Pagdating sa bahay ay nagkaayaan kaming tumambay sa pool area para magkwentuhan habang magnight swimming Nag-inuman sina Daddy at iyong dalawa kong kuya habang naglabas naman ng mga pagkain si Mommy habang nasa tubig na kaming dalawa ni Julie at nakaharap sa laptop niyang nasa gilid ng pool kung saan nakavideo conference lahat ng mga pinsan kong naiwan sa Cebu. "Buotan kaayo ang mga tawo diri pwera na lang kay Carina," kwento ni Julie sa mga ito. ( Ang bait-bait ng mga tao dito maliban kay Carina.) Medyo nasa malayo kami mula sa kinauupuan nina Mommy at Daddy kasama ang mga Kuya ko kaya alam kong di nila marinig kahit binanggit pa ni Julie ang pangalan ni Carina. Speaking of Carina, mukhang hindi yata siya sasali sa amin dahil di na siya lumabas matapos pumasok kanina sa loob ng bahay.