SHAIRA
Kuala Lumpur, Malaysia.
"Shaira!" malakas na tawag ng kaibigang si Jasmine kay Shaira.
"Bakit ba? Para kang hindi mapaanak na pusa. Ang lakas mo makasigaw talo mo pa ang nasunugan," sabi ko habang nakakunot noo.
"Gaga, mas pa ito sa nasunugan. Naku babae ka malilintikan ka talaga kay Miss Debbie kapag nalaman na nasangkot ka na naman sa gulo," sabi nito na nakapamewang habang pinandilatan ako ng mga mata.
Alam ko na ang issue ng babaeng ito. Mukhang nakaabot na naman dito ang kwento kanina sa restaurant na nasapak ko ang isang sundalo.
Kung hindi ba naman ako minamalas eh sa harap pa ng hostel namin mismo nakatayo ang Hospital Angkatan Tentera Tuanku Mizan, ang ospital ng mga sundalo dito sa Wangsa Maju.
"Ano bang pumasok sa kukote mo na babae ka bakit at may sinapak ka na naman? Napaka-bayolente mo talaga hindi ka naman batang tondo na gaya ko ano," mahabang litanya nito na inikotan ko lang ng mga mata.
"Paano ba naman kasi, manyakis ang kupal na iyon eh. Kung hindi ba naman sira ulo umupo sa tabi ko at hinimas ang hita ko," nag-iinit ang ulo na saad ko.
Bumabalik sa isip ko ang ginawa ng lalaking 'yon sa akin. Pasalamat siya at black eye lang ang inabot niya. Sa kapal pa naman ng mukha ng kumag ay masakit ang kamay ko matapos sapakin ito.
"Hoy babae, paano kung magreklamo sa immigration 'yon? Paano ka aber? Gusto mo yata talagang mapauwi ano?" pangaral sa akin ni Jasmine.
"Tingnan natin, sa dami ng tao kanina sa restaurant at karamihan mga sundalo din hindi maglalakas loob ang kumag na iyon. Lalo na at nag-complain ako sa isang officer na hinipuan ako," matatag kong sagot.
Hindi ako takot sa ginawa ko, karapatan ko ang ipagtanggol ang sarili ko sa mga mapang-abusong tao. Bukod sa isang taong kumalinga sa akin wala na akong ibang aasahan maliban sa sarili ko.
"Naku 'wag lang talagang makarating na naman ito kay madam. Lagot ka talaga Shaira sinasabi ko sa'yo," sabi pa nito saka umupo sa sofa na problemado sa ginawa ko.
Siya si Jasmine, ang naging kaibigan ko dito sa malaysia. Mas matanda siya sa akin ng limang taon pero mas nauna akong dumating at pumasok sa kompanya.
Ako si Shaira Chavez, isang beauty consultant dito sa Malaysia. Sa tatlong taong paninirahan ko dito sa bansa natutunan ko na ang mag-adjust sa kultura at mga tao dito. Halo ang mga taong nakatira sa bansang ito. Oo nga at Malaysian sila pero iba iba ang origin nila. Majority ay Malay Muslim, Chinese at Indian pero lahat sila leaving with harmony.
Nakakatuwa mang isiping dayuhan ako rito pero itinuring akong hindi iba ng mga kapitbahay namin dito sa hostel. Kaya pakiramdam ko ay parang nasa pilipinas lang din ako.
"Ang swerte ko naman at andiyan ka palagi sa tabi ko Jazz," lambing ko dito. Sa reaction kasi ng mukha nito, mas mukha pa itong na pasok sa gulo kaysa sa akin na easy lang.
"Hindi ko lang maiwasang hindi mag-alala Shaira. Oo nga at hindi nagreklamo sa pulis iyon paano kung balikan ka? Hindi pa naman tayo sabay umuwi at higit sa lahat mas gusto mo maglakad papasok. Paano kung isang araw may maiisip na gawing hindi maganda sa iyo?" nag-aalalang tanong nito sa akin.
"It's okay kaya ko ang sarili ko Jazz. Don't worry," maikling sagot ko kasabay ng pagbuntong-hininga. Hindi ito sumagot at pumasok sa silid namin, marahil para magbihis at magpalit ng uniform.
Hindi ako takot mabangasan, kaya kong ipagtanggol ang sarili ko. Hindi ako lumaking batang kalye kung wala akong natutunan. Pasalamat ko na lang kay Mama Zeraphine Mendoza dahil inampon niya kami ni Reign ng mga panahong gumagala pa kami sa kalsada.
Minahal kami nito at pinag-aral. Ibinigay ang lahat ng pangangailan at itinuturing na mga anak. Isa itong doctor at nakita kami ni Reign na may buhat ng sako habang naghihintay sa pila ng medical mission nito sa isang barangay.
Namumulot kami noon ni Reign ng kalakal ng natagpuan kami nito at inuwi sa sariling bahay. Masama ang pakiramdam ko noon dahil sa mataas na lagnat dulot ng malakas na ulan. Hindi ko inaasahang aalagaan kami nito dahil karamihan sa mga taong naroon ay alam kong pinandidirihan kami dahil na rin sa ayos namin.
"Girl anong schedule mo bukas?" bungad na tanong ni Jasmine ng lumabas ito ng silid na ngayon ay naglalakad papuntang kusina.
Ibinaba ko muna ang cellphone na hawak ko bago sumunod dito para tingnan kung luto na ba ang nag-iisang putahing alam kong lutuin maliban sa pritong itlog at pritong isda ang Indo Mee.
