Prologue
NAKATITIG ako sa dalawang larawan ng dalawang taong mahalaga sa buhay ko.
Ang unang larawan ay larawan ng ama ko na siyang nagtaguyod sa pamilya namin at tiniis na malayo sa pamilya upang mabigyan lang kami ng magandang buhay. Masarap sa una dahil nasusunod ang layaw naming magkakapatid sapagkat sagana ang pagbibigay ng pera ni tatay sa amin.
Ngunit isang krimen ang bumago sa lahat ng takbo ng aming mga buhay nang malaman naming wala na siya. Pinatay siya sa hindi pa nalalamang dahilan. Hindi rin alam kung sino ang pumaslang sa kaawa awang ama ko.
Isa siyang private bodyguard ng pamilyang itinatago niya sa amin dahil napakapribado raw ng pamilyang iyon at walang sino mang dapat makaalam ng tungkol sa kanila.
Kaya naman sa huli ay naging misteryoso lang ang biglang pagkawala ng ama ko at ang kanyang biglaang pagkamatay na hindi namin agad nalaman.
Ngunit hindi na ngayon.
Sa aking pananatili sa Calle Adonis ay unti-unting mauungkat ang lahat. Magiging klaro ang lahat sa akin.
Magaling ang tadhana sa mga ganitong bagay. Hindi ko mawari kung bakit dinala ako ng aking mga paa sa lugar na ito upang makapaghanap ng trabaho at bagong mga kaibigan na ituturing kong pamilya. Hindi ko rin mawari dahil dinala ako dito upang makilala ang ikalawang taong magkakaroon ng espesyal na puwang sa puso ko.
Ibinulsa ko ang litrato ng aking ama at saka ko ibinaling ang atensyon ko sa ikalawang litrato. Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko habang nakatitig ako sa mgandang mukha niya. Nakasuot siya ng graduation gown at nakangiti na para bang inosenteng babae.
Hindi ko malirip ang kanyang pagsasakripisyo na halos araw araw niyang ginagawa para lamang mabigyan ng atensyon ang isang tulad kong hindi tapos sa pag-aaral at galing lamang sa mababang estado ng buhay na di katulad ng kanya. Kumapit ako sa pangako niyang walang makahahadlang sa aming dalawa basta’t manatili ako sa kanya.
Ngali-ngaling nagtakip ako ng bibig dahil sa emosyong hindi ko mapigilan habang nakatitig ako sa larawan niya. Nagngangaling ang bagang ko nang maalala ko ang mga salitang sinambit ng aking ama ilang araw bago siya nawalang parang bula.
“Anak, huwag kang magtitiwala sa lahat ng nakikita mong maganda sa paligid at kapwa. Dahil hindi lahat ng maganda sa iyong mga mata ay katiwa-tiwala,”
Napangiti ako a mga sandaling iyon. Ngiting mapait. Ngiting nanghihinayang. Sadya ngang mapagbiro ang tadhana dahil tila bas a pagkakataong ito ay hindi kami inilaan para sa isa’t isa.
Paano ko nga ba magagawang ibigin ang anak ng taong naging dahilan sa pagkawala ng aking ama?
Ang katanungang ito ay siyang nagpausbong ng galit sa aking dibdib kaya’t nagtangis ang aking bagang sa poot at galit habang nakatitig sa larawang hawak hawak ko. Halos malukot pa nga ito dahil sa diin ng pagkakahawak ko na dala ng matinding galit mula sa puso ko.
Nakapagpasya na ako.
Pinunit ko ang ikalawang litrato at saka ko iyon inapak-apakan sa damuhang aking kinatatayuan.
Pinulot ko ang gulok na nasa tabi lang ng halamanan at hindi nagpamalay na pumasok sa loob ng mansion.
Maghihiganti ako.