CHAPTER 7
“Fay, date me!” sigaw uli niya.
Namula ako lalo pa’t nagtatawanan ang kanyang mga kaibigan na nasa hindi kalayuan.
Yung mga ibang babae, iba ang tingin nila sa akin. Siguro ang iba, naartehan, nayayabangan, nafi-feelingan. Kaya maraming naloloko at nasasaktan na babae si Axel kasi kahit alam ng mga babae na babaero siya ay handa nilang isugal ang lahat nila matikman o makatikiman lang ang kagaya ni Axel. Kaya hindi siya natututo dahil wala ni isa sa kanilang nagparanas sa kanya ng sakit kung paano masaktan sa pag-ibig.
“Susunduin na ba kita mamaya sa klase mo?” sigaw niya. Ampresko talaga.
“No!” sigaw kong hindi siya nililingon.
Inaamin ko na kung siguro hindi ko iniisip na may perang involve sa ginagawa ko, baka nga madali lang niya akong mapaniwala. Madali lang akong bumigay. Habang tumatagal kasi, habang kinukulit niya ako nang kinulit ay natutunaw nang natutunaw ang batong bumabalot sa puso ko. Unti unting naramdaman ko na parang naawa na rin naman ako sa walang kasawa-sawa niyang pagkapit lapit, pagbati-bati na kahit hindi ko na pinapansin, pagbibigay ng kung anu-ano na hindi ko naman tinatanggap. Alam ko, kahit hindi niya sabihin sa akin, napapahiya ko na siya nang madalas. Na kung tutuusin, kung pinagti-tripan lang niya ako, dapat huminto n asana. Dapat bumigay na. Dapat sa mga ginagawa ko sa kanya, sumuko at tumigil na. Ngunit bakit kaya hindi niya ginagawa?
Hanggang sa dalawang araw bago ma-post ang aming average sa term na iyon ay tumigil siyang kulitin at pansinin ako. Hindi ko lang sigurado kung pansamantala o pangmatagalan na. Basta maghapong hindi niya ako pinansin kahit pa magkalapit lang ang mesa naming sa library. Kapag nagkakasalubong kami sa hallway, ni hindi niya ako magawang tignan man lang. Isang araw lang iyon, maghapon lang iyon pero ewan ko ba. Naiinis ako. Naiinis ako sa sarili ko. May mga sandaling hinahanap ko kasi siya. Kung nasa library ako, mas inuuna ko pang sinusuyod ng tingin ang lahat nang naroon kaysa ang magbasa at hanapin ang books na kailangan ko. Di ba sana okey lang muna kung tumigil na muna siya? Kasi usapan naman na kung di ako magtagumpay, hindi ko naman ibabalik ang pera nila. Walang ganoong usapan. Basta paibigan ko lang siya at hindi yung ako ang iibig sa kanya. Iyon ang wala sa usapan naming ng mga babaeng sinaktan niya
May mga sandaling nakakasalubong ko siya sa pangalawang araw ngunit di pa rin niya ako magawang pansinin. Nakikita ko siya sa canteen ngunit hindi na niya ako pinahahatiran ng pagkain. Masaya sila ng kanyang mga barkada. Nakikipagbiruan siya na parang wala na lang ako sa kanya. Kaya naman nang mapansin ng apat na ex ni Axel na hindi na ako pinansin ng magkasunod na dalawang araw ni Axel ay nagtaka na sila.
“Hindi ka kinakausap. Hindi ka kinukulit. Hindi ka pinapansin. Anong nangyari?”
“May deal kami. Baka tinigilan niya muna ako hanggang sa makita kung sino sa amin ang mas mataas ang average.”
“What if mas mataas ang average mo?” si Zarlyn. “Paano ang date ninyo na dapat isasagawa na nitong susunod na Linggo? Don’t tell me na ikaw ang mag-aya? Look. Hindi pwedeng ikaw na ang maghahabol sa kanya o ikaw na ang ma-inlove sa kanya. We don’t do r****d pero ibubunyag naming kay Axel ang ginawa mong pagpapabayad sa amin para akitin siya.”
“Ano? Wala sa usapan ‘yon?”
“Wala nga pero that’s the consequence kaya huwag ka nang umasa na maging kayo. Hindi magiging kayo, okey? Kung kami, niloko niya, ikaw pa kaya?” nagmamaldita na si Cheen.
“Sandali? Paanong napunta sa ganitong usapan ang lahat?”
“Nakakaramdam kami na iba na ang titig mo sa kanya, na parang kinikilig ka na,” ani ni Jona.
“Hindi! Tingin lang ninyo iyon pero hindi ako nahuhulog sa kanya. Kayo lang ang nag-iisip na may gano’n. Hindi ako sisira sa usapan natin,” sabi ko.
“Siguraduhin mol ang dahil hindi mo magugustuhang makalaban kaming apat, Fay. Hindi mo magugustuhan.”
“At hindi ko rin gustong tinatakot ako kahit wala pa naman. Hindi ako natatakot sa inyo kahit apat pa kayo kaya huwag ninyo akong takutin. Kayo ang lumapit sa akin. Kayo ang may mas kailangan. Ngayon kung wala naman pala kayong tiwala sa akin, itigil na lang natin ‘to!” palaban kong sinabi sa kanila.
“What? No!” sabi ni Queenie. “Guys, dalawang araw lang na hindi pinansin ni Axel si Fay. Saka di ba ang usapan kapag hindi ma-fall si Axel sa kanya, wala na roon magagawa pa si Fay? Na magkakaroon siya ng bonus pa kung mamahalin siya at masasaktan si Axel sa kanya.”
“Oo nga. Okey na tayo roon,” sabi ni Zarlyn. “Ang pinupunto ko ay yung siya na ang nahulog kay Axel na hindi na niya magagawa pa yung usapan natin.”
“Bakit? May ginawa na ba ako para pag-isipan ninyo ng ganyan? Kung wala naman pala kayo akong tiwala sa akin, bakit pa ako ang kinuha ninyo?” balik tanong ko sa kanila. Hindi nagugustuhang pinagkakaisahan ako. Lumalaban ako kapag ako ang naiipit. Kapag pakiramdam ko, agrabyado ako. Oo mahirap lang ako pero hindi ko aatrasan ang kahit sino.
“Tama si Fay. Puro lang tayo haka-haka. Kaya sige na Fay. Pumasok ka na sa klase mo. Ako na ang kakausap sa kanila,” sabi ni Queenie.
Kinuha ko ang bag ko.
Lumabas akong ni hindi nakangiti sa kanila.
Hindi ko gusto na pinangungunahan nila ako.
Paglabas ko sa room kung saan ako kinausap ng apat ay nakasalubong ko si Axel ngunit parang hangin lang akong dumaan. Hindi kaya may alam na siya? Hindi kaya may nakapagsabi na may lihim kaming sabwatan sa kanyang mga naging ex?
Hanggang sa dumating na nga ang araw na inilabas na ang listahan ng mga President’s List ay hindi ako natuwa kahit sana dapat akong matuwa. Ginalingan ko naman talaga. Hindi porke may deal kami ni Axel ay hindi na ako nag-exert ng effort. Ibinuhos ko lahat ang aking makakaya. Saka bago pa naman kami nagkaroon ng deal ni Axel, ginawa ko na ang best ko. Pero sa pangalawang pagkakataon, hindi ko nakuha ang Top 1. Sa General Average kong 98.70 ay may mas mataas pa sa akin. Iyon na ang pinakamataas kong average sa buong buhay ko sa pagiging istudiyante. Si Axel. Si Axel Villar ang nakakuha ng 98.90 na pinakamataas na grade. Konti na lang hindi pa umabot! Pero hindi ba dapat magdiwang ako kasi hindi ako ang maghahabol kay Axel para i-date niya ako? Na hindi ko na kailangan pang kausapin ang 4 bitter girls na nagbabayad sa akin?
Pagkaraan ng dalawang oras nang papasok pa lang ako sa classroom namin ay may biglang kumalabit sa akin. Pagkalingon ko pa lamang ay inagaw na naman ang book ko na nasa aking bisig. Sa wakas, heto’t pinansin na rin niya ako. Clear enough na hinintay lang talaga niya ang result bago ako kulitin. Baka binigyan lang niya ako ng time na ma-miss at isipin siya. Pero hindi ko pa rin gusto ang paraan niya para kausapin ako. Ayaw ko yung ginagawa niyang nag-aagaw ng gamit ko. Late na nga ako sa klase ko ngunit heto siya’t parang alam lahat ang schedule ko lalo na ang oras ng aking pasok.
“Ano ba, Axel? Bakit ba lagi ka na lang nanggugulo sa buhay ng may buhay. Akin nga ‘yan? Kita mong nagmamadali ako e.”
“Have you seen the new list of achievers?”
“And?”
“And what?” pagsusuplada ko.
“Come on! Natalo kita. Ako ang Top 1.”
“So?”
“Anong so?”
“So, anong kinalaman ng books ko na kailangan mong agawin sa akin? Akin na nga ‘yan?” pilit kong kinuha sa kamay niya ang books ko.
“We had a deal remember? “natatawa niyang paglalayo sa books ko sa tuwing kinukuha ko iyon sa kaniyang kamay.
“Ganyan ka ba talaga? Para kang bata eh. Napaka-immature mo kasi!”
“Immature na kung immature, gwapo naman.”
“Anong gwapo? Saang banda?”
“Bulag ka ba?”
“Hindi ka naman talaga gwapo eh kasi ang gwapo dapatb gentleman. Mayabang ka lang. Akin na ‘yan please lang.”
“Kung susunod ka sa usapan natin walang maging problema. Antagal kong nanahimik ha.”
“Antagal? Dalawang araw, antagal?”
“Matagal na sa akin iyon no.”
“Pwes hindi sa akin. Saka kung gusto mo akong i-date, hindi mo dapat ako ginaganito. Tapos ngayon gaganyanin mo lang ako?”
“Hindi madaling talunin ka ‘no. Para na akong nababaliw sa pag-aaral nang mabuti sa final exam ng second term makuha ko lang ang word of honor mo e.”
“Look, give me a good reason kung bakit ako lalabas kasama ka e hindi ko nga alam kung mabuti kang tao.”
“I am and I promise that I will. Saka di ba wala naman sa usapan ‘yan? Ganyan ka ba talaga? Paano maniniwala ang ibang tao sa’yo kung ganyang wala kang isang salita?”
“Walang matinong tao ang gumagawa diyan sa ginagawa mong pagkuha ng gamit ng ibang tao at saka ka makikipag-deal. Unang-una, akin ‘yan at inagaw mo lang. Hindi mo pag-aari, tapos makikipag-deal ka na ibabalik e hindi mo nga ‘yan napulot. Inagaw mo lang sa akin.”
“Ang dami namang sinasabi. Ikaw ang may atraso sa akin ah. Ikaw ang nakipag-deal.”
“Okey ka lang? Hindi ako makikipagdate sa’yo ‘no.”
“So bukod sa matalino ka, maganda, anti-social, suplada, masungit e sinungaling ka rin pala ano?”
“Bahala kang isipin ang gusto mong isipin sa akin. Basta ayaw ko.”
“Alam mo, baguhin mo lang yung mga huling description ko kanina sa’yo perfect ka na, isang goddess sana.”
“Naku huwag mo nga akong binibilog? Matanda na ako para sa mga pa-sweet na ganyan. Alam na alam ko nang mga karakas ng kagaya mo. Late na ako. Give me back my books, please!”
Pagsusumamo ko na may halong pagka-inis. Pasalamat siya cute siya sa araw na iyon sa paningin ko at kapag tumatawa siya ay lalong nagiging guwapo siya. Napaka-boyish niya lalo na noong parang nakikipagbasketball pa ang dating niyang nilayo-layo sa akin ang book ko.
“Hindi ka ba talaga marunong tumupad sa mga deals, Fay? Bakit para kang bata na nakikipag-deal? I am offering a fine arrangement. Dinner tonight with me, yeah?”
“Well, you are such an easy go lucky spoiled brat kasi. Mayaman ka kaya hindi mo ako naiintindihan.”
“No, I am witty, attractive, well-off and delectable guy in the campus and you are the most boring yet beautiful and seemed brainy lady I’ve ever known.”
“You’re wrong, I am the most striking, intellectual yet poor student who has a plenty of dreams. Now, give me my notes kasi ma-late na ako sa klase ko, ano ba!
“Bakit ba ang hirap mong yayain? Katatapos lang ng finals natin. Wala kayong gagawin ngayonsa klase ninyo for third term! Grabe ka na naman!” pagmamaktol niyang parang bata.
“Kasi mahirap ka ring kausap.” Irita kong sagot. “Ayusin mo yung mga style mo ng pagyaya ng dinner at baka mag-second thought pa ako.”
“Sinabi mo na kaya ‘yan dati. Sa iyo pa mismo galing ang deal. Pinaghirapan ko rin naman iyon ah. Ano bang gusto mong pakiusap sa iyo? With matching bouquet of white roses pa ba and chocolates? And yes, I did that pero wala pa ring epekto sa’yo. Ano ba kasi talaga ang gusto mo? Lumuhod?” Kumindat. Nagpapacute na naman. Ako namang si gaga, nakukuryente na. Nakakainis!
“Kung kaya mo bang gawin ang sinasabi mo, bakit hindi.” pagbibiro ko sa kaniya. Ang totoo niyan pinalambot ng mga ngiti niya at kindat ang pag-iinarte ko. “Kaysa ganyang umaagaw ka ng mga gamit ko at makikipag-deal ka para ibalik ko? Isnatcher ka ba?”
“Kung ipapa-snatch mo sa akin ang puso mo bakit hindi? Mas gusto kong mang-snatch nang mang-snatch para makulong ako lagi sa puso mo.”
“Ang korni korni mo. Binubuwisit mo ako umagang umaga.”
“Hay boring.” Nagkukunyarian siyang malungkot. “Okey, heto na ang books mo.”
“Thank you ha. Salamat sa pagsira uli ng umaga ko! Na-late na ako dahil sa’yo.”
“ Go ahead… I have a class too. See you mamayang 6:30. Alam ko kasing iyon ang oras na lumalabas ka ng gate. Huwag ka ng magtanong kung bakit alam ko. Reserve that question at our dinner together. Time for you to prove that you really have a word of honor. Huwag kang maging sinungaling. Hindi iyan nakakaganda.”
“Hey, what made you think na seryoso ko noon sa pakikipag-deal sa’yo?” tumaas ang kilay ko.
“Whatever Axel likes, Axel gets it.” Kinindatan niya ako at ngumiti.
“Manigas ka. Kung sanay kang makuha ang lahat ng gusto mo, pwes hindi ako!”
“Okey, let’s see. Kasi gusto kita e. Ibig sabihin, hindi ako titigil hangga’t di ka maging akin.”
Mukhang this time, hindi na ako makalulusot pa. Kailangan ko na nga siyang pagbigyan sa aming date.