CHAPTER 1
HALOS liparin na ni Hada ang kahabaan ng side walk sa kalsada para lamang makarating agad sa kaniyang trabaho. Mabuti na lamang at siya ang tipo ng empleyado na hindi mahilig magsuot ng mga stilettos kung kaya'y nagagawa niyang makipag-patentero sa mga tao sa paligid kapag kinakailangan. Suot ang sneakers na bagong bili niya noong nagdaang sahod... maging ang maong na kupas na tinirnuhan niya ng long sleeve na puti. Pinagpapawisan at hinihingal pa siyang tumatakbo papasok sa entrance ng building na pinagtatrabahuhan niya. Nasa hallway pa lamang siya ay agad niyang nakasalubong si Rowena; isa sa matalik niyang kaibigan sa trabaho.
"Hoy bruha! Bakit ngayon ka lang?" tanong nito nang mabilis nitong mahagip sa braso si Hada para pigilan.
"Nasa itaas na ba si sir?" sa halip ay balik na tanong niya sa kaibigan. "Pasensiya na bakla. Na-late ako ng gising e! Paano ano'ng oras na kami pinauwi kagabi dahil kailangan daw tapusin ang tambak na trabaho." Pagpapaliwanag niya habang nagtataas-baba pa ang dibdib niya sa labis na hingal.
"Hindi ako ang boss mo kaya huwag ka sa 'kin mag paliwanag." Natatawa namang pagbibiro nito sa kaniya. "You're lucky today. Wala pa si sir. Bilisan mo at ng makapag-retouch ka muna. Tingnan mo ang sarili mo sa salamin." nang-aasar pang dagdag na saad nito sa dalaga.
Napapairap na lamang si Hada na muling ipinagpatuloy ang paglalakad para tunguhin ang elevator. Mabuti na lang pala at wala pa ang boss nila.
Bago magtuloy sa kaniyang lamesa ay dumaan muna siya sa comfort room para ayusin ang kaniyang sarili. Ramdam niya ang panlalagkit ng mukha niya dahil sa matinding pawis kanina. Saktong pagdating niya sa kaniyang puwesto ay naroon na rin si Adrian; isa niya pang kaibigan na hindi niya maintindihan kung kalahi ni Adan o ni Eva.
"Bakla, late ka?"
"Hindi! Actually kanina pa ako rito, hindi mo lang ako nakita,” patuyang sagot niya sa kaibigan na ikinairap naman nito sa kaniya. "Nagtatanong pa kasi e!" aniya na hindi na rin napigilan ang mapangiti.
"Grabe naman kasi si sir. Parang wala ng bukas kung makapagpa-over time. Puwede naman ngayon gawin 'yong ibang trabaho na naiwan 'di ba?" anang Adrian.
"Hay!" pagpapakawala niya ng buntong-hininga. "E, kilala mo naman ang boss natin. Masiyadong workaholic. Pati tayo ay dinadamay sa kasipagan niya. Tingnan mo, may pimple ako dahil hindi ako nakatulog ng walong oras." Segunda na rin niya at kunwari nanamlay na umupo sa kaniyang puwesto. "Kung hindi lang siya guwapo at hindi ko siya mahal—"
"Hindi ka mag-aaksaya ng panahon na mag over-time para lang makasabay mo siyang lumabas ng building." Mabilis na saad ni Adrian na talagang kabisado na rin ang mga linya niya pagdating sa boss nilang matagal na niyang lihim na sinisinta. "Nako bakla! Kilala na kita. Ang landi mo talaga. Hindi ka naman maganda." Pagbibiro pa nito.
"Baklang 'to! Huwag ka ngang maingay diyan. Mamaya may makarinig pa sa mga pinagsasasabi mo diyan." Saway niya at inilibot pa ang paningin sa buong paligid. Naroon na halos lahat ng kasamahan nila sa trabaho, pero mukhang wala naman pakialam ang mga ito sa usapan nila dahil mga abala ito sa kaniya-kaniyang trabaho.
"Adrian..."
Ang maarteng boses ng babae ang biglang umagaw sa usapan nilang dalawa. Papalapit na ito sa lamesa ni Hada.
"Yes madam Eliza?" nakangiti pang sagot ni Adrian.
"In my office now. And you." Anito at tinuro pa ang dalaga bago tumalikod at naglakad palayo sa kanilang dalawa.
Sabay pang nagkatinginan si Adrian at Hada.
"Mainit na naman ang ulo ng ate mo, bakla!” bulong ni Adrian sa kaniya.
"Paano, nalamangan ko na naman sa ganda." Aniya.
Sabay silang napahagikhik dahil sa bulungan nila. Hanggang sa marating nila ang opisina ni madam Eliza. Ang Head Manager ng Accounting Department nila, at Assistant Manager ng Creative Department. Maganda naman ang babae, iyon nga lang mukhang nasobrahan ata ito sa kaartehan sa katawan maging sa ugali nito kung minsan. Pero minsan ay mabait naman ito basta sinasapian ng sampong anghel.
"Anong oras na, Hada?" pagsusupladang tanong nito sa dalaga nang makapasok ang dalawa sa opisina nito.
Mabilis naman na napasilip si Hada sa likuran ng babae kung saan naroon ang malaking wall clock at nakasabit sa dingding.
"Eight thirty po madam." Sagot niya.
"Exactly! Pero late ka." Mataray na saad nito pagkuwa'y tumayo mula sa swivel chair nito at may kinuhang mga folder mula sa gilid ng lamesa.
"Pasensiya na po madam. Late po kasi kaming nakauwi kagabi kaya late rin po akong nagising kanina." Pagpapaliwanag pa niya na tila kay amu-amo ng hitsura.
"It's not my problem anymore. Binabayaran ka ng kumpanyang ito para magtrabaho, hindi para ma-late ng pasok."
"Sorry madam!" muling saad niya na siniko pa ang katabing si Adrian.
"Ayokong sumabat baka sabunutan ako niyan." Bulong nito.
"Here, i-encode mo lahat ng 'to kasama na ang last month sales natin. I need that in one hour, okay. Ikaw, Adrian... where are the designs of the sofas and mattresses? Tatlong araw ko ng hinihintay 'yon. Baka naman hindi pa tapos ang team mo para gumawa ng mga desinyo?" saad nito na tumaas pa ang isang kilay maging ang isang sulok ng labi nito.
"Actually madam, tapos na po siya! And kinuha na po ni—"
"Bakit hindi mo ibinigay sa 'kin kung tapos na pala?" mabilis na saad nito kung kaya't natigil sa pagsasalita ang huli.
"Kinuha po ni sir Cohen kasi kailangan niya na raw pong makita ang designs. And sinabi ko po 'yon sa inyo kahapon pero abala po kayo sa kausap ninyo sa telepono kaya siguro hindi n'yo naalala." Pagpapaliwanag din nito sa babae.
Agad naman nagbago ang hitsura ni Eliza dahil sa huling itinuran ni Adrian sa kaniya. Tila napapahiya pang bumalik sa upuan nito. "Kinuha na pala ni Cohen. Very good!" anito. "You can go back to your work." Pagtataboy nito sa dalawa na agad namang nagmamadaling lumabas sa opisinang iyon.
"Kinuha na pala ni Cohen. Very good!" panggagaya pa ni Hada sa maarteng babae habang pabalik na sila sa kanilang puwesto. "Ang arte."
"Alam mo naman ang bruhang 'yon... pabebe kapag si sir Cohen ang kasali sa usapan. Duh! Masiyadong pahalata na gustong-gusto niya si sir, e, hindi naman siya ang tipo no'n." Segunda pa ni Adrian na sinabayan pa ng paghawi kunwari sa mahabang buhok at bangs nito.
"Nako! Huwag na huwag niyang aagawin sa 'kin si Cohen ko. Mag kakamatayan kami." Aniya at kunwari ay masama ang tinging ibinaling sa labas ng opisina ng kanilang madam.
May dalawang taon na rin siyang nagtatrabaho sa kumpanyang iyon; unang beses niya pa lamang na nakita ang binatang boss nila ay agad na nakuha nito ang kaniyang atensyon. Tila binihag ng binata ang kaniyang puso dahil sa tuwing makikita niya ito kahit sa malayuan, gano'n na lamang ang pagwawala ng kaniyang puso. Ang mga ngiti nitong mas matamis pa kaysa sa asukal; ang siyang laging bumubungad sa kanila tuwing papasok ito sa trabaho. Iyon ang pinakaunang dahilan kung bakit sobrang sipag niya na pumasok sa kaniyang trabaho. Kung tutuusin nga, puwede na siyang bigyan ng award na Most Punctual Employee ng Mueble Empresa, dahil sa kasipagan niya. Pinipilit niya na huwag magkasakit para lang hindi siya makapag-absent or leave sa trabaho. Dahil pakiramdam ng dalaga, kung hindi niya makikita ang binata, kulang ang araw niya. Awa ng Diyos sa loob ng dalawang taon na pagtatrabaho niya sa kumpanyang iyon... kanina lamang siya nahuli ng pasok. At tila'y umayon pa sa kaniya ang tadhana dahil wala pa ang boss nila. Apat na buwan na rin siyang nagtatrabaho bilang sekretarya ng binata. Siya ang ipinalit sa dating secretary nito. Siyang labis na ikinaligaya ng kaniyang puso.
"Go ka diyan bakla! Support kita! Di hamak na mas maganda ka naman kaysa kay madame." anang Adrian na nakipag-apir pa sa kaniya.