DALAWANG guhit na pula ang lumabas sa pregnancy test. Nanghihinang napaupo si Joanna sa kama. Buntis siya. Na naman.
Takot ang una niyang naramdaman. Takot na baka ilayo na naman ni Bernard sa kanya ang anak, kagaya nang paglayo nito sa mga anak nila sampung taon na ang nakakaraan.
"Hindi ako papayag..." mahinang bulong niya sa sarili. Hinaplos niya ang impis ng kanyang tiyan. Muli, naramdaman na naman niya ang sayang naramdaman niya ng unang beses na magbuntis siya sa panganay niyang anak. Ganoon din ang pakiramdam niya ng muli siyang magbuntis sa pangalawa nilang anak ni Bernard.
Wala siyang kinalakihang pamilya. Hindi niya alam kung saan siya nagmula. Kung sino ang nagluwal sa kanya. Wala siyang bahay na maituturing kundi ang lansangan. Namulat na lang siya na kung saan abutan ng pagod ay duon matutulog. May laman man o wala ang sikmura niya. Lumaki siya sa lansangan. Doon na siya nagka-isip. Doon din siya pinulot ni Bernard.
Kaya nang magkaroon ng buhay sa sinapupunan niya sa unang pagkakataon kakaibang saya ang naramdaman niya. Dahil sa unang pagkakataon alam niyang magkakaroon siya ng totoong pamilya. Yung sariling kadugo niya.
Pero nawala ang lahat ng iyon nang ilayo sa kanya ni Bernard ang mga anak nila.
Durog na durog siya nang maiwan na naman siyang mag-isa.
At ngayong buntis na naman siya. Ngayong binigyan na naman siya nang pagkakataon na muling maging ina, hindi na siya papayag na agawin muli sa kanya ni Bernard ang kasiyahang iyon.
Pinahid niya ang luhang lumandas sa kanyang mga mata. Desidido na siya. Hinding-hindi malalaman ni Bernard na may isang anghel na namang ibinigay sa kanila ang langit.
"Joanna, hinahanap ka ni Manay Ludy," ani ni Lileth na nakasungaw sa pinto ng maids quarter na inuukupa niya.
"S-Susunod na ako," aniya rito. Nagmamadali niya namang inayos ang sarili nang makaalis si Lileth. Ibinulsa niya ang pregnancy test sa bulsa ng suot niyang scrub suit.
Lumabas siya ng silid at nagtungo sa kusina. Abala ang lahat dahil birthday ni Bernard. May party sa labas. Naroroon ang mag-aama niya. Nagsasaya.
"Saan ka ba galing?" singhal sa kanya ni Manay Ludy, ang matandang mayordoma na nagpalaki kay Bernard.
"N-Nagbanyo lang ho," katwiran niya at umiwas na nang tingin dito.
"Oh siya, mag-refil ka ng mga ulam sa labas!" utos ni Manay Ludy sabay abot ng bandehado sa kanya.
Sa totoo lang pagod na siya. Gusto na niyang mahiga at matulog dahil simula pa kaninang umaga ay wala siyang pahinga sa pagtulong sa kusina pero hindi maaari dahil paniguradong tatalakan na naman siya ni Manay Ludy.
Sinunod niya ang utos nito. Nagpabalik-balik siya sa kusina para mag-refil nang mag-refil ng mga pagkain sa buffet.
Natigil siya sa pagsasalin ng pagkain nang marinig niya ang tinig ni Althea - ang labing dalawang taong gulang niyang anak na panganay. Gumilid siya sa chocolate fountain para hindi siya mapansin ng mga ito.
"Kailan ba kita magiging Mommy, Tita Monic?"
Parang may kumurot sa puso niya nang marinig iyon sa bibig ng sariling anak. Nakagat niya ang labi. Siya ang ina pero kahit kailan hindi na iyon matatanggap ni Althea. Galit ito sa kanya dahil sa mga kasinungalingan pinagsasabi rito ni Bernard. Sinira siya ni Bernard sa mata ng mga anak nila dahil sa isang kasalanang hindi naman niya sinadya.
"Well, I'm just waiting to your father's proposal," narinig niyang masayang sagot ni Monic.
"Mmm... I think, this is the time you're waiting for. I saw a ring in Daddy's room last night. It was a diamond engagement ring."
Napasinghap si Monic. "Is that true?" halata ang excitement sa tinig nito na tanong nito sa anak niya.
"Ah-huh."
Hindi na niya tinapos ang pag-uusap ng dalawa. Mabilis na siyang lumayo roon. Nasasaktan siya. Dahil kahit galit siya kay Bernard mahal na mahal niya pa rin ito.
Muntik pa siyang masubsob nang matapilok siya dahil sa pagmamadali. Buti na lang may isang matipunong bisig na agad na umalalay sa kanya. Nag-angat siya ng tingin para sana magpasalamat at humingi nang dispensa sa taong tumulong sa kanya.
Pero ang mga abuhing mga mata ni Bernard ang sumalubong sa kanya. Matiim iyong nakatitig sa kanya habang nakakunot ang noo nito.
"You're pale," anito sa baritonong tinig. Umangat ang kamay nito at hinaplos ang pisngi niya.
Gusto niyang mapapikit sa init na hatid niyon pero pinigil niya ang sarili. Alam niya ang ginagawa nito. Pinaglalaruan na naman siya. Parte iyon nang paghihiganti ni Bernard. Gusto nitong guluhin ang damdamin niya. Pahirapan siya ng husto dahil alam nitong ito ang kahinaan niya. Ang mga haplos nito. Ang mga pag-aalala nito. Tinabig niya ang kamay ni Bernard at malamig na tinitigan ito.
"Sorry, Sir. Pupunta na ho ako sa kusina," aniya at lalagpasan na sana ito nang magsalita ito.
"You're gaining weight..."
Nanigas siya sa sinabi nito. Napahigpit ang yakap niya sa tray. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib dahil sa kabang nararamdaman.
"Are you pregnant, Joanna?"
Pakiramdam niya bigla na lang tatalsik ang puso niya palabas sa dibdib niya anumang oras. Hindi siya agad nakapagsalita. Pakiramdam niya kinakapos na siya ng hangin.
"Nakita kitang sumusuka noong isang araw. Naging sensitive rin ang pang amoy mo sa mga pabango ko. Ganoong-ganoon ka rin nang maglihi ka kay--"
"Nagpi-pills ako!" putol niya sa sasabihin nito. "Simula nang may mangyari uli sa atin gumagamit na ako ng pills. S-Siguro side effect lang iyon ng pills," pagsisinungaling niya rito.
Ilang segundo itong hindi nakaimik. Aalis na sana siya pero muli na naman siyang napigil nang magsalita ito.
"Why can't I believe you..."
Napangiti siya nang mapait saka lakas loob na nilingon ito at sinalubong ang mga mata ni Bernard.
"Kailan ka ba naniwala sa akin, Bernard?" puno nang hinanakit na balik tanong niya rin dito.
Hindi ito nakaimik. Nakita niya ang saglit na pagdaan ng mga emosyon sa mga mata nito.
"Wag kang mag-alala." Pilit niyang nilunok ang bikig sa kanyang lalamunan bago nagpatuloy, "hindi ko gugustuhing mabuntis na naman para lang sa bandang huli ay maagawan ng anak." Puno ng galit ang mga matang tinitigan niya ito. "Marunong akong madala." Yun lang at tinalikuran niya na ito.
Dumiretso siya sa silid niya at nahiga sa kama. Niyakap niya ang unan at doon niya ibinuhos ang lahat ng luhang matagal na niyang kinikimkim.