CHAPTER 3

1708 Words
"Ciel!" sigaw ni Aira habang tumatakbo ito papalapit sa akin. Huminto ako sa paglalakad kasabay nang pagkunot ang aking mga kilay. "Oh? Saan ka galing? Bakit nandito ka pa? Tapos na ang duty mo, 'di ba?!" "Pang-umaga na uli kami ngayon ni Donna. Si Dr. Nuñez lang naman kasi ang habol namin noon kaya nakipagpalit kami ng shift. Pero teka— grabe ka, ha! Nakasampung tawag pa muna ako sa pangalan mo bago mo ako narinig! Normal ka pa ba, Ciel? Isang linggo ka ng ganyan, eh." Agad namang napatikwas ang aking kaliwang kilay sa mga salitang tinuran nito, dahil hindi ko alam kung pang-iinsulto na ba ang mga sinabi nito tungkol sa akin o hindi. "Ano ba kasing problema mo, ha? Kung ano-ano na lang 'yang iniis–––" "Ikaw, Ciel— ano'ng problema mo? Para kang lagi na lang nasa outer space, eh. Pati sina Donna at Aljune nagtataka na rin sa 'yo." Umiling ako, pagkatapos ay nagpatulot na rin sa paglakad. "Wala akong problema, Aira. Okay?! May— May isang pangyayari lang ang gumugulo sa isip ko hanggang ngay–––" "Alin? 'Yong tungkol sa itim na kotse?" putol nito sa aking pagsasalita na agad ko namang ikinalingon dito. "Oh, 'wag ka na mag-isip o magtanong pa kung paano ko nalaman, dahil alam mo na rin naman ang sagot. Kaya ngayon, sabihin mo na kung ano'ng tungkol sa kotseng 'yon." Lihim na lamang akong napabuntong hininga dahil sa kadaldalan ni Aljune. Hindi rin talaga napigil ng lalakeng iyon ang magkuwento kina Aira at Donna tungkol sa nakita nito nang araw na iyon. "Hay naku, wala 'yon! Naguguluhan lang ako kung sino ang may-ari ng kotseng 'yon o kung anoxng klaseng tao ba ang nakasakay sa loob no'n." "Eh, ano nga kasing nangyari? Ikuwento mo na! Hindi kasi malinaw ang pagkakasabi sa amin ni Aljune, basta ang ang sabi n'ya lang para ka raw naengkanto habang nakatitig sa itim na kotseng 'yon na may lalakeng pumasok." Pangungulit pa nito, kasabay nang bahagya nitong paghatak sa akin paharap. "Hayss! Ano ka ba! Hinaan mo nga 'yang boses mo." Sabay tingin ko sa paligid at muling nagpatuloy sa paglakad. Bumuntong hininga ako at sandaling lumingon dito. "May lalake kasing lumapit sa akin nang araw na 'yon habang nakasilong ako sa waiting shed. Ibinigay n'ya sa akin 'yong payong, tapos sabi pa n'ya pinabibigay raw ng sir n'ya at gamitin ko raw para daw hindi ako mabasa ng ulan." "Oh, tapos?" Sabay hatak nitong muli sa aking kamay. "Wala na! Tapos tumalikod na rin s'ya at sumakay sa kotseng itim. 'Yon ang tagpong inabutan ako ni Aljune na nakititig sa kotseng 'yon." "Hays naman! Ano ka ba? Hindi mo man lang ba tinanong kung sino 'yong sinasabi n'yang sir? O kung ano man lang ba ang dahilan at bakit pinabigyan ka ng payong." Umiling ako. "Hindi. Nablangko na rin kasi ako noon, eh. Kahit nga 'yong mga nasa isip ko na gusto kong sabihin hindi na umalpas sa bibig ko, eh. In short, natulala na ako dahil sa takot." "Hayss– ano ba 'yan! Ang hina mo naman, Ciel. Baka mamaya n'yan may lihim ka na palang tagahanga na mayaman at guwapo. Tapos— tapos gusto ka palang asawahin este mapangasawa." Marahan ko itong hinampas sa balikat kasabay nang aking pag-irap. "Tumigil ka nga. Kung ano-ano na naman 'yang sinasabi mo. Trabaho na! Baka mawalan pa tayo ng trabaho dahil d'yan sa kadaldalan