KABANATA 1

1033 Words
KABANATA 1:     IBINABA ko ang baso matapos inumin ang tubig. Pinagmamasdan ako ni Tita Jocelyn habang nasa bisig din nito ang limang buwang sanggol na anak.     "Pasensya na po, Tita. Wala na talaga akong mapuntahan. Hindi naman ako tatanggapin sa amin." Nakayuko kong sabi. Yakap ko pa rin si Mika at mahimbing na natutulog sa aking bisig.   "Huwag mo ng intindihin 'yon. Ang mahalaga nakaalis ka sa poder ng siraulong 'yon. Bakit ba naman kasi pinaabot mo sa ganyan. Tignan mo, ginawa kang punching bag! May pasa ka—ay, punyeta! Huwag nga kayong magsigawan at nag-uusap kami!" sita ni Tita Jocelyn sa mga anak niya.   Napatingin tuloy ako sa limang pinsan ko na mas bata sa akin. Mga nasa grade school pa at ang panganay ay nasa senior high. Maraming anak si Tita Jocelyn. Pinsan siya ni Mama pero medyo malapit sa akin dahil kila Mama siya noon nakatira.   "Pasensya na, maingay ang mga pinsan mo. Bueno, anong plano mo? Paano ka maghahanap ng trabaho niyan may anak ka?" Napatingin ito kay Mika.   Hindi ako nakasagot. Hindi ko rin alam. Ang nangibabaw sa aking ngayon ay kung paano makaalis sa poder ni Dave. Malamang mamaya hahanapin niya na ako.     "Tatapatin kita Charlotte. Hindi ka naman p'wede magtagal dito dahil bukod sa siksikan kami. Hindi na kaya ni Ricardo na magdagdag ng pakakainin. Kung ako lang, walang problema. Kaso ang desisyon sa asawa ko pa rin. Isang kahig, isang tuka lang kami," malungkot na sabi ni Tita. Nagrerenta lang sila ng kuwarto. Sa construction nagtatrabaho si Tito Ricardo kaya malamang na walang sapat na pera para dumagdag pa ako sa gastusin niya. Naiintindihan ko pero paano na... paano ako? Saan ako pupunta? Anong gagawin ko?   Gusto kong maiyak dahil awang-awa ako sa sarili. Napagod na ang mga mata ko sa kakaiyak kaya wala ng mailuluha pa. Puro kirot na lang sa dibdib ang nararamdaman ko at pasa sa ilang parte ng aking katawan ang aking iniinda.     "Hahanap ako ng trabaho, Tita. Hindi ko lang alam... kung uhh... pa-paano..." nahihiya kong sabi. Wala rin magbabantay kay Mika kung magta-trabaho ako.     Bumuntong-hininga ito.     "Sabihin mo ito kay Kriselda. Maluwag ang bahay nila at anak ka naman niya. Diosmio, responsibilidad ka naman ng Nanay at Tatay mo. Ewan ko ba diyan sa mga magulang mo," pagpapalatak ni Tita.   Nasa poder ako ni Papa noon. Kaso ng malaman niyang nabuntis ako. Pinalayas ako sa amin at sumama kay Dave. Si Dave na isang seaman, na akala ko nasa mabuti na akong mga kamay. Akala ko gaganda ang buhay ko dahil maganda ang trabaho nito.     Hindi naman siya ganoon noong una. Kapitbahay namin si Dave at puro kabutihan ang pinakita niya sa akin noon. Ang gusto ko lang naman maranasan kung paano mahalin. Kung anong pakiramdam na ako ang priority, na may nagbibigay halaga sa akin. Bulag ako sa pagiging seloso niya at possesive noon pa. Akala ko mabuti iyong ganoon. Akala ko sweet kapag ganoon kasi ibig sabihin lang ay mahal na mahal niya ako. Natutuwa pa ako kapag nagseselos si Dave kapag may kausap akong lalaki. Hanggang sa nabuntis niya na ako at sumama na nga ako sa kanya.     Maayos ang takbo ng buhay namin noon. Suportado niya ako sa lahat. Hindi niya ako ginugutom. Sagana ako sa materyal na bagay. Tuwing baba siya mamasyal kaming dalawa. Maayos ang lahat kahit na ayaw sa akin ng pamilya niya. Lalo na ng Mama at kapatid nito. Ayaw nila sa akin dahil imbes na ang perang pinapadala ni Dave ay para sa kanila ay sa akin na napunta. Galit na galit sila ng nalamang buntis ako at ibinahay na ni Dave.     Sinikap ko namang maging mabait. Maging mabuti. Ako naman ang nagsasabi na huwag na kong bilhan ng kung ano-ano at ibigay na lang sa pamilya niya pero hindi nakikinig si Dave. Mahal na mahal niya ako kaya ang priority niya ay ako at ang magiging anak namin.   Hanggang sa nanganak na ko kay Mika. Unti-unti na siyang nagbago. Napapadalas na ang pagiging seloso nito at pambibintang sa akin ng kung ano-ano. Huli ko na nalaman na sinisiraan pala ako ni Stella. Ilang beses na kong nagsabi na walang katotohanan iyon. Na hindi naman ako tamad sa bahay at materialistic na tao. Hindi ko naman inuubos ang pera niya dahil alam kong pinahirapan niya naman 'yon.   Hindi ko alam na iyong pagbisita nila sa bahay ay may report na palang kasama sa tinuring kong asawa. Kahit na hindi kami legal sa mata ng tao at sa taas. Tinuring ko siyang asawa dahil may anak na kami at nagsasama kaming dalawa. Alam kong mali. Handa naman akong magpakasal kung aalukin niya lang ako. Nag-aantay ako pero wala naman siyang sinasabi sa akin.    Iyon pala hinaharang ng Mama at kapatid niya ang tungkol doon. Hindi talaga nila ako magugustuhan at dahil sa nangyari. Nawalan ako ng gana sa pamilya niya. Na kailanman hindi nila ako matatanggap. Hanggang sa hindi nakasampa si Dave sa barko. May nakaalitan siyang katrabaho dahilan para mawalan siya ng trabaho.   Duon nagsimula ang lahat. Nai-stress si Dave sa dami ng gastusin at sa hindi siya matanggap-tanggap sa trabahong ina-apply-an niya. Ako na ang pinagbuntungan niya ng galit. Nagkaroon na siya ng bisyo. Inom, alak, sugal at droga. Lahat 'yan ay ginagawa niya. Inuuna niya na ang mga kaibigan niya kaysa sa akin. Nakukuha na rin niya akong saktan pero tiniis ko dahil wala na kong mapupuntahan. Pero dahil sa nangyari kanina. Natakot ako. Alam ko na ikamamatay ko na, ikamamatay na namin ng anak ko kung mananatili pa ako doon. Natakot ako para sa buhay naming mag-ina. Hindi naman ito ang pinangarap ko pero bakit sa ganitong sitwasyon ako napunta.   Kung sana nagtiis ako sa poder ni Papa. Nag-aral ako ng mabuti habang nagta-trabaho. Wala sana ako sa sitwasyon ngayon. Napasulyap ako sa mahimbing na natutulog na si Mika. Ang hindi ko pinagsisihan ay ang dumating sa buhay ko si Mika. Naging mapusok at nagkamali ako noon pero hindi ang anak ko. Sariling dugo at laman ko siya. Pangit man ang ugali ng Tatay niya, anak ko pa rin siya. Mahal na mahal ko ang anak ko at bubuhayin ko siya sa abot ng aking makakaya.                                          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD