Halos ibigay ni Alonzo ang buong buhay, puri, dangal, at pag-ibig niya para kay Thalia, ang kinikilala niyang asawa. Ngunit sa kabila ng lahat ng kanyang pagsusumikap na makuha ang loob nito, wala iyong epekto sa babae. Para kay Thalia, isa lang siya sa daang mga lalaking pagsasawaan nito.
Madali siyang palitan.
Hindi niya iyon iniinda. Para sa kanya, handa siyang magpakaalipin para sa pagmamahal nito. Tiniis niya ang pinaghalong sakit at sarap na ibinibigay ni Thalia sa kanya. Tiniis niya ang lambing at panibugho nitong tila siya palagi ang pinagbubuntungan. Mahal niya ang babae. At kahit na katumbas man ng kanyang pagmamahal ay ang pagtitiis sa pagka-sadista nito, gagawin niya.
Ngunit tunay na mapaglaro ang tadhana, lalo na nang makilala niya si Teresa, isa sa mga bagong katulong na kinuha ni Thalia para sa kanilang mansyon. Pinigilan ni Alonzo na mahulog sa mga ngiti nito, o sa malambing at maalalahanin nitong tinig. Pinigilan niya ang sarili na mangialam sa gulo ng buhay ng dalaga. Ngunit paano niya pa ba pipigilan ang puso niya, kung unti-unti na itong nakukuha ng bagong kasambahay nila?
At ang nakapagtataka, hindi man lang tumutol si Thalia nang malaman nitong may iba pang laman ang puso niya. Bagkus ay may isa itong hiling sa kanya. Isang hiling na magpapabago sa kanyang buhay.
Sabi nila, ang relasyon ay para sa dalawang tao lamang. Ngunit paano kung may dalawang ipinipintig ang puso niya? Pipiliin niya ba si Thalia na may malaking inililihim sa kanya, o si Teresa na nakakaalam ng tunay niyang pagkatao?