"Maglalaba, matutulog ng matagal at baka pumunta ako ng Kotaraya. Magpapadala saglit at malapit na ang birthday ni Mama Zeraphine," sagot ko habang inilalagay sa mangkok ang noodles na niluto ko.
Yeah noodles, iyan ang paborito naming lutuing mga ofw. Bukod sa matipid na, mabilis pang lutuin kaya nga instant ang tawag dito. Akala ng iba masarap maging ofw pero kakambal ng malaking sahod na natatanggap namin ang halos wala na kaming mga oras sa sarili namin. Homesick ang isa sa pinaka kalaban namin sa bawat araw lalo na noong baguhan pa lang kami.
"Gusto mo bang sumama?" tanong ko kay Jasmine. Bahagya itong nag-isip bago sumagot.
"Oo lalabas na lang din ako gaya mo bago pa ako mabwisit bukas diyan sa bruhang Indonesian na sipsip na iyan," naiinis at nakasimangot na sabi nito.
Tulad ko hindi rin nito gusto ang iba naming kasama dito sa hostel. Bukod sa mga tamad na nga ang mga itong maglinis, kung sinu-sino na lang na mga lalaki ang dalhin at papasukin dito sa hostel.
Kung tsismusa lang din kaming gaya nito malamang natanggal na ito sa trabaho.
"Mukhang wala pa si Indo," sabi ni Jasmine na ang mga mata nakatutok sa pintuan.
"Asa ka pang uuwi 'yon ng maaga." Kibit-balikat na sagot ko. Alam ko naman kasi na kung umuwi 'yon kalimitan malapit ng maghatinggabi. Napaka seloso pa naman ng Bangladesh na boyfriend nito na akala mo eh laging maagawan.
Hay ano bang pakialam ko. Nailing na lang ako sa naisip at itinuloy ang pagkain ng malamig ng noodles.
"Girl manood tayo ng football mamaya," pag-aya sa akin ni Jasmine.
"Hindi ako sure girl," sagot ko lang dahil hindi ako sigurado kung gusto ko bang pumunta sa restaurant na palagi naming kinakainan.
May ginawa kasi silang malaking screen na parang sa sinehan. Ugali na kasi ng mga Malaysian tumambay sa mga stall na gaya nito at manood ng football habang umiinom ng tea tarik. Ang famous na tea ng Malaysia.
Mahilig sa football si Jasmine habang ako naman ay nababagot. Hindi ko kasi maintindihan ang laro, siguro dahil wala akong hilig dito. Malimit kasing kasama ako ni Jasmine pero naka-headset naman ako at nanonood ng wildflower ni Maja Salvador.
Kung may television man lang sana dito sa hostel, hindi ko na kailangang lumabas para samahan si Jazz. "Sige na girl, samahan mo na ako malapit na magsimula ang laro oh," sabi nito sabay turo sa orasan.
Ano pa nga ba ang magagawa ko kun'di ang pumasok sa kwarto at magbihis para samahan ang adik sa football na si Jasmine Alcantara.
"Sabi ko na nga ba hindi mo ako matitiis," nakangiting sabi pa nito habang hawak na ang wallet at susi ng bahay.
"Aangal pa ba ako eh handa ka na, isa pa nakapag-bihis na rin naman ako. Basta sagot mo ang kwe-teow ha?" Parinig ko, iyon kasi ang paborito ko.
"Okay lang girl basta 'wag ka na ulit mananapak doon ha." Biro nito sa akin.
Alam ko naman may pagka-hot tempered talaga ako. Wala akong pasensya sa mga lalaking walang magawa sa buhay, kaya may isang nakatikim na naman sa akin.
"Grabe ka naman Jazz, sasamahan lang kita doon," nakasimangot na sabi ko.
"Girl, hindi na bago sa akin 'yan ano. Marami kayang tao doon mag-behave ka," pang aasar pa nito sa akin. Anong akala naman nito sa akin tuta, mag-behave talaga.
"Naku Jasmine, kapag hindi ka pa lumabas ng pinto na iyan mag-isa kang pupunta doon," pananakot ko dito paano napakabagal kung kumilos.
"Palabas na po madam, heto at nagmamadali na," sabi nito na inabot ang payong saka mabilis lumabas ng pintuan.
Matao na sa lugar ng dumating kami. Karamihan mga staff ng ospital at mga sundalong nakadamit uniporme pa. Iginala ko ang mga mata at napangiwi ako ng makita ang taong hinahanap ko. Nasa kaliwang bahagi ito ng pwesto namin, dalawang lamesa ang pagitan at nakita ko rin itong nakatingin sa akin.
"Buti nga sa'yo," bulong ko ng makita ko sa liwanag ng ilaw pagmumukha nito. Nakakatawang nabangasan ko ito, mukhang malakas ang tama ng kamao ko at nagkukulay ube nga ang kaliwang bahagi ng mata nito.
"Anong binubulong-bulong mo?" tanong ni Jasmine matapos akong sikuhin sa tagiliran.
"Wala, sabi ko manunuod na lang ako ng wildflower," palusot ko at baka sabunutan ako kapag nalaman niyang nagdiriwang ang kalooban ko sa resulta ng ginawa ko.
"Good job Shaira Chavez," parang nag-echo sa pandinig ko ang boses ni Emilia Ardiente ng wildflower.