BIGLANG nainis si Andrew sa sinabing iyon ni Clever. Mula pa nang dumating siya sa opisina ay hindi na siya tinigilan nito, katulad ng una niyang hinalang gagawin nito kapag nalaman nito ang namamagitan sa kanila ni Tiffany. At dahil ayaw niyang abutin sila ng madaling araw kakaasar nito ay sinabi na lamang niya na nagpapaka-good Samaritan lamang siya. But then, does he has to remind him of all the rude words he said regarding Tiffany? Inamin na nga niya sa sarili niya na mali ang lahat ng first impression niya rito.
“Hindi ibig sabihin na sinabi ko iyan dati ay ganoon nga siya. Besides, I realized that she’s not snob, she’s just lonely. And I don’t hate her okay?” asar na sabi niya.
Lalo pa itong tumawa. “Adik, praning. Of course I know that. Kung mayroon man sa ating dalawa ang mas makakapagsabing you don’t hate her, ako iyon. Dahil ako ang nakakakita sa facial expression mong mukhang laging namamalikamata kapag nakikita mo siya mula nang bilhin natin ang unit na ito para sa firm natin.
“Hinayaan na lang kita ng kakasabi ng ‘I hate her’ o kaya ‘I don’t like her because she’s a snob’ at kung anu-ano pang sinasabi mong pantakip sa bruised ego mo tuwing hindi ka niya pinapansin at basta basta na lang nilalampasan,”mahabang sabi nito na humagalpak pa ng tawa.
Maang na napatitig siya rito. Ganoon ba talaga siya? Parang sa pelikulang nagflashback sa isip niya ang mga pagkakataong nakakasalubong niya si Tiffany o kaya ay tuwing nakakasabay siya nito sa elevator at ni hindi man lang nito tinatapunan ng tingin. Bigla niyang naamin sa sarili niya na ito rin ang dahilan kung bakit bigla niyang naisipang magsolo at bumili ng unit sa last floor. Sinuwerte lang na katabing unit nito ang nabili niya.
Napabuntong hininga siya. Sa huli ay tama na naman ang kaibigan niya sa bagay na iyon. “Oo na tama ka na,” sumusukong sabi niya.
Tumawa si Clever. “Of course. So, ano ba ang pinaggagawa mo sa buhay mo sa loob ng ilang araw ha? Kahit si Tiffany dumaan dito ng isang beses hinahanap ka. Langya pati siya hindi mo kinontact.”
Bigla siyang napangiti at inabot ang blue print na tinapos niya habang nasa bahay siya ng mga magulang niya. “I finished the draft of her house. Hindi ko sinabi sa kanya para surprise.” Binuklat niya iyon at pinakita sa kaibigan niya.
Matapos nito iyong pag-aralan ay napapalatak ito. “Langya, sabi ko na nga ba, basta espesyal sa iyo ang titira maganda ang nagagawa mo. Pero bakit maraming kuwarto?” tanong nito.
Pilyo siyang ngumiti. “Because I intend to give her a lot of kids.” Tumawa na naman ito at tuluyan ng tumayo. Kumunot ang noo niya. “Oy. Hindi ko pa tapos ipaliwanag sa iyo ‘to”
“Sa kanya mo ipaliwanag iyan. Hindi naman ako ang titira diyan. Uuwi na ako at hahanap na rin ng pwede kong gawan ng bahay,” sabi nito at lumabas.
Nailing na nangingiti na lang siya. Pagkuwa’y napatitig sa design niya. Excited na siyang ipakita iyon kay Tiffany.
LUKOT na ang mukha ni Andrew. Kanina pa siya nagdodoorbell sa unit ni Tiffany ngunit walang lumalabas doon. Alas otso pa lang naman ng umaga at alam niyang gising na ito ng ganoong oras. Sinubukan niya rin itong tawagan subalit unattended ang cellphone nito. Ring lang din ng ring ang telepono sa unit nito. Sa huli ay nagdesisyon siyang tawagan ang handler nito. Mabuti na lang pala at nag-iwan si Andi ng contact number sa opisina nila.
Matagal munang nagring ang bago may sumagot sa tawag niya. “Andi this is Andrew Alvarez , where’s Tiffany,” bungad agad niya.
Saglit na hindi ito nagsalita. “Bakit?” anitong bahagyang mataray na ang tinig.
