Ikalawang Kabanata - Paglisan

1086 Words
"Mom, don't leave me!" Pawisang napabalikwas ng bangon si Kiel dahil sa muling pagdalaw ng nakaraan sa kaniyang panaginip. Simula pa nang manirahan siya roon sa Australia kasama ang kaniyang tiyahin noong labinlimang taon pa lamang siya ay madalas na siyang managinip ng paulit-ulit. Ang panaginip na iyon ay may kinalaman sa kaniyang nakaraan na hindi niya pa rin nakakalimutan. Isang pangyayari sa nakaraan na hanggang ngayon ay sarili niya pa rin ang kaniyang sinisisi. Nananatili siya sa pagkakaupo sa kaniyang kama nang makarinig siya ng katok sa pinto. Alam niyang ang tiyahin niya iyon dahil silang dalawa lang naman ang magkasama roon. Paglingon niya sa orasan ay saka niya napagtantong alas siyete na pala nang umaga. Buong akala niya ay nagising lang siya sa kalagitnaan nang gabi. "Hey, gising ka na pala," pagbungad ng tiyahin ni Kiel sa pintuan. "Yes, tita. I woke up because of that dream again," nakangiting ani Kiel. Tila naaawa namang nilapitan ni Clarisse ang pamangkin. "You have to forgive yourself. Sa ganoong paraan lang matitigil ang pagdalaw ng nakaraan sa mga panaginip mo," ang wika ni Clarisse sa pamangkin. Nagkibit-balikat lang naman si Kiel kasabay ng pagbaba sa kama nito. Hinablot niya ang kaniyang tuwalya at akmang papasok na sa CR na nasa loob din ng kaniyang kuwarto nang magsalita pa ang kaniyang Tita Clarisse. "Your dad called again," sambit ni Clarisse. "Nah," iling lang ni Kiel at tuluyan na itong pumasok sa banyo. Napabuntonghininga na lang naman si Clarisse at sa paglabas nito sa kuwarto ni Kiel ay may tinawagan ito sa kaniyang cellphone. "I can't do this. Hindi ko alam kung paano siya kukumbinsihin," ang sambit ni Clarisse sa kausap bago tuluyang makalabas sa kuwarto ni Kiel. Ipinikit naman ni Kiel ang mga mata habang nakatapat ang kaniyang ulo sa dutsa. Narinig niya pa ang sinabi ng kaniyang Tita Clarisse at alam niyang daddy niya ang kausap nito. May isang linggo na rin simula ng ibalita sa kaniya ng Tita Clarisse niya ang pagpapauwi sa kaniya ng daddy niya sa Manila. Fifteen years old siya nang huli niyang makita o makasama ang kaniyang ama. At ngayon nga ay disiotso anyos na siya. Tatlong taon na ngunit wala siyang planong magpakita pa muli sa daddy niya o sa pamilya niyang nasa Manila. Ang ate niya lang ang nakakausap niya roon at ni minsan ay hindi niya kinukumusta ang ama. "Kiel, you really need to go home!" Napapailing na tinapos na ni Kiel ang pagligo nang marinig ang boses na iyon ng kaniyang Tita Clarisse. Isang linggo na halos siyang pinipilit ng tita niya na umuwi sa Manila. Kahit bakasyon man lang daw. Naiiling niyang hinablot ang kaniyang tuwalya. Pagkalabas niya ng banyo ay inabutan niya ang tita niya na may pag-aalala sa mukha. "Tita Clarisse? What is it?" kahit papano ay nakaramdam naman siya ng kaba sa nakitang reaksiyon ng tita niya. "Fix yourself and your things. Uuwi ka ng Manila next week," saad ni Clarisse at lumabas na ito nang hindi na hinintay pang sumagot si Kiel. ************ Hindi pa rin tumitinag si Selena sa kinauupuan niya kahit na nailapag na ng Nanay Demy niya ang kaniyang bag sa may paanan niya. Pakiramdam niya sa sandaling tingnan niya ang kaniyang tatay at nanay ay tutulo na lang bigla ang luha sa mga mata niya. "Tay, 'nay, kailangan ko po ba talagang lumayo sa inyo?" ang mangiyak-ngiyak na tanong ni Selena nang hindi tumitingin sa mga magulang. Naupo si Demy sa tabi ni Selena at sumunod din naman si Felimon na naupo sa kabila ni Selena. Maingat na ibinaba ni Felimon ang kaniyang saklay nang makaupo na sa tabi ni Selena. "Anak," ipinatong ni Demy ang kaniyang palad sa kamay ni Selena, "para ito sa iyo. Gusto naming matupad mo ang pangarap mong maging nurse," ang paliwanag niya sa anak. "Pero inay, ayaw ko pong malayo sa inyo. Wala po kayong makakasama ni itay dito. Paano na po ang pangingisda natin? Sino ng makakasama mo sa pangingisda, 'nay?" wika ni Selena na umaasang hindi na siya paaalisin pa papuntang Manila. Napatingin si Demy sa asawang si Felimon. Tila humihingi ito ng saklolo sa pagpapaliwanag kay Selena. "Alam mo anak, bukod sa matutustusan mo ang pag-aaral mo sa Manila, sinabi rin ni Sir Clenton na iba pa ang ipapadalang pera dito sa amin," saad ni Felimon at pilit na pinasigla ang boses nito. Napayuko na lang naman si Selena. Nawalan ito ng pag-asa na magbabago pa ang isip ng mga magulang. Mas lalo namang nahirapan ng kalooban ng mag-asawa sa nakikitang reaksiyon ni Selena. "Malaki ang sasahurin mo roon, Selena. Pero 'wag mo sanang iisipin na pinipilit ka lang namin para may matanggap din kaming pera dito ng inay mo. Alam mo namang sanay na kaming mag-ulam palagi ng isda lalo na kapag ikaw ang nagluluto," napalunok si Felimon upang pigilin ang emosyon, "pero gusto lang kasi namin na makitang maabot mo ang pangarap mo. Gusto ka naming makitang nakasuot ng puti at isa ng ganap na nurse, anak!" pagpapasigla niya muli sa kaniyang boses. Napayakap na lang bigla si Selena sa ama. Umiyak man ito ngunit panandalian lamang. Kaagad din siyang kumalas at niyakap naman ang kaniyang ina. "Lagi po akong magbabakasyon dito. At sa unang sahod ko ibibili ko kaagad kayo ng cellphone para magkausap po tayo araw-araw," ang sambit ni Selena matapos pahirin ang luha sa mga mata nito. Senyales niya na rin iyon sa mga magulang na ayos na sa kaniya ang pagpunta sa Manila. Paglabas ni Selena sa kanilang tahanan ay naghihintay na roon ang magiging amo niya sa Manila. Nakangiting nilapitan ni Clenton Lemman sina Felimon at Demy upang magpaalam din sa mga ito. "You must be Selena... Huwag kang mag-alala dahil mag-eenjoy ka sa Manila. Marami kang makikilala roon at kung gusto mo, papayagan ka naming umuwi rito tuwing Biyernes pagkatapos ng klase mo. Babalik ka nga lang din ng Linggo, ayos lang ba iyon sa 'yo?" Nanlalaki ang mga matang napa "oo" kaagad si Selena sa babaeng kaharap na nagsabi niyon. Si Shiela, ang kabiyak ni Clenton. Sila ang mag-asawang pagsisilbihan niya sa Manila. Magiging katulong siya sa tahanan ng mga Lemman sa Manila at makakapagpatuloy pa siya pag-aaral doon. Habang masayang kumakaway si Selena sa mga magulang ay napalingon pa siya sa dagat di-kalayuan sa kanilang tahanan. Pakiramdam niya ang paglayo niya sa San Andres ay senyales na kailanman ay hindi niya na muling makikita pa ang tunay niyang pamilya na mga sirena. Hindi niya na muling masisilayan pa ang Sirenia...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD