CHAPTER ONE
HUMIHIKBI ang musmos na si Olivia habang dinadala siya sa mansyon ng mga Castillo. Driver ni Ariel Castillo ang kanyang ama kung kaya ito ang kumupkop sa kanya nang mamatay ang kanyang ama. Ulila na rin kasi siya sa ina at tanging ama na lamang niya ang kanyang kasama pero kaagad din naman iyong kinuha sa kanya at ngayon ay mag-isa na lamang siya.
"May mga tiyahing pa naman po ako Sir Ariel, pwede naman ako sa kanila na lamang makitira," wika niya sa amo ng kanyang ama dahil nahihiya siya. Sampung taong gulang pa lamang siya no'n.
"Sinabi nila sa akin hindi ka nila kayang alagaan at pag-aralin. Paano kita ibibigay sa kanila Olivia? Masyadong malaki naman itong mansyon para hindi ka dito tumira. Isa pa, alam mo naman na gustong-gusto ka ng asawa ko hindi ba? Lalo na at dalawang lalaki ang aming anak. Mas mabuti pang dito ka na tumira sa amin at ituring mo na itong bahay mo," wika pa sa kanya ni Ariel Castillo. Kailanman ay hindi niya hinangad na tumira sa mansyon ng mga Castillo dahil unang-una hindi naman iyon sa kanila. Isa pa sa tuwing na dinadala siya ng kanyang ama sa bahay ng amo nito ay naiinis siya sa anak nitong si Dave, masyadong suplado at salbahe. Walang problema sana kay Dimitri na kuya nito dahil mabait sa kanya. Sa tingin niya ay kaedaran niya lamang si Dave samantalang dalawang taon naman ang agwat ni Dimitri rito. Kung minsan nga ay nagtataka siya kung saan nagmana si Dave dahil mababait naman ang mga magulang nito. Ito lang talaga ang likas na diyablo at peste. Sa tuwing na naalala niya na pinaglalaruan siya ni Dave ay lalo lamang siyang nanggigigil. Paano ba naman kasi, manghuhuli ito ng ipis sa mga cabinet at itatapon sa kanya, natural magsisigaw siya. Nilagnat pa nga siya sa labis na takot.
"Olivia!" narinig niyang tinig ni Ma'am Amanda. Bumababa ito ng hagdan. Napakabait ni Ma'am Amanda lalo na sa kanya. Pakiramdam niya nga ay para na rin siyang may ina sa katauhan nito. Sa tuwing na dinadala siya ng kanyang ama sa bahay ng mga Castillo ay nararamdaman niyang hindi siya iba. Pinunasan niya ang kanyang luha. Kakalibing lang kasi ng kanyang ama at dinala na siya kaagad Sir Ariel sa bahay ng mga ito. "Halika dito iha," yaya pa sa kanya ni Ma'am Amanda. Lumapit siya rito at hinaplos naman nito ang kanyang maamong mukha. "Pasensya ka na kung hindi ako nakapunta sa libing ng iyong ama. Masama kasi ang pakiramdam ko ilang araw na kung kaya minabuti ko na munang magpahinga at si Ariel na lamang ang pinapunta ko and I'm glad that you're here."
"Pero Ma'am Amanda hindi pa ako nababagay sa bahay ninyo. May bahay naman po si Papa na naiwan sa akin at pwede naman po ako doon lalo na po at malapit lang naman ako sa mga tiyahin ko."
"At sa tingin mo ba ay papayagan ko na mag-isa ka sa bahay ninyo? You are part of our family now, Olivia, and from now on, tawagn mo na akong Mama Amanda at siya naman ang iyong Papa Ariel, pwede ba 'yo?" tanong pa nito sa kanya kung kaya hindi siya nakasagot.
Ang sarap sabihin ang mga sinabi nito pero kinakabahan pa rin siya. Sa murang isip niya ay alam niya na ang kanyang magiging buhay---- buhay ng isang batang ulila at nakikiamot lamang ng pagmamahal sa ibang tao.
"Hi Olivia!" bati sa kanya ni Dimitri nang bumaba ito. Hindi niya mapigilan ang hindi mapangiti lalo nang yakapin siya ni Dimitri. "Condolence, Olivia."
"Salamat," sagot niya. Gaganti sana siya ng yakap kay Dimitri nang makita niya si Dave sa itaas at masama ang mga titig nito sa kanya na tila ba may pagbabanta.
"Dave, come here! Batiin mo si Olivia!" sigaw ng ama nito.
"Bakit? Birthday niya ba?" sigaw na tanong ni Dave.
"Go down!" sigaw pa ng ama pero mabilis na tumakbo si Dave at pumasok ng kwarto. Hindi nito sinunod ang ama.
"Pagpasensyahan mo na si Dave...Alam mo naman yun masyadong papansin," wika na Dimitri na ngumiti.
"Tama si Dimitri, 'wag mo na lamang pansinin ang batang yun. Para namang hindi ka na nasanay kay Dave. Hindi ko nga alam kung bakit galit na galit sa'yo ang batang yun," napapailing na wika ni Ma'am Amanda.
"Kaya nga po ayokong tumira sana sa inyo dahil alam ko pong hindi yun magugustuhan ni Dave, baka lalo lamang siyang magalit sa akin o di po kaya sa inyo," sagot niya naman.
"Huwag mo na lamang pansinin ang batang 'yon at pagpasensyahan mo na lamang," ani pa ni Sir Ariel sa kanya.
"Halika, ipapakita ko sayo ang magiging kwarto mo at simula ngayon--- yun ang magiging silid mo, okay" wika pa sa kanya ni Ma'am Amanda.
Napatingin siya kay Dimitri nang hawakan siya nito sa kamay.
"Halika!" yaya pa ng gwapong si Dimitri kaya napangiti na siya.
Namangha siya sa silid na binuksan ni Ma'am Amanda. Kulay pink ang dingding at may napakalaking kama sa gitna. May carpet din ang sahig na tila ba kaysarap magpagulong-gulong. Para siyang prinsesa kaya iyon ang kanyang kwarto.
"Sa akin po ito Ma'am Amanda?" tanong kong nanlalaki ang mga mata.
"Hindi ba sinabi ko na sa'yo na simula ngayon ay Mama Amanda na ang tawag mo sa akin? Ako na ngayon ang mama mo."
"Opo, Ma--ma Amanda," sagot niyang hindi matuloy-tuloy ang sasabihin dahil nahihiya siya sa ginang maging kay Dimitri, baka kung ano ang isipin nito.
"Good! So, from now on ito na ang kwarto mo," ani pa ni Mama Amanda sa kanya. Hinila siya ni Dimitri patungo sa kanyang magandang kwarto.
"Ang ganda!" bulalas niya. "Parang bahay na sa laki!" dagdag niya pang umikot-ikot sa loob ng kwarto. "Thank you po!" sigaw niya pang hinawakan ang kanyang magiging kama at hinimas-himas ang makapal at malambot niyang higaan.
"Maiwan ko na muna kayo at magpapahanda lamang ako ng pagkain. Dimitri, ikaw na ang bahala kay Olivia, huwag mo siyang aawayin at malalagot ka sa akin," ani pa ni Mama Amanda. Likas na napakabait nito at napakaswerte ko na dito ako napunta.
"Hindi ko naman po aawayin si Olivia, Mama... Si Dave lang naman ang salbahe," sagot naman ni Dimitri sa ina.
"Thank you po," wika niya sa ina ni Dimitri.
"You are always welcome," nakangiting sagot sa kanya ng ginang.
Pag-alis ni Mama Amanda ay nakita niya si Dave na nakatingin sa kanila ni Dimitri. Nakakubli ito sa may pintuan at mukhang katapat niya pa yata ang kwarto ng lalaki. Kung dati ay iniiwasan niya si Dave para hindi magtagpo ang kanilang mga landas, ngayon ay mukhang hindi niya na magagawa 'yon dahil sa iisang bubong na lamang sila nakatira ngayon. Masama ang tingin sa kanila ni Dave na kulang na lamang ay kainin siya nito ng buhay.
"Dave! Halika!" sigaw ni Dimitri sa kapatid. Nakakapagtakang lumapit naman ito sa kanila.
Hindi man lang nagbago ang anyo ni Dave ng lumapit ito sa kanya. Mapanuri ang mga tingin ng lalaki. Pakiramdam niya nga ay natutunaw siya sa mga titig nito.
"Anong ginagawa mo dito sa bahay namin?" tanong sa kanya ni Dave.
"Dito na siya titira at simula ngayon ay kapatid na natin siya," sagot ni Dimitri.
"Kapatid? Paano mangyayari 'yon? Wala tayong ibang kapatid Dimitri," sagot pa ni Dave na tinitigan siya. Napayuko na lamang siya. Gusto niyang umiyak dahil sa sinasabi ng lalaki. "Bakit ka ba ganyan? Bakit mo ipinipilit ang sarili mo sa amin samantalang hindi ka naman namin kaano-ano? Huwag na huwag kang magkakamaling isipin na bahay mo rin ito, Olivia dahil hindi ako papayag."
"Ano ba!" sigaw ni Dimitri kay Dave upang tumigil ito.
"Hindi ko alam kung anong meron sa babaeng 'yan at lahat kayo ay gustong-gusto siya," sagot pa ni Dave na nagmartsa palayo sa kanila.
"Huwag mo nalang pansinin si Dave. May topak talaga yan. Seloso masyado," ani pa ni Dimitri sa kanya na ngumiti. " Huwag mong iisipin na ibang tao ka dahil pamilya na ang turing namin sayo dito, okay?" ani pa ng lalaki sa kanya.
Napakabuti talaga ng puso ng lalaki sa kanya. Kung hindi dahil dito ay baka tumakbo siya palabas ng mansyon at umuwi sa kanilang kubo.