Napakunot noo siya sa tono nito. “Because I need to show her the draft of her house,” dahilan na lang niya.
“Oh, I don’t think she would need that anymore. But don’t worry, ako na ang magbabayad ng fee mo.”
Lalo siyang naguluhan sa sinabi nito. “What? Why?”
Saglit na naman itong tumahimik bago nagsalita. “Dahil pupunta na siya sa France kasama ang mommy niya at hindi na siya babalik.”
Nagulantang siya sa sinabi nito. “What?! Bakit hindi niya sinabi sa akin iyan?” Napalakas na ang boses niya.
“Because you are nowhere to be found loverboy,” sarkastikong sabi nito.
“T-teka nga. Bakit ganyan ka magsalita sa akin? No, wait, that’s not important. Just tell me where she is, kailan ang alis niya? Anong oras?” bigla siyang nataranta. Napahakbang siya patungo sa elevator. Biglang bumundol ang kaba sa dibdib niya sa sinabi ni Andi. Damn, just thinking about Tiffany leaving and never coming back scares the hell out of him.
“Bakit ko naman sasabihin sa iyo?” sabi pa ng handler nito.
Napamura siya sa isip kasabay ng pagpindot ng down arrow ng elevator. “Because I want to know! Because I have something to tell her! Where is she Andi? Please tell me,” frustrated na pakiusap na niya.
“Ano bang sasabihin mo?” tanong na naman nito.
Napamura na siya. “Kung ano man iyon sasabihin ko sa kanya ng personal.”
Saglit na naman itong natahimik. Nang bumukas ang pinto ng elevator ay saka ito nagsalita. “NAIA, her flight is ten am.” Iyon lang at pinutol na nito ang tawag.
Napamura na naman siya. He only got less than two hours to spare. Great. Mukhang marami siyang stoplight na kailangang lampasan.
NAPASULYAP si Tiffany sa wristwatch niya sa hindi na niya mabilang na beses. Alas nuwebe y’media. Nang mapasulyap siya kay Andi na nasa kanyang tabi ay napansin na naman niyang tila hindi ito mapakali.
“Andi, bakit parang natetense ka diyan?” takang tanong nito.
Sumulyap ito sa kanya at halatang pilit na tumawa. “Hindi naman masyado darling. Siguro ay dahil hindi pa ko pa rin tanggap na aalis ka na.”
Bigla siyang nalungkot sa sinabi nito at nagiwas ng tingin. Alam niya na ayaw rin nitong umalis siya. pero nang sabihin niya rito ang rason ay pumayag na rin ito at nangakong ito na lamang ang magpapaliwanag kay Sir Niccolo, ang may-ari ng Timeless at sa Press.
“Nasaan nga pala ang mommy mo?”
“Nagpunta lang ng banyo. Sinamahan siya ni tito Faustino,” aniyang napangiti sa kabila ng lungkot na nararamdaman niya. Kanina niya lang nakilala ang asawa ng mommy niya at isang tingin niya pa lang ay alam na niyang mabuti itong tao. At halatang mahal na mahal nito ang mommy niya at hindi ito nahihiyang ipakita at sabihin iyon dito. Hindi tulad ni Andrew.
Naipilig niya ang ulo nang maalala ito. Ayaw na niya itong maalala.
Maya-maya pa ay bumalik na ang mommy niya at ang asawa nito. Saglit pa ay tinatawag na ang mga pasahero ng eroplanong sasakyan nila. Tumayo na sila. Hinarap niya si Andi na lalong nagmukhang balisa.
Nginitian niya ito at niyakap. “Paano Andi, aalis na kami. I’ll miss you. And you know what? This past weeks has been the happiest weeks of my life,” bulong niya rito. Pinigilan niya ang luha niya nang maramdaman ang pagiinit na naman ng gilid ng kanyang mga mata.
“Darling,” usal nito. Parang may gusto pa itong sabihin pero hindi naman magawang bigkasin. Muli na lamang niya itong nginitian at tumalikod na upang sumunod sa mommy niya na iniaabot na ang mga ticket at passport sa isang stewardess.
“Tiffany!”
Natigilan siya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Biglang kumabog ang dibdib niya. Nang lumingon siya ay nahigit niya ang hininga. Nakatayo ilang metro lamang mula sa kanya si Andrew, bahagya pa itong hinihingal at may bitbit na kung anong malaking papel na nakarolyo.