mo." NAPAHINTO ako sa pagche-check nang record ng mga pasyente at napatulala na lamang sa pader nang bigla kong maalala ang mga sinabi kanina ni Aira. "Gustong mapangasawa?!" wala sa sarili kong bigkas kasabay nang paghawak ko sa aking dibdib nang bigla akong makaramdam ng kaba. Ano ba 'yan! Bakit biglang kumabog ang dibdib ko! Natatakot ba ako? Hayss! Pero parang hindi naman dahil sa takot ang kaba ko. "Ciel, puwede bang ikaw na muna ang mag-check sa patient na nasa bed number 5? Hindi ko na kasi kaya, eh. Ihing-ihi na talaga ako." Bahagya akong napapitlag sa aking kinauupuan dahil sa bigla na namang pagsulpot ni Lyn sa aking tabi. Ano ba 'tong babaeng 'to, ispiritu ba 'to? Palagi na lang gan'to, bigla-bigla na lang sumusulpot ng di ko napapansin. "Ha– ah, okay sige. Ako na ang bahala." Tumayo ako at kinuha na rin ang gamot na nasa tray na ibibigay para sa pasyente. Habang naglalakad ako papunta sa bed number 5 ay bigla akong napalingon sa hallway papuntang OPD nang makarinig ako nang tila kumusyon sa bahaging iyon. Subalit hindi nagtagal ang tila kumusyong iyon ay napalitan nang mga impit na sigaw sa ilang mga kababaehan. At sa puntong iyon ay tila hinahatak ang aking mga paa na pumunta sa direksyong iyon upang alamin ang mga nangyayari. Ano ka ba, Mariciel. Mas mahalaga ang trabaho at mga pasyente mo kaysa ang makichismis sa kung ano mang nangyayari doon. Napakachismosa mo talaga. Napailing na lamang ako sa aking sarili at sa huli ay mas pinili ko na lamang ang unahin ang aking trabaho. Muli akong nagpatuloy sa paglakad papunta sa ilang mga pasyenteng naghihintay sa akin. Sa mga gamot na nararapat kong ibigay sa mga ito. "Magaling po kayo at magpalakas." Saka ako ngumiti sa ginang na binigyan ko ng gamot. "Mamaya po ay magra-rounds na rin si dok. At malalaman n'yo na rin po mamaya kung maaari na po kayong lumabas bukas. Sige po, mauna na po ako." Ngumiti naman ang ginang kasabay nang marahan nitong pagtango, pagkatapos ay saka ito nagpasalamat sa akin, na muli ko namang ginantihan ng malapad na ngiti. Pagbalik ko sa nurse station ay agad sumalubong sa akin si Lyn na tila kiti-kiti sa kinatatayuan dahil sa sobrang kilig sa kung ano mang bagay o ano mang dahilan na hindi ko alam. "Mariciel!" sigaw nito, "Ano? Kumusta? Ano'ng nangyari? Kinausap ka ba? Grabe, my God! Para akong hihimatayin sa kilig." "Ha? Ang alin? Sino? Teka, ano bang nangyayari sa 'yo? Umihi ka lang tapos ngayon nagkaganyan ka na." Umiling ako kasabay nang pagsilay ng nakakalokong ngisi sa aking labi. "Hala— ibig sabihin, hindi mo pala nakita si Dr. Nuñez? Dumating dito sa ER tapos pumunta pa nga sa bed number 5, eh." Bigla akong natigilan sa tinuran nito kasabay rin nang biglang pagkabog ng aking dibdib. Pagkabog na tulad nang naramdaman ko noong araw na may nagbigay sa akin ng payong sa waiting shed. "S-Sino? Si— Si Dr. Nuñez? P-Pumunta do'n? P-Pero, w-wala naman s'ya do'n, eh. H-Hindi ko s'ya nakita." Ay, teka! Hindi kaya, 'yon ang dahilan ng mga tao kanina— 'yong tinitingnan ng mga 'yon sa pintuan. s**t! Ano ba 'yan! Bakit hindi ako lumingon. Kainis naman! Bakit ba hindi ko nilingon. Hayss— kainis! Sayang naman! Nakita ko na sana ang itsura ng may-ari ng hospital. "Hoy! Natulala ka na d'yan! Ano? Nakita mo ba si dok?" ulit pa nito na hanggang ngayon ay mababakas pa rin sa itsura nito ang kilig. Agad ko namang ipinilig ang aking ulo. "H-Hindi, eh." "Ay, kaloka ka, Mariciel. Kung ako lang siguro ang nasa katayuan mo baka gumawa na ako ng paraan para lang mapansin ni dok." Tipid akong ngumiti, saka ako tumalikod dito. "Umihi ka pa kasi, eh. Chance mo na sana 'yon kanina." "Ano ka ba? Kung alam ko bang darating si Dr. Nuñez, tingin mo nanaisin kong magbawas ng tubig sa pantog ko? Eh, kung alam ko lang talagang mangyayari 'yon, eh di sana tiniis ko na lang ang ihi ko, kisihudang sumabog ang pantog ko." Sabay bagsak nito sa upuan na animo'y luging-lugi sa pinuhunan. Napatawa ako. "Baliw! Isusugal mo pa ang kaligtasan ng buhay mo at kalusugan para lang makita si Dr. Nuñez. Ano bang mayroon sa kanya, eh, pareparehas lang naman tayong mga normal na tao." "Aba— oo, syempre! Kung tulad ba naman ni Dr. Nuñez ang magiging dahilan ng pagsabog ng pantog ko, eh. Why not, 'di ba?! Isa pa, hindi sya basta-bastang normal na tao tulad natin. Iba s'ya, Mariciel. Iba s'ya, promise." Muli akong napatawa sa kabaliwan nito. "Hay naku! D'yan ka na nga. Lalo lang akong ginugutom sa kabaliwan mo." Agad na akong lumakad palabas ng ER upang tuluyan na itong maiwasan, dahil kung hindi ko iyon gagawin ay siguradong wala na namang katapusan ang bukang bibig nito kundi ang may-ari ng hospital. Si Dr. Nuñez. Halos isang linggo na ring laman nang usapan ng mga tao rito ang tungkol kay Dr. Nuñez. Simula nang dumating ito noon ay wala na akong ibang naririnig na usapan ng mga nurse at ilang mga babaeng doktor kundi ito. At sa puntong iyon ay tila ako na lamang yata ang hindi pa nakakakita sa kung ano ang nga ba ang itsura ng may-ari nang hospital na kinababaliwan ng lahat. Ano nga ba kasing itsura mo, Dr. Nuñez? Bakit parang pagdating sa akin ay ayaw kang ipakita ng pagkakataon. Pero pag sa iba ang dali ka lang nilang makita. So unfair, ha! "Hay naku, kung ano-ano na naman ang naiisip ko. Bwisit," mahina kong turan, saka ko marahang ipinilig ang aking ulo. "Hoy!" sigaw ni Aira, kasabay nang malakas nitong paghampas sa aking balikat, na labis ko namang ikinagulat, kaya't umalingawngaw sa loob ng canteen ang malakas kong sigaw. "Bwisit ka! Ba't ka nanggugulat?!" hasik ko kay Aira, saka ko ito mariing tinitigan. "Ang bigat talaga ng kamay mo— ang sakit, bwisit." "Hoy! FYI lang, hindi kita ginugulat. Ginigising lang kita mula sa bangungot mo, dahil mukhang naeengkanto ka na naman d'yan. Biruin mo, kanina pa kami nakamasid sa 'yo mula pa lang nang pagpasok mo d'yan sa intrada, with matching kaway-kaway pa kami ng mga kamay, ha. Kaso ang ending wala ka na naman pala sa sarili mo, tapos ayan nagsasalita ka pa ng mag-isa. Sa tingin mo, masisisi mo ba kami, este ako?!" Napailing na lamang ako sa mga sinabi nito. At aaminin kong hindi ko alam kung paano ko pa ito sasagutin, lalo na't nakita na naman nito ang pagiging lutang ko dahil sa pag-iisip kay Dr. Nuñez. "Ang dami mo talagang napapansin! Kakaiba ka talaga. Tara na nga, gutom na ako. Gutom-gutom!" Ginutom ako sa panghihinayang na hindi ko man lang nakita si Dr. Nuñez. Sayang na sayang talaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD