Chapter 19

1107 Words
"YOU’RE late, Fatima." Napalunok siya sa kaseryosohan ng boses ni Kier. Humihingal pa siya nang pumasok sa opisina nito. Sinikap niyang makarating sa tamang oras pero na-late pa rin siya. Paano, bigla na lang itong tumawag sa kanya at sinabing magpunta siya sa opisina nito sa loob ng twenty minutes. Paano niya gagawin 'yon sa tindi ng traffic? Magpapaliwanag sana siya nang bigla nitong tinapos ang tawag. Gusto niya itong singhalan pero hindi rin magawa. Tiningnan niya si Kier na prenteng nakaupo sa swivel chair. Nakita niya ang mapaglarong ngiti sa mga labi nito. Mukhang pinaglalaruan siya ng lalaki at sinadya talagang inisin siya. Nakakainis! Kung wala lang kailangan sa lalaki, aalis na siya ngayon din. Kinalma niya ang sarili. "I’m really sorry, Mr. Williams," hinging-paumanhin niya. "Maupo ka, Fatima." Iminuwestra nito ang upuan sa tapat ng mesa. Nasasanay na ang lalaking tawagin siya sa first name kahit tungkol sa trabaho ang pag-uusapan nila. Sumunod naman siya. Hindi pa siya personal na nakakapag pasalamat kay Kier sa pagligtas nito sa buhay niya. Nang hindi pa ito nakakapuntang America, halos araw-araw niya itong nakikita sa bahay nila. Kulang na nga lang ay bitbitin nito ang mga damit sa bahay nila at doon na tumira. Pero ngayon, pagkalipas ng tatlong taong nanirahan ito sa America, hindi pa ito nakakapunta ulit sa bahay nila. Naisip niyang baka dahil wala sa Pilipinas ang kuya niya. Ang kuya niya lang naman ang malimit puntahan nito sa bahay nila. "I have read the folder you gave me. I just want to congratulate your company on its good performance over the years. The president of your company is good," tumatangong sabi nito. Nalaglag ang kanyang balikat. Akala niya ay makukuha na ang deal na inaasam. Pero pilit pa rin siyang ngumiti. "Maraming salamat, Mr. Williams. Makakarating ito kay Ma’am Cora." "Magaganda rin ang mga promotion n’yo. Mahusay ang sales strategies n’yo. Hindi ko akalain na magaling ka pagdating do’n." Tumingin ito ng tuwid sa kanyang mga mata. Nakaramdam siya ng pagkailang. "M-maraming salamat," utal niyang sagot. Ano ba self, bakit kapag nakaharap mo siya para kang dahon ng makahiya? Tumitiklop ka! Dapat ‘di ba, inaakit mo siya para mabaling sa ‘yo ang atensyon niya at hindi do'n sa babaeng tinatawag na witch ng mother niya? kastigo niya sa sarili. Tumikhim si Kier at tumingin sa wristwatch. "Lunch time na pala," masiglang sabi nito. "Halika, samahan mo akong mag-lunch." Natigilan siya sa sinabi ng lalaki. Kung papayag, makakasama niya pa ito nang matagal. "Pasensiya ka na, Mr. Williams. Pero kailangan ko pang bumalik sa opisina," tanggi niya. "Why, Fatima? Would anyone be upset if they saw you having lunch with me?" madilim pa yata sa ulap ang mukhang tanong nito. Bigla siyang kinabahan sa uri ng tingin ng lalaki. Seryoso kasi at salubong ang mga kilay nito. Chance mo na ito, Fatima… Go girl! Tanggalin mo ang dalawang butones ng top mo para makita niya ang nagyayabang mong mga dibdib! Akitin mo siya para maisakatuparan na ang iyong pinaplano… Ang wild talaga ng utak niya! "May boyfriend ka na ba, Fatima?" seryoso pa ring tanong nito. Napalunok siya nang mariin at kinalma ang sarili. "I’m sorry, Mr. Williams. Pero sa tingin ko'y personal na ang tinatanong mo," kalmadong sagot niya. "Excuse me. Kailangan ko nang umalis." Hindi na niya