Chapter 4

2258 Words
PRECY Madaling araw na nang magising akong kumakalam ang aking sikmura. Sinubukan kong bumangon, pero impit na daing ang kumawala sa labi ko, dahil hindi ko maigalaw ang kanang binti ko. Ngayon ko lang napagtanto na na-sprained nga pala ang paa ko kagabi sa party. Kahit ayaw kong bumangon at bumaba sa kama ay kailangan kong uminom ng gamot, para kahit paano ay mawala ang matinding pananakit ng binti ko. Pinilit kong bumangon at bumaba sa kama. Kailangan kong lumabas at pumunta sa kusina, para tingnan kung ano ang pwede kong kainin. Hirap man akong kumilos ay pumasok muna ako sa banyo, para maghilamos at mag-sipilyo. Madilim ang buong kabahayan, kaya nagpapasalamat ako na may nakabukas na malamlam na ilaw sa dulo. Kahit paano ay nakikita ko ang dinadaan ko at hindi ako nangangapa sa dilim. Mabuti na lang at malapit ang silid ko sa kusina, kaya hindi ko na rin kailangan na bumaba ng hagdan. Binuksan ko agad ang refrigerator para maghanap ng pagkain. Hindi kasi ako nakapag-luto kagabi dahil umalis kami ni Aryan para dumalo sa event, kaya lang disaster naman ang nangyari sa akin doon. Hindi ko rin alam, kung nagluto ba si Tinay para sa kanyang amo, dahil bihira lang naman kumain dito sa bahay si Aryan. Nakahinga ako ng maluwag ng makita ko ang tirang ulam sa loob ng fridge. Agad na kinuha ko ang tupperware na lagayan nito at mabilis binuksan para kumuha ng kaunti at initin sa microwave. Iika-ika na naghanda ako ng pagkain ko. Sa kondisyon ko ngayon ay kailangan kong kumain ng mabuti para may lakas ako. Alam ko naman kasi na walang pakialam sa akin si Aryan. His heartless. Kahit makita niya akong mamatay sa kanyang harapan ay hindi nito mabubura ang galit at puot na nararamdaman niya para sa akin. Punong-puno siya ng galit at kahit anong sabihin ko ay hindi siya nakikinig. Matapos kumain ay niligpit ko ang mga ginamit ko at hinugasan ang mga ito. Mabilis ko itong ginawa, dahil hindi ko kayang tumayo ng matagal. Mas masakit ngayon ang pakiramdam ko sa paa ko. Kulang na lang ay maglakad ako gamit ang isang paa, dahil halos hindi ko maitapak sa sahig ang kanang binti ko. Pabalik na sana ako sa silid ko ng marinig kong may yabag na papalapit dito sa kusina. Gising na pala si Tinay at mukhang magsisimula na siyang magluto para sa almusal. Nagulat pa siya ng makita akong narito sa kusina ng ganito kaaga at iika-ika pa. "Good morning, Ma'am Precy," magalang at naka-ngiting bati niya sa akin. "May kailangan po ba kayo?" Ngumiti rin ako sa kanya at marahang umiling. "Good morning, Tinay. Kumain lang ako." "Naku, sana tinawag mo agad ako, Ma'am Precy, para naman natulungan sana kita. Kanina pa po ako gising. Nagbabasa lang ako ng bagong chapter update ng mga novela na binabasa ko sa Dreame application, kaya hindi agad ako lumabas ng silid ko, kasi maaga pa naman po," madaldal na paliwanag ni Tinay. Kahit masakit ang paa ay nagawa kong ngumiti sa kanya. Hopeless romantic kasi si Tinay. Mas gusto pa niya ang magbasa ng mga novela sa Dreame apps, kesa ma-experience ang magkaroon ng tunay na lalaking magmamahal sa kanya. Bago lumabas sa kusina ay hinarap ko si Tinay. "Di ba ang sabi ko sa iyo ay Precy na lang ang itawag mo sa akin?" Napangiti naman si Tinay. "Oo nga pala, ma'am. Kaya lang, alam mo naman na kapag bagong gising ako ay fresh na po ulit ang memorya ko. Nakalimutan ko na tuloy ang usapan natin kahapon." Tipid na napangiti ako kay Tinay. Sa mga taong nasa paligid ko ay tanging siya lamang ang nakikita kong gumagawa ng effort para kahit paano ay mapangiti ako at gumaan ang mabigat na pakiramdam sa bahay na ito. Habang nag-uusap kami ay bumaba ang mga mata ni Tinay sa katawan ko at napatingin siya sa paa ko. Alam kong gusto niyang magtanong, pero hindi niya ginawa. Narinig kong nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga at napa-iling pa. "Ang sabi ko naman sa iyo, ma'am, kapag kailangan mo ng tulong ay tawagin mo lang agad ako. Ako ang maid dito sa bahay at hindi ikaw." Ngumiti ako sa kanya at sinabi kong ayos lang ako, pero malinaw na nakita ko ang naging reaksyon ni Tinay. Alam kong hindi siya naniniwala sa sinabi ko, lalo pa at nakikita naman niya kung paano ako kumilos. "Teka lang, Ma'am Precy. Mas mabuti po kung uupo ka muna, mag-init lang ako saglit ng tubig." Narinig kong sabi ni Tinay kaya tumango lang ako. "Tinay, meron ba tayong painkiller dito sa bahay?" hindi nakatiis na tanong ko sa kanya. "Hindi po ako sigurado, ma'am," mabilis na sagot ni Tinay sa akin. "Teka, titingnan ko po muna." Agad lumabas dito sa kusina si Tinay, kaya naiwan akong mag-isa. Dahan-dahan at maingat akong umupo. Tahimik na hinintay kong bumalik si Tinay. Kailangan ko talagang makainom ng gamot, dahil pakiramdam ko ay hindi ko kayang tagalan ang matinding sakit na nararamdaman ko ngayon. Magang-maga na rin ang paa at binti ko ng tingnan ko kanina. Mainit rin ang balat ko nang hawakan ko ito at nararamdaman kong may pumipintig na ugat sa tuwing gagalaw ako. Hindi nagtagal ay dumating si Tinay, dala ang gamöt na hiningi ko sa kanya. "Ma'am Precy, heto na po. Inumin mo na ito, para gumanda na ang pakiramdam mo." Agad na kinuha ko ang gamöt na binigay ni Tinay sa akin, maging ang isang basong tubig na hawak niya. "Salamat, Tinay," may ngiti sa labi na sabi ko sa kanya. Nakangiting umiling si Tinay at marahang tinapik ako sa balikat. "Wala po 'yon, Ma'am Precy. Mabuti pa ay dito ka muna sa kusina at tutulungan kitang hilutin ang paa mo." Hindi ako tumanggi, dahil alam kong kailangan ko ang tulong niya. Kagat ang pang-ibabang labi na tumango ako bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Tinay. Naluluha kasi ako sa nakikita kong pag-aalala niya sa kondisyon ko. Mababaw ang luha ko at hindi ko maiwasan na huwag maging emosyonal ngayon, dahil tanging siya lamang ang nag-iisang taong may pakialam sa akin sa loob ng bahay na ito. Simula ng nawala si mommy ay nagbago na ang dating masayang buhay ko. Sobrang nasaktan si daddy sa pagkawala niya, kaya halos patayîn niya ang sarili sa trabaho. Maging ako ay kinalimutan ni daddy. Para bang siya lang ang nasaktan ng mawala si mommy sa buhay naming dalawa. Mag-isa siyang nagluksa, habang ako naman ay ginawa ko ang lahat para tulungan siyang makabangon, lalo na kapag nakikita ko, kung ano ang kondisyon ng aking ama sa tuwing uuwi siyang lasing na lasing at halos hindi na makatayo. Bihira na lang kaming magkita noon at kahit mahalagang okasyon sa buhay naming dalawa ay kinalimutan ni daddy. Sobra-sobra siyang nagluksa