“ALERON?” Nangingiting napamulat siya matapos marinig ang malambing na pagtawag na iyon ni Holly sa pangalan niya. Sa pagbukas niya ng mga mata ay ang maamong mukha kaagad nito ang bumungad sa kanya. Nakayuko sa kanya ang dalaga nang mga sandaling iyon habang nakahiga naman siya. Ang mga hita nito ang pansamantalang naging unan niya. Nahigit ni Aleron ang hininga sa sayang lumukob sa puso niya. Ni minsan ay hindi niya natandaang naranasan niya ang magkaroon ng ganoong pakiramdam, ng ganoong uri ng kapayapaan na tumatagos hanggang sa kaluluwa niya. Nasa parke sila nang mga sandaling iyon ni Holly. Matapos masukatan ng traje de boda ang dalaga ay doon na sila dumeretso. Kung hindi niya lang nakikitang pagod na ito ay sa ibang lugar niya sana ito dadalhin at doon sila magpi-picnic. Ang ka