Dahan-dahang idinilat ng pitong taong batang babae ang mga mata nito.
"M-mommy?!" anas nitong umiyak agad nang makita nitong hindi pamilyar dito ang lugar na kinalalagyan. Ibinaling nito ang mukha pakanan. Agad itong napasigaw sa panghihilakbot.."Eiiiiihhhh!!! Mommmmyyy!!!!"
Sakbibi ito ng matinding takot nang mamulatan nito ang duguang mukha ng isa pang batang naroon. Nakahiga ito sa tabi nito. Dagling napabangon ang bata at nagtatakbo palapit sa pintuan ng sementadong bahay na kanyang kinaroroonan.
"Buksan niyo! Buksan niyo!" sigaw nitong kinalampag ang nakapinid na pintuan. "Buksan niyo 'to! Uuwi na ako!"
"Manahimik ka!" saglit ay malakas na boses ng lalaki mula sa labas ng kwarto.
"Buksan niya 'to! Uwi na ako! Huhuhuhu!"
"Sinabing manahimik ka!" bulyaw ng lalaki kasabay nang marahas na pagbukas ng dahon ng pinto.
Tumambad sa paningin ng bata ang galit na mukha ng matandang lalaki habang nanlilisik ang mga mata.
"M-mang Arthur?!" hindi makaniwalang bulalas ng batang babae. Mabilis itong napaurong bunga ng takot sa kapitbahay nilang lalaki. May hawak itong malaking kutsilyo na may mantsa ng dugo.
"'Di ba sabi ko 'wag kang maingay?!"
Napatili lalo ang bata. Sa kakaurong nito ay nawalan ito ng balanse at nabuwal matapos bumunggo ang paa nito sa kung anong nakabalabag sa sahig. Nang ukulan nito ng tingin ang bagay na iyon ay higit pa itong natakot. Muling tumambad dito ang duguang bangkay ng isa pang batang lalaki! Putol ang dalawang braso at mga paa nito!
Titili pa sana ito subalit nagtalsikan na ang dugo nito sa pader at sa sahig ng kwarto kasabay ng tunog ng TSAAAKKK!!
~*~
Medyo pagod na rin si Realyn nang yayain siya ni Jhoena na magpahinga muna sa isang kainan. Busog na busog ang mga mata niya sa kagandahan ng probinsya pero gutom na ang kanyang tiyan.
'IHAWAN NI MANG ARTHUR' -ang nabasa niya nang tingalain niya ang signage ng restaurant na pinagpasyahan nilang kakainan na magkaibigan.
"Ito ang restaurant na ipinagmamalaki ng lugar namin, bes! Masarap ang putahe daw dito. Lalo na 'yong mga inihaw," pagyayabang sa kanya ni Jhoena.
Ngumiti siya bilang tugon. Sa rami ng mga taong kumakain, malamang totoo ang sinasabi ni Jhoena. Lalong kumalam ang tiyan niya sa gutom.
Umupo sila sa nabakanteng upuan. Buti na lang at may saktong tapos nang kumain. Si Jhoena ang nagpresintang oorder ng kakainin nila.
Sa paggala ng mga mata niya sa paligid ng restaurant, iisa lang ang napansin niya, napakamura ng presyo nila. Parang bagsak presyo, kaya hindi rin nakapagtataka kung bakit dinudumog ito ng mga tao, idagadag pa na masarap daw ang pagkain nila siguro.
Nawili siya sa lugar. Pangarap din niya ang negosyong ganito balang araw.
"Ito na!" Ngiting-ngiti na inilapag ni Jhoena ang mga pagkain.
"Wow!" naibulalas niya. Talagang katakam-takam kasi ang mga ulam.
Umayos na silang magkaibigan sa pagkakaupo, ready to eat.
Agad pinapak ni Jhoena ang isang barbecue. Kaparehas iyon ng pinakain kanina ni Mang Douglas sa kanila. Siguro ay dito bumili 'yong matanda.
"Anlambot ng karneng 'to!!" saad ni Jhoena na sarap na sarap sa nginunguya. Matakaw talaga ito sa pagkain, pero hindi naman tumataba tulad niya.
Kinutsara na rin ni Realyn ang adobong inorder niya. Akmang isusubo na niya ang kutsara nang makarinig siya ng pagtili. Tili ng isang bata!
Naibaba niya ang hawak na kubyertos at nagpalinga-linga. At laking gulat niya nang tumambad sa paningin niya ang napakaraming duguang bata sa loob ng restaurant. Nakatayo ang mga ito sa mga likod ng mga kumakaing mga tao.............