"Grabe kahapon, babe..." bulong sa akin ni Carla habang abala ang teacher namin sa pagsusulat sa blackboard. Magkaklase kami sa isang subject at bilang may relasyon kami ay pinayagan naman kaming magtabi ng instructor namin.
"Oo nga, eh. Next time, huwag na tayong gumawa ng kung ano mang may malisya sa CR," natatawa kong bulong pabalik sa kanya.
Umirap siya sa akin.
"Miss na miss kita, babe. Tapos iyong si Attorney, istorbo! Naku, kung ordinaryong estudyante lang iyon, sinapak ko na. Kainis!"
Tuluyan na akong natawa sa kanya. Napatingin tuloy pati ang teacher sa akin.
"Sorry po, Sir!" kaagad kong hingi ng paumanhin.
Buti na lang at mabait ito kaya napailing na lang ito sa akin.
"Huwag na nga nating pag-usapan iyon, Carla. Isa pa, nakakahiya talaga na nahuli tayo tapos napagsabihan pa tayo ni Mr. Morfori. Next time, sa date na lang natin gawin, okay?" paglalambing ko sa kanya.
"Date? Aba, Darcy, gusto ko 'yan syempre!" excited niyang sambit. Lalo siyang napangiti nang kindatan ko siya.
Ang mga sumunod na oras ay ginugol na namin sa pakikinig sa teacher na nagsimula nang mag-lecture.
Sabay na kaming nag-lunch ni Carla kasama ang mga kaibigan namin. Nang matapos ang klase sa hapon ay inihatid ko siya. Nangako rin akong magdi-date kami sa Sabado para naman makabawi kami sa isa't isa.
Naglalakad na ako palabas sa kalye nila dahil walang dumaraan na tricycle na pwede kong sakyan pauwi sa amin. Palibhasa ay bako-bako pa ang daan dito kina Carla. Ilang sandali pa ay nakarating na ako sa sementadong daan kung saan dumaraan ang mga tricycle at jeep. Wala pang isang minuto akong nag-aabang ng masasakyan nang may pumaradang magarang kotse sa harapan ko. Napaatras pa ako nang bumukas ang pintuan sa likod ng sasakyan. Hinintay ko ang paglabas ng nasa loob upang mapagsino ko ito ngunit nagdikit ang mga kilay ko dahil sa tagal nitong lumabas.
Bumakas ang pintuan ng sasakyan sa harap at lumabas ang nakauniporme na driver.
"Pasok ka, Sir. Ihahatid ka na namin."
Napalingon ako sa dalawang gilid pati na sa likuran ko sa pag-aakalang ibang tao ang sinabihan nito. Nang makitang wala naman itong ibang kakausapin kundi ako ay napaturo ako sa sarili ko.
"Ako po ba ang kinakausap ninyo, Kuya?" tanong ko sa lalaki.
Ngumiti muna ito sa akin at saka tumango.
"Opo, Sir. Kayo po ang kausap ko."
"Pero hindi ko po kayo..."
Nabitin sa lalamunan ko ang sasabihin ko sana nang lumabas mula sa likuran ng sasakyan ang isang matangkad na lalaking kilalang-kilala ko.
Kaagad akong nakadama ng hiya at pag-aalinlangan. Kaagad ko itong binati.
"Good afternoon po, Attorney."
Tipid itong ngumiti sa akin at pagkatapos ay inilahad ang kamay sa loob ng sasakyan.
Kesa naman mas mapahiya ako kung tatanggihan ko ang alok nito, pumasok na ako sa kotse. Wala sigurong tao ang may kakayahang tumanggi rito lalo na kapag kilala kung sino ito.
Nang makapasok na kaming dalawa sa likurang bahagi ng sasakyan ay nangingimi akong nagpasalamat agad sa kanya.
"Thank you po, Attorney."
Lumingon siya sa akin bago ako sinagot.
"Don't worry, madaraanan din naman namin ang lugar ninyo kaya ihahatid ka na namin kesa mamasahe ka pa."
Nagulat ako sa tinuran niyang iyon. Alam niya pala kung saan ako nakatira dito sa bayan namin. Pero bakit? Paano? Pinaimbestigahan ba niya ako dahil sa nahuli niyang kalokohang ginawa ko sa school?
Hiyang-hiya akong napasulyap sa kanya.
"Alam n'yo po kung saan ako nakatira, Sir?" pagtatanong ko ipang makasiguro ako.
"Oo. Sa munisipyo nagtatrabaho ang Tatay mo, 'di ba? Halos kilala ko ang mga nagtatrabaho roon dahil sa kapatid ko," tila pagpapaliwanag niya.
Oo nga pala. Ate niya ang kasalukuyang Mayor ng aming bayan. Vice Mayor naman ang bunso nilang kapatid na lalaki. Nakakagulat na kahit sa kabilang bayan siya nakatira ay kilala niya ang mga empleyado sa munisipyo namin. Alam pa siguro niya kung saang banda dito sa bayan ang tirahan ng lahat. Alam niya kung saan ang bahay namin, eh. Kunsabagay, nasasakupan pa rin niya naman kami.
"Kinikilala ko ang lahat, Darcy. Lalo na ang mga taong nakakakuha ng interes ko."
Napalunok at bigla akong nanlamig sa huling tinuran niya na tila pagsagot sa mga katanungang nasa isipan ko. Basang-basa niya ang iniisip ko, ah? Abogado talaga siya. Muli akong napalunok nang tila umugong sa mga tenga ko ang sinabi niya. Pakiramdam ko ay double meaning iyon. Mabilis akong lumingon sa labas ng bintana. Pinagalitan ko ang sarili ko dahil sa paglalagay ng malisya sa sinabi ni Attorney. Baka naman ang ibig niyang sabihin ay may balak siyang tumakbong kandidato dito sa aming bayan sa susunod na eleksiyon kaya kinikilala na niya ang mga taga-rito sa amin. Inaalam ang lahat ng tungkol sa amin lalo na kung saan kami nakatira.
Tsaka baka na-curious siya sa akin. 'Di ba nga at napanuod niya akong magsayaw tapos nahuli na may kalampungan sa CR? Baka rin nakita na niya ako sa picture noon kung madalas siya sa munisipyo namin. Sa pagkakatanda ko ay may picture si Papa ng buong pamilya na namin na naka-display sa lamesa niya doon sa kanilang opisina. O baka naman nakakuwentuhan na niya si Papa. Tama. Baka nga ganon kaya tila kilalang-kilala ako ni SPM.
Sinubukan ko nang i-relax ang sarili ko para naman hindi mapansin ni Attorney na tila naaalinsangan ako. Malamig pa naman sa loob ng sasakyan.
"Attorney, dito na lang po ako."
Tinuro ko ang kalye papasok sa bahay namin.
"Idu-door-to-door ka na namin," hindi mababaling sagot naman niya kaya napatango na lang ako.
Nang tumigil ang kotse sa harapan ng aming bahay ay kaagad na akong lumingon sa kanya upang muli ay magpasalamat.
"Thank you po ulit sa pagbaba sa akin dito, Attorney."
"Walang anuman, Darcy. Hindi mo ba kami iimbitahang pumasok sa loob?"
"Po?!"
Napangiti siya nang maluwang dahil sa gulat kong sambit. Napanganga naman ako sa kanya. Simpatiko pala si Attorney kapag ngumingiti. Umaamo ang kanyang matapang na mukha.
"Biro lang. Maybe, next time."
Dahan-dahan akong napatango sa kanya bago ko binuksan ang pintuan ng kotse at saka lumabas. Maingat kong isinara ang pintuan at nag-bow pa ako bilang pagbibigay-galang nang makita kong itinaas niya ang kanyang kamay bilang pagpapaalam sa akin.
Nakasunod ang mga mata ko sa sasakyan nang umandar na ito paalis hanggang sa mawala iyon sa paningin ko. Napatalon pa ako sa gulat nang may magsalita bigla sa tabi ko.
"Sinong naghatid sa'yo, Darcy?"
"Mama, naman! Bakit po kayo nanggugulat?" may halong inis kong tanong. Natawa naman siya sa ginawi ko.
"Anong nanggugulat? Nagtatanong lang ako," natatawa pa ring sabi niya.
"Nagulat nga kasi ako sa bigla mong pagtatanong, Mama."
Naglakad na ako papasok sa loob ng bahay habang nakasunod siya sa akin.
"Paanong hindi ka magugulat, naka-concentrate ka sa panunuod doon sa kotseng umalis. At Darcy, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko," pagpapaalala niya sa akin.
Patamad akong umupo sa sofa pagkatapos kong ibagsak doon ang backpack ko.
"Si SPM Simon po, Ma. Kilala niya po pala tayo lalo na si Papa. Nadaanan niya ako kaninang ihinatid ko si Carla sa kanila kaya pinasakay na niya ako dahil daraan din daw sila rito sa atin."
"Aba, napakabait naman ng kapatid ni Mayora at ihinatid ka pa talaga rito. Kunsabagay, basta naman sumusunod tayo sa alintuntunin ng munisipyo ay mababait ang mga Simon. Nakapagtataka lang na sa dinami-dami ng mga anak ng empleyado sa munisipyo ay isa ka sa natatandaan niya."
Umupo si Mama sa harap ng kinauupuan ko.
"Oo nga, Ma. I feel so special tuloy," pagbibiro ko sa kanya.
"Balitang chicboy daw iyang mga kapatid ni Mayora, Darcy."
Natawa ako kay Mama.
"Ma, nagiging tsismosa ka na."
Sumimangot siya sa akin.
"He! Ibinabalita ko lang sa'yo iyong nabalitaan ko. Siguro kaya nandito sa atin si Attorney ay dahil may chic siya rito. Hmm, baka may binababae siya."
"Magulat ka, Ma kung may nilalalaki siya rito," tatawa-tawa kong muling pagbibiro sa kanya.
"Kanina ka pa, Darcy. Tatamaan ka na sa akin, ha?"
Nang mapansin kong nagagalit na talaga siya ay lumipat ako ng upo sa tabi niya at saka yumakap sa kanya. Hindi naman tumatagal ang galit niya sa akin. Ako pa ba eh paborito niya akong anak dahil ako ang bunso niya? Ako yata ang baby ng pamilya namin.
"Si Mama, masyadong hot. Para niloloko lang naman kita, eh. Oo na, sikat na kung sikat sa pagka-chicboy ang mga lalaking Simon. Syempre nasa kanila na lang lahat. Matatangkad, malalaki ang katawan, malalakas na s*x appeal. Tapos mayaman pa sila at pulitiko. Dudumugin talaga sila ng mga girls, Ma. Hindi tulad ko, guwapo lang at hot."
Sabay na kaming tumawa ni Mama dahil sa sinabi ko.
"Paanong hindi ka guwapo eh nagmana ka sa akin? Syempre, like pretty Mama, like handsome son. Kaya ka nga hinahabol ng mga chics sa school ninyo, eh. Si Carla lang ang nakasungkit sa'yo."
Muli akong tumawa.
"Nagpapa-charming lagi, eh kaya ayun, sinagot ko na, Ma. Hindi kasi halatang patay na patay siya sa akin. Eh, Mama, paano kung doon sa guwapo kong schoolmate ako pumatol? Doon kay Steven. Hindi mo ba ako itatakwil?"
Pinabusangot ko ang bibig ko para magmukha akong nakakaawa.
"Ke babae o lalaki, basta mahal mo at mahal ka, walang problema, Darcy. Alam naman namin ng Papa mo na medyo malambot kang kumendeng paminsan-paminsan."
Muli tuloy akong napayakap sa kanya dahil sa sinabi niya.
"Mahal na mahal mo talaga ako, Mama."
"Syempre naman. Pero sana, magtapos ka muna sa pag-aaral at makahanap ng maayos na trabaho bago ka pumatol sa lalaking tulad mo, Darcy."
"Promise, Ma. Magtatapos muna ako sa pag-aaral ko bago ako magseseryoso sa isang relasyon. I mean, iyong talagang pang-simbahan na. Ayos ba iyon, Ma?"
"Ayos na ayos, anak."
Napangiti kami sa isa't isa.
"Apir na, Mama!"
"Apir!"