Hindi ako makatulog.
Hindi ko mahanap ang antok ko. Kanina pa ako nakatunganga sa kisame ng kuwarto namin ng Kuya ko. Naduduling na nga ako kasi ako itong nasa itaas ng double deck na higaan namin. Mabuti na lang at may lampshade at iyon Ang nakabukad para magsilbing liwanag dito sa loob ng kuwarto namin ni Kuya. Kung iyong bumbilya dito sa kuwarto ang bukas, baka hindi lang pagkaduling ang mangyayari sa akin. Baka maging bulag na ako bukas.
Paano naman kasi ay hindi maalis sa isipan ko ang nangyaring paghahatid sa akin dito sa bahay ni Attorney kanina. Hindi ko kasi inaasahan na magkukusa siyang ihatid ako sa bahay kahit na sablay ako sa unang pagkakakilala namin.
At saka ano iyong sinabi niya kanina? Pinaiimbestigahan niya ang mga taong nakapukaw sa interest niya. Inaalis ko lang ang malisya sa mga salitang binitawan niya pero pakiramdam ko talaga ay may malisya iyon. Para bang ipinaparating niya sa akin na interesado siya sa akin.
Pero paano naman siya magiging interesado sa akin kung sabi nga ni Mama, chicboy siya? Pero feeling ko talaga, interesado siya sa akin, eh. Hindi ko maalis iyong pakiramdam na iyon kahit anong pagrarason pa ang lumalabas sa isipan ko. Baka naman dahil bisexual ako kaya sensitive ang radar ko sa mga ganong bagay. Kaya ko nalalagyan ng malisya ang mga salita niya.
Hindi naman impossible iyon, 'di ba? Baka umipekto sa kanya ang kapogian ko. Nakakaloko kong sabi sa sarili ko.
Tinakpan ko ang bibig ko at impit na tumawa para hindi maistorbo si Kuya Dennis na nananaginip na sa baba ng double deck.
Pero pogi rin naman si Attorney. Malaki ang katawan. Sigurado akong ma-muscle din siya. Kung maraming girls ang Patay na patay sa akin sa school namin, sigurado akong marami ring babae ang nagkandarapa sa kanya. Bukod sa itsura at bulsa niya, maimpluwensiya pa ang pamilya niya kaya siguradong suwerte ang magiging asawa niya. Walang-wala sa itsura niya na papatol siya sa kapwa niya lalaki. Sigurado akong matigas siya. Matigas na matigas at hindi biglang kumikendeng kapag naglalakad tulad ko na sabi ni Mama.
Siguro bumabawi lang siya sa akin kasi napahiya ako sa harap ng School President namin noon. Siguro mabait lang din siya talaga at makatao. Marami man kaming naririnig na negatibo tungkol sa pamilya nila, na-discover ko namang mabait pala siya. Siguro lumalabas lang din ang tapang at pagiging istrikto nila kapag nagagawan sila ng mali. Lahat naman, 'di ba? At tao lang din naman sila.
Siguro ay ganon nga. Mabait lang talaga si Attorney.
Kinabukasan ay medyo late akong nakabangon dahil sa pagpupuyat ko noong nakaraang gabi kaya naman sobrang nagmamadali ako sa pag-aayos. Nakakainis dahil binungangaan pa ako ni Mama.
"Ayan, magkasama na nga kayo buong maghapon, text pa rin kayo ng text sa gabi! Sabihin mo dyan kay Carla na huwag nang mangulit kapag nakauwi na kayo!" patuloy niyang litanya na hindi ko na lang masyadong pinagtutuunan ng pansin dahil abala ako sa pagnguya at paglunok.
"Ma, ano ka ba naman? Naririnig ka ng mga kapitbahay," pagsusuway sa kanya ni Papa.
"Wala akong pakialam. At Wala silang pakialam kahit na buong maghapon kong sermunan ang anak ko dahil iyon ang paraan ko ng pandidisiplina. Ikaw Darcy, ha? Binabalaan kita. Kapag hindi ka tumigil sa kapupuyat mo dahil diyan sa girlfriend mo, kahit college ka na ay kukunin ko iyang cellphone mo. Pati trabaho ko, naapektuhan dahil sa'yo! Pareho tayong mali-late!" Imbiyerna na talaga si Mama dahil makakaltasan siya sa sahod niya bilang guro kapag late siyang nakapindot sa biometrics nila.
"Ihahatid ko na lang siya pagkatapos ka naming ibaba sa school ninyo, Ma," pagpapakalma sa kanya ni Papa.
"At ikaw naman ang mali-late? Hayaan mo na siyang maglakad hanggang sa school nila pagkahatid mo sa akin!" matigas nitong utos.
Nagkatinginan kami ni Papa at lihim na nagkangitian para hindi makita ni Mama na alam namin na lalo nitong ikaiinis. Pareho naming alam na hanggang salita lang naman iyong sinabi ni Mama. Mag-aalala rin siya kapag hindi ako naihatid ni Papa sa eskwelahan.
Nagmamadali akong nag-toothbrush pagkatapos kong kumain. Hindi na ako nagpakabusog dahil labinlimang minuto na lang ang natitira sa akin. Ang mga kapatid ko ay nagsipasukan na sa kani-kanilang trabaho. Sa aming apat ay ako na lang ang nag-aaral.
Panganay namin si Ate Kathleen. Isa rin siyang guro katulad ni Mama ngunit sa isang pribadong paaralan siya nagtuturo. Si Kuya Dennis naman ay isang Engineer. Sa kabilang bayan siya nagtatrabaho ngunit Dito pa rin siya sa bahay umuuwi katulad ni Ate Kathleen. Ayaw silang payagang mag-boarding house nina Mama kahit nasa tama na silang edad. Si Ate Kristine ang kasunod ko. Isa siyang sekretarya sa isang pribadong kumpanya sa Isang kalapit na bayan. Kaga-graduate lang niya last year at suwerte namang nakakuha siya agad ng trabaho.
Sabi ng mga kapatid ko ay ako ang pinakamasuwerte sa aming apat dahil wala akong kaagaw sa tuition fee (na hindi naman kailangan dahil scholar naman ako) at halos lahat sila ay binibigyan ako ng pera tuwing sahod nila. Hindi raw tulad nila noon na nag-aagawan pati sa allowance nila. Syempre, biro lang iyon. Ginawang naman ng paraan nina Mama at Papa na mapag-aral nang maayos ang mga kapatid ko at may mga hawak na sapat na pera habang nag-aaral sila. Sagot ko naman, wala akong magagawa kung huli akong ginawa nina Mama at Papa. Mabuti nga at nasundan pa si Ate Kristine para balang-araw ay dalawa kami ni Kuya Dennis na magpapakalat ng apelyido namin.
Halos patakbo na ang ginawa naming tatlo para makalabas agad sa bahay nang sabay-sabay kaming mapahinto sa tapat ng gate. Paano kasi ay may nakaparadang kotse sa labas ng gate namin. At kung hindi ako nagkakamali ay sasakyan iyon ni Attorney Samuel Simon!
...
Hindi makapaniwalang pabalik-balik ang tingin ko sa kanya habang abala siya sa tablet na hawak niya.
"May gusto ka bang sabihin? Kanina ka pa pasulyap-sulyap sa akin," hindi nakatingin na tanong niya.
Napalunok muna ako bago ako nagtanong.
"Bakit... Bakit n'yo po ako ihahatid sa school?"
Natigil siya sa ginawa niyang pagbabasa at may katagalan din akong naghintay bago siya tumingin sa akin.
"Mali-late ka kung hindi ka namin ihahatid, hindi ba?"
Tumango ako bilang kasagutan.
"Sabihin na nating nagmamagandang loob ako. Hindi naman iyon masama."
Hindi na ako umimik pa. Kaninang malabasan namin sila nina Mama at Papa ay si Papa ang kinausap niya na waring may ipinag-uutos siya rito. Pagkatapos ay nagtanong siya kung bakit nasa bahay pa ako samantalang alam daw niya ang oras ng pasok ng mga estudyante sa kolehiyo. Kaagad naman siyang sinagot ni Mama na napuyat ako kaya late akong nagising. At boom, ayun. Nag-volunteer si Attorney na ihatid ako tutal madaraanan naman daw niya ang school ko.
Napaka-timing niya. Lalo tuloy dumami ang tanong sa isipan ko. Gaya ng kung may ipag-uutos siya kay Papa, bakit hindi sa munisipyo niya ginawa? Bakit sa mismong bahay pa namin siya nagpunta? Kung nagmamadali naman siya at hindi na niya mahintay si Papa sa munisipyo gaya ng sabi niya kanina, bakit may oras pa siyang ihatid ako sa school?
"Huwag masyadong maraming iniisip, Darcy. Umagang-umaga, napakalalim na ng mga iniisip mo." Napabaling ako sa kanya ng dinaoras. Napakagat din ako sa ibang labi ko nang makita ko siyang tipid na ngumiti dahil siguro sa binabasa niya sa tab niya.
Bakit parang napaka-sexy naman ng pagkakasambit niya sa pangalan ko? Tapos ang cute ng ngiti niya?
Nag-init ang mga pisngi ko nang mahuli niya akong nakatitig sa kanya tapos lumuwang pa iyong pagkakangiti niya sa akin. Agad tuloy akong nag-iwas ng tingin.
Bakit ba biglang nag-iba ang pakiramdam ko rito kay Attorney? Bakit parang lahat na lang ng kilos niya ay nilalagyan ko ng malisya?
"Darcy!" tili ni Carla na tumatakbo papalapit sa akin. Nakita marahil ako nito sa loob ng sasakyan at balak akong salubungin. Liningon ko si Attorney Simon at nakitang kay Carla siya nakatingin na walang kangiti-ngiti.
"Attorney, thank you po ulit."
Natigilan ako nang walang ngiti niya akong tinignan at pagkatapos ay tumango lang. Napapahiyang lumabas na lang ako agad sa sasakyan at ilang sandali lamang ay naramdaman ko na ang pagyakap ni Carla sa akin. Awtomstikong napatingin ako kay Attorney at napansin na naman ang kakaiba niyang tingin sa nga braso ni Carla na nakapalibot sa katawan ko.
Nakita kong nagsalita siya ngunit Hindi ko naunawaan iyon. Umandar na ang sasakyan paalis habang nakasunod ang tingin namin dito ni Carla.
"Sino iyon, babe? Sinong naghatid sa'yo?" naglalambing na tanong ni Carla sa akin.
"Ah, si Attorney Simon, babe. Dumaan kasi siya sa bahay kanina kasi may ibinilin siya kay Papa. Daraan sila rito sa school kaya sumabay na ako kasi mali-late na ako," pagpapaliwanag ko.
Gulat siyang napatingin sa akin at matagal akong pinagmasdan. Nawala ang ngiti niya pagkatapos.
"Mabait pala iyon? Buti hindi ka isinumbong sa Papa mo."
Umiling ako at saka siya inakbayan. Naglakad na kami patungo sa building namin.
"Hindi naman. Mabait naman siya."
Nawala lang ang maganda niyang mood noong makita ka niya.
Bakit nga kaya ganon? Bakit biglang nawala ang matamis na ngiti ni Attorney at naging pormal siya nang makita niya si Carla?
Nagseselos ba siya sa girl friend ko?