Chapter 11

1032 Words
WALA nang nagawa si Fatima kundi sumunod kay Draven. Sinamahan na niya sa mesa ang mga magulang. Naroon din ang ilang pinsan ni Draven. Bawat mesa ay pinuntahan nito at kinausap ang mga naroon. Nakita naman niya ang mesang kinaroroonan ni Kier kasama ang kuya niya at ilan pang kaibigan. Nagsalubong pa nga ang paningin nila ni Kier nang mahuli siya nitong nakatingin sa gawi ng mga ito. Nginitian siya ni Kier, pero isang simangot ang kanyang isinagot. Kasunod niyon ibinaling niya sa ibang direksyon ang paningin. Itinuon na lamang niya ang pansin sa pagkain kahit walang cake! Well... She can live with that! Kakain na lang siya ng cake mamaya kapag nasa bahay na siya. Nang magawi sa kanila si Tita Clarissa, nagtaka ito nang walang makitang cake sa pinggan niya. "Bakit hindi mo pa kinuha ang cake na nasa fridge?" "Pahinga na lang muna ako ngayon sa cake, Tita Clarisa." Hindi niya masabi rito na may malaking ulo ng daga ang kumain ng cake na para sana sa kanya. Tinutukoy niyang pesteng daga ay si Kier. "Ganoon ba?" "Opo…" Ngumiti ito sa kanya. "Sana tuloy-tuloy na…" "Tita…" "Fatima naman kasi, ang dami na kasing nagsasabing ga-aparador ka na kalaki. Masakit man aminin, pero 'yon ang totoo. Imbes na ganda mo ang unang mapapansin, katawan mo ang kanilang napupuna. Kaya sayang lang din ang ganda mong 'yan kung hindi mo naman mapapakinabangan. Ikaw rin… nasa huli ang pagsisisi." "Mapapakinabangan na ano, Tita?" "Ang magkaroon ng isang dosenang manliligaw. Ang magpang-abot sila sa inyong bahay para lang makuha ang iyong pansin. Sa estado mong 'yan, malabo kang magkaroon ng nobyo. Imposible ring magkaasawa ka. Baka nga sa taba mong 'yan kahit na may asawa ka na, malaki ang posibilidad na hindi ka magkaanak." "Knock on wood naman, Tita." Hindi pa naman sumasagi sa isipan niya ang pag-aasawa. "Posibilidad lamang sinasabi ko, Fatima. Kaya pag-isipan mong mabuti ang mga sinasabi ko ngayon. Pwede mong alamin kung ano ang disadvantages ng iyong kalagayan at kung ano ang beneficial. But I doubt it kung meron magandang ibubunga sa 'yo ang pagiging obese. Pag-isipan mo na ang mag-control sa pagkain. Nasasapawan ng taba mo sa katawan ang iyong ganda. Sayang ang beauty mo, hija." Nahigit niya ang paghinga. "Tita Clarissa, hindi naman ako nagmamadali. Saka, hindi naman ako atat na magkaroon ng nobyo. Hindi sila kawalan sa 'kin. Ayaw nila sa ganda ko dahil overweight ako, puwes, problema na nila 'yon." "Babae ka…" Tahimik lang ang mga magulang niya. Walang komento. Nagustuhan naman niya 'yon. Dahil alam naman niyang ganoon din ang sasabihin ng mga ito. Lumapit sa mesa nila si Draven at niyaya siya. Sumunod naman siya rito pero hawak nito ang kanyang kamay. Ang mesa ng mga kaibigan nito ang kanilang tinutumbok. Nakatuon sa kanya ang pansin ng apat na lalaki kabilang na ang kuya niya. Ang guguwapo nila! Tapos galing pa sa maykayang pamilya. "Kumusta, Fatima?" "Heto, lalong sumiseksi." Hindi pa rin niya maalala ang mga pangalan ng mga kaibigan ng kuya niya. Ang malimit niya kasing makitang kasama nito ay ang magpinsan na sina Kier at Draven. Si Lucas ay wala roon. "Sexy? Nasaan?" Pinanlakihan niya ng mga mata si Kier. "Kier," ani Draven sa pinsan. “Aalis na ako bukas. Pakiusap ko lang sana sa 'yo, 'wag mo nang inaasar si Fatima. Nagagalit na kasi siya sa 'yo. Sana bago ako umalis, magkaayos na kayo.” "Hindi ko naman siya inaaway, ah?" "Anong hindi?" Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Iniinsulto mo ako tuwing nagkikita tayo. Fatima ang aking pangalan pero kung tawagin mo ako sa pangalan ay ‘Fat’! Tapos sasabihin mo pang kawawa ang kotse ko dahil flat na ang mga gulong. Gawain ba 'yon ng matinong lalaki, ha? Palagi mo akong binubuska!" Sinungaling ka talaga! "Bad ka naman pala, Kier." "Very ungentleman…" "Nagsasawa na nga ako sa bangayan nilang dalawa," komento naman ng kuya niya. "Kier, pakiusap, ‘wag mo nang asarin si Fatima. Love ko 'yan, e. Sabik ako sa kapatid na babae, kaya naman youngest sister ang turing ko sa kanya," wika ni Draven. "Sige ka, oras na sumeksi si Fatima, hindi ka niya hahayaan ligawan siya. Malaking kawalan 'yon sa iyo. Ikaw rin, kahit ganyan siya ka-healthy, maganda siya." Magkaiba talaga ang ugali ng magpinsan. Kung si Draven ay mabait, kabaliktaran naman ni Kier. Oo nga’t guwapo, nuknukan naman ng dumi ang bibig. What I mean is, iyong mga salitang binabato niya sa 'kin. Mabilis ang naging pagpalatak ni Kier. "Pwede ba? Hindi pa ako nasisiraan ng bait na manligaw sa kagaya niyang aparador ang katawan. Ang dami kayang magaganda at sexy na babaeng nagpapapansin sa 'kin," pagyayabang pa nito. Uminit ang bumbunan niya sa narinig. "At bakit, sa tingin mo ba ay magkakagusto ako sa 'yo, ha? Kahit ikaw na lang ang nag-iisang lalaking matira sa mundo, hinding-hindi kita papatulan! Tsk, asa ka!" "Cool…" "Nice…" "Malabo naman kitang ligawan!" Sa asar ay iniwan niya ang mga ito. Yamot talaga siya. Nagtagumpay na naman si Kier na magalit siya. Bumalik siya sa mesa kung saan naroon ang mga magulang niya. Napansin naman agad ng mga ito na sambakol ang kanyang mukha, pero hindi nangahas na magtanong. Akala mo kung sinong kurimaw ka! May araw ka rin sa akin! Lalamunin mo ang lahat ng iyong sinabi! Hinahamon mo akong hinayupak ka! Tingnan ko lang! Darating ang sandaling hahabulin mo ako! Inalok siya ng dessert ng kanyang ina pero tinanggihan niya 'yon. Bigla siyang nawalan nang ganang kumain matapos siyang inisin ni Kier. Paglingon niya sa mesa na kinaroroonan nito, nahuli niya itong nakatingin sa kanya. Inambahan niya ito ng kanyang kamao. Hindi na siya umalis sa tabi ng kanyang mga magulang. Inabala na lamang niya ang sarili sa panood ng videos ng paborito niyang blogger. Pagpatak ng alas-nueve ng gabi ay nagpaalam na sila kay Tita Clarissa na aalis na. Naiwan naman ang kuya niya, maki-sleepover doon. Gustong sulitin ang mga oras na kasama ang kaibigan na si Draven. Habang lulan sila ng kotse ng kanyang ama ay tumawag sa kanya ang kaibigan niyang si Kim. Kauuwi lang nito galing sa bakasyon mula sa probinsya ng Samar. Napag-usapan nilang magkita bukas sa Lover’s Café.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD