Episode 1
“Tay, narito na po ako! At may dala akong pansit! Yes, yes, yes! My father dear! Pansit pampahaba ng buhay! Kaya lumabas na kayo riyan sa lungga niyo hanggat hindi ko pa talaga ito nauubos. Sige, kayo rin, alam niyo naman kung gaano ako kalakas kumain. Kapag naumpisahan ko itong lafangin, kahit isang butil ng paminta wala na kayong matitikman. Kaya, kain na tayo ng pansit, tay!” tawag ko sa nag-iisa kong magulang at saka ko pa siya sinisilip kong patungo na rito.
Kauuwi ko lang galing sa trabaho at sakto naman na may nag celebrate ng birthday sa isang department sa kumpanya kung saan napadaan ako.
Hindi naman talaga ako dumadaan doon pero sadya yata talagang hinatak ako ng mga paa ko dahil may biyaya pala akong matatanggap.
Tinawag nila ako at sino ba naman ako para tumanggi sa grasya?
Hindi dapat tinatanggihan ang grasya lalo na at kusa itong lumalapit.
“Tay, ang tagal mo namang lumabas ng kwarto niyo? Tara na po at kumain na tayo habang mainit-init pa itong pansit. Ang dami pa namang sahog. May paborito niyo pa naman, atay, balun-balunan, may hipon at may squid balls, may sahog pa nga yatang abalon. Iyong sa mga k-drama na kesyo mahal daw ang presyo.” Kwento ko pa kahit wala naman talagang abalon na kung ano man ang pagkain na yon. Balun-balunan ang talaga ang meron.
“Tay, nasan ka na po ba? Gutom na ako. Nagugutom na po talaga ako, tay!” tawag ko ulit sa tatay ko na hindi pa rin tumutuloy dito sa kusina kaya naman pinuntahan ko na siya sa kanyang silid.
“Tay, kain na tayo ng pansit!” sabi ko na naman kasabay ng pagbukas ng pinto ng kwarto ng tatay ko.
Naabutan ko siyang nakahiga, nakapikit ang mga mata, nakanganga ang bibig at nakalaylay ang isang kamay sa gilid ng kanyang papag.
“Tay, gising na po. May dala na akong pansit,” wika ko sa malungkot na tinig at saka na lumapit sa tatay ko.
Sinalakay ako ng kaba sa dibdib dahil kung bakit naman ganun ang itsura ng tatay ko.
Iniwan na yata ako ng tuluyan ng nag-iisa kong magulang.
“Tay, gising na po. Pagsaluhan na natin ang pansit,” sabay yugyog ko sa kanyang katawan ngunit hindi pa rin siya nagigising.
Traydor ang sakit na highblood kaya sinisikap ko talagang mabili lahat ng kanyang mga gamot para hindi siya atakihin na muli.
Kahit wala ng matira sa sinasahod ko ay talagang sinasadsad ko ang mga gamot, mga,vitamins at iba pang pangangailangan ng tatay ko.
“Tay, bakit mo ako iniwan? Bakit naman po? Tay, paano na ako ngayon?! Sino na lang ang kasama kong kakain nitong pansit? Tay, gising na! Gising na po at sabay tayong kumain ng pansit, tatay!” palahaw ko sabay yakap ko na sa katawan ng aking kaawa-awang ama.
Ngunit isang malakas na tapik sa aking braso ang naramdaman ko.
“Aray ko naman!” reklamo ko pa dahil sa pangalawang tapik ay malakas na pagpalo na ang ginawa niya na nakaramdam ako ng sakit.
“Diyaske kang bata ka! Anong drama na naman kasi ang pinagagagawa mo at anong iniwan na kita at paano ka na ngayon? Natutulog ako pero kung makapalahaw ka ay para bang namatay na ako? Ano bang meron sa pansit na dala mo at kailangan mo pa akong gisingin para lang makakain niyan?” inis na inis na mga tanong sa akin ni tatay.
“Ay! natutulog lang po pala kayo, tay? Akala ko naman ay dahil ayaw niyong tumigil sa pag-inom ng alak ay kinuha na kayo ng kumpare niyong si San Pedro,” biro ko pa sa kanya na marahan ng tumayo sa kanyang kama.
Alam ko naman na tulog lang siya at sinubukan ko lang umarte gamit ang hindi mamatay-matay na aktingan sa drama kasama ang pamosong pansit.
Pinalitan ko nga lamang ng salitang tatay ang nanay na siyang madalas sabihin sa drama.
Tuluyan na ngang tumayo si tatay at saka na nauna ng lumabas ng kanyang silid.
Pero hindi na normal kung maglakad ang tatay ko dahil sa stroke na nangyari sa kaniya.
Hindi niya na makilos ng mabuti ang kanang bahagi ng kanyang katawan. Pirmis na hindi niya na matuwid ang kanang braso habang ang kanang paa naman ay para bang hirap na hirap niya ng maihakbang kaya tila hinihila na lang ng kaliwa niyang paa ang kanan para makausad.
Mabuti nga at kahit paano ay hindi naging baldado si tatay gaya ibang na stroke na.
Ang iba kasing stroke patient ay hindi na nakakatayo mag isa o kaya ay nakakalad pa.
Tinulungan din kasi ni tatay ang sarili para makagalaw muli na siya namang nagagawa niya na ngayon bagamat may limitasyon na.
Naiiwan ko pa nga si tatay ng maghapon dito sa bahay. Basta bago ako pumasok sa trabaho ay nakaluto na ako ng pagkain niya at hinahanda ko na sa ibabaw ng lamesa ang lahat ng mga gamot na dapat niyang inumin pangontra sa pagtaas ng kanyang blood pressure.
Ibinibilin ko na lamang siya sa mga kapitbahay namin na halos mga kamag-anakan naman namin.
Sumunod naman ako at isinalin na ang pansit sa plato mula sa lalagyan nitong styro. Hinati ko ang pansit dalawang lalagyan at saka na nga inilapag sa harap ng tatay ko ang isang plato.
“Saan ka ba naman ba namburaot at may uwi ka na namang pansit?” untag ng tatay ko at saka umupo na sa harap ng lamesa kung saan na rin ako nakaupo.
Hinalo ko muna ng mabuti ang pansit na pinatakan ko ng dalawang piraso ng bilog na kalamansi pagkatapos ay nagsalin na muna ako ng tubig sa dalawang baso.
“Grabe ka naman makapagsabi ng buraot, tay? Hindi po ba pwedeng inimbitahan ako sa isang birthday celebration at kusang binigay sa akin ang pansit na ito dahil alam nila na mayroon akong gwapong tatay na naghihintay dito sa bahay?” kontra ko sa tatay ko na kilalang-kilala talaga ako.
“Nakuh! Kilala ka na sigurong mapamburaot kaya inunahan ka ng bigyan.” Kontra pa ng sarili kong ama na nagsimula ng haluin ang kanyang pansit.
“Ang sabi mo kanina ay maraming sahog itong pansit!? Ano at lumabo na ba mga mata ko at wala yata akong makita kahit balahibo ng manok?” aniya sa akin.
Bawal kasi sa kanya ang masyadong matataba at mamantika kaya talagang inihiwalay ko ang mga sahog.
“Tay, matanda na talaga kayo, ano? Una niyo na kayang kinain,” biro ko pa.
“Ako nga ay huwag mong pinagloloko, Erica. Anong inuna kong kinain gayong kahit isang piraso ng pansit ay wala pa naman akong naisusubo!” galit ni tatay.
Mahina na lang akong natawa dahil hindi ko siya maisahan.
Oo at matanda na siya pero matalas pa rin ang isip at hindi makakalimutin.
“Si tatay hindi na mabiro. Paano kayo makakabihag ulit ng mapapangasawa kung lagi kayong galit? Hayan oh, tay! Umuusok dalawang butas ng ilong niyo tapos medyo lumalabas mga pangil niyo. Hawakan niyo ang pwet niyo at baka may buntot na po kayo,” patuloy ko pang pagbibiro.
Ganito naman kami ng tatay ko. Akala ng ibang makakarinig o makakakita ay nag-aaway kaming dalawa ngunit lambingan namin ni tatay ang magali siya sa akin habang patuloy kong iniinit ang ulo niya sa mga banat ko.
“Mabuti pa at buksan mo na ang telebisyon at hindi puro ingay ng bunganga mo ang naririnig ko.” Utos niya na ni Tatay.
Manonood na siya ng paboritong niyang news program sa paborito niyang tv station.
Kapag nanunuod pa naman si tatay ay walang humpay ang bibig niya sa pagbibigay ng opinyon sa narinig na balita gaya ng pagtaas ng gasolina at ng iba pang mga mahahalagang bilihin.
Panay din ang busa ni tatay kapag nakita niya ang mga ayaw niyang pulitiko o celebrity.
Basta kada balita ay may side comment siya na huwag na huwag dapat kontrahin dahil hindi patatalo si Tatay sa kung anong kanyang pinaniniwalaan.
“Ano ba naman yan, bakit ang daming tattoo ng lalaking yan?” tanong ko ng mamataan ang isang lalaki na nasa tv screen.
“Ano naman kung maraming tattoo? Erica, hindi mo ba alam na isang uri ng sining ang tattoo kaya hindi mo dapat na hinuhusgahan ang tao dahil lang sa may tattoo sa katawan.” Sermon ni tatay kahit wala naman akong ibang sinabi tungkol sa lalaking may mga tattoo.
Naalala ko tuloy iyong lalaking kilala ko na maraming tattoo.
Iyong lalaking kinuha ang lollipop ko at saka niya isinubo kahit na galing na sa bibig ko ang candy.
Napakahambog ng lalaking iyon.
Tanungin ba naman ako kung magkano ako?
Kung makapagtanong ay para bang siya na ang pinakamayaman na tao sa buong universe!
As if naman na kaya niya akong bayaran?
Kaya wala talaga akong tiwala sa lalaking iyon.
Isinisigaw ng mga tattoo niya sa katawan kong anong klaseng pagkatao meron siya.
Dapat talaga ay hindi ko pinagpapansin ang lalaking iyon.
Kung bakit naman kasi sa tuwing maliligaw siya sa kumpanya ay nagkikita kaming dalawa.
Naroon iyong kindatan niya pa ako kahit hindi naman kami close.
Nakakadiri talaga ang lalaking yon!
Gusto ko talagang tusukin ang mga mata niya kapag nakatingin siya sa akin.
Hindi naman ako bold star pero kapag nakatingin siya sa akin ay para bang nais niya akong hubaran.
“Anong pinagsisintir mo at halos masira na ang plato kakatusok mo niyang tinidor?” napatingin tuloy ako sa kung anong ginagawa ko sa naging tabong ni tatay.
Napalakas na dala ang pagtusok ko sa pansit na kinakain ko.
“May naalala lang kasi akong lalaking maraming tattoo, tay. Naiinis kasi ako sa lalaking iyon,” pag-amin ko naman.
“Aba'y himala! Panay ang kwento mo ay tungkol sa kung paano ka yayaman at kung paano ka mambubudol ngayon ay tungkol sa isang lalaki ang kwento mo. Gwapo ba ang lalaking iniisip mo, anak?” ani ni tatay na para bang masaya pa na naringgan akong naiinis sa isang lalaki.
“Tay, mukha siyang pader na na-vandalize. Tadtad nga po ng tattoo ang katawan niya. Pati sa leeg ay mero kulang na lang ay pati na sa mukha biya. Ang pangit niya. Wala siyang itsura,” matatas kong sagot.
Alam ko naman na may itsura si Baron pero hindi ko aaminin at baka malaman niya pa ay lalo iyong magpapansin sa harap ko.
“Macho ba? Malaki katawan?”
“Ay para siyang kawayan tay. Iyong katawan, walistingting sa payat. Isang bulate na lang ang pipirma at matetegi na siya,” pagsisinungaling ko pa.
Hindi ko maintindihan kung bakot kailangan kong magsinungaling sa tatay ko dahil sa Baron na yon!
“Bakit parang asar na asar ka talagang sa lalaking yan, ano? Kulang na lang ay sabihin mo na sa akin na mukha siyang tae sa pagkaka-described mo sa kanya.”
“Tay, makabaggit naman kayo sa tae parang wala tayo sa harap ng pagkain. Basta pangit po ang lalaki na sinasabi ko sa inyo,” sansala ko pa kay tatay na wala rin filter ang bunganga. Tuloy-tuloy din.
“Gusto kong makilala ang lalaking yan. Gusto kong itanong kung anong ibig sabihin ng mga tattoo niya sa katawan.”
“Tay, hindi kami closed para yakagin ko siya rito sa bahay at ipakilala sayo,” kontra ko pa sa gustong gawin ni tatay.
At saka, as if naman na pagkakaabalahan ni Baron na sumamasa akin para makilala siya ng tatay ko.
Ano, sasabihin ko sa kanya na hi, hello, pwede ba kitang yakaging sa amin? Gusto ka kasing makilala ng tatay ko.
Ang mga taong katulad ni Baron ay pumatay lang at magpayaman ang alam.
Magpakalunod sa kapangyarihan at sa yaman na tinatamasa.
Kaya nga ang lakas ng loob na tanungin kung magkano ba ako?.
Kahit walang-wala ako ay hinding-hindi ako lalapit sa mga taong kagaya ni Baron.
Mahirap na at baka kung anong hingiin niyang kapalit.
“Malay mo naman ay ligawan ka niyang lalaking sinasabi mong mukhang tae. Alam mo kami ng nanay mo ang nagsimula sa ganyan na away-away kunwari pero kami rin ang nagkatuluyan.”
Literal na naibuga ko ang tubig na iniinom ko sa sinabi ng tatay ko.
At paano niya naman nasabi na liligawan ako ni Baron?
At saka, hindi ko ma-imagine na makikipagrelasyon ako sa halimaw na maraming tattoo!
“Tay, love story niyo ni nanay iyon. Hindi ko love story lalo kong makakapartner ko lang ay si Baron!” kontra ko na sa sinabi ni tatay at nabanggit ko pa ang pangalan ng pinakahambog na lalaking nakilala ko sa whole universe!