Si Don Eliazar ay matandang binata, wala na siyang pamilya. Maging mga magulang at mga kapatid. Nasa late 40's na siya, wala rin siyang anak kahit mahilig siya sa makamundong bagay. Ayaw niyang magkaron ng anak na magiging kaagaw pa niya sa kanyang kayamanan. Ang nais niya at pinakapangarap sa buhay ay masakop ang buong mundo, iyon bang siya ang sasambahin ng mga ito. Gagawin siyang diyos at luluhuran ng lahat.
Ayaw na niyang siya ay yuyurakan at aapihin ng sinuman. Kaya ng magkaron ng pagkakataon na mapabilang siya sa isang grupo na may kakayahang magmanipula ng mundo, sinamantala niya ang lahat. Kaya sa edad na twenty five ubod na siya ng yaman. At ngayon ang target niya ay ang lugar kung saan inapi at inalipusta ang kanyang Inay, ang Sitio Uno. Dito sila naninirahan noon hanggang sa nagkaroon ng nakahahawang sakit ang kanyang Inay. Pinatay siya ng taumbayan, sinunog ng buhay na tila isang aso lamang ang pinapatay nila. Natulo ang luha ng Don ng maalala ang lahat. Para siyang basang sisiw noon ng palihim na tumakas kasama ang kanyang Ama na dahil may sakit din ay kinamatayan na ang pagtakas nila sa lugar. Namuo ang matinding galit sa puso niya at ipinangako niya sa sarili na babalik siya para ipaghiganti ang nangyari sa kanyang pamilya.
"Nagsisimula na ako Inay, sa wakas maipaghihiganti na kita at sisiguraduhin kong luluhod sila sa lupa para humingi ng awa at sasambahin nila ako bilang panginoon nila!" tila baliw na sabi niya sa sarili. Lumuluha habang nakangisi.
Samantala.
Nasa malayo lamang nakatanaw si Kapitan Rab sa mga ka-sitio niya na dumadaing ng matinding gutom. Naririnig niya ang iba umiiyak, may sumisigaw. May nasa labas ng bahay habang hawak-hawak ang ulo marahil masakit na dahil sa gutom. Napahawak siya sa ulo, sumasakit na rin dahil sa mga nangyayari sa kanyang nasasakupan. Pano pa sila makakaligtas sa ganitong sitwasyon nila. Wala pang dumarating na tulong mula sa gobyerno.
Nagulat siya ng may sumigaw. Agad na napatakbo si Kapitan Rab sa bahay na mismong pamilya niya ang may ari. Andito ang second batch ng mga hindi pa nagkakasakit ngunit hindi niya natitiyak ang kaligtasan ng mga ito. Lalo pa at wala na silang makain. Maging siya at kanyang nasasakupan ay halos tinitipid nalang din ang natitirang supply. Isang beses sa isang araw nalang din sila kumakain. Baka mamatay na silang lahat sa gutom kapag umabot pa ng dalawang linggong walang tugon ang gobyerno. Naisin man kasi niyang tumawag sa mismong munisipyo nila, wala namang cellphone na maaring gamitin. Wala kasi sa kanilang signal ang cellphone, nag iisang landline lang ang kanilang contact sa mga ito pero sa hindi niya malamang dahilan, nasira ang telepono. Kaya nagpadala sana siya ng tao para maiparating sa munisipyo ang pinagdadaanan nila sa Sitio. Ngunit mahigit isang linggo na, hindi pa rin ito nakakabalik.
"Kapitan! Si Lucia po, hinimatay!" sabi ng humahangos na si Mang Ben. Ang tatay ni Lucia.
Agad niya itong dinaluhan.
Butil-butil ang pawis ng dalaga, wala naman itong lagnat pero hinang-hina ang itsura nito. Marahil dahil sa halos tatlong araw na itong walang kain. Inutusan niya ang isang tanod na kumuha ng natitirang tinapay na nasa opisina niya. Isang pirasong monay iyon, pero maaari ng makapawi ng matinding gutom ng dalaga. Pagkabalik ng tanod, tamang-tama namang nahimasmasan na ang dalaga. Iniabot niya ang nag-iisang pirasong monay at tila bata itong gutom na gutom at agad na nilantakan. Nakita niya kung papanong maglunukan ng laway ang mga tao doon. Gutom na gutom ang mga ito at animo nais agawin ang nag-iisang pirasong tinapay kay Lucia.
