chapter1

2188 Words
"Feliz Revira!" Awtomatikong gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi ko nang malingunan ang isang sikat na journalist na tumawag sa pangalan ko. Hindi na ako magtataka kung bakit nagmistulang celebrity event ang party na ito dahil sanay na ako sa kaartihan at pagiging spoiled ng kapatid ng boyfriend ko. Kahit mas matanda sa akin si Summer nang dalawang taon ay para pa rin itong bata kung umakto. Kahit hindi nito lantarang pinaparamdam at pinapakita ay alam kong ayaw nito sa'kin. Kung hindi ko rin boyfriend ang kuya nito ay wala akong balak na makipag-plastic-an dito. "Miss Zarah," bati ko sa kaharap. "It's fancy meeting you here." Lumaki ako na palaging nasa limelight at sentro ng mga kontrobersya na kinasasangkutan ng pamilya ko. Sanay na ako kung papaano umakto sa harap ng publiko habang nakatutok sa'kin ang maraming mga mata. Sa edad na twenty-five ay nakasanayan ko na ang palagiang pakikihalubilo sa mga katulad kong nabibilang sa mga taong nasa mataas na antas ng lipunan. Lagi akong imbitado sa bawat malalaking event na dinadaos ng mga kilalang tao sa lipunang ginagalawan ko. Nagpapayabangan lang naman ang mga panauhin sa ganitong mga okasyon at habang tumatagal ay nagiging libangan ko na ang ganoong mga eksena. Nakakatawa lang na kahit iyong mga taong sagana sa materyal na mga bagay ay hindi pa rin kayang makontento sa kung anong meron sila. Ayaw nilang nalalamangan nang kahit na sino at hindi na nila napapansing nagmumukha na silang mga cheap at desperada dahil sa kanilang mga pinaggagawa. Wala naman akong dapat na ipangalandakan pa sa iba dahil sapat na ang pagiging Revira ko upang titingalain ng lahat. Mas nagiging usap-usapan at matunog ang isang party 'pag napabalitang isa ako sa mga bisita. Minsan nga ay may article pang lumabas na hindi raw matatawag na successful ang isang event 'pag wala roon ang presensya ko. Kahit saan ako magpunta ay dala-dala ko ang kinang ng pagiging isang Revira. Hindi lang naman ako basta-basta nakaasa sa taglay na pangalan ng pamilya ko dahil successful na rin ako sa sarili kong larangan. Pag-aaari ko ang isang malaking textile company na namamayagpag hindi lang sa loob ng bansa kundi ay pati na rin sa ibang bansa. Main producer ang kompanya ko ng mga luxery fabric na kalimitang ginagamit ng mga fashion house. Maraming mga nangungunang clothing company na sa kompanya ko kumukuha ng mga kinakailangan nilang raw materials. Oo at tinulungan ako ng pamilya ko no'ng kakasimula ko pa lang pero sarili kong pagsisikap ang nagpalago at naglagay ng kompanya ko sa kinaroroonan nito ngayon. I'm proud to say that I am a star on my own at karamihan sa mga taong nasa paligid ko ay hangad lang namang makiambon sa taglay kong ningning. Sa kabila nang kaliwa't kanan na offer sa'kin upang pasukin ang showbusiness o kahit ang i-endorse ang sikat na mga brand ay wala akong ini-entertain sa mga ito. Wala akong balak na pasukin ang magulong mundong iyon gayong umiikli na rin ang pasensya ko sa mga taong nakasubaybay sa buhay ng pamilya ko. "I'm surprised that you're here," makahulugang pahayag ni Miss Zarah na nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan. Pasimple kong ipinilig ang sariling ulo upang makapag-focus sa kaharap. Dahil siguro sa pagod sa trabaho ko nitong mga nakaraan kaya parang wala ako ngayon sa kondisyon sa kabila nang kasiglahan ng mga nasa paligid. Isang totoong ngiti ang binigay ko kay Miss Zarah. Isa siya mga taong ginagalang ko sa kabila ng kanyang propesyon. Gusto ko iyong passion niya sa trabaho at siya iyong kilala kong journalist na mas iniuna ang importanteng balita kaysa tsismis sa buhay ng ibang tao. Pero mukhang ngayong gabi yata ay iyon ang magiging topic namin. Sa kabila niyon ay hindi pa rin nababawasan ang respeto ko sa kanya. "Kapatid ng boyfriend ko ang host nitong party," kibit-balikat kong sagot. "I'm expected to be here." "At Fuentez ang fiance ng kapatid ng boyfriend mo," paalala niya sa'kin. Bahagyang bumuway ang pagkakangiti ko. Everyone knows that the Reviras and the Fuentezes are mortal enemies. Hindi ko alam kung ano ang puno't dulo ng alitan ng mga pamilya namin pero lumaki akong nakatatak sa isip ko na kalaban ng pamilya namin ang mga Fuentez. "Paano kung magkadaupang palad kayo ngayong gabi?" pahabol na tanong ni Miss Zarah. "Wala akong nakikitang problema roon," kibit-balikat kong sagot. "This might be my first time to personally meet a Fuentez." Bago pa muling makapagbigay ng opinyon si Miss Zarah ay may tumawag na sa kanya. "Excuse me for a second," paalam niya sa'kin. "I have to work." Nagpalitan kami ng ngiti bago siya tuluyang umalis. Hindi ko na siya pinanood na makalayo, sa halip ay humakbang ako patungo sa kabilang direksiyon. Hindi ko namamataan si Lawrence matapos itong magpaalam sa'kin kanina na may kakausapin. Mabuti pa iyong kapatid nitong si Summer at nakikita kong nakikipag-usap sa ilang mga bisita. Halos pamilyar lahat ng mga mukhang imbitado sa party na ito pero iilan lang iyong mga binati ko pabalik. Bigla ay nakaramdam ako nang pagkabagot at mas gusto ko munang lumayo sa mga nagkakasiyahan. Kahit hindi ko pinapahalata sa kahit na sino ay apektado ako sa usap-usapang presensya ng isang Fuentez sa kasiyahang ito. Matagal ko nang alam iyong tungkol sa fiance ng kapatid ni Lawrence na no'ng una nitong nabanggit sa'kin ay boyfriend pa lang ito ng kanyang kapatid na si Summer. Hindi ko nga lang ito kilala sa personal at wala akong interes na kilalanin pa ito. Ni hindi ko nga alam ang hitsura nito dahil katulad ng pamilya ko ay allergy ako sa kahit na sinong Fuentez. May mga nakakasalubong naman akong mga Fuentez sa ilang mga event na napuntahan ko dahil pareho lang ang ginagalawan naming mundo at sa bawat pagkakataong iyon ay pareho naming itinuturing na hangin ang bawat isa. Simula't sapol ay wala akong interes sa kahit na sino sa mga Fuentez kaya no'ng malaman ko ang koneksiyon ng isa sa mga ito sa kapatid ni Lawrence ay hindi ko pinagkaabalahang alamin kahit na ang hitsura ng nasabing lalaki. Deep inside ay inaasahan kong maghihiwalay pa rin ang mga ito at kahit na noong inanunsiyo ang engagement ng dalawa ay hindi pa rin nagbabago ang paniniwala kong iyon. Sa ugaling meron si Summer ay walang lalaking makakatagal dito. At idagdag pa ang hindi magandang pagkakilala ko sa mga Fuentez ay tiyak na darating ang araw na matatapos ang relasyon ng mga ito. Nasa malawak na bakuran ng bahay nina Summer at Lawrence ang party at karamihan sa mga bisita, kaya nang pumasok ako sa loob ng bahay nila ay iilan lang iyong mga naroon. May mga bumati sa akin na sinuklian ko lang ng tipid na ngiti upang iparating na wala ako sa mood upang makipag-usap. Kumuha muna ako ng isang baso ng wine sa nakasalubong kong waiter bago umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nina Lawrence. Halos dalawang taon na kaming magkasintahan ni Lawrence kaya ilang beses na rin akong nakapunta sa bahay na ito. Kabisado ko na iyong pasikot-sikot kaya mabilis kong narating iyong pakay kong balcony na siyang pinakapaborito kong lugar sa buong bahay nila. Mula rito ay malinaw kong natatanaw iyong nagkakasiyahan sa ibaba habang hindi naman ako masyadong maaninag ng mga naroon. Agad kong nahagip ang kinaroroonan ni Lawrence, kausap nito ang kapatid at ang ilang mga kakilala ng pamilya nila. Pasimple kong ipinasada ang mga mata sa mga taong kasama nila upang tukuyin kung sino sa mga ito iyong fiance ni Summer. Tumuon ang tingin ko sa isang lalaking medyo mataba na nasa kaliwang bahagi ni Summer. lto lang ang hindi ko namumukhaan sa mga naroon kaya malaki ang posibilidad na ito nga iyong Fuentez na fiance nito. Kahit may kalayuan ang kinaroroonan nito mula sa akin ay masasabi kong umaayon naman sa narinig kong edad nito iyong hitsura nito. Tumugma sa naalala kong edad nito na thirty iyong physical appearance nito. Ang hindi ko lang mapaniwalaan ay katulad pala nito ang type ni Summer. Sobrang arte ng babaeng ito at kung hindi lang ito kapatid ni Lawrence ay hindi ko pagtitiisan ang presensya nito kahit nang ilang segundo lang. Nakakatawang kahit ganoon pala ay kaya nitong pumatol sa isang lalaking may malaking tiyan at hindi kagwapuhan. Iba talaga ang hatak ng impluwensya ng isang Fuentez. Kahit ang katulad ni Summer na lumaking primadona at galing sa isang maperang pamilya ay kayang pagtiisan ang isang Fuentez kahit ano pa ang physical nitong hitsura para lang sa makukuha niyang pakinabang mula sa pagkakadikit ng pangalan niya sa pamilyang iyon. Hindi ko mapigilang mapaismid habang pahapyaw na pinasadahan ng tingin ang matabang lalaki. Hindi naman ako mapanlait na tao pero dahil isa itong Fuentez ay awtomatikong pangit ito sa paningin ko. "Feliz Revira... What a wonderful surprise to see you here." Hindi ko napigilang mapasinghap dahil sa buong boses na biglang nagsalita sa likuran ko. May kakaiba sa timbre ng boses nito na para bang nanunuot sa'king katawan na dahilan nang biglang pagkagulo ng disposisyon ko. Nang makabawi sa initial na reaksiyon ng katawan ko ay mabilis ang ginawa kong pagpihit upang harapin ang taong gumambala sa pag-iisa ko. Wala sa sariling napahakbang ako paatras sa railings ng balcony nang malingunan kong halos nakatayo na sa mismong harapan ko ang lalaking nagsalita. Ni minsan ay hindi ako nakaramdam nang pagka-intimidiate sa kahit na sinong kaharap pero sa pagkakataong ito ay kakaiba ang lakas ng presensya ng lalaking nakatayo sa harapan ko at hindi ko mapigilang makaramdam nang pagkabalisa sa awtoridad na taglay nito. Siguro ay dahil iyon sa tangkad niya na kailangan ko pang tumingala upang mabistahan ang hitsura niya. Pero dahil madilim ang kinaroroonan namin ay hindi ko gaanong naaaninag ang mukha niya. Pwede ring dahilan ang nasasamyo kong kakaibang bango mula sa kanya na bahagyang yumanig sa matino kong pag-iisip. Hindi ko maipapaliwanag kung papaanong nangyari na sa pagdampi sa ilong ko ng natural na amoy na nanggagaling sa kanya ay biglang gusto kong ilapit ang sarili upang mas malanghap ito. "Anong ginagawa mo rito?" Bahagya akong napapiksi nang muli siyang magsalita. Gusto kong kastiguhin ang sarili dahil sa saglit kong pagkawala sa tamang huwisyo. Naikuyom ko ang kamao nang makita ang bahagyang pagtaas ng sulok ng bibig niya para sa isang pinipigilang ngiti. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya pero pakiramdam ko ay lihim niya akong pinagtatawanan. Naiinsulto ako dahil wala pang taong nagparamdam sa'kin nang ganito! Isa akong Revira at sa bawat pagkakataon ay palagi kong kontrolado ang sitwasyong kinasusuungan ko . "You're really beautiful up close." Napakurap-kurap ako at natitigilang napatitig sa mukha niyang nang nasanay na iyong mga mata ko sa dilim. Hindi ko nagawang kumilos para umiwas o umalma man lang nang tumaas ang kamay niya at direktang humaplos sa pisngi ko. Nagsusumigaw ang matinong bahagi ng isipan ko upang pigilan siya sa kalapastangang ginagawa pero ayaw makinig ng sarili kong katawan lalo na at tuluyang luminaw sa paningin ko ang buo niyang hitsura. Gwapo ang mga pinsan kong mga lalaki pero kahit labag sa kalooban ko ay masasabi kong mas gwapo itong kaharap ko! Para akong nakatingin sa pinakaperpektong mukha ng isang lalaki. Tila nahihipnotismong napasunod ang tingin ko sa simple paggalaw ng kanyang mga labi upang basahin ang mga ito. "Who are you?" pigil-hininga kong tanong sa kanya habang hindi maaalis-alis ang mga mata sa kanyang mga labi. "I'm Yuzef..." paanas niyang sagot habang patuloy na humahaplos nang magaan sa kaliwa kong pisngi ang isa niyang kamay. Pinigilan ko ang sariling tuluyang malunod sa damdaming ginigising ng mainit niyang palad sa balat ko habang inaalala kung saan ko unang narinig ang pangalan niya at bakit parang napakapamilyar nito sa'kin. Sigurado naman ako na ito iyong unang beses na nagkakakilala kami. "Yuzef Fuentez," mahina pero malinaw niyang dugtong. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang buo niyang pangalan. Isang Fuentez ang lalaking hinahayaan kong makalapit sa'kin nang ganito... ang malala pa ay ito ang fiance ni Summer! He's the f*****g Yuzef Fuentez! Hindi ko man siya kilala sa personal at ito iyong unang pagkakataon na nakaharap ko siya ay alam ko naman ang reputasyon niya mula sa mga naririnig kong usap-usapan! Siya ang Fuentez na pinangingilagan nang karamihan at kinatatakutang banggain ng ilang mga negosyante. Ilang mga business opportunity rin ang hindi nakuha ng sarili kong pamilya dahil sa lalaking kaharap ko ngayon. Hindi lang iilang beses na narinig ko ang pangalan niya na sinusumpa ng nakatatanda kong kapatid tuwing nauungusan niya ito sa business proposal. Ang matiim niyang mga titig na naririnig ko lang noon mula sa kwento ng mga taong nakakaharap niya ay ngayon ramdam ko na ang bigat nito habang nakatuon sa'kin. Ito iyong tinging nagpapanginig sa mga katunggali niya sa negosyo, ang klase nang tingin na nanunuot maging sa kaluluwa ng kahit na sino. Ngayon ay may ideya na ako kung bakit walang nakakatagal sa ilalim ng mariin niyang mga titig. Para akong kakapusin ng hininga habang pilit na sinasalubong ang maitim niyang mga mata. The bastard is well aware of the effect he has on me, and he's smirking while touching me! How dare he!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD