“ANG bilis mong mag-yaya wala ka naman palang dalang gamit.” komento ni Erica kay Alex na abala sa pagkuha ng mga damit na dadalhin nito. Dumaan sila sa Glorietta dahil wala itong kahit anong dala. Ni hindi na nito tinitingnan kung okay ba ang design ng mga t-shirt at pantalong kinukuha nito, palibhasa bagay yata dito kahit anong ipasuot. “Bakit hindi ka nalang umuwi muna. Ang gastos mo.” dugtong pa niya.
“Siguradong nandoon pa si Odessa.” simpleng sagot nito pagkuwa’y dumeretso sa counter.
Hindi siya nakaimik at hindi rin siya sumunod dito. Unti-unti niyang naiisip na tama talaga ang tita niya. Kahit hindi siya sigurado kung mahal ni Alex si Odessa ay siguradong pakakasalan pa rin nito ang babae. Marahil ay nagrerebelde lang ito ngayon pero siguradong babalik pa rin ito kay Odessa at sa ina nito na sa pagkakaalam niya ay ang nag-iisang malapit na kapamilya nito.
“Erica?” napalingon siya sa pumutol sa kanyang isipin.
“Oy.” Tanging nasabi niya dahil hindi niya alam kung anong itatawag sa dati niyang boss. Bakit naman ito pa ang nakita niya sa dami ng tao sa mundo?
“So it’s really you. Nagdadalawang isip pa akong tawagin ka.” anito. Alanganin siyang ngumiti.
“Problemado ka ba lately? Para kasing mukha kang haggard ngayon. Pressured with your new work?” digtong nito na ikinawala ng alanganin niyang ngiti. Mukhang balak lang siya nitong laitin kaya siya nito nilapitan.
“Hindi po. Galing lang po ako sa sakit.” Dahilan niya. “Kayo, hindi pa rin po kayo nagbabago.” Aniya na may diin. Inside and out pangit ka pa rin.
Kumpiyansa itong ngumiti. “Oh no. Something has changed.” May nilinga ito at tinawag. Lumapit dito ang isang magandang babae. Inakbayan nito iyon. “As you can see, I have a very beautiful girlfriend. Baby, this is Erica. She used to do your job now.” pakilala nito.
Kung ganoon, hindi pa rin ito nagpapalit ng taktika. Hindi niya lang alam kung bakit ito pinatulan ng babaeng nasa harap niya. Pinigilan niya ang sariling mapa-iling.
“Nag-iisa ka yata. Busy ba ang boyfriend mo at hindi ka masamahan dito?” may bahid ng pagkasuyang tanong nito. Gusto na niyang mainis. Mabuti na lamang at hindi siya mahilig mageskandalo. Para kasing ginagantihan siya nito.
“Ah –”
“What took you so long? Nabayaran ko na ‘to.” singit ni Alex na sumulpot ng hindi niya namamalayan.
Nakahinga siya ng maluwag. “Sorry, May nakita kasi akong kakilala.” hinging paumanhin niya. Tiningnan nito ang dati niyang boss at ang kasintahan daw nito. Pagkuwa’y muli itong bumaling sa kanya. Sinalubong niya ang tingin nito upang ipahiwatig na kailangan niya ng tulong. Pagkalipas ng ilang saglit ay muli nitong nilingon ang mga kausap niya. “Long time no see.”
“Oo nga.” biglang nagbago ang tono ng dati niyang boss.
“You look familiar.” singit ng girlfriend nito at tumitig kay Alex. Wala sa loob na napakapit siya sa braso nito.
“Imagination mo lang iyon.” sabad niya.
“No, I think I’ve seen you somewhere.” anito na bahagya pang nakakunot ang noo. Pagkuwan ay biglang nanlaki ang mga mata nito. “Wait. Zander Uijleman? You’re Zander Uijleman right!” bulalas nito
“What are you talking about baby? Erica will never get Zander Uijleman as a boyfriend.” Natatawang saway ng ex-boss niya sa kasintahan.
Nakaramdam siya ng inis. Niyayabangan na naman kasi siya nito.
“Actually you are right.” sagot ni Alex sa babae. Napatingala siya rito. Seryoso pa rin ang mukha nito. Nang lingunin niya ang mga kausap ay nakita niya ang pagkabigla sa mga mukha ng mga ito lalo na sa ex-boss niya. Nang walang magsalita sa mga ito ay hinarap siya nito.
“Let’s go. Gagabihin na tayo sa biyahe.” aya nito sa kanya. Marahan siyang tumango habang nakatingin pa rin dito. Then he did something she never thought he would do. Hinawakan nito ang kamay niya at inakay siya palabas ng store. She was overwhelmed by the feel of his hands in hers. Katulad dati, nailigtas na naman siya nito sa pagkapahiya.
“Alex..ah… okay lang ba na tawagin kitang Alex?” aniya.
Saglit itong hindi nagsalita bago tumango.
“Alex, thank you for saving me again”
Hindi nagbago ang facial expression nito. Ngunit sapat na ang marahang pagpisil nito sa kamay niya bilang sagot. Ayos na rin, kahit palabas lang iyon.
Gabi na nakarating sina Erica at Zander sa bahay nila sa San Jose, Nueva Ecija. Hindi pa rin nagbago ang lugar na iyon. Puno pa rin iyon ng mga ekta-ektaryang palayan at taniman. Layu-layo ang mga bahay na simple lamang ang pagkakayari. Sa parteng iyon ng bayan nila matatagpuan ang mga bahay na bungalow man ay malawak naman at maganda ang pagkakayari. Naroon ang bahay ng mayor nila. Katabi niyon ang bahay nila.
Mainit naman ang naging pagtanggap ng mga magulang niya kay Alex . Naghanda pa ang mga ito ng maraming pagkain. Matapos ang masaganang hapunan ay hinatid na niya si Alex sa silid na gagamitin nito. Siya man ay nagtungo na rin sa silid niya upang magpahinga. Ngunit tapos na siyang maligo at magpalit ng damit ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Minabuti niyang lumabas at magtungo sa paborito niyang lugar sa bahay nila.
Tinungo niya ang pinto sa kusina nila na patungo sa likod bahay. Sa labas niyon ay umupo siya sa nag-iisang baitang doon at tiningala ang langit.
Maraming bituin sa langit. Di hamak na mas maraming bituin doon kaysa sa kalangitan ng maynila. Ang daming Alex dito. Napasinghap siya ng makita niya ang buwan. Nakangiti iyon at may isang maliwanag na bituin na nakadikit doon. Buti pa sila close.
“What are you doing here?”
Mabilis niyang nilingon si Alex na nakatayo sa likuran niya. Hindi pa man niya ito nililingon ay alam na niyang nandoon ito. Unti-unti na kasi siyang nagiging pamilyar sa presensya nito. “Gising ka pa pala.” puna niya.
He shrugged his shoulders and sat beside her. Saglit itong hindi nagsalita pagkuwa’y biglang sinabing “You have nice parents.”
Tumango siya. Masaya siya dahil magiliw itong tinanggap ng mga magulang niya. Muli siyang tumingala sa langit. Napatitig siya sa buwan at may biglang naalala.
“Ang ganda ng moon o.” turo niya sabay sulyap kay Zander. Tumingala naman ito at marahang tumango.
“Sabi ni papa kapag ganyan daw kalapit ang isang star sa moon panahon daw ng ligawan kasi daw madali daw mapasagot ang mga babae.” pagkukwento niya sa pamahiin ng papa niya.
“May scientific explanation ba yan?” tanong nito.
Nilingon niya ito. “Wala pero effective daw yun nung panahon nila. Napasagot daw niya si mama noong tinyempo niyang may malapit na star sa moon e.” nangingiting wika niya. Naaalala niya pa ang pagkukuwento ng mga magulang niya sa pag-iibigan ng mga ito. Hanggang ngayon ay super sweet pa rin ang mga ito. Hindi nagsasawa ang mga ito sa isa’t-isa. Kuntento na ang mga itong mag-usap kapag walang ginagawa.
“So, if I will court you now, sasagutin mo ko?”