“Nay! Marami po akong dalang pagkain, galing po sa kaibigan ko.” Masigla kong wika habang isinasarado ang pintuang kawayan. Ibinaba ko muna ang mga pagkain sa lamesa at isa-isang inilagay ito sa mga pinggan. Nagbukod din ako ng para sa aking ina dahil kailangan na niyang kumain upang makainom na siya ng gamot.
Medyo ginabi ako ng uwi dahil nalibang ako ng husto sa Mansion ni Smith.
Kahit na hindi ako komportable sa presensya ng Ama ng aking boyfriend ay sinikap ko pa rin na kumilos ng normal sa harap ng lahat. Parang akala mo ay may glue ang aking bibig dahil hindi mabura-bura ang magandang ngiti na nakapaskil sa aking mga labi. Nang mga oras na ito ay tila walang pagsidlan ang labis na kaligayahan sa puso ko. Nagmukha tuloy akong baliw na nakangiting mag-isa at kumakanta habang naglalakad patungo sa higaan ng aking ina. Mula sa kanang kamay ay hawak ko ang isang pinggan na may lamang pagkain at sa kaliwang kamay naman ay isang basong maligamgam na tubig.
“Nay, oras na pong kumain, pasensya na po kung natagalan ako sa pag-uwi. Nay, gising na po.” Ani ko bago maingat na niyugyog ito sa balikat. Nagtaka ako kung bakit kahit anong yugyog ko sa balikat nito ay hindi pa rin siya nagigising kaya ibinaba ko na ang pinggan sa bandang uluhan nito. Maingat na hinaplos ko ang mukha ng aking ina ngunit labis akong nagtaka kung bakit napaka lamig ng kanyang balat na para bang hindi isang normal na katawan ng tao.
Labis akong nag-alala na baka nilalamig ito kaya mabilis na bumalik ako sa kusina at binuhos ang natitirang mainit na tubig sa thermos sa isang palanggana. Bago kumuha ng isang towel at nilagay sa maligamgam na tubig.
Mabilis ang mga hakbang na bumalik ako sa higaan ng aking ina at kaagad na dinampian ng basang towel ang mukha nito maging ang ilang parte ng kanyang katawan. Kung kailan malapit na akong matapos sa aking ginagawa ay saka ko palang napagtanto ang isang bagay. Bigla ang ginawa kong paglunok at marahang humakbang ang aking mga paa patungo sa bandang ulunan ng aking ina.
Hindi ko namalayan na nanginginig na pala ang mga kamay ko at nagsisimula ng mamuo ang luha sa aking mga mata. Nanatiling hawak ko ang towel na ginamit kong pampunas sa kanyang katawan, ibinalik ko ito sa tubig saka muling piniga at buong pagsuyo na dinampian ng towel ang mukha ng aking ina.
“N-Nay?” mahina kong bulong na halos pumiyok ang aking boses habang patuloy na pinupunasan ang maganda niyang mukha. Kung sana ay hindi kami mahirap, marahil, hindi magdurusa ang aking ina sa kanyang karamdaman. Marahil ay hindi siya magtitiis sa matigas na papag. Marahil? Ay hindi niya ako iiwan. Ang tahimik na pagluha ko ay kalaunan ay naging hagulgol.
Buong higpit na hinagkan ko ang katawan ng aking ina at paulit-ulit na binibigkas ang salitang, “mahal kita...” sa garalgal na tinig habang paulit-ulit kong hinahagkan ang kulubot niyang noo. Batid ko na hindi na niya naririnig ang katagang lumalabas sa aking bibig ngunit nais ko na kahit sa huling pagkakataon ay mailabas ko ang nilalaman ng puso ko. Marahil ay ito na ang huling pagkakataon na mayakap at masilayan ko ang kanyang magandang mukha.
“N-Nay! Nay...” binasag ng aking pagtangis ang katahimikan ng gabi walang ibang maririnig sa paligid kundi ang aking mga panaghoy. Walang kasing sakit ang iwanan ka ng taong mahal mo, lalo’t kaming dalawa lang ang magkaramay sa bawat taon ko dito sa mundo. Siya na nagturo sa akin kung paanong maging matapang, siya na nagturo kung paanong tumayo sa sarili kong mga paa.
Sa kanya ako nagsimula na mangarap na balang araw ay magtatapos ako sa aking pag-aaral at ipapakita ko sa kanya kung gaano kaganda ang mundo. Ngunit ngayong gabi ay na-tuldukan ang lahat ng mga pangarap na ‘yun. Sapagkat mananatili na lamang ang lahat bilang isang magandang alaala sa aking puso’t -isipan.
“Nay, p-paano na ako?” Wala sa sariling tanong ko sa garalgal na boses habang nakasandig ang aking ulo sa tapat ng kanyang dibdib. Talagang patay na ito dahil wala na akong naririnig na anumang pintig ng kanyang puso. Masuyo kong hinaplos ng aking palad ang matigas at malamig niyang katawan.”
Walang humpay sa kanyang pagtangis si Miguri habang yakap ang walang buhay na katawan ng kanyang ina. Mula sa labas ng bahay ay unti-unting nagsidatingan ang kanilang mga kapitbahay at kaagad na dinamayan ang kawawang dalagita.