sa pagkamatay ni mommy. Alam ko kung gaano kamahal ni daddy ang aking ina, kaya nauunawaan ko kung bakit siya sobra nasaktan ng mawala siya sa buhay namin. Everything so perfect noon. Masaya ang pamilya ko, hanggang isang aksidente ang kumitil sa buhay ng aking ina at iyon ang naging dahilan ng pagbabago sa buhay ko at ng aming buong pamilya. "Ma'am Precy, ibabad po muna natin ang paa mo dito sa loob, para guminhawa ang pakiramdam mo." Narinig kong sabi ni Tinay, kaya naputol ang pagbabalik tanaw ko sa nangyari noon. May dala pala siyang timba na may lamang maligamgam na tubig. Impit na daing ang narinig niya mula sa akin, habang naka-ngiwi nang hawakan niya ang paa ko at inangat para ibabad "Grabe ang pamamaga ng paa mo, ma'am," napa-iling na sabi ni Tinay. "Kailangan po nating mahilot 'yan, para gumaling agad, dahil mukhang nabalian ka ng buto." "Marunong ka ba maghilot, Tinay?" tanong ko sa kanya. Agad namang ngumiti si Tinay at sinabing magaling daw siya maghilot. "Ganyan po ang ginagawa namin sa probinsya. Nilalagyan rin namin ng kahoy at tinatalian kung kinakailangan kapag talagang nabalian ng buto, bilang proteksyon habang nagpapagaling." Mukhang may alam nga sa ganitong gawain si Tinay, kaya napanatag ako. Hinawakan ko ang kanyang kamay at taos-pusong nagpasalamat sa kanya. "Salamat, Tinay." Habang nakababad ang mga paa ko sa maligamgam na tubig ay nagsimula ng maghanda si Tinay para sa almusal. Nahihiya ako sa kanya, dahil instead na tulungan ko siya ay naging pabigat pa ako at dagdag na trabaho para sa kanya, pero hindi ko rin matanggihan ang tulong na offer niya, dahil alam kong kailangan ko ito. Pinanood ko ang bawat ginagawa ni Tinay. Flexible siya at kaya niyang gawin ang multitasking na mga trabaho. Marunong siyang mag-balance ng kanyang oras at madali lang para sa kanya na gawin ang pagluluto. Anak raw si Tinay ng katiwala sa bahay ng mga magulang ni Aryan. Ang kwento niya ay maselan ang kanyang amo pagdating sa mga kasambahay at hindi basta nagha-hire ng kung sino-sino lang. Kahit nagsisilbi na sa pamilya Miller ang mga magulang ni Tinay ay dumaan pa rin daw siya sa matinding screening. Gusto ko sanang magtanong kay Tinay tungkol sa mga magulang at pamilya ni Aryan, pero pinigilan ko ang sarili ko, dahil narinig kong sinabi niya noong bago pa lang ako dito sa bahay, na bawal silang pag-usapan. May kakaiba kay Aryan. Para bang napakalakas ng impluwensya niya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Kahit ilang buwan na kaming kasal ay hindi pa niya ako pinapakilala sa kanyang pamilya. Kahit minsan ay walang kahit isa sa mga kamag-anak ni Aryan ang pumunta dito sa bahay, kaya wala akong ideya sa tunay na pagkatao ng lalaking pinakasalan ko, maliban sa narinig kong sinabi ni Tinay na bilyonaryo raw at napakayaman ng kanyang amo. Base sa mga nakikita ko ay may hinala akong involved si Aryan sa isang sindikato, dahil na rin sa kilos niya sa loob at labas ng bahay na ito. Ilang ulit ko siyang narinig na may hindi magandang inutos sa kanyang mga tauhan. Maraming pagkakataon na rin ang nakita kong nagdala ng limpak-limpak at malaking halaga ng pera ang mga bodyguard ni Aryan at nakita kong dinala sa opisina niya. Sa nasaksihan ko kagabi, alam kong makapangyarihan si