Halos madurog ang puso ni Kapitan Rab sa nakikita. Dati napakasagana at payapa ang kanyang nasasakupan. Dalawang taon na ang nakararaan ng siya ay lumaban at manalo sa eleksyon. Tuwang-tuwa ang lahat ng siya ay manalo. Sa edad na twenty five, ang nasa isipan niya ay ang makapaglingkod sa mamamayan.
"Kapitan, kami din po pahingi. Gutom na gutom na po kami," sabi ng isang Ginang.
"Pasensya na po Ate Malyn, wala na po talaga ei. Maging kami ay wala na pong makain," malungkot na pahayag niya.
"Papano na po tayo nito Kapitan? Mamamatay tayo lahat nito sa gutom kapag hindi pa dumating ang tulong ng gobyerno. Hindi po ba pwedeng lumabas ang kahit na isa sa inyong tanod para makapamili ng pagkain sa bayan?" tanong naman ng may edad ng lalaki.
"Hindi po tayo maaaring lumabas ng ating Sitio Tatay Hulio, maaari po tayong makahawa at lumaganap ang virus na kumakalat dito sa ating Sitio sa iba't-ibang lugar. Pag nagkataon po napakalaking problema ang haharapin ng ating gobyerno. Hayaan nyo po, magdasal lamang po tayo na sana may makarating tulong satin," magalang na pahayag niya sa mga ito. Kapag kuwa'y nagpaalam na siya.
Bumalik sa opisina ng Sitio at kinausap ang mga taong magsusunog ng mga panibagong bangkay. Tila hapong-hapo napaupo si Kapitan, napahilamos sa mukha at tila sumasakit ang ulo dahil nahilot niya ang sintido.
"Kapitan! May bagong tatlong namatay! Ano na po ba ang gagawin natin? Unti-unti na po tayong mauubos nito!" maluha-luhang pahayag ng tanod na kadarating palang.
"Hindi ko na nga rin alam Mang Pepe, ano na nga po ba ang dapat gawin. Lumapit na din po ako kay Don Eliazar pero hindi ko po masikmura ang nais niyang kapalit ng pagtulong," naluluha na ring sabi niya dito.
"Bakit kapitan, ano po ba ang nais niyang kapalit?" tanong nito.
Sinabi niya ang nais ng Don sa pinakamatandang tanod ng Baranggay.
"Napakawalang puso talaga ng Hayop na Don na yan! Walang malasakit sa kapwa nya!" galit na pahayag nito.
"K-Kapitan! Handa po akong gawin ang lahat! Makakain lang po ang mga anak ko! " sabi ng isang Ginang na noo'y nasa may pintuan na pala ng opisina niya.
"Pero Susan, hindi tamang gawin mo iyan ng dahil sa pagkain!" galit na suway dito ni Mang Pepe.
"Mang Pepe, hindi ko ho hahayaang mamatay sa gutom ang mga anak ko! Namatay na nga ang kanilang Itay, hahayaan ko pa bang pati mga anak namin mamatay din. Hindi man dahil sa virus pero sigurado akong dalawang araw pang di sila makakain, ikamamatay na nila yon!" umiiyak na sagot nito sa matanda.
"Parang awa nyo na po Kapitan, dalhin nyo po ako kay Don Eliazar kahit gawin nya akong alipin masiguro ko lang na makakakain ang mga anak ko," umiiyak na pakiusap naman nito sa kanya.
Napasuntok sa pader ang walang magawang si Kapitan Rab. Dumugo ang kanyang kamao pero hindi niya iyon ininda, mas nasasaktan siya sa sinapit ng kanyang nasasakupan. Huminga siya ng malalim at saka tumango kay Susan. Ang babaeng, unang magiging biktima ng kahayukan sa laman ni Don Eliazar.
ITUTULOY