"Inay, inom na po kayo ng gamot. Ilang araw na po ang lagnat ninyo, hindi pa rin po mawala-wala," sabi ni Letty sa inang si Aling Waling.
Ilang araw na kasi itong inuubo, may lagnat at nahihirapang huminga. Gustuhin man niyang dalhin ito sa ospital pero wala silang pera. Wala ring maayos na kita ang kanyang Itay sa panlalakaya kaya kahit sa pagkain ay hirap na hirap sila. Hirap na hirap namang bumangon ang Inay ni Letty para uminom ng gamot kaya inalalayan niya ito. Ngunit bigla itong nangatog, iyong pangangatog na malakas at halos mabitawan na niya ito.
"I- Inay! Ano po bang nangyayari sa inyo?! Innnaayyyy," sigaw niya.
Ilang sandali lamang ay nahinto ito sa panginginig ng katawan at huminga ng malalim saka tuluyang nalagutan ng hininga.
"Inaayyy! Inaaayy kooo... Itay, si Inay!" malakas na sigaw niya habang walang tigil sa pag-iyak.
Humahangos namang lumapit si Mang Mario at agad na niyakap ang wala ng buhay na asawa. Dinaluhan naman sila ng kanilang mga kapit bahay at nagtulong-tulong para maiayos ang burol ni Aling Waling. Ilang araw lang, inilibing na nila ito kaagad. Malalapit na kamag-anak at kapit bahay lamang ang nagsidalo. Naging malungkutin ang naulilang pamilya ni Aling Waling, si Letty halos manatili na lamang sa kanyang maliit na kwarto at si Mang Mario naman ay ganon din.
Isang linggo ang nakalipas matapos mailibing si Aling Waling, dinapuan din ng sakit si Letty. Katulad ng sakit ng Ina, lagnat, ubo, nahihirapang huminga.
Umiinom siya ng gamot pero tila wala iyong epekto, takot na takot na siya. Maging ang tatay niya ay nakikitaan na rin niya ng sintomas. Inuubo ito kahit walang sipon. At tila may lagnat na rin ito kaya nagpasya silang mag-ama na pumunta sa kanilang center. Pagdating doon, simpleng lagnat at ubo lang daw iyon. Binigyan naman sila ng gamot kaya medyo napanatag na ang kanyang loob.
Lumipas ang tatlong araw, nagtataka ang mga kapit bahay ng mag-ama dahil nananatili pa ring sarado ang bahay ng mag-ama, samantalang tanghali na. Dati-rati madaling araw ay nakabukas na ang mga ito. Kaya kinatok na ito ng nag-aalalang kapitbahay na si Mang Gustin.
May narinig silang tila sumagot pero mahina kaya nagpasya na silang sirain ang pintuan ng mag-ama. Ganon nalang ang kanilang pagkagulat ng makita nila si Mang Mario na nakahandusay at wala ng buhay. Agad itong linapitan ni Mang Gustin at ilan pang kalalakihan.
Pinuntahan naman ng dalawang babaeng kapitbahay nila si Letty. Naabutan nila itong nakatalukbong ng kumot. Inuubo, tila nahihirapang huminga at bahagyang nanginginig. Sinalat ng isa ang noo ni Letty at natuklasan nila itong inaapoy ng lagnat.
"Dyosko Letty, ano bang nangyayari sayo?!" bulalas ng isa, ngunit biglang tumindi ang panginginig ng katawan nito at ilang sandali pa lang ay nawalan na iyo ng buhay.
Gimbal na gimbal ang lahat sa pangyayari. Biruin mo namatay ang lahat ng myembro ng pamilyang ito sa hindi nila malaman kung saan nanggaling ang sakit ng mga ito. Nagtulong-tulong ang lahat, matapos ang dalawang araw naipalibing na ang mag-ama. Wala namang kamag-anakan sa malayo ang mga ito kaya kahit hindi na patagalin pa ang lamay.
Isang linggo matapos ang pagpapalibing sa mag-ama, nagsunod-sunod na rin ang nagkaron ng sakit na tulad ng sakit na naging sanhi ng pagkamatay ng mag-anak nina Letty. At makalipas lamang ang ilang araw, ang lahat ng nagkaron ng personal contact sa mag-ama ay binawian na rin ng buhay. Nagpanic na ang lahat ng mga taga Sitio Uno.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang kanilang kapitan. Nagkaron ng pagpupulong at napagpasyahan na magdeklara ng lockdown. Na kung saan, hindi na pahihintulutan ang sinumang lumabas ng Sitio at maging ang sinumang magtatangkang pumasok doon. Ngunit dahil sa biglang pangyayaring ito, hindi sapat ang pagkain na naimbak ng may mga tindahan sa kanilang lugar kaya imbis na magbenta sila. Hindi na sila nagbenta bagkus ginawa na nila itong pansariling kunsumo. Naubos na rin ang mga gamot at alcohol sa maliit ng botika ng Sitio.
Ang mga namatay ay hindi na ipinalilibing, nais man nila itong bigyan ng maayos na libing ngunit sa takot na mahawa sila sa misteryosong virus na lumalaganap sa kanilang lugar. Gumawa nalang sila ng isang malaking hukay na kung saan, doon nila tinatapon ang mga bangkay at sinusunog.
Halos isang linggo na sila sa ganoong sitwasyon pero wala pa ring tugon ang gobyerno, may ipinadala na kasing tao si Kapitan para ipagbigay alam sa nakatataas ang sitwasyon nila pero hanggang ngayon wala pa ring aksyon ang gobyerno. Ang lahat ng may mga sintomas ay pinagsama-sama nila sa isang lugar at ang lahat naman ng wala ay pinagsama-sama na rin sa iisang lugar. Ang lahat ay natatakot, ang lahat ay nangangamba na baka isa nanaman sa kanila ang mamatay. Na baka maubos ang kanilang pamilya katulad ng nangyari sa pamilya ni Mang Mario.
Ngayon lagpas ng isang linggo, sa araw-araw ay may namamatay. Isa, dalawa, tatlo, apat. Kadalasan dahil sa sakit pero ang ilan ay dahil sa matinding gutom. Wala na silang supply ng pagkain, maging ang nakaimbak na pagkain ng Baranggay ay ubos na rin. Marami ang umiiyak dahil sa gutom pero wala namang magawa si Kapitan Rab. Iisa nalang ang naiisip niyang paraan, ang lumapit sa nag-iisang taong makakatulong sa kanila. Si Don Eliazer, ang pinakamayan sa kanilang lugar. Ang nag-iisang Don na nagmamay-ari ng malaking pagilingan ng bigas na nagsu-supply sa buong kamaynilaan at maging sa ibang bansa. At may ari din ng malalaking pharmacy sa iba't-ibang lugar. Ngunit nag-aalangan siyang lumapit dito dahil tuso ito, alam niyang ang lahat ng ibibigay nitong tulong ay may kapalit. At alam din ng kapitan na hindi niya magugustuhan ang hihingin nitong kapalit. Ngunit napatingin siya sa mga taong sa kanya nalang umaasa, umiiyak, nagmamakaawa, tinatawag ang pangalan niya.
"Ano po ba ang dapat kong gawin? Ngayon ako kailangan ng mga tao, napaka inutil ko wala akong magawa," paghihinagpis niya sa sarili.
May lumapit sa kanya, isa sa tanod ng baranggay ibinalita nito na may lima nanaman daw na namatay. Napaluha nalang ang butihing kapitan. Ang kailangan nila ay pagkain at mga gamot, at iisang tao lang ang makakatulong sa kanila at iyon ay Si Don Eliazer.
Kasalukuyan namang nakatanaw sa veranda ng ika-apat na palapag ng kanyang villa si Don Eliazer.
"Lalapit din kayo sakin mga hampaslupa! Magagawa ko na ang lahat ng aking naisin! Paglalaruan ko kayo at uutusang ako ay inyong sambahin!" tila baliw na pahayag ng Don sa sarili kasunod niyon ang malademonyong tawa, kung maririnig ng sinuman ay mangingilabot dahil animo boses talaga ng demonyo ang tumatawa.
"Don Eliazer, andito po si Kapitan Rab nais daw po kayong makausap," narinig niyang sabi ng kanyang mayordomo.
Napangisi siya.
"Sige, papasukin mo at bababa na ako."
ITUTULOY