hinintay pang magsalita si Kier. Gusto na niya sanang sabihing ‘Thank you for saving me,’ pero naumid na ang kanyang dila. Tumayo siya at tinungo ang pinto. "Fat…" Natigilan ang pagbukas niya ng pinto ng opisina nito. Bakit parang namiss niya ang madalas nitong ibansag sa kanya? Dahan-dahan siyang lumingon. Tumayo naman si Kier at lumapit sa kanya. Parang gusto niyang kumaripas ng takbo palabas ng opisina pero para namang napako sa sahig ang mga paa. Hindi niya maihakbang ang mga ‘yon. Napamulagat siya nang kabigin ni Kier at niyakap siya nito nang mahigpit. Biglang nagkabara sa lalamunan niya dahil sa mainit nitong yakap na 'yon. Hinaplos nito ang kanyang buhok. Napapikit siya ng mga mata. "Ito ang gustong-gusto kong gawin mula nang magkita uli tayo, Fatima…" pabulong na sabi nito. "Dahil miss na miss na kita." Parang nabibingi siya sa mabilis na pagtibok ng puso niya. Pero mayamaya ay para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang maalala ang lahat ng mga panlalait nito sa kanya noon. Sa isiping iyon ay kumalas siya sa lalaki at malakas itong itinulak. Nakita niya ang pagkabigla na dumaan sa mga mata nito. "Hoy, Mutant! Wala kang karapatan na yakapin ako," mariin niyang sabi. "Sa dinami-rami ng lalaki dito sa mundo, bakit ikaw pa ang malakas ang loob na yakapin ako? Nakakadalawa ka na!" "Akala ko, friends na tayo?" Napakamot ito sa baba. "Ano’ng friends? Related sa trabaho ang dahilan kaya ako nakipagkita sa ‘yo." "Ibig bang sabihin ako pa lang ang lalaking nakayakap sa ‘yo?" tila hindi nito pinansin ang huling sinabi niya. "Oo," pag-amin niya. "Masuwerte pala ako," nangingiting dagdag nito. "Hays, makaalis na nga at baka masira nang tuluyan ang buong araw ko." Lumabas siya ng opisina nito, pero muling bumalik nang maalalang naiwan niya sa table nito ang folder. "Did you miss me?" nakangiting tanong nito sa kanya nang makitang nasa loob na naman siya ng opisina nito. "Nasaan ang folder?" tanong niya kay Kier. Wala na kasi iyon sa ibabaw ng mesa nito. "Nakausap ko pala ang presidente ng Forever’s Beauty Cosmetic." Nanlaki ang mga mata niya. "You! Ano ang sinabi mo kay Ma’am Cora?" Kumibit-balikat ito. Naningkit naman ang mga mata niya. Tiningnan niya ito nang masama. "Wala. Alangan naman sabihin ko sa boss mong kayakap kita kanina." "Subukan mo at makakakita ka talaga nang maraming bituin." Iniamba niya rito ang kanyang kamao. "Ibigay mo na sa akin ang folder para makalabas na ako sa opisinang ito." Inilapag nito ang folder sa mesa. "I'm sorry, but you can't leave yet. You need to discuss your company's products that are already on the market." Natigilan siya. Kaya nga pala siya naroon ay para i-discuss ang produkto nila at para kumbinsihin ang presidente ng Enchanted Perfumes, na sila ang piliin na maging major distributor ng produkto nila. "So?" may pilyong ngiti sa mga labing dagdag nito. "Well," 'yon na lang ang salitang lumabas sa bibig niya. Kung hindi lang niya iniisip ang magandang reputasyon ng Forever’s Beauty Cosmetics, nungkang ipagpatuloy niya pa ang pakikipag-usap kay Kier–ang presidente ng Enchanted Perfumes. Kinuha nito ang folder at tumayo. "Bago natin simulan ang tungkol sa produkto ng kumpanya n’yo, kailangan mo muna akong samahan mag-lunch." Napapikit siya sa sobrang inis. May choice pa ba siya? Wala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD