"Ano na naman ang pakulo mo?" nakangising tanong ni Batsy. Ka-video call ko ito. Abala sa pagluluto ang babae nang sagutin nito ang tawag ko.
Tumayo ako at dinampot ang dress na napili kong suotin, itinapat sa katawan at iniharap kay Batsy.
"Ang naisip ko...praprangkahin ko s'ya. Sasabihin ko na 'di ko s'ya type, sasabihin kong babae ang type ko." Natigilan si Batsy saka nakaangat ang kilay na humarap sa phone nito. Ngayon ay ang lahat ng atensyon nito ay nasa akin na.
"Hoy! Ibang klase ka rin eh 'no, para lang madispatsa mo 'yang ka-date mo ay naisip mo pa talaga 'yan."
"Anong gusto mong gawin ko? Hayaang maniwala 'yong ka-date ko na type ko s'ya at may second chance pa na maulit ang date na 'yon? No way!"
"Bakit naman kasi hindi ka sumubok?"
"Sumubok na ano?"
"Na makipagrelasyon. Try lang nang try. Hanggang sa mahanap na si Mr. Right guy." Mabilis akong umiling.
"Mas gugustuhin ko pang pumasok ng kumbento kaysa ang lokohin ang sarili ko sa bagay na hindi ako interested." Tugon ko rito.
"Girl, hindi ka tatanggapin sa kumbento." Bumungisngis ako saka nagkibitbalikat.
"Well, wala pa kasi talaga sa isip ko." Wala talaga sa isip ko. Iyon 'yon, pero tiyak na kukumbinsihin ako ng mga ito sa bagay na hindi ko nga pinaniniwalaan.
Si Lolo, si Batsy, si Ate Calline. Palagi nila akong kinukumbinsi na masarap umibig.
Pero sa nangyari noon sa magulang ko. Nasaan ang pag-ibig doon?"
Katatapos lang naming magtsismisan ni Batsy nang kausapin ako ni Ate Calline
"Hays! Bakit ba naging ganyan ka? Bakit nawala ang tiwala mo sa pag-ibig?"
Isa lang naman ang sagot d'yan. Dahil sa magulang ko. Dahil sa kanila na pinatunayan na hindi tunay ang pag-ibig, na ang pag-ibig ay sisirain ka lang hanggang sa ikaw na mismo ang kusang aayaw.
Tandang-tanda ko pa kung kailan iyon nagsimula.
--
Sunod-sunod na kalabog ng mga gamit sa silid ng magulang ko ang pumukaw sa atensyon ko. Ang librong yakap-yakap ko ay mas hinigpitan pa ang hawak doon. Ang bata kong puso ay nanlulumo at hindi naiwasang pangiliran ng luha.
"Ayaw ko na sa 'yo, sakal na sakal na ako sa pamilyang ito. Hindi ko ito ginusto. Palayain n'yo na ako." Tumatangis na hiyaw ni Mommy habang naghahagis ng pwede nitong mahawakan.
"No!" galit namang hiyaw ni Daddy.
"Ano pa bang gusto mo sa akin? Nakuha mo na ang lahat. Hindi naman natin mahal ang isa't isa. Pareho lang naman tayong nagloloko, gusto ko rin namang sumaya. Pero hindi sa piling ninyo iyon." Hiyaw ni Mommy, kasunod ay ang malakas nitong pagtangis.
Hindi sa piling namin? Tama s'ya, kahit kailan naman ay hindi naging masaya si Mommy sa pamilyang ito. Ganoon din si Daddy, kahit pa sabihin ni Daddy na mahal n'ya kami ni Kuya Soul.
Humugot ako nang malalim na buntonghininga saka tahimik na nilagpasan ang silid ng mga ito. Pagpasok ko sa aking silid ay mabilis ko ring ini-lock iyon at nanlulumong napasalampak at sumandal sa nakapinid na pinto.
Ito ang normal na senaryo sa mansion na ito. Nagkakaroon lang nang katahimikan kapag nandito si Lolo. Kay Lolo lang sila may pakialam. Opinion ni Lolo lang ang mahalaga sa kanila.
Pero sa akin at kay Kuya Soul, wala. Kami 'yong lahat ng material na bagay ay nakukuha, pero hindi ang pamilya. Hindi namin makuha 'yong natatanging bagay na sa tuwing nananalangin ako ay iyon ang laman.
Gusto kong magkaroon ng pamilya na nagmamahalan, masaya at payapa. Pero itong senaryong ito ay kinamulatan ko na. 12 na ako ngayon, pero ganoon at ganoon pa rin ang palaging eksena.
Nasasaktan pa ako, dumagdag pa 'yong classmate kong si Vivian, pinagmamalaki n'ya sa mga classmate namin na 'yong Daddy ko raw ay nagpunta sa house nila tapos may doll na dala na pasalubong kay Vivian.
"Bible?" sunod-sunod na katok ni Daddy. Mabilis kong pinahid ang luha ko, inayos ang sarili bago binuksan ang pinto.
"D-addy?" pilit akong ngumiti rito.
"Hi, anak." Ngiting-ngiti na ani nito. Okay naman minsan si Daddy, nilalambing din naman ako nito. Pero nasasaktan pa rin ako, kasi pakiramdam ko niloloko n'ya kami ni Kuya. Paulit-ulit n'ya kaming niloloko ni Kuya.
"Kanina ka pa dumating?" iginiya ako nito patungo sa kama saka kinandong. Nanlulumong yumakap ako sa leeg nito.
"Hindi po, kadarating ko lang." Pagsisinungaling ko rito.
"Narinig mo ba ang Mommy mo?" nag-angat ako nang tingin.
"H-indi po, bakit po?" tanong ko pa rito. Bumuntonghininga ito at masuyong hinaplos ang pisngi ko.
"I'm sorry kung nasa ganito kayong sitwasyon ng Kuya Soul mo. Hayaan mo, susubukan ni Daddy na ayusin ito."
"O-kay lang po, Daddy." Malungkot ang tinig na ani ko.
"It's not okay. Anak, hindi normal ang ganitong klase ng pamilya, may mali sa amin ng mommy mo. Kayo ang naiipit sa sitwasyon. I'm sorry for that. Kaunting tiis na lang, aayusin ni Daddy ito, for now, pwede bang sa Lolo Jesus ka muna at ang Kuya mo mag-stay?" tanong nito sa akin. Saglit akong napaisip.
"O-kay. W-wala pong problema. Doon muna po kami ni Kuya Soul." Sagot ko rito.
"Good girl. Sige na, may pupuntahan lang si Daddy. Sabihin mo kay Yaya na aalis kayo mamaya."
Ngumiti ako rito saka tumayo na. Sabay pa kaming lumabas, ako para hanapin si Yaya at si Daddy para naman umalis. Baka pupuntahan n'ya sina Vivian. Baka kaya gusto n'ya kaming mag-stay kay Lolo Jesus Sr. ay para maisama na n'ya rito ang mama ni Vivian.
Tanda ko pa ang araw na iyon. Sabi ni Daddy susubukan daw n'yang ayusin ang relasyon nila ni Mommy. Pero pagkatapos kaming sunduin ni Lolo Jesus Sr. nalaman ko na lang na tuluyan nang sumama si Mommy sa lalaking mahal n'ya, habang si Daddy naman ay iniuwi sa mansion sina Vivian.
Minsang isinama ako ni Lolo sa dati naming bahay, inabutan ko ang bagong pamilya ni Daddy sa sala. Magiliw nila kaming binati. Doon pa lang ay masama na agad ang loob ko, pamilyar kasi sa akin ang suot na damit ni Vivian. Pati na ang laruang hawak nito. Agad itong ngumisi nang makitang nakatitig ako rito.
"Vivian, makipaglaro ka muna kay Bible." Udyok ng nanay n'ya. Agad namang tumango si Vivian saka lumapit sa akin at hinawakan ang kamay ko.
"Tara! Punta tayo sa playroom ko." Excited na ani nito. Nagpatianod lang naman ako, nabubuhay ang malditang side ko kaya agad na nakaisip ng kamalditahan. Narating naming ang sinasabi nitong playroom. Narating namin ang dati kong silid. Wala na ang ibang gamit ko roon. Pero naroon ang halos lahat ng laruan ko na naka-display noong umalis kami rito.
"Ito na ang new playroom ko. Ang ganda, 'no? Sabi ni Daddy Lucifer dadagdagan pa raw n'ya ang toys ko. Tapos iyong mga old toys mo ay plan kong itapon na lang."
"I-donate mo na lang huwag bobo, Vivian." Poker face na ani ko rito. Saka ako humakbang patungo sa couch na hello kitty.
"Bobo agad? Sadyang ayaw kong may makinabang pa ng mga pangit na toys mo." Humakbang naman ito sa isang malaking stuffed toy na dati'y paborito kong niyayakap."Katulad nito, ayaw ko nito!" sinipa-sipa nito iyon. Hinablot-hablot saka hinampas. Napunit na iyon at lumabas na ang bulak na galing sa loob.
Wala naman akong naging reaction.
"Hindi ba dapat maging happy ka? Dati naman kasi'y tag-10 lang ang mga dolls mo? Nabibili lang ng nanay mo sa palengke. Ngayon nagsisira ka pa ng mga toys, na hindi naman talaga sa 'yo." Kalmado lang na ani ko. Dumekwatro pa na waring inuudyukan ito na mag-tantrums lang, mukha naman kasi itong pathetic.
"Hindi na ngayon. Hindi na nga kailangan magtrabaho ni Mommy, ay oo! Mommy na ang tawag ko sa kanya. Hindi n'ya na kailangan sumayaw sa club para magkapera kami at mabili ang gusto namin ni Kuya Steve. Dahil ibibigay ni Daddy Lucifer ang lahat ng gusto namin. Alam mo ba, mas love na kami ng Daddy mo, kaysa sa 'yo?" nakangising ani ng babae sa akin.
"Nagmamaldita ka ba? Hindi mo ba alam na Reyna ako ng mga maldita?" tanong ko rito.
"At least kami na ang may-ari ng bahay na ito. Si Mommy ko na ang reyna tapos ako ang prinsesa." Malutong ang naging tawa ko.
"Alam mo, ang cheap mo namang prinsesa. Iyong suot mo pinaglumaan ko lang iyan eh. Marami pa akong damit sa stockroom. Try mong ipakuha sa kasambahay. For sure magaganda iyong mga iyon. Ang tunay na prinsesa ay iyong hindi sumasalo ng mga pinaglumaan ko." Malditang ani ko rito. Nainis ata ito kaya naman lumapit bitbit ang sirang laruan at hinampas sa akin.
Hindi ako lumaban. Kasi nga maldita akong tunay. Iba ako maglaro, kaya nga nang matamaan ako ng malakas sa mukha ay sumigaw ako ng malakas. Hindi Daddy ang isinigaw ko, kung 'di Lolo.
"Lolo J!" tili ko. Malakas pa ang tuhod ng Lolo ko, for sure saglit lang ay narito na iyon. Lalo't hindi tumigil si Vivian sa pagpalo sa akin. Pabalyang bumukas ang pinto.
Agad na tinabig ng Lolo ko si Vivian. Nakarating na rin ang Mama nitong si Betty agad na hinablot nito si Vivian at sinimulang paluin. Nag-iiyak si Vivian habang yakap-yakap ako ng Lolo ko. Napangisi ako, pero deep inside, nalulungkot ako dahil kailangan ko pang gawin iyon para lang ilabas ang frustration ko. Ako iyong prinsesa dati ni Daddy, ako iyong prinsesa sa mansion na ito. Pero gano'n lang n'ya kami kadaling pinalitan sa buhay n'ya.
Para kaming balakid sa buhay n'ya na agad n'yang inalis para hindi na maging sagabal pa.
Tanda ko pa, iyon na rin ang huling tapak ko sa mansion na iyon. Galit na galit si Lolo, alam ko hindi lang si Betty ang pumalo sa anak n'ya, pinalo rin ito ni Daddy pero wala na akong pakialam pa.
"BIBLE." Sinulyapan ko si Kuya na kapapasok ng sala. Basa pa ng pawis at hawak ang bola. Kasunod nito ang mga kaibigan nito na kanina pa nakatambay sa basketball court na nasa tagiliran ng mansion.
"Walang lalapit dito. Ang babaho n'yo." Kunwari'y tinakpan ko pa ng pillow ang mukha ko. Naluluha kasi ako dahil sa alaalang sumagi na naman sa isipan. 16 na ako ngayon, ilang taon na rin na dito sa mansion ni Lolo kami nakatira.
Hindi na kami sinundo ni Daddy dahil naging abala ito sa bagong pamilya. Nagtutungo ito rito sa bahay ngunit madalas ay nasa eskwelahan ako o kaya naman ay madalas nagkukulong lang sa kwarto.
"Tsk, nagsusungit na naman po ang maganda kong kapatid. Ikuha mo naman kami ng juice, oh." Malambing na ani ni Kuya. Napasimangot na tinignan ko ito. Nasa mukha nito ang hope na hindi ko s'ya ipahihiya sa mga kaibigan n'ya.
Inis na ibinagsak ko ang pillow at tumayo. Galit-galitan kunwari, pero itinatago lang ang nangingibabaw na emosyon.
"Fine. Maghintay kayo d'yan, ang babaho n'yo." Inirapan ko pa ang mga ito saka tumungo sa kusina.
Inabutan ko sina Ate Dangdang sa kusina, ang kasambahay na scholar ni Lolo.
"Hello, Ganda. Nagugutom ka ba?" tanong nito sa akin. Ang gaan-gaan ng aura ng isang ito. Kaya madalas gusto ko talaga s'yang kakwentuhan eh.
"Ate, tulungan mo nga ako rito." Deretso agad ako sa ref. Binuksan ko iyon at kinuha ang isang plastik ng kalamansi.
"Anong gagawin mo d'yan, Ganda?" nagtatakang ani nito. Alam naman nitong hindi ako mahilig sa kalamansi.
"Tulungan mo ako, gagawa ako ng juice." Nakangising ani ko rito. kinindatan ko pa ito.
"Ilang piraso ang kailangan mo?" tanong nito sa akin. Hindi pa naghihinala sa naiisip kong kalokohan.
"Lahat po 'yan." Lumarawan ang gulat sa mukha nito. Ngunit ngumisi lang ako. Tunog banal lang ang aking pangalan, pero hinding-hindi magiging banal ang pagkatao ko.
Kung nakikita man ako ng ibang tao na mahinhin at waring 'de numero ang kilos ay dahil iyon ang gusto kong isipin ng mga ito sa akin.
"Huwag mo pong isama 'yong buto, Ate Dangdang."
"Oo, kunin mo na 'yong asukal para matimplahan natin."
Ngunit umiling ako. Takang tinitigan ako nito. Ngumiti naman ako nang pagkatamis-tamis dito saka itinuro ang kalamansi.
"'Yan lang po, maganda raw sa ubo 'yan. Dali na, 'te. Baka mainip sila."
Wala na itong nagawa kung 'di mas bilisan pa ang kilos. Tatlong baso lang ang nalagyan.
Kaya naman ang ginawa ko ay hinati-hati ko na lang tapos nilagyan ko ng kaunting tubig. Nang mapansin ko ang food coloring ay sinabi ko kay Ate Dangdang na ilagay sa pitchel, sa mas malaking lagayan at lagyan nang pampakulay.
Anim na baso, sakto na iyon para sa mga taong naghihintay sa labas.
Bitbit ang tray na bumalik ako sa sala. Nag-unahan pang kumuha ang mga ito.
Pero sunod-sunod ding inihit ng ubo nang mainom na ang sinerve kong juice.
"What the f**k?" halos masuka pa ang mga ito na ikinabungisngis ko.
"Bible?" masama ang tingin ng mga ito sa akin. Ngunit pagkatamis-tamis nang ngiti ko sa kanila.
"Kung nauuhaw kayo magpunta kayo sa kitchen, kumuha kayo ng baso, then lagyan n'yo ng tubig. Huwag kayong mag-uutos hanggat kaya n'yo. Naintindihan n'yo ba ako?" parang matandang ani ko sa mga ito. Masama pa rin ang tingin nila sa akin nang magpasya na akong tumalikod. Ngingisi-ngisi sa nagawang kalokohan. Itinuro ni Batsy sa akin iyon. Nabangit nito na kapag naiinis ito sa Kuya Cayde n'ya at puro utos ay ganoon ang ginagawa n'ya. In-apply ko lang naman.
Nang marating ang silid ay nagpasya akong magkulong na lang. Tiyak na tatambay pa ang mga iyon sa sala.
Pabagsak na humiga ako sa kama at tumitig sa kisame ng silid.
Lahat ng material na bagay na gustuhin namin ni Kuya Soul ay naibibigay ni Lolo sa aming dalawa.
Pero alam naming pareho na hindi naman talaga iyon ang kailangan namin.
Nangingilid na naman ang luha ko. Kaya mabilis akong bumangon at nagtungo sa balcony. Tumalon-talon pa para maibaling doon ang emosyon. Baliw na yata ako, kanina lang okay pa naman ako. Sumagi lang sa isipan ko ang magulang ko ay ganito na naman ako.
"Bible?" gumawi ang tingin ko sa pinto ng aking silid. Tinig iyon ni Kuya Soul kaya naman nagpasya akong buksan iyon.
"Kuya?" takang tanong ko rito.
"Ganyan na naman ang mata mo? Iniisip mo na naman ba sila?" nakaangat ang kilay na tanong nito sa akin. Sila? Hindi na nga pala binabangit ng Kuya ko ang katagang Daddy, Mommy at magulang.
"Hindi 'no. Natatakot lang ako baka sermunan mo ako sa ginawa ko." Pagsisinungaling ko rito.
"Tsk. Para namang kaya kong gawin 'yan sa baby girl ko." Napabungisngis ako, kahit pikon na pikon na ito sa kasamaan ng ugali ko ay may mahaba pa rin itong pasensya sa akin. Kunwari'y galit, naggagalit-galitan pero alam naman naming pareho na hindi iyon totoo.
"Anong kailangan mo?" tanong ko rito.
"Gusto mo bang sumama? Gagala kami." Mabilis akong umiling dito.
"Kailangan ko pang sagutin ang assignment ko."
"Eh 'di mamayang gabi."
"Marami 'yon."
"Tutulungan kita." Mabilis na tugon nito, pero mabilis akong umiling.
"Makakatulog na ako mamayang gabi." Napahilot ito sa sintido.
"Fine, ako na ang gagawa."
"Yes." Napapalakpak pa ako sa tuwa. Gano'n lang kadaling pasukuin ang Kuya kong pogi.
Pinisil nito ang baba ko saka kinabig ako palapit sa kanya at niyakap.
"Huwag mo na silang iyakan. Wala na silang puwang sa buhay natin. Si Lolo, si Lolo lang ang iisipin natin. Si Lolo lang ang tunay na nagmamahal sa atin."
"Oo, Kuya! Si Lolo J lang ang pamilya natin, ang dapat nating mahalin." Siguro kung walang Lolo J, baka pinulot na kami sa putikan. Kasi iyong magulang namin, tuluyan nang nakalimot na noong nagsasama sila ay may dalawang anak sila.
Basta na lang silang naghiwalay, bumuo ng sarili nilang pamilya. Nakalimutan nila kami.