May isang oras ang lumipas ngunit nanatiling tulala si Miguri sa kawalan habang blangko ang kanyang isipan. Labis siyang naguguluhan kung saan siya magsisimula at kung paano magpapatuloy sa buhay ng wala ang kanyang ina. Dahil sa isipin na iyon ay bumalong muli ang mga luha mula sa kanyang mga mata.
Hindi na namalayan ni Miguri ang dalawang social worker na kanina pa nakatayo sa kanyang harapan kasama ang isang matangkad na lalaki na matamang nakatitig sa kanyang mukha.
Gulat, awa at pagkahabag ang makikita sa mukha ng binatang nakatitig sa kawawang si Miguri.
Lumapit ang isang babae at maingat na hinagod ang likod ng dalagitang kanina pa nakatulala.
Dahan-dahang nilingon ni Miguri ang taong humahagod sa kanya ngunit napako ang kanyang mga mata sa mukha ng lalaking nakatayo sa kanyang harapan.
“S-Smith?” Nauutal niyang bigkas sa pangalan nito, halatang hindi makapaniwala si Miguri sa kanyang nakikita. Bigla itong tumayo at sinugod ng yakap ang binata. Isang mapait na ngiti ang lumitaw sa mga labi ni Smith at mahigpit na niyakap si Miguri. Parang bata na binuhat niya ito habang masuyong hinahagod sa likod.
Mula sa katauhan ni Smith ay naka-sumpong ng pag-asa si Miguri at kahit papaano ay naging panatag ang kanyang kalooban.
“It’s okay, Sweetie, don’t worry I’m here, you’re not alone.” Masuyo niyang bulong sa tapat ng tainga ni Miguri kaya ang iyak ng dalagita ay naging hikbi dahil kahit papaano ay napawi ng mga salita nito ang lahat ng takot sa kanyang puso. Nakangiti ang dalawang social worker habang pinagmamasdan ang dalawa at sa nakikita nilang closeness ng dalawa ay batid nila na nasa mabuting mga kamay ang anak ni Loraine.
Mahigit isang oras ang lumipas ng mahimasmasan si Miguri mula sa matinding emosyon. Maingat siyang ibinaba ni Smith bago inayos ang kanyang damit maging ang magulo niyang buhok.
“Hm, Miguri, I want you to meet your Uncle, Smith Myers, siya ang bunsong kapatid ng iyong ina.” Anya ng babaeng hindi ko nakikilala. Sa pag-angat ng aking mga mata ay sumalubong sa akin ang mukha ng lalaking pinagpapantasyahan ko at tinatawag kong boyfriend. Naghinang ang aming mga mata at tanging kaseryosohan ang nakikita ko mula roon na wari mo ay tinatant’ya ang magiging reaksyon ko.
Tila isang crystal na nabasag ang batang puso ko dahil sa katotohanan na ang lalaking iniibig ko ay kapatid ng aking ina. Nanlaki ang aking mga mata habang paulit-ulit na umiiling. Hindi matanggap ng utak ko ang mga salitang narinig ko mula sa bibig ng babae.
“H-Hindi totoo ‘yan! Hindi! Hindi kita uncle!” Galit kong sigaw bago tumakbo palayo sa kanila habang patuloy sa pagpatak ang aking mga luha. “Miguri!” Narinig kong tawag sa akin ni Smith ngunit hindi ko ito pinansin at nagpatuloy lang ako sa pagtakbo kahit may kadiliman pa ang daan na aking tinatahak.
Bakit sa dinami-rami pa ng pwede kong maging Tito ay s’ya pa? Ang tanong na gumugulo sa aking isipan. Bigla ang pagpihit ng aking katawan paharap sa likuran ng may humatak sa braso ko. Kasunod nito ay mahigpit niya akong niyakap.
“S-stop it, Miguri...” hinihingal na saad ni Smith habang mahigpit niya akong yakap.
“Listen, Sweetie, batid ko na tulad ko ay magaan din ang loob mo sa akin at gusto natin ang isa’t-isa dahil iisang dugo pala ang nananalaytay sa ating dalawa. I’m so happy dahil sa wakas ay natagpuan ko na rin kayo, matagal ko ng hinahanap ang Nanay mo. Nakakalungkot lang isipin na nahuli ako ng dating at nandito lang pala kayo sa paligid. Nauunawaan ko kung ano ang nararamdaman mo, Sweetheart, but please, sumama ka na sa akin, hmm?” Masuyo niyang wika na may halong pakiusap, malungkot siyang nakangiti sa akin habang hinahaplos ang aking pisngi na basâ na sa luha.
“Hindi mo nauunawaan kung ano ang nararamdaman ko dahil hindi kita kayang tanggapin bilang Uncle! Mahal kita bilang isang babae na umiibig sa isang lalaki.” Ang mga salitang ito ay nanatili lang sa aking isipan hindi ko magawang isatinig ito dahil batid ko na walang makakaunawa sa isang tulad ko na ang tingin ng lahat ay isang batang paslit.
Mahigpit akong yumakap kay Smith at ibinaon ko ang aking mukha sa kanyang dibdib saka pinakawalan ang mga luha ng kabiguan...”