"Mama, saan po si Papa?" bigla ay tanong ng anak kong si Johan. Pakiramdam ko ay bumalik ako sa nakaraan kung saan gumuho ang aking mundo.
"Mama, ayaw ba talaga sa'kin ni Papa kaya hindi siya nagpapakita?" sunod pang tanong nito, nang hindi ko magawang sagutin ang unang tanong nito.
"Han, anak, hindi ba sinabi na sa'yo ni Mama kung bakit hindi natin pweding makasama ang Papa mo?" pilit akong ngumiti sa harap ng anak ko nang sabihin iyon. Kahit paulit-ulit ko pang ipaliwanag sa kanya ang sitwasyon namin ay lagi pa rin niyang hinahanap ang kanyang Ama.
"Mama, gusto ko lang pong makita si Papa. Pangako po, hindi po ako magpapakilala sa kanya," malungkot na ngumiti ang anak ko pagkatapos sabihin 'yon. Sunod-sunod siyang pumikit nang magtubig ang mga mata nitong namana pa niya kay Jonas.
Marahan kong hinila ang aking Anak at agad siyang niyakap ng mahigpit. Agad kong pinunasan ang tumakas na luha sa aking mga mata upang hindi iyon makita ng bata.
"Anak, pasensiya ka na kung ikaw ang nahihirapan sa sitwasyon namin ng Papa mo, huh. Alam mo naman, hindi ba? Lahat ay gagawin ni Mama para sa'yo maliban na lang kung tungkol na sa Papa mo," malungkot at buong pagtatapat kong sabi sa kanya pagkatapos siyang pakawalan sa pagkakayakap. Napangiti ako ng punasan ng maliit nitong hintuturo ang luha sa aking pisngi.
"Sorry po, Mama. Sorry po, kung makulit ako. Sorry po, dahil pina-iyak na naman kita," hinalikan ako nito sa pisngi pagkatapos sabihin iyon. Muli ko siyang niyakap ng mahigpit dahil sa kanyang ginawa. Napaka-swerte ko dahil biniyayaan ako ng malambing na anak.
Napaka-swerte ko dahil kahit nawala na sa akin ang lahat ay dumating pa rin siya sa buhay ko. Hindi ko inaasahan na may buhay na pala sa sinapupunan ko no'ng mga araw na sukong-suko na ako at gusto ko na lang tapusin ang buhay ko.
Marahil ay totoo ang kasabihan na kung may mawawala ay may panibagong darating. At kung sakaling bibigyan ako ng pagkakataon upang pumili ulit ay hindi ako magdadalawang isip sa naging pasya ko noon kung saan mas ginusto kong magpaubaya para sa kasayahan niya.
Kahit na siya na lang ang mayroon ako at kahit na kailangan na kailangan ko siya nang mga sandaling iyon ay nagawa ko pa rin siyang palayain. Kahit na labis na akong nasasaktan ay hindi ko pa rin mahanap sa puso ko ang galit dahil sa ginawa niya. Ang alam ko lang ay mahal ko siya at handa akong magparaya kung gugustuhin niya.
Anim na taon na ang nakakalipas mula ng mangyari iyon sa buhay ko ngunit pakiramdam ko ay sariwa pa rin ang naiwang sugat nito sa aking puso. Hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang lahat ng nangyari noon.
Anim na taon na siyang wala sa buhay ko at limang taon na ang aming anak. Sa murang edad nito ay alam na niya ang nangyari sa amin ng Papa niya dahil kinailangan kong sabihin sa kanya ang katotohanan upang maintindihan niya.
Kumusta na kaya siya?
Marahil ay masaya na siya ngayon sa bago nitong pamilya. Anim na taon na ang lumipas at nasisiguro kong may mga anak na rin siya.
"Mama, gutom na ako. Matagal pa ba si Dada?" napabalik ako sa ulirat nang magsalita ang aking anak. Tila ba nauubusan na siya ng pasensiya habang hinihimas nito ang kanyang tiyan.
"Sandali, tatawagan ko ulit si Dada," nagmamadali kong sabi at agad na nag-dial.
Ilalagay ko pa lang sana sa taenga ang aking cellphone ngunit agad din napatigil nang bumukas ang pintuan ng aking opisina mula sa Restaurant niyang hinahawakan ko, at iniluwa no'n ang taong muling nagbigay ng buhay sa akin.
"Dada..." masayang sigaw ni Johan at mabilis na bumaba sa kanyang kina-uupuan saka tumakbo papalapit kay Josh Montero. Mahinang napatawa ang lalaki nang makita ang nakabukas na braso ng bata.
"Na-miss mo ba si Dada...?" nakangiting tanong ni Josh sa aking anak habang buhat-buhat ito at naglalakad papalapit sa akin. Hinalikan niya ang bata sa gilid ng kanyang ulo nang sunod-sunod itong tumango bilang sagot sa kanyang tanong.
"Umiyak ka na naman ba?" seryosong tanong nito sa'kin pagkalapit at saka hinalikan ako sa noo.
"Kaunting drama lang... " natatawang sagot ko sa kanya pero nananatili lang itong seryoso habang nakatingin sa'kin. Napabuntong hininga siya bago ako niyakap gamit ang isang kamay nito dahil nananatiling nakayakap pa rin ang aking anak sa kanya.
"Bhe, alam mong nandito lang ako para sa inyo, hindi ba? Hindi mo kailangan solohin ang lahat ng problema mo," malambing nitong bulong habang nakayakap pa rin sa amin ng anak ko.
Kung hindi lang dahil sa taong ito ay marahil ay matagal na akong naibaon sa limot. Biyaya siyang pinagkaloob ng langit sa akin, sa amin ng anak ko na tinuring niyang totoong anak.
"Dada, gutom na ako..." natatawang napabitaw ng yakap si Josh sa'kin dahil sa sinabi ng aking anak. Muli ako nitong hinalikan sa noo at sunod ay hinalikan din sa gilid ng ulo ang bata.
"Saan mo gustong kumain, dito sa loob ng opisina ni Mama o doon sa labas na maraming tao?" masuyo nitong tanong sa bata dahilan upang ngumiti ito.
"Sa labas Dada, sa labas po," mabilis na sagot nito at bumaba mula sa pagkakabuhat ni Josh sa kanya saka tumakbo patungo nang pintuan at lumabas.
"Dahan-dahan lang baka madapa ka," pahabol na sigaw ni Josh sa bata.
"Bhe, salamat dahil lagi kang nandiyan para sa amin ng anak ko," madamdaming kong sabi at niyakap siya.
"Gusto mo ng premyo?" nang-aasar na tanong ko sa kanya ng mahalatang seryoso pa rin ito.
"Kilabutan ka nga sa mga pinagsasabi mo, alam mong nasa labas ang anak natin at naghihintay. Pero mamaya, pag-uwi, maniningil ako ng premyo," nakangisi niyang sagot. Napatawa ako nang kumindat siya saka siya muling niyakap.
"Tara na, baka kung ano na naman ang ginagawa ng kulit natin sa labas," natatawa nitong sagot dahilan upang malakas din akong napatawa.
Umiiling siyang lumabas ng aking opisina habang may ngiti sa labi kong nakasunod sa kanya. Ngunit ang masayang ngiti na iyon ay unti-unting nabura ng makitang umiiyak ang anak ko.
"Sorry po, hindi ko po sinasadya," nakayuko at umiiyak nitong sabi, kausap nito ang lalaking pilit na inaalo ang batang babae na nakayakap sa kanyang leeg. Nakaharap sa gawi ko ang aking anak habang nakatalikod sa gawi ko ang lalaking kausap niya.
"Sa susunod, kung gusto mong tumakbo, sa Park ka pumunta nang wala kang nadadamay at nasasaktan. Stupid kid!" galit na sabi ng lalaki, dahilan upang mas lalo pang mapayuko ang anak ko.
Lakad-takbo ang ginawa ni Josh para makalapit sa anak kong pilit na pinipigilan ang mapahikbi.
Mistulang napako ang aking mga paa dahilan upang hindi ko iyon kayang ihakbang. Pakiramdam ko ay binagsakan ako ng langit at lupa dahil sa narinig kong tinawag ng lalaki sa anak ko.
Hindi matanggap nang sistema ko na may nagtangkang tawagin ng stupid ang anak ko. May bahagi ng katawan ko ang nasaktan dahil sa sinabi ng lalaki ngunit mas nangingibabaw ang nararamdaman kong awa para sa inosenting bata.
"Huwag na huwag mong matatawag na stupid ang anak ko," galit na singhal ni Josh, at agad na niyakap ang batang umiiyak. Bumitaw siya sa pagkakayakap upang punasan ang luha sa pisngi ng bata.
"Nag-sorry na ang bata pero parang wala lang sa'yo.Kung mayroon man stupid sa inyong dalawa ay ikaw 'yon. Bata ang kaharap mo at pwede mo siyang kausapin ng maayos," dagdag pang sabi nito habang hinahaplos ang likod ni Johan.
"Dada, sorry po..."umiiyak na sabi ng anak ko.
"Wala kang kasalanan Johan, tahan na. Nandito na si Dada, huwag ka ng matakot," pagpapakalma nito sa anak kong patuloy pa rin na umiiyak.
Nanatiling nakatingin ang lalaki sa batang umiiyak na pilit na inaalo ni Josh, tila naestatwa ito at hindi na muling nakapagsalita pa.
Nanghihina akong lumapit sa kanila at agad na kinuha si Johan mula kay Josh.
"Anak, tahan na. Huwag ka ng umiyak," naiiyak ko nang sabi, at hinalikan pa sa gilid ng ulo ang aking anak.
"Mama, sorry po. Hindi ko po sinasadyang mabangga siya," umiiyak na paliwanag ng anak ko, at tumingin pa ito sa lalaking kausap niya kanina.
Mas dumuble pa ang sakit na naramdaman ko nang mapagtanto kung sino ang taong tumawag ng stupid sa anak ko. Malungkot akong ngumiti ng dumapo ang aking tingin sa batang nakayakap sa kanyang leeg.
"Sarah...?" tila hindi makapaniwalang sambit nito sa pangalan ko.
"Pasensiya na sa nagawa ng anak ko," pilit akong ngumiti sa kanya ng sabihin iyon.
"Anak mo? Paano...?" muli pang tanong nito, naguguluhan at hindi makapaniwala sa kanyang nakikita.
"Mama, sino po siya? Kilala mo po ba?" nagtatakang tanong ni Johan at napatigil pa ito sa pag-iyak.
"Oo anak, dating kilala ni Mama," tipid na sagot ko dito ngunit halatang hindi siya kumbinsado.
"Bhe, akin na siya para magamot ko iyang tuhod niya," agaw-pansin na sabi ni Josh habang may hawak itong box.
"Dada, ayaw ko po. Masakit iyan," mabilis na sabi ng anak ko nang makita ang hawak na box ni Josh.
"Anak, hindi masakit ito. Pangako iyan ni Dada, halika na," natatawang sagot ni Josh, maingat niyang kinuha mula sa'kin ang bata at ini-upo ito sa taas ng lamesa habang nakapatong sa hita nito ang paa ng bata upang gamutin.
"Dada, tama na. Masakit..." malakas na sigaw nito nang dampian ni Josh ng bulak na may alcohol ang kanyang tuhod. Natatawang hinipan iyon ni Josh.
Nagpapasalamat akong wala pang masyadong customers na dumating dahil sa gulong ginawa ng anak ko.
"Sarah..." mahinang sambit ni Jonas sa pangalan ko na nananatiling nasa likod ko.
"Pasensiya na sa nagawa ng anak ko," tipid akong ngumiti sa kanya ng sabihin iyon. Hindi ko alam kung bakit iyon ang lumalabas sa bibig ko sa halip na magalit sa kanya.
"Babe, sorry na-late ako ng dating," napatingin ako sa babaeng dumating. Mapait akong ngumiti kay Jonas bago naglakad papalapit sa anak kong ngayon ay tumatawa na habang nakikipaglaro kay Josh.
Parang bumalik ang senaryong iyon sa isip ko. Nakaka-inis dahil hanggang sa sandaling iyon, kahit anim na taon na ang nakalipas ay nasasaktan pa rin ako. Hindi ko kayang tingnan ang nakangiting mukha ng babaeng naging dahilan ng pagkasira ng pamilya ko. Ang babaeng naging dahilan upang masira ang relasyon na matagal kong iningatan. Ang relasyon na akala ko ay perpekto na sa kahit anong anggulo mo tignan ngunit ang lahat pala ay isang kasinungalingan lamang.
Nabulag ako ng matinding pagmamahal sa kanya kaya hindi ko man lang napansin na ginagago na pala niya ako. Nabulag ako sa subrang pagmamahal kaya hindi man lang pumasok sa isip ko na mula sa simula pa lang ay pinaglalaruan na ako. Masakit dahil nagtiwala ako sa kanya, inakala kong totoo lahat ang pagmamalasakit na pinapakita at pinaparamdam niya sa akin.