
“Magkwento ka agad sa akin, bes. Dali...” anito na halatang excited at kinikilig.
Nagsalubong naman ang kaniyang mga kilay. “Huh? Ano naman ang ikukuwento ko sa ’yo?” tanong niya.
“’Yong nangyari sa farm. Sa inyo ni Mayor,” sabi nito. “Dali na at magkwento ka na, bes. Kagabi pa ako excited na dumating kayo, e!”
Mas lalong nangunot ang kaniyang noo. Nang makalapit sila sa mesa ay ’tsaka lamang siya nito binitawan kaya umupo siya sa silyang nasa tabi ng mesa. Umupo rin si Arlene sa kaibayong silya.
“So, may ganap ba sa inyo ni Mayor?” malapad ang ngiti at excited pa ring tanong nito sa kaniya. “Dali na, magkwento ka na, Gelaena.”
“Ano’ng ganap? Wala akong ikukuwento sa ’yo Arlene kasi wala namang—”
“Sus! Maniwalang walang ganap.” Anito kaya naputol agad ang pagsasalita niya.
Kararating lamang nila galing sa farm. Dumiretso siya sa silid ni Emzara para ihatid ang kaniyang alaga na nakatulog sa biyahe nila. Pagod pa rin marahil sa pagsu-swimming nila kahapon sa falls kaya naging mahimbing ang tulog sa nagdaang gabi, maging kanina sa biyahe nila. Simula pa naman no’ng tanghali hanggang sa hapon ay nakababad sila sa tubig. Gustong-gusto kasi ni Emzara na maglunoy kaya hindi niya ito mahindian.
“Magkwento ka na kasi, bes! Dali na!”
Bumuntong-hininga siya nang malalim. “Ano ba ang ikukuwento ko sa ’yo, Arlene? E, wala naman ibang nangyari sa farm kun’di... ipinakilala ako ni Emzara sa mga kaibigan niyang hayop! Tapos ginawa akong kargador ni Yorme, kaya nanakit ang balikat ko. Iyon lang naman ang ganap sa amin. At kahapon... naligo lang kami sa falls kasama si Manang Lita. At pagkatapos n’on ay... wala na.” Pagkukuwento niya rito. Gusto niya rin sanang sabihin dito na nakita niya si Gawen na naka-topless habang nagda-dumbbell sa labas ng bahay, pero hindi niya na ginawa. Sigurado kasi siyang hahaba ang usapan nila ni Arlene. Ayaw rin niyang tuksuhin siya nito nang tuksuhin.
“Ano ba naman ’yan...” anito at bumuntong-hininga nang malalim pagkatapos ay nangalumbaba sa gilid ng mesa. “Ang akala ko pa naman ay may exciting ng nangyari sa inyo ni Mayor. Excited pa naman akong nag-aabang sa pagdating ninyo.” Sumimangot pa ito.
“Ikaw naman kasi... masiyadong lumilipad ’yang imaginations mo. E, malabo naman mangyari ang mga iniisip mo sa amin.”
“E kinikilig nga kasi ako sa inyo ni Mayor. Hindi mo naman ako masisisi, bes.”
Napailing na lamang siya. Wala bang love life itong si Arlene kaya sa love life ng iba lang ito kinikilig? Kaya pati sila ni Mayor Gawen ay gustong pag-isipan ng nakakakilig?
Muli na lamang siyang bumuntong-hininga nang malalim.
“Siya nga pala bes... saan ba ako rito puwedeng gumamit ng computer?” pag-iiba niya ng tanong dito mamaya.
“Bakit?”
“Hinihingian kasi ako ni Yorme ng resume ko. Kailangan ko raw ibigay sa kaniya mamaya.”
“Tamang-tama, sumama ka na lang sa akin mamaya sa labas. Tutal at magpupunta ako sa palengke. Roon lang kasi mayroong computer shop, e!” Anito.
“Okay sige.” Tumayo siya sa kaniyang puwesto. “Nasaan pala ang Tiya Hulya?”
“Nasa silid ninyo siguro.”
“Okay. Pupuntahan ko lang, bes.” Pagkasabi niyon ay kaagad siyang tumalikod at muling lumabas sa kusina.
SERYOSONG nakatitig si Gelaena sa monitor ng computer. Katatapos lamang niyang gumawa ng kaniyang resume at ngayon ay saglit siyang nag-open sa social media account niya at tiningnan niya rin ang ilang messages sa inbox niya. Matapos basahin ang ilan doon ay malalim na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan sa ere.
“Bes...”
Nang marinig niya ang boses ni Arlene, napalingon siya rito. Papalapit na ito sa kaniyang puwesto kaya kaagad niyang ini-log out ang kaniyang account at mabilis na sinupil ang kaniyang sarili.
“Ano, tapos ka na ba?” tanong nito nang makalapit na sa kaniya nang tuluyan.
Tumango naman siya. “Katatapos ko lang, bes. Napa-print ko na rin.” Aniya.
“Halika na at ng makabalik na tayo sa mansion.”
Kaagad naman siyang tumayo sa kaniyang puwesto at sumunod kay Arlene palabas ng computer shop.
Hanggang sa makabalik sila sa mansion ng mga Ildefonso ay panay pa rin ang pagpapakawala niya nang malalim na buntong-hininga. Hindi pa rin mawala-wala sa isipan niya ang message na natanggap niya kanina.
“Ayos ka lang ba, hija?”
Napalingon siya sa kaniyang Tiya Hulya nang marinig niya ang tinig nito.
“Po?”
“Kako kung ayos ka lang ba at kanina ka pa tahimik riyan!”
Muli siyang bumuntong-hininga nang malalim at ipinilig ang kaniyang ulo. “Ayos lang po ako, Tiya Hulya.” Kahit ang totoo ay hindi naman.
Matamang tumitig sa kaniya ang matanda. “Sigurado ka, Gelaena?”
Pinilit niyang ngumiti. “Opo, tiya. Siguro po... masiyado lang akong napagod sa ginawa naming pagsu-swimming kahapon.”
“Ganoon ba?”
“Opo,” wika niya. “Teka lang po pala at pupuntahan ko po si Mayor at ibibigay ko po sa kaniya itong resume ko na hinihingi niya sa akin.” Aniya upang makaiwas sa matanda. Kilala niya kasi ang kaniyang Tiya Hulya. Sa klase ng titig nito sa kaniya ngayon... siguro siyang alam na nito kung ano ang iniisip niya. Ayaw naman niyang pag-usapan ang kaniyang problema kaya siya na ang kaagad na pumutol sa pag-uusap nila.
“Siya sige at kararating lang din naman ni Mayor.”
Kaagad siyang nagpaalam at lumabas sa kanilang silid.
LATAG NA ANG gabi at tahimik na ang buong mansion. Marahil ay tulog na ang lahat ng tao at siya na lamang ang gising. Kanina pa niya gustong matulog at magpahinga, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang isipan niya, hindi pa rin siya mapakali. Gusto niya rin sanang puntahan si Arlene sa silid nito upang ayain na magpunta sa swimming pool at saglit silang tumambay roon, pero hindi niya na ginawa. Mag-a-alas dose na rin kasi ng hating gabi kaya sigurado siyang kanina pa nahihimbing sa tulog nito si Arlene.
Nang makalabas siya sa main door, ang malamig na simoy ng pang gabing hangin ang sumalubong sa kaniya kaya napayakap siya sa kaniyang sarili. Oh, nakalimutan pa niyang magdala ng kaniyang jacket! Hindi na siya bumalik sa silid nila ng kaniyang Tiya Hulya at sa halip ay hinayaan na lamang niya na yakapin ng malamig na hangin ang impis niyang katawan. Nagtuloy siya sa kaniyang paglalakad hanggang sa dalhin siya ng kaniyang mga paa sa swimming pool area. Napangiti pa siya nang makita niya ang kulay asul na tubig maging ang kulay dilaw na mga ilaw sa ilalim niyon. Tahimik na umupo siya sa lounge chair na naroon at tumitig sa payapang tubig. Muli siyang bumuntong-hininga nang malalim. Kahit papaano ay nakaramdam naman agad siya nang ginhawa, lalo pa at wala siyang ibang naririnig sa buong paligid kun’di ang mahihinang huni ng pang gabing hayop.
Pagkalipas ng ilang sandali, nasa ganoon pa rin siyang tagpo nang mula sa may likuran niya ay nakarinig siya ng mahinang kaluskos. Bahagyang nangunot ang kaniyang noo nang lumingon siya sa may direksyon ng gazebo at may napansin siyang isang anino mula roon.
Huh? May multo ba rito sa mansion? Sa isip-isip niya at hindi naman niya naiwasang makada agad ng takot dahil sa ideyang iyon.
Mayamaya ay muli niyang narinig ang kaluskos na iyon. Nang hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili ay tumayo siya sa kaniyang puwesto at dahan-dahan na naglakad papunta sa may gazebo kahit pa kinakabahan siya.
Mas nangunot lalo ang kaniyang noo nang muli niyang mapansin ang anino na nakita niya kanina.
Oh, my God! Baka magnanakaw? Anang kaniyang isipan ulit nang makita niyang mukhang hindi naman pala multo ang naroon.
Muli siyang nakadama ng takot sa kaniyang dibdib.
Mayamaya ay kaagad na naglikot ang kaniyang mga mata. At nang mahagip ng kaniyang paningin ang isang kahoy na nasa gilid ng haligi ng gazebo, kaagad niya iyong kinuha at muling nagdahan-dahan na naglakad papunta sa likod ng malaking halaman. Doon ay nakita niya ang isang lalaki na tila ba may hinahanap na kung ano...
Kinakabahan man ay naglakas-loob siyang lumapit pa sa kinaroroonan ng lalaki at inihanda na ang kahoy na hawak-hawak niya. “Magnanakaw!” sigaw niya at tinawid niya na ang pagitan nila ng lalaki at malakas na hinampas ang ulo nito.
Kaagad namang natumba ang lalaki sa damuhan. Kahit halos lumukso na palabas sa kaniyang ribcage ang kaniyang puso dahil sa labis na kaba ay nagdahan-dahan ulit siyang humakbang upang lumipat sa harapan ng lalaki at sinilip niya ang mukha nito.
At ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makita niya ang mukha ng lalaki na wala ng malay.
“Y-yorme?”