“Allow me to the moon
Who can change into any form
Their skin is comfortable in”
Sa isang matayog na kaharian kung saan ay napapaligiran ng mga malalakas na kawal. May isang pagpupulong na nagaganap. Ang labing isang Celestial ay nakaupo sa gintong upuan na nasa entablado habang hinihintay ang magaganap na palabas.
“Ipinatawag ko kayong lahat upang mag bigay aliw sa mga Celestial.” Isang matandang lalaki ang nagsasalita sa harap ng napakaraming tao. Mga mababang uri at ginawang alipin ng malupit na mga Celestial. Isang Admiral ang tumayo mula sa pagkaka- upo at may mahabang papel itong hawak.
“Magkakaroon ng tayo ng palabas. Ang aking babanggitin na pangalan ang siyang sasali sa larong aming inihanda.”
Ang mga tao’y nagsimulang mag wala. Alam nila ang larong ibig sabihin ng Admiral. Isang larong ubusan ng buhay para lamang mag bigay aliw sa mga Celestial.
Lahat ng mga taong pumapalag ay walang awang hahampasin gamit ang metal na hawak ng mga kawal. Wala silang kawala. Sila ang mga taong simple lang ang pamumuhay ngunit ginawang laruan ng mga Celestial, tulad din ng mga bampira.
“Ate natatakot ako.” Isang batang lalaki ang nakayakap sa kanyang nakatatandang kapatid. Alam niya na taon taon ay may ganitong palaro ang mga Celestial kung kaya’t halos mawalan siya ng malay nang magsimula muli ang palabas.
“Wag kang matakot. Hindi kita pababayaan.” Tirik na tirik ang araw na dumadampi sa kanilang balat.
“Jiseyo, anak…” Tawag ng ina nito. Bumakas ang lungkot sa mga mata ni Jiseyo nang kunin ng mga kawal ang kanyang nakatatandang kapatid. May sakit pa ang ina nito kung kaya’t labis na lamang ang pag-aalala ng bata.
Galit naman ang kanilang ama dahil wala man lang siyang magawa para sa kanyang pamilya.
Gabi nanaman, ito ang paborito ng mga halimaw na uhaw na uhaw sa dugo. Sa ilalim ng palasyo kung saan nasa loob ng bilangguan ang mga sasabak sa palabas. Naroon ang isang babae at nakadungaw lamang sa maliit na bintana.
“Bilog ang buwan ngayon…” Sabi ng isa pang bilanggo. Lumingon ang babae rito.
“Ako nga pala si Clara.” Pakilala ng babae na unang nag salita.
“Lafiya ang aking pangalan.” Sagot naman nito. Si Lafiya ang nakatatandang kapatid ni Jiseyo.
“Bukas hindi ko alam kung tayo’y buhay pa.” Sabi ni Lafiya na muling itinoon ang mga mata sa buwan. Alam niya kung gaano kabagsik magpalaro ang mga Celestial. Buhay ang kapalit ng kanilang libangan.
Bumuntong hininga si Clara. Labing siyam na taong gulang pa lamang siya at marami pang pangarap sa buhay. Doon ay nagka kwentuhan ang dalawa nang bigla na lamang huminto si Lafiya.
“Naririnig mo ba iyon?” Tanong niya kay Clara.
“Ang alin?” Walang kaalam alam ito sa tinutukoy ni Lafiya.
Tumayo si Lafiya sa kanyang pagkakaupo. Dahan dahan siyang naglakad at sa bawat hakbang nito’y mas lumalakas ang boses na kanyang naririnig.
Isang pagsigaw iyon. Sigaw na para bang pinahihirapan at dinig din nito ang kalansing na para bang bakal. Boses iyon ng isang lalaki isip-isip nito. Sigaw iyon ng isang paghihinagpis at amoy iyon ng isang bampira. Sabi nito sa kanyang isipan.
Papaanong may naligaw na bampira sa palasyo ng mga Celestial? Ang pagkakaalam nito’y may isang lugar ang mga Celestial kung saan nila ginawang alipin ang mga nahuhuling bampira.
Naaamoy ni Lafiya ang kakaibang enerhiya mula sa bampirang iyon. Naaamoy niya kung gaano ito kalakas na kayang sumakop sa buong palasyo ng Celestial. Ngunit bakit tila ito ay nasa pinaka ilalim na dako ng palasyo?
“Ano’ng nangyayare sa kaliwang mata mo?” Gulat na tanong ni Clara nang biglang mag kulay dilaw ang kaliwang mata ni Lafiya. Kaagad niyang tinakpan iyon ng kanyang buhok. Tumalikod ito at naluklok sa pinaka sulok. Maging siya ay hindi rin alam ang nangyayare sa kanya. Kakaiba ang kanyang mga naririnig na hindi naman naririnig ng iba.
