Bola 15

2490 Words
HINDI nga maiwasang mamangha ng mga nakasaksing manonood sa ginawa ni Mendez sa pagsisimula ng laban nila sa Palhi Realtors. Mula ito sa mabilis nitong paghabol sa fast break na gagawin sana ni Mendoza, patungo sa cross-over nitong pinadaan ang bola sa pagitan ng binti ng kanyang defender, hanggang sa tantyadong tres na pinakawalan niya. Sadyang hindi maiiwasang mapabilib ng mga nakakita noon lalo na nga ang ilang mga hindi siya kilala. May ilang napatayo pa nga at ang bench nila ay napasigaw dahil sa kanyang ipinakita.   Isa namang pagngisi ang sumilay sa labi ni Baron matapos masaksihan iyon. Hindi niya akalaing magagawa iyon ni Mendez. Napatingin pa siya kay Vallada at pagkatapos ay tinaasan niya ito ng tingin na sinundan ng kanyang mabilis na pag-alis sa tabi nito.   "Mendez..." nasambit na lang ni Mildred Vallada habang pinagmamasdan ang nakangiting si Ricky na napapalibutan ng mga bumabati nitong mga kakampi.   Lumapit sa kanya si Mendoza at nakita niya ang pagkadismaya ng itsura nito. Naisipan tuloy niyang tapikin ang balikat nito at sinabing okay lang iyon.   3-2 na ang score at nasa Palhi Realtors na muli ang bola. Si Mendoza ang nagdala nito at sa pagpasok nito sa side nila ay siya namang paglapit ni Mendez sa kanya upang dumipensa.   "Ginulat mo ako sa bilis mo," mahinang sabi ni Mendoza at mabilis siyang tumakbo pakaliwa. Nang napansin niyang hinabol siya ni Mendez ay bigla siyang huminto at umatras gamit ang kanyang kaliwang paa.   Ang mga manonood ay nakita ang mabilis na step-back na iyon. Nakalikha iyon ng espasyo mula sa defender na si Mendez. Napangisi si Mendoza dahil doon at mabilis siyang tumalon para bumitaw ng isang two-point jumper.   Hindi naman napaghandaan ni Ricky iyon, pero sinubukan pa rin niya itong i-block.   "Huli ka na Mendez," tinuran ni Mendoza at pinakawalan niya ang bola. Sa paglapag nila sa court ay siyang pagdiretso noon sa basket.   Isang tunog ang kumawala nang ang bola ay sa gilid ng ring tumama. Tumalbog ito pabalik sa loob. Sumablay iyon at si Mendoza ay napaseryoso na lang matapos iyon.   "Rebound!" bulalas ni Manong Eddie na kaagad na binox-out ang katapat na si Roger Morales (6'3), may edad na rin ang itsura nito at halos kahawigan niya sa pangangatawan.   Si Karim naman ay mabilis na sinandalan si Coron at nang maramdaman niyang lamang na siya sa posisyon ay dito na siya tumalon para sa pagkuha ng bola sa ere.   Pero ginulat ng isang player ng kalaban ang koponan ng Canubing nang isang naka-berde ang tumalon mula sa likuran ng kanilang sentro. Nasambot nito ang bola at bago pa man siya lumapag ay mabilis niyang idinakdak ito gamit ang dalawang kamay.   Kasabay rin nito ay ang pagsilbato ng referee sa pito nito dahil may kasama foul ang nangyaring iyon.   Napasigaw at napa-cheer ang mga taga-Palhi dahil sa ginawang iyon ni Vallada. Nakangisi naman ito matapos gawin iyon. Si Karim ay bumagsak pa sa court at nasa likod ng nakabitin pang si Vallada si Baron na natawagan ng foul dahil sa pagtulak nito rito habang nasa ere.   Pagkalapag ni Vallada ay mabilis niyang sinulyapan si Baron na nakakuyom ang kamao.   "Mabuti't nakahawak ako sa ring," mahinang winika ni Vallada sa paglampas niya kay Baron upang tumungo sa free throw line.   "Okay lang iyan kuya," winika naman ni Ricky nang makita ang pagseryoso sa mukha ni Baron. Tinapik pa niya ito sa balikat upang subukang pakalmahin.   Si Manong Eddie nga ay napansin ang ginawa ni Baron kanina, kasama na rin ang pagbabago ng itsura nito dahil sa nangyaring iyon. Kinabahan siya, at kagaya ni Kap na nasa bench, nakaramdam din siya nang hindi maganda sa nangyaring iyon.   "Masyado pang maaga Baron, halos dalawang minuto pa lang ang first quarter," winika ni Kap sa sarili. Napatingin pa nga siya sa anak na si Wilbert dahil nakakaramdam din ito nang hindi maganda mula sa kasamahang ito.   Naipasok nga ni Vallada ang bonus shot at 5-3 na ang score. Pagkatapos ang malakas na cheer mula sa kanilang supporters ay kalmadong bumaba ang team ng Palhi para sa naman sa kanilang pagdepensa.   Pagkasambot ni Mendez sa bola ay nakita niya si Baron na hinihingi na kaagad sa kanya ang bola kahit hindi pa sila nakakababa sa side nila.   "Ibigay mo sa akin ang bola," winika ni Baron habang seryosong nakatingin kay Mendez.   Ipinasa naman kaagad nito ang binata at sa pagbaba nila sa side nila ay biglang nagsalita si Baron na sinundan ng malakas na "Boo!" mula sa crowd ng kalaban.   "Tatalunin kitang kalbo ka!" sambit ni Baron at dito na siya nag-dribble nang mababa. Mabilis siyang dinikitan ni Vallada at dito na nga nagsimula ang paglalaban nila sa court na parang sila lang ang nasa paligid.   Inialalay ni Baron ang isa niyang balikat habang tumatakbo nang nakatagilid upang hindi siya maagawan. Gamit ang pisikal na lakas, sinubukan niyang dalhin ang kanyang defender sa lugar na gusto niya.   "Ayaw mong umalis," sambit ni Baron at isang biglaang paghinto ang kanyang ginawa. Kasunod nito ay ang mabilisan niyang pagtalon papalayo mula kay Vallada.   Isang fade-away jumpshot ang kanyang binitawan sa harapan ng may number 3 sa jersey na kalaban. Pagkatapos ay pinakawalan na niya ang bola at pinulsuhan ito nang mas malakas upang makaabot sa ring na kanyang target para rito.   Napangisi na lang si Vallada sa ginawa ni Baron. Mahirap kasing pigilan ang tirang tulad noon, kaya nga paglapag niya at sa pagbagsak din ni Baron nang nakaupo, ay siya ring pagpasok ng bola sa ring.   Napangisi si Baron matapos makapuntos at muling tumayo para angasan ni Vallada.   "Hindi porke nalusutan mo ako kanina ay magaling ka na," sambit ni Baron at pagkatapos ay naglakad na ito palayo mula kalaban.   All-5 ang score at nasa Palhi na muli ang possession. Nananatiling kalmado si Vallada sa kabila ng sinabing iyon ni Baron. Muli nga niyang hiningi ang bola at pagkasambot niya ay kaagad siyang dinipensahan nito.   Hinawakan ni Vallada ang bola at inilagay sa tagiliran. Inilalayo niya iyon mula sa kamay ni Baron na sinusubukan itong sungkitin. Hindi pa siya umaalis ka kanyang tayo at bahagya pa niyang iniyuko ang kanyang ulo sa tapat ng defender niya.   Idinikit niya ito kay Baron at bahagyang gumalaw ang isa niyang paa para bahagyang palayuin ito mula sa kanya.   "Hanggang ganyan ka na lang?" bulalas ni Baron na bahagyang napaatras, ngunit ang gagawin niya palang iyon ang biglang magpapatalon kay Vallada para magpakawala ng isang hindi inaasahang tira.   Isang 25-feet jumper iyon at ang bola ay mabilis na umarko sa ere na sinundan ng malakas na cheer mula sa mga taga-Palhi dahil ang three-points shot na iyon ay pumasok nang walang kahirap-hirap sa basket.   8-5 at naka-anim na puntos na agad si Vallada. Pagkatapos noon ay agad na hiningi muli ni Baron ang bola mula sa kakamping nag-inbound pass.   "Ibigay mo sa akin bumbay!" Iyon ang tawag ni Baron kay Karim at sa pagsambot niya sa bola ay siya ring mabilis niyang pagtakbo patungo sa side nila habang pinapatalbog ito.   Si Ricky, seryoso namang pinagmamasdan ang ginagawa ng kanyang kuya Baron. Nakaalerto din siya kung sakaling pasahan siya nito, subalit malakas ang kutob niyang hindi iyon mangyayari sa oras na ito.   Bigla na lamang ngang pinakawalan ni Baron ang bola mula sa three-point arc. Nakikipagkompetensya siya kay Vallada na nakapuntos sa last possession ng mga ito at paglapag nilang dalawa sa ibaba ay siya namang pagsablay ng tres na iyon.   Napangisi na lang si Mildred dahil doon na ikinainis ni Baron. Isa pa sa ikinainis ng binata ay ang pagkabigo ng mga kakampi niyang kuhanin ang rebound.   Si Coron ang nakakuha ng rebound at nakita nga niya kaagad ang paghingi ni Mendoza sa bola.   Pagkasalo ni Mendoza ay ang mabilis din nitong pagbato ng bola patungo kay Vallada na mabilis nang tumatakbo patungo sa side nila.   "Pipigilan kita!" bulalas ni Baron na kumaripas na kaagad ng takbo upang depensahan ito. Ganoon nga rin si Ricky, tumakbo siya nang mabilis para maabutan si Vallada.   Nasambot ni Vallada ang bola at ang dalawang players ng Canubing ay naabutan pa rin siya.   "Ito ang gusto ko," mahinang winika ni Vallada at ang bolang nasa kamay niya ay mabilis niyang pinatalbog. Dumiretso siya sa basket at nang malapit na siya, ay siya namang pagtalon ni Baron sa pag-aakala nitong titira na siya para pumuntos.   Pero naging maingat pa rin siya dahil hindi sumabay si Mendez dito. Isang bagay na ikinatuwa rin niya, dahil alam niyang may instinct sa laro ito. Mabilis siyang hinarapan nito upang pigilan, kaya mabilis siyang tumalikod at sinandalan niya kaagad ito gamit ang kanyang lakas.   Nilabanan ni Ricky ang pwersang ibinigay ni Vallada sa kanya, ngunit may bigat iyon. Isang biglaang pagtalon palayo pa ang ginawa nito sa kanya at hindi na rin nga niya nasubukang mapigilan iyon dahil pagkatapos niyon, ay siya ring pagtumba niya nang paupo sa sahig.   "Ang lakas ng isang ito," winika na lang ni Ricky at wala na silang nagawa ni Baron dahil isang malinis na jumpshot sa harapan ng basket ang ginawa nito.   Isang malakas na cheer ang nagmula sa bench ng Palhi ang narinig sa loob. Agad din itong sinundan ng malakas na suporta mula sa mga supporters nila. Nagpakilala na nga si Mildred Vallada sa Canubing 1 Panthers at isang mabilis na 8 points ang ginawa nito sa unang tatlo at kalahating minuto ng first quarter.   "Vallada! Vallada! Vallada!" Ito rin nga ang maririnig mula sa crowd at bago pa man umalis ito sa harapan nina Mendez at Baron, ay isang malahulugang tingin pa ang ibinigay nito sa dalawa.   "Hindi ninyo ako kaya," mahinang winika nito na ikinakuyom at ikinadilim ng paningin ni Baron.   "Masyado kang mayabang," sambit ni Baron at tiningnan niya nang hindi maganda ito.   Si Ricky naman ay napapagpag sa kanyang pwetan matapos muling makatayo. Nararamdaman pa rin niya ang pwersang ibinigay sa kanya kanina ni Vallada at bahagya siyang napangiti dahil dito.   "Ganito pala sa ligang ito," winika niya at mabilis na kinuha ang bola.   "Kuya Baron, ikaw na ang mag-inbound," winika ng binata. Sa kabila ng mga nangyari, ay makikitang nananatili pa ring kalmado si Mendez.   Pagkakuha niya sa bola ay siya namang mabilis na paghingi ng kanyang kuya Baron nito. Pero imbis na ipinasa ni Mendez ito patungo rito, isang ngiti ang kanyang itinugon.   "Kuya, ipapasa ko sa 'yo ang bola, pero hayaan mong maging Point Guard ako ng koponan nating ito."   Isang biglaang seryosong mga salita ito mula kay Ricky at sa pagdating nila sa side nila ay biglang umiba ang atmospera sa loob ng court.   Pinagmasdan ng binata ang pwesto ng bawat isa sa kanyang mga kakampi. Kalmado niyang pinapatalbog ang bola at nakaalerto siya kung sakali mang lalapitan siya ni Mendoza.   "10-5 na," wika niya sa sarili. Alam din niyang malakas si Vallada at kung magpapatuloy sila sa ginagawa nilang kanyahan ay malaki ang chance na lalo silang malamangan sa labang ito.   Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay mabilis at biglaan niyang nilampasan si Mendoza. Pinababa niya ang kanyang dribbling at naging maingat siya sa kanyang galaw. Kasama na rin doon ay ang mabilisan niyang pag-obserba sa kanyang mga kakampi.   “Hindi na kita hahayaang gawin ang gusto mo Mendez,” sambit ni Mendoza na mas naging madikit na ang pagbabantay sa kanya.   Kumalma pa rin si Ricky at pagkatapos ay mabilis siyang tumakbo pakaliwa. Sinundan agad ito ng kanyang defender, subalit laking-gulat na lang nito nang bumangga siya sa katawan ng isang player na nakaitim.   Isang screen ang ibinigay sa kanya ni Manong Eddie. Naging dahilan ito upang maiwanan ang kanyang defender na si Mendoza. Dahil tuloy dito ay wala nang napagpilian ang si Morales kundi siya na ang tumao sa nagdadala ng bola.   Mabilis na tumakbo si Ricky palapit sa basket.   “Pasa!” sigaw naman ni Baron na mabilis na tumatakbo patungo sa basket. Nagmula ito sa kanang parte ng court at tinatakbuhan nito si Vallada. Gamit ang mga mata, mabilis na tiningnan ni Ricky ang kakampi niyang ito. Dahilan nga rin iyon upang ang bumabantay sa kanya ay mag-doble ingat dahil may posibilidad na ipasa ito rito.   Mula sa likuran, naramdaman ni Ricky ang paghabol sa kanya ni Mendoza. Dito na nga sumeryoso ang binata at sinabi sa dalawang babantay sa kanya ang apat na salita.   “Hindi ninyo ako kaya,” sambit ni Ricky at mabilis siyang tumakbo papunta sa basket. Si Baron ay napasigaw pa para hingin ang bola ngunit wala talagang kabalak-balak si Mendez na ipasa ito patungo sa kanya.   Nagdilim ang paningin ni Ricky nang siya ay tumalon na. Kasabay nito ay ang pagtalon din ng sabay nina Mendoza at Coron para siya ay pigilan.   “Yumabang ka na rin pala Mendez,” bulalas ni Mendoza.   Habang ang mga manonood ay inaabangan kung magagawa pa ni Mendez na makapuntos laban sa dalawang player ng Palhi.   Ang maingay na crowd ay unti-unting natahimik sa paglapag ng tatlo sa court. Nagulat sina Mendoza at Coron sa pagkawala ng bolang inaakala nilang hawak pa ni Mendez.   “Isa akong point guard sa koponang ito... kaya hindi ako magdadalawang-isip na pasahan ang mga kakampi ko!”   “Ngayon na Manong Eddie!” bulalas ni Mendez at paglingon niya rito ay ang pag-arko na sa ere ng bola ang kanyang nakita.   Alam niya kung saan magaling ang kasama niyang ito, at dahil madalas na niya itong nakakalaro... alam niyang maiipasok nito ang bolang bintawan nito. Natatandaan pa nga ni Ricky ang minsang kwento nito sa kanila ni Manong Eddie.   “Noong kabataan ko, shooter talaga ako. Ewan ko na lang ngayon kung buhay pa sa mga kamay ko iyon.” Kasama ng salitang iyon ni Manong Eddie ay naaalala rin ni Ricky ang pagtawa nito dahil doon.   Pumasok ang bola sa basket at isang ngiti sa labi mula kay Manong Eddie ang nasilayan ng lahat matapos iyon.   “Nice pass Ricky Boy!” wika ng matanda at pagkatapos ay isang malakas na cheer mula sa supporters nila ang umalingawngaw sa loob ng coliseum.   Sa kabila ng magandang teamwork na ipinakita ni Mendez, isang naiinis na Baron naman ang lumapit sa kanya.   “Ano iyon Mendez? Bakit hindi mo sa akin ipinasa? Bakit sa gurang pa na iyon?” may kalakasan ang tanong na iyon ni Baron kaya ang mga nasa loob ng court ay napatingin sa dalawang ito.   “Pati ba ikaw? Iniinis ako? Paano ko matatalo si Vallada kung hindi mo ipapasa sa akin ang bola? Nag-iisip ka ba Mendez?”   Sina Manong Eddie ay napatakbo na patungo sa dalawa. Maging ang referee ay ganoon din, ngunit bago pa man makalapit ang mga ito... Isang seryosong tingin na ang ibinigay ni Ricky sa kanyang kuya Baron, na sinundan agad niya ng isang ngiti.   “Kuya Baron, may itatanong ako sa ‘yo?” winika ni Ricky at pagkatapos ay tinapik niya si Baron sa balikat nito.   “Sino ba ang dapat nating talunin sa larong ito?”   “Si Vallada ba? O ang kanilang koponan?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD