Mirasol
"Ito ang magiging kwarto ninyong mag-ina. Kayo lang dalawa rito dahil 'yun ang utos ni Señorito Yuan. Ano ba ang alam mong trabaho, Flor?" tanong pa ni Bing matapos kaming ihatid sa silid sa ookupahin namin sa mansyon na iyon.
"Kahit ano ay kaya ko. Sanay ako sa gawaing bahay pero dati akong labandera," sagot ni Nanay sa kanya.
Natuwa ako dahil maganda ang naturang silid at may pang-mayamang kama. Parang pang-prinsesa na ang kwarto na iyon para sa akin. Kaya lang, bakit kaya ang lamig ng hangin? Bigla tuloy akong gininaw.
“Sige, maglaba ka na lang muna pero hindi iyon ang lagi mong gagawin. Taga-linggo ay magbabago ang nakatoka sa'yo. Sa totoo lang ay sobra-sobra na kami rito, pero sabi mo nga kilala ka nina Sir. Pero ipinapaalala ko lang na walang palakasan sa bahay na ito, ha!”
“Oo, naiintindihan ko.”
“‘Yan namang kasama mong bata? Hindi pa iyan pwedeng mangamuhan. Tumulong-tulong na lang muna sa maliliit na gawain. Pagdating nina Sir ay saka mo na lang kausapin tungkol sa kanya. Si Señorito lang kasi ang nag-utos na papasukin kayo,” dagdag pa ni Bing.
Mukhang mabait si Señorito, nasabi ko sa sarili dahil sa narinig.
“Wala pong problema kay Mirasol. Alam na niya ang gagawin. Sanay siya sa gawain.”
“Bueno, magpahinga na muna kayo. Mamaya ay lumabas kayo para sa tanghalian. Bukas na lang kayo magsimula para maipaliwanag ko sa inyo ang mga rules sa bahay na ito lalo at si Señorito lang ang narito,” ani Bing saka kami iniwan sa kwarto.
Nang magsolo kami ni Nanay ay buong kasiyahan akong nahiga sa malambot na kama saka inilubong ang sarili roon. Nakakatuwa ang pakiramdam ng satin na tela sa aking katawan.
“‘Nay, bakit ang ganda ng silid ng mga katulong dito? Sobrang lambot pa ng kama. Ang sarap matulog,” tila nangangarap kong wika na may ngiti sa labi.
“Nagtataka nga rin ako, 'nak, kung bakit ito ang ibinigay sa atin,” tugon ni Nanay nang maupo sa gilid ng higaan.
“Saka ang lamig pa,” dagdag ko na niyakap ang sarili.
“Naka-aircon kasi tayo.”
“Ah! Sabi ko na, e. Narinig ko na iyan kay Vienna, ‘Nay. Sabi niya de-aircon daw ang kwarto niya. Lagi niyang ipinagyayabang sa mga kaklase namin na mayaman sila,” nakanguso kong kwento. Naalala ko kasi ang supladang anak ni Aling Thelma na kaklase ko.
“Hayaan mo na lang siya, tutal ay totoo naman na mayaman sila.”
Bumangon ako saka humalukipkip habang nakaupo sa kama. “Mayaman na ba ‘yun? Walang panama ang bahay nila rito. Saka wala silang kotse, tricycle lang.”
“Ikaw talaga, Mirasol. Huwag kang makikipag-away sa school, ha. Maging mapagpasensya ka sa iba.”
Lalo akong napabusangot sa pangaral ng ina. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.
Maya-maya ay inayos na ni Nanay ang mga damit namin sa closet na naroon. Ako naman ay inantok sa lambot ng kamang kinahihigaan, idagdag pa ang malamig na hangin na nagmumula sa aircon kaya nakatulog agad ako.
KINABUKASAN ay inilibot kami ni Bing sa labas at loob ng bahay at ipinaliwanag sa amin ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang kasambahay. Lalo akong nalula nang masilayan kung gaano kalawak at kaganda ang mansyon ng mga Villanueva. Napakarami pang kwarto. Naitanong ko tuloy sa sarili kung sino-sino kaya ang natutulog sa mga silid na iyon? Naisip ko pa na kung ako lang ang may-ari ng bahay na iyon ay baka pinaupahan ko na sa iba ang mga bakanteng silid para magkaroon ako ng maraming pera. Sayang lang kung walang natutulog doon.
“Bawal umakyat sa taas kung hindi pinapatawag ng mga amo natin o kung 'di ko kayo inuutusan na pumaroon. Kung ano ang kinakain namin ay ‘yun ang kakainin ninyo at hindi pwedeng makialam sa pagkain ng mga amo natin. Mabait naman sila pero pinapaalalahanan ko kayo na iba ang ugali ng panganay na anak nina Sir. Maraming rules sa bahay na ito si Señorito kaya kung ayaw n‘yong masigawan o masabihan ng kung ano-ano ay alamin at unawain ninyo ang ayaw niya.”
Tango lang kami nang tango ni Nanay.
“Una, bawal pumasok sa kwarto niya mapwera sa tagalinis. Kalabasa, patatas, ampalaya, brocolli at carrot lang ang gulay na kinakain niya kaya kung ma-assign ka sa pagluluto, Flor, ay tandaan mo ang mga gulay na sinabi ko. Bawal pumunta sa animal kingdom niya sa likod-bahay. Ayaw ni Señorito Yuan na may nakikialam sa kanyang mga gamit at higit sa lahat—ayaw ni Señorito ng tsismosa. Kapag tinawag niya kayo ay lapit agad at magbigay galang. ‘Yun lang naman ang mahirap dito.
Si Señorita Pauline ay mabait at hindi katulad ng kuya niya. Si Sir Paolo naman ay ‘di mo makikitang pakalat-kalat sa bahay kapag narito sa mansyon. Lagi iyon sa opisina o kaya ay sa kwarto nila. Bale, si Señorito Yuan lang talaga ang dapat ninyong pangilagan. Mahilig ‘yung maglaro ng mga maid at ilang beses nang may umalis dahil sa ugali niya.” Sumimangot pa ito sa huling sinabi.
Tahimik lang kaming nakinig sa mahabang paliwanag ni Bing. Akala ko pa nama’y mabait ang anak ni Sir Paolo. Mukhang mali ako ng akala batay sa kwento ni Bing.
Sumama sa palengke si Nanay para masanay raw sa pamimili ng mga kailangan doon. Ako naman ay tumulong sa pagwawalis at pagpupunas ng hagdan. Abala ako sa ginagawa nang biglang makaramdam na tila may nakatitig sa akin. Umangat ang aking mukha at doon ay nasalubong ko ang matiim na titig ni Señorito Yuan. Nakasuot ito ng kulay abo na roba at nakatutok ang paningin sa akin mula sa itaas. Kinabahan naman ako sa pag-iisip na baka binabantayan nito ang aking kilos kaya bahagya akong yumuko bilang pagbati saka ipinagpatuloy ang pagpupunas.
Pinagbuti ko ang ginagawa kahit na naiilang. Ramdam kong pinapanood pa rin ako ng binatang amo. Hindi ko tuloy maiwasang hindi kabahan. Sana lang ay umalis na ito sa pwesto para maging maayos ang ginagawa ko. Ang hirap kasing magbilang ng kilos.
Maya-maya ay narinig ko na tinawag nito ang pangalan ni Bing. Malagom na medyo paos ang tinig ni Señorito at masarap iyon sa aking pandinig. May sinabi ito kay Bing at nang bumaba ang babae ay nilapitan ako.
"Ipagtimpla mo ng juice si Señorito. Dalhin mo sa veranda sa itaas, dali!" utos nito sa akin.
Tumango naman ako at mabilis na nagtungo sa kusina. Dahil sa pagmamadali ay hindi ko naitanong kay Bing kung anong juice ang titimplahin. Wala akong makitang maid sa paligid kaya naghanap na lang ako ng powdered juice sa tokador. Orange juice ang aking tinimpla dahil iyon ang nakita ko. Agad kong isinunod ang isang baso niyon sa veranda.
Naabutan kong nakaupo si Señorito Yuan habang may kausap sa cellphone. Ang dinig ko’y kaibigan ang kausap nito. Magalang kong inilapag ang juice at nagmamadali na agad tumalikod paalis dahil sabi ni Bing ay ayaw raw nito na pakalat-kalat sa paningin niya. Ngunit napigil ang aking paghakbang nang senyasan niya ako na maupo sa tapat niya. Nagtataka man ay sumunod ako.
“Yes, Patrick. I’m busy kaya hindi ko nasabi sa iyo but I will make sure na matatapos iyon in one week. Okay, bye!”
Pagkalapag nito ng cellphone sa table ay saka niya ako binalingan. “What’s your name?” tanong ni Señorito.
“M-mirasol po,” ang nauutal kong sagot na hindi halos makatingin dito.
“How old are you?”
“E-eleven po.”
“Nag-aaral? Ano’ng grade?”
“Grade six na po sa pasukan.”
Bumuntong hininga ito na tila ba biglang nainis. Nang tingnan ko siya ay kay dilim ng mukha niya habang umiiling-iling. Nakakapagtaka naman. Inisip ko tuloy kung may nasabi ba akong masama?
“Too young, tssk!” bulong pa nito sa sarili bago ako tiningnang muli. “Next time, huwag kang pakalat-kalat sa paningin ko. Kapag nakita mo ako ay umiwas ka. Huwag kang papasok sa kwarto ko lalo na ‘pag lasing ako at kapag narito ang mga kaibigan ko’y magkulong ka sa kwarto ninyo! Understood?”
“H-ho?” iyon ang tangi kong nasambit. Nakamaang lang ako sa binata dahil naguluhan ako sa mga sinabi nito. Bago pa lang ay mukhang nasermonan na agad ako ng amo namin. Pero bakit ang gulo naman yata ng rules na iyon?
“Basta gawin mo na lang! Ayoko ng maraming tanong!” Saka ito sumenyas ng pataboy. “Sige na, lumayo ka sa akin, hmmp!”
“O-opo.” Naguguluhan man ay agad akong tumayo. Ayokong mapasama ang lagay namin sa bahay na iyon dahil umaasa ako na makakapag-aral sa tulong ng daddy niya. Kaya dapat akong magpakabait.
Nasa bungad na ako ng pinto nang muli akong tawagin ni Señorito Yuan.
“Hindi orange juice ang hinihingi ko and next time—gumamit ka ng tray bago dalhin sa akin ang pagkain.”
“O-opo, Señorito!”
SA IKATLONG araw namin ni Nanay Flor sa mansyon ay pinilit kong umiwas sa binatang amo batay sa utos nito. Kapag kumakain siya sa dining area ay lumalabas ako at naghahanap ng ibang gagawin. Kapag naririnig ko ang ugong ng kanyang sasakyan ay mabilis akong nagkukubli. Ayokong mainis sa akin si Señorito dahil baka palayasin niya kami roon. Maganda pa naman ang trabaho ni Nanay sa mansyon. Hindi masyadong mabigat kompara sa ibang bahay na pinasukan niya noon. Dati na kasi akong kabu-kabuntot ng ina sa pagtatrabaho. Mapa-labada man o sa palengke kaya ko nasabing magaan lang ang gawain niya sa bahay ng mga Villanueva.
“Nakakainis! Akala ko pa nama’y hindi mag-i-stay rito si Señorito Yuan,” reklamo ng isang maid na si Ate Minda. Salo-salo kaming kumakain ng tanghalian sa kusina ng servant’s quarter.
“Ako nga rin. Dati naman kapag wala sina Ma’am ay sa condo o sa penthouse siya natuloy at madalang magawi rito,” wika naman ni Zeny.
“At ang nakakapagtaka pa ay lagi siyang nalabas sa kwarto niya—dati namang hindi. Kinakabahan tuloy ako sa pagta-trabaho.”
“Oo nga. Ako nga rin, e. Ilang araw na rito ang señorito at mukhang walang balak umalis. Kapag sinumpong na naman ‘yun ng kasungitan ay tayo ang kawawa!” dagdag ni Sally.
“Hindi pa ba kayo nasanay sa ugali ng señorito natin? Mabuti nga’t medyo bumait na ‘yan. Dati’y para iyang anak ni Satan sa kapilyuhan. Pati ako’y ilang beses na niyang ginawang basketball ring noon, hmmp!” wika ni Bing na lihim kong ikinatigas sa kinauupuan. Paano maging basketball ring? Ganoon ba kasalbahe ang señorito namin? Bigla tuloy akong natakot.
“Mukha namang mabait si Señorito Yuan. Baka sa panlabas lang siya ganoon,” sabat ni Nanay sa mga ito.
“Mabait lang iyan sa kapamilya at kaibigan niya pero sa ibang tao—waley! De numero ang kilos kapag nasa paligid siya. Naku! Kakatakot! Tingin pa lang ni Señorito, nangangatal na ako sa kaba!” wika pa ni Zeny.
“Buti kamo gwapo, kung hindi ay naku! Matagal na sana akong umalis dito.”
“Tama. Saka buti na lang mabait si Ma’am Yuna. Kahit papaano ay may sumasaway sa masungit niyang anak. ‘Yun nga lang, ngayon wala sila, ingat-ingat muna tayo sa anak ng dragon.”
***