Mangiyak – ngiyak ako habang nakatingin mula sa binatana ng aming bahay. Kitang kita ko kung paano hinahabol ni mama si papa sa labas habang nakahawak siya sa kanyang medyo malaki ng tiyan.
“Hon! Please!!! Huwag mo naman gawin sa amin ng mga anak mo ito!” hagulgol ni mama habang nakakapit sa binti ni papa. Nakaluhod siya habang nagsusumamo sa aking ama. Malamig ang tingin ni papa kay mama. Hawak hawak nito ang dalawang malaking bag na may lamang mga damit niya.
Tama! Aalis si papa at iiwan niya kami para sumama sa mas mayamang babae. Sa babaeng ipinagpalit niya kay mama.
“Hon, huwag mo kaming iwan!!!” ani ni mama na puno na
ng luha ang mukha habang nakakapit pa rin kay papa. “Mahal na mahal ka namin ng anak mo. Stay with us please! Hon, please! We need you!”
Napatingin si papa sa may bintana at napatingin siya sa akin. Nakita ko kung paano biglang nagbago ang kanyang mga mata ngunit agad ding bumalik sa lamig nito.
Dahil dito ay napaluha na rin ako at bumaba sa upuang tinutungtungan ko. Agad akong tumakbo palabas ng bahay upang pigilan din siya.
“PAPA!!!” sigaw ko habang humahagulgol at tumatakbo. Ngunit paglabas ko ay humarurot na ang sasakyan na sumundo sa kanya at tanging si mama na lamang na nakaupo sa semento ang nadatnan ko.
Mas lalo akong napahagulgol dahil hindi ko siya naabutan. Mas naiiyak ako sa naiisip ko na hindi na siya babalik.
Napatingin sa akin si mama at hirap man ay pinilit nitong tumayo. Ang palahak na naririnig ko kanina ay biglang nawala. Mabilis na natahak ni mama ang kinalalagyan ko at niyakap niya ako ng mahigpit.
Yumakap ako pabalik sa kanya habang umiiyak.
“Mama, hindi ba tayo mahal ni papa?” tanong ko sa kanya habang umiiyak.
Matagal na katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Hindi ako sinasagot ni mama.
Dahil nagsimula nang umambon ay pumasok na kami sa loob ng bahay.
Napatingin ako kay mama. Kumakain kami ngayon ng hapunan ngunit nakatulala lamang siya sa kawalan habang hinahayaan na lumamig ang pagkain sa kanyang harapan.
“Ma?” tawag ko sa kanya pagka’t nag – aalala ako. Kanina pa siya hindi nagsasalita masyado mula ng umalis si papa. Ang narinig ko lamang ngayong hapon ay ang pagtawag niya sa aking pangalan at ang pagsabing kakain na.
“Ma?” tawag ko muli sa kanya noong hindi siya sumagot. Kinagat ko ang aking labi at mahigpit na napahawak sa kutsara habang wala sa sariling hinahalo ko ang sabaw sa aking mangkok. Ipinokus ko roon ang aking tingin. “T-totoo po ba na p-pinagpalit tayo ni papa para sa ibang babae?”
“Sinong nagsabi sa iyo niyan?!” mariin na tanong ni mama kaya naman nagulat akong napatingin sa kanya at kinabahan. Natatakot ako na baka paluuin niya ako dahil hindi maganda ang mood niya ngayon.
“S-sabi po sa akin ni Tiya,” sagot ko habang mailap ang aking mga mata na sa tono ng tanong niya pa lang ay naiiyak na ako.
Agad siyang tumayo sa kanyang kinauupuan. Napapikit ako pagka’t akala ko ay mapapalo ako ngunit isang mainit na yakap ang aking naramdaman.
“Huwag kang maniwala sa sinabi ng iyong, Tiya,” sabi ni mama sa akin. Nabatid ko na parang mababasag na ang kanyang tono. “Mahal tayo ng papa mo, Madeline. Hindi niya tayo pababayaan. Naniniwala ako na babalikan niya tayo.”
Humiwalay siya sa aming pagkakayakap at hinawakan niya ako sa aking mukha. Iniharap niya ako sa kanya at pinunasan ang pawis sa aking mukha.
Sa kabila ng mangiyak ngiyak niyang mga mata ay tumaas ang sulok ng kanyang labi upang bigyan ako ng isang ngiti.
“Yung papa mo ay may inasikaso lamang,” ani ni mama sa akin. “Babalikan niya tayo. Mahal na mahal tayo ng papa mo. Iyan ang lagi mong tatandaan.”
Tumango na lamang ako kay mama. Nagtatanong ang aking isipan kung bakit umiyak si mama habang pinipigilan si papang umalis kung siya ay babalik din naman pala. Bakit walang humpay ang kanyang pag iyak sa kwarto kung babalik din si papa? Bakit hanggang ngayon ay wala pa si papa?
“Ubusin mo na ang iyong pagkain upang maaga kang makapag pahinga,” ani ni mama sa akin. “Bukas ay may pasok ka pa. Sa bahay muna ng tita mo ikaw umuwi ha?”
Napakunot ang aking noo.
“Bakit po mama?” tanong ko.
“Ah, kasi baka wala kang abutan na tao rito,” ani ni mama sa akin. “Maghahanap ako ng trabaho bukas. Susunduin na lamang kita sa tiya mo. Magpapakabait ka roon ha?”
Tumango tango naman ako sa kanya tanda ng aking pagsang ayon.
“Hindi po ba bawal sa buntis ang masyadong nagtratrabaho?” tanong ko kay mama. “Saka sabi ni papa mayaman naman siya kaya hindi mo na kailangan magtrabaho. Bakit maghahanap ka pa po ng trabaho.”
Nakita ko na napatahimik siya.
“Huwag ka nang masyadong magtanong, Madeline,” ani ni mama sa akin. “Ang mabuti pang asikasuhin mo ay ang pagkain mo. Huwag kang nag aalala sa aking kalagayan. Ayos na ayos ako at ang kapatid mo. Magfocus ka sa iyong pag – aaral. Hindi ba sabi mo gusto mo maging teacher.”
Excited akong tumango sa kanya habang nakangiti.
“Opo, paglaki ko ay magiging isa akong magaling na teacher,” nagagalak kong sagot. “Tuturuan ko ang mga bata ng maraming bagay.”
Ngumiti si mama sa akin.
“That’s my girl!” ani niya sa akin na parang proud na proud.
“HUY!!!” isang malakas na siko ang nakapag – pabalik sa akin sa katinuan habang inaalala ang nakaraan.
Napatingin ako sa lalaking may buhat na bata sa harapan ko.
“Ano ka ba?! Kanina pa naghihintay yung mag – ama,” ani sa akin ni Jasmine. “Bakit ka nakatulala riyan?”
Agad naman akong nag sorry sa aming customer at ibinigay ang susi ng kanilang kwarto.
“Ano nanaman ba ang iniisip mo? Parang nawala ka sa iyong sarili,” ani ni Jasmine na nagtitipa sa computer niya.
“Sorry may naalala lang ako,” ani ko rito at napakagat ng aking labi.
“Si Prince nanaman ba?” tanong ni Jasmine sa akin. “Alam mo alalahanin mo kaya muna ang sarili mo. Puro yung kapatid mo na lang ang inaalala mo.”
Napatawa naman ako.
“Kailangan,” tanging nasagot ko sa kanya.