Aryan. Nakita ko ang takot sa mga mata ng mga taong nakapaligid sa kanya sa event na iyon at walang kahit na sino ang nagkaroon ng lakas ng loob para magsalita at pigilan siya. "Ma'am Precy, handa na po ako. Pwede na po tayong magsimula," sabi ni Tinay. Lumapit pala siya sa akin, pero dahil nauwi na naman ako sa malalim na pag-iisip ay hindi ko agad siya napansin. May dala siyang maliit na bangkito at baby oil na inilapag sa paanan ko. Kumuha na rin siya nga table tissue, para ipatong sa ibabaw ng kanyang hita at pagkatapos ay umupo sa harap ko. Namilipit ako sa sakit nang hawakan ni Tinay ang paa ko at inangat para ipatong sa ibabaw ng kanyang hita. Halos maihi ako sa matinding sakit na nanuot sa kalamnan at buto ko, kaya hindi ko namalayan na mahigpit na pala akong nakakapit sa magkabilang gilid ng upuan ko nang magsimulang hilutin ni Tinay ang paa ko. "Aray!" malakas na hiyaw ko. "Ang sakit, Tinay." "Sorry, ma'am. Mas lalo lang po itong mamamaga at hindi agad gagaling kapag hindi po nahilot 'yan," sincere na paliwanag ni Tinay. Kagat ang pang-ibabang labi na tumango na lang ako. Tama naman si Tinay. Gusto kong gumaling kaya dapat tiisin ko ang matinding sakit na nararamdaman ko ngayon. Nakapikit ako, habang mariing kagat ang pang-ibabang labi at tumutulo ang luha. Tiniis mo ang bawat paghagod ng kamay ni Tinay sa paa ko, dahil alam kong kailangan ko ito. Malakas na sigaw at daing ko ang pumuno sa apat na sulok dito sa kusina, habang hinihilot ni Tinay ang binti ko. Ilang ulit rin akong napasigaw nang hatakin niya ang paa. "Hindi ko na kaya, Tinay," naghahabol ng hininga na sabi ko sa kanya. "Pasensya na po, ma'am. Kailangan ko lang gawin ang ganito, dahil mas matagal po ang healing mo, kung hahayaan natin 'yan." Ibinaba ni Tinay ang paa ko at gamit ang tissue ay pinunasan niya ang kanyang kamay. "Halika na po, Ma'am Precy. Ihahatid na kita sa silid mo, para makapag-pahinga ka," magalang na yaya sa akin ni Tinay, pero umiling ako. "Huwag na, Tinay. Kaya ko na ang sarili ko," mabilis na tanggi ko. "Salamat sa pagtulong sa akin. Tatanawin ko itong malaking utang na loob sa iyo." Ngumiti sa akin si Tinay. "Huwag mo na pong isipin 'yan, Ma'am Precy, maliit na bagay lang 'yan, saka malaki naman po ang sahod ko," pabirong sagot ni Tinay. Inalalayan niya akong tumayo. "Sure ka na po ba, ma'am, na ayaw mong ihatid kita sa silid mo?" muling tanong ni Tinay sa akin, kaya mabilis na 'oo' agad ang sinagot ko. Hindi na nagpumilit si Tinay, dahil alam niyang hindi ako papayag. Nagpaalam na ako sa kanya at mabagal na naglakad palabas sa kusina. Hindi pa ako nakakalayo ng marinig kong may dumating at pumaradang sasakyan sa parking lot. Hindi nagtagal ay bumukas ang pintuan at nakita kong pumasok si Aryan. Umalis pa pala siya kagabi, pero hindi ko namalayan dahil nakatulog agad ako. Mukhang ngayon lang siya umuwi galing sa kung saan, kaya nakaramdam ako ng kirot sa puso ko. Mukhang napansin rin ni Aryan ang presensya ko sa paligid niya, kaya tumingin siya sa direksyon ko. Huli na para magtago ako, para sana huwag niya ako makita, dahil nakita na ako ni Aryan na nakatayo dito sa hallway, habang nakatingin rin sa kanya ng magkasalubong ang aming mag mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD