PROLOGUE
Mavis Nhea's P. O. V.
Nakatitig ako sa kaklase kong si Ardel, nasa bandang gitna siya nakaupo habang ako ay nasa pinakalikuran ng classroom. Nagtuturo ang teacher namin sa Araling Panlipunan. Sobrang tahimik ng lahat dahil tanghaling sobrang init ngayon at nakakaantok pa ang aming subject.
"Hoy, abot mo nga yung ballpen ko," iritang sambit ng katabi kong si Yumi.
Tinuro niya ang sahig, sa tapat ng paa ko ay may ballpen. Pinulot ko iyon at dahan-dahang inabot sa kaniya. Iritang-irita ang mukha niya.
"Gaano ba katagal bago ipagawa yung aircon, nakakainis!" daing niya.
Napatingin ako sa aircon namin na nasira kahapon, hindi na nila sinaksak ulit dahil baka sumabog daw yung sa wiring.
Muli kong binalik ang tingin ko kay Ardel, nanlaki ang mga mata ko nang tinatanggal na nito ang butones ng polo niya. Napatingin ako sa teacher namin, kapag nahuli siya, mapapagalitan na naman siya.
"Mr. Vicente!"
Halos lahat ng kaklase ko ay nagulat sa sigaw ni Ma'am. Ang mga inaantok ay nagising at umayos ng upo. Kapag talaga nasa likod ka nakaupo, nakikita mo ang galaw ng lahat.
"Yes, Ma'am?" mayabang na tugon ni Ardel.
"Bakit mo na naman ba tinatanggal ang butones ng polo mo, hindi ba napag-usapan na ninyo ng guidance counselor ang proper uniform?" mataray na sabi ng teacher namin.
"Mainit--"
"Alam ko, lahat tayo dito naiinitan dahil sira ang aircon ninyo. Pero hindi lahat nagtatanggal ng butones, magtiis ka, Mr. Vicente," mataray na sambit ng teacher namin saka kinuha ang libro na nasa lamesa.
"Ms. Melendez, pakibasa ang halimbawa sa page 61," ani Ma'am.
Bumilis ang t***k ng puso ko nang tawagin nito ang pangalan ko. Lahat ng kaklase ko ay tumingin sa akin, pakiramdam ko ay nag-init ang mukha ko sa sobrang kaba at takot. Dahan-dahan akong tumayo at kinuha ang libto.
"I-isa sa mga gustong muling i-ipatupad ng bagong p-presidente ng Pilipinas ay ang d-death penalty. Dahil--"
"Can you read it more faster, grade 10 na kayo at graduating," ani Ma'am.
Tumango ako nang hindi tumitingin sa kanila.
"I-ito ay mainit na i-isyu sa pagitan ng h-human rights--"
"Nakasalamin ka na, nabubulol ka pa, hindi mo ba mabasa?" ani ng kaklase naming pasaway rin na si Kelvin.
"Parang alien magbasa ah, saang planeta ka galing?" sabat pa ng isa kong kaklase.
Nagtawanan ang buong klase. Itinaas ko ang libro at tinakpan ang mukha ko. Napapikit ako at halos nabingi sa tawa ng lahat.
Muli kong naalala ang nangyare noong bata pa lamang ako, ang dahilan kung bakit tuluyan akong natakot sa mga tao.
-- Flashback --
Papasok ako sa school dala ang bago kong bag na hinihila, mayroon itong gulong sa paanan. Binili ito sa akin ng magulang ko.
"Tignan mo si Mavis, may bago na namang bag, hindi naman maganda!" sigaw ng kaklase kong si Jenny.
Napahinto ako sa paglalakad ko patungo sa upuan ko. Napalunok ako ng sarili kong laway. Lumakad ang mga kaklase ko papalapit sa akin.
"Ano ba 'yan? Ang pangit ng design," ani ng isa kong kaklase at sinipa ang bag ko dahilan para mabitawan ko ito.
Sa sobrang takot ko ay napaatras lamang ako sa kanila.
"Hindi naman maganda lahat ng gamit mo. Buksan nga natin ang bag ng pangit na 'to," ani Jenny.
"'W-Wag!" saway ko.
Hindi sila nagpatinag. Binuksan ni Jenny at ng isa ko pang kaklase ang bag ko saka binuksan ang pencil case ko.
"Akin na 'to!" sigaw ni Jenny at kinuha ang lapis kong may iba't ibang kulay.
"Sa akin 'yan!" sigaw ko.
Tatakbo sana ako papalapit kay Jenny ngunit hinarang ng kaklase kong lalake ang paa niya, dahilan para matalisod ako at mapasubsob sa sahig.
"Nadapa!"
"Lampa!"
"Tumayo ka diyan!"
"Hindi nakita ng lampa!"
Nagtawanan ang lahat sa akin at wala akong nagawa kundi ang umiyak.
"Grade three students! Bakit kayo nagkakagulo?" narinig ko ang teacher namin dahilan para lumayo ang lahat sa akin.
"Ma'am, nadapa po siya, tinutulungan po namin pero ayaw niya tumayo," ani ng lalakeng nantisod sa akin.
Nakatitig lang ako sa kanilang lahat, habang dahan-dahan akong itinatayo ng teacher namin, nakita ko ang ngiti sa labi nila.
--- end of flashback ---
"Class quiet!" sigaw ni Ma'am.
"May I go out po?" nanghihina kong tanong.
"Yes, you may, Ms. Melendez."
Mabilis kong ibinaba sa lamesa ko ang librong hawak ko saka tumakbo palabas ng classroom. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko habang naglalakad ako sa hallway ng nakayuko patungo sa comfort room.
Tumingin ako sa salamin. Nakikita ko ang batang sarili ko na umiiyak. Ilang taon na ang lumipas, hindi pa rin ako makalaban, puno ng takot at pangamba ang puso at isipan ko.
"Gusto ko na umuwi," bulong ko at napayuko.
Hinubad ko ang salamin ko sa mata para punasan ang mga luha ko.
*********
Pagdating ng uwian ay nagmamadali akong pumunta sa parking lot ng school para sumakay sa Van na service ko. Pagpasok ko sa sasakyan ay wala ang nakababata kong kapatid na si Faith.
"Manong, wala po si Faith?" tanong ko.
"Half day lang po sila ngayon, Ma'am Mavis."
Tumango ako. Nagsimula nang mag-drive si Manong Rey na driver namin simula bata pa lamang ako. Habang palabas ng school ay nahagip ng mata ko si Ardel, kasama niya ang isang babae na mukhang highschool student rin base sa uniform nito ngunit hindi ko siya kilala.
"Sino kaya 'yon?" tanong ko sa sarili ko.
"Ano po 'yon, Ma'am?" tanong ni Manong Rey.
"W-Wala po, Manong," ani ko at yumuko.
Sa sobrang daming estudyante rito sa Winston University, hindi ko namumukhaan ang mga babaeng nakakasama ni Ardel. Hindi kaya bago niya itong girlfriend?
Kinuha ko ang aking cellphone mula sa bag at chineck ang kaniyang social media account, wala namang nakalagay na in a relationship siyang muli. Ang alam ko ay kaka-break lang nila ni Samantha last week, sa ibang section iyong si Samantha pero grade 10 na rin siya kagaya namin.
May tatlong section ang grade 10, nasa 30 and up naman ang estudyante sa kada room pero lahat ng rooms dito ay ventilated.
Muli kong pinatay ang social media ko. Gumawa lang naman ako ng account para i-stalk si Ardel at makipag-chat sa magulang at kapatid ko. Pero wala akong mukha sa social media, hindi ako mahilig kumuha ng litrato, isa pa, pangit ako.
******************