PROLOGUE
Tumapak ang mga paa ko sa labas ng Ospital. Agad ko niyakap ang aking sarili dahil sa malamig na hangin na dumadapo sa akin balat. Kumsabagay, Disyembre ngayon at pumapatak ang temperatura sa 19.4 degree celcius kaya hindi ko maiiwasan ang lamig sa buong syudad.
Sa pagbuga ko ng hininga ay kiniskis ko ang mga palad ko saka ibalik ang mga braso ko mula sa pagkayakap. Dumapo naman ang aking paningin sa sahig. Pinili ko nalang na umuwi na.
Sakto na tumigil ang tinawagan kong taxi sa aking tapat. Agad kong pinihiy ang pinto ng backseat at sumakay na. Sinabi ko na sa driver kung saan niya ako ihahatid. Nang umusad na ito ay doon ako nagkaroon ng pagkakataon upang dukutin ang aking cellphone mula sa aking jacket.
Hinahanap ko sa contacts ang kaniyang pangalan at numero. Nang idinikit ko na ang telepono sa aking tainga ay nagriring ito. Ilang ulit. Sa unang tawag ay hindi siya nasagot. Muli kong sinubukan. Hindi niya ulit sinasagot.
Pero sa pangatlong pagkakataon ay doon na niya sinagot. "Oh?" bungad niya sa akin.
"I-tatanong ko sana kung... Uuwi ka ngayon..." may alangin nang isinatinig ko 'yon.
Bago man siya sumagot, rinig ko ang pabuntong-hininga niya. "Anong problema? Overtime ako ngayon." wika niya.
"Kailan ka uuwi? Ilang linggo ka na din hindi nauwi. Malapit na din ang pasko. K-kahit sana sa Noche Buena. I-ipagluluto kita ng paborito mong morcon..."
"Hindi, hindi talaga ako makakauwi." matigas at punung-puno niyang pagtatanggi. "Siya, kung wala ka nang sasabihin, ibababa ko na at marami pa akong ginagawa." hanggang sa nawala na siya sa kabilang linya.
Laylay ang magkabilang balikat ko nang ibinaba ko na din ang aking telepono. Yumuko ako saka pumatak ang isang buti ng luha sa hawak kong papel. Parang piniga ang puso ko nang wala sa oras. Kinagat ko ang aking labi para hindi ako marinig ng driver ang aking hikbi.
Masakit para sa akin na hindi ka na tulad ng dati. Unti-unti nang nawawala ang dating ikaw. Ang lalaking nakilala, napalapit at minahal, ipinaglaban at ipinakilala sa Panginoon. Ang lalaking pinangakuan ko na mamahalin ko habang ako'y nabubuhay. Ang lalaking pinag-alayan ko ng aking sarili, ng buo kong pagkatao.
Dumapo ang aking palad sa aking tyan. Muling pumatak ang luha mula sa aking mga mata. Sinundan ko 'yon ng tingin hanggang napukaw ng aking atensyon ang singsing sa aking darili. Ang simbolo ng pangako namin sa isa't isa. Ngunit, mas umagaw ng aking atensyon sa papel na kanina ko pang hawak. Kahit lukot na ito ay nagawa ko pa rin basahin ang nakasulat na magbabago ng aking buhay.
Gastric cancer.
Kahit na walang awat ang mga luha ay nagawa kong ngumiti.
Alam ko, alam kong hindi lang ako ang nag-iisang minamahal mo. Siya na ang dahilan kung bakit hindi mo na nagagawang umuwi sa piling ko.
Kaunti nalang, makakamit mo din ang kalayaan na hinahangad mo.
Dahil ganoon siguro ako magmahal. Dahil gusto ko maging masaya ka. Gusto kong makita ang ngiti na nasisilayan ko noon. Nagbabakasakaling bumalik ang ikaw. Ikaw na minahal ko.