Yumuko si Lafiya, naroon parin ang sigaw ng isang lalaki na sa palagay niya talaga ay isang bampira. Hindi pang karaniwang bampira iyon sapagkat ang amoy nito ay kakaiba. Napalunok na lamang si Lafiya sa mga nangyayare.
Maya maya pa ay naramdaman ni Lafiya ang presensya ng bampirang iyon. Naramdaman niya na naririnig din siya nito.
“Binabasa mo ang aking isipan.” Mahinang sambit ni Lafiya at ang bampirang lalaking iyon ang kanyang kinakausap. Tumigil din ang pag sigaw nito at katulad niya ay inaamoy din nito ang kanyang amoy.
“Kakaibang amoy.” Iyon ang sambit ng lalaki. Kumabog nang husto ang dibdib ni Lafiya nang marinig niya ang sinabi nito. Hindi niya maintindihan kung anong koneksyon nilang dalawa at sila’y nagkakaintindihan.
Lumunok ulit ito at pinagpapawisan ng malamig. Ang mainit niyang katawan ay tila nilalamon ng buwan.
“Lafiya ano ba ang nangyayare sa iyo? Huwag mo naman akong takutin ng ganito?” Naguguluhan si Clara sa kanyang kakaibang nakikita sa dalaga. Tumigil ulit si Lafiya nang maamoy nito ang tila papalapit na nilalang sa kanilang kinalalagyan.
Bumukas ang selda ng kulungan. Isang kawal ang may dala ng kanilang pagkain at kaagad din itong umalis. Wala nang pag aalinlangan si Clara na kunin iyon at iaabot na sana niya ito kay Lafiya ngunit tinanggihan nito ng dalaga.
“Wala akong gana.” Bumalik na sa dati ang mata ni Lafiya. Nawala na rin ang takot ni Clara na baka guni guni lamang niya dahil sa labis na gutom.
“Kailangan mong kumain. Bukas ng gabi mag sisimula ang palabas. Kailangan nating mabuhay at makabalik sa ating pamilya na naghihintay sa atin.” Sabi ni Clara.
“Okay lang ako. Ikaw ang magpalakas. Kailangan mong mabuhay para sa pamilya mo.” Sabi ni Lafiya at ito ay nahiga na. Sa kanyang pag pikit ay biglang gumuhit ang mukha ng isang lalaki. Isang maginoo na may mga pulang mata. Ito ay nakagapos ng sobrang daming bakal. Iginapos na para bang halikaw.
Umiling si Lafiya, bumabalik nanaman ang kanyang sakit. Sa isip isip nito. Kung ano ano ang kanyang nakikita at naririnig na hindi normal para sa taong katulad niya.
“Tumuloy ka.” Sambit ng isang Celestial. Siya ay si Aram.
Tumuloy ang isang Warlord sa silid ni Aram.
“Ano ang nangyari sa iyong mukha?” Gulat na tanong nito nang makita ang mahabang sugat na tila galing sa isang latigo.
“Kamahalan nais kong ibalita sa inyo ang nangyare kanina sa aking paglalakbay.”
“Huwag ka nang magpaligoy-ligoy. Sagutin mo ang aking katanungan.”
Lumunok ang babaeng Warlord at nagsalita.
“Ang may gawa nito’y walang iba kundi ang Celestial na si Dawn.” Napa tayo mula sa pagkaka upo si Aram. Si Dawn ang nawawalang ika labing dalawang miyembro ng mga Celestial.
“Ano ang sinabi mo?”
“Tama kayo ng narinig aking kamahalan...” Kaagad na pinaalis ni Aram ito sa kanyang silid. Kumuha siya ng isang baso at kaagad na nagsalin ng alak. Ilang lagok lamang iyon nang matauhan siya. Matagal na panahon nang nawawala si Dawn na inaakala nilang nasawi sa mundo ng mga tao.
“Bakit ka takot na takot?” Isang tinig mula sa alagad ni Aram ang apoy na nag anyong tao.
“Buhay si Dawn.” Mahinang sambit ni Aram.
“Ano naman ang kinakatakot mo roon? Mas malakas ka na sa kanya.”
Nanahimik si Aram dahil ang kanyang kinakatakot ay walang dudang magkakaroon muli ng digmaan kapag nalaman ni Dawn na ang kanyang kaisa-isang anak ay ang lalaking ikinulong nila ng mahabang panahon sa ilalim ng palasyo.