Nakangising inilapag ni Ryan ang cellphone. Nakausap niya kasi ang kaibigang ikakasal sa susunod na limang buwan. Nagkaroon iyon ng problema kaya binigyan niya lang ng suhestiyon sa pagbili ng ireregalo sa girlfriend. Napailing-iling pa siya matapos na damputin ang remote control ng Xbox. Ipinagpatuloy ang naantalang paglalaro ng Silent Hill. Sarado ang buong bahay at kasalukuyan siyang nasa sala. Kita sa malaking 75 inches niyang flat screen tv ang nilalaro. Malakas din ang sounds na nanggagaling sa latest speaker na gamit niya. Subalit, hindi man lang siya natatakot, bagkus ay nasisiyahan pa sa nilalaro. Bukod sa lalaki siya ay masiyado naman siyang matanda na para matakot sa ganitong klaseng laro.
Lahat ng mga ito ay nabili niya ng mura na ay may maganda pang klase sa mga on-line shopping sa internet. Simula nang magtrabaho siya bilang call center sa isang sikat na BPO, nakahiligan na niya ang pagbili ng mga makabagong teknolohiya. Nagmula sa cellphone, nais niya iyong latest na sa buong barkada ay siya lang ang mayroon. At siyempre, hindi naman siya bibili ng brand new. Masiyadong mahal iyon. Kahit yaong second hand lang dahil mas mura o medyo may kababaan ang presyo sa brand new, pero maganda ang quality. At sa tagal na niyang bumibili, marunong na siyang kumilatis ng mga ito.
Hanggang pati sa mga usong laptop, camera, speaker, relo at kung ano-ano pa basta para sa kaniya ay maganda. At puwedeng kainggitan ng kaniyang mga kakilala. Basta, iba pa ang pakiramdam niya na kapag nakakabili siya ng sunod sa uso at ipo-post niya sa lahat ng social media na meron siya, pinagkakaguluhan ang mga ito. Lubos ang kasiyahan niya kapag bukod sa napakaraming likers, marami rin ang comments na nagtatanong kung saan niya nabibili ang mga iyon. Mga nagsasabing maganda at mahal ang mga nabibili niya.
Yun ang akala nila!
Sa edad na bente siyete, hindi pa niya naiisip ang magpakasal. Ni wala nga pala siyang girlfriend kahit pa guwapo naman siya. Basta, hindi pa niya masiyadong nae-enjoy ang pagiging single kasama ng kaniyang nagagandahang gadget.
Napalingon si Ryan sa katabing mga cellphone. Lima iyon na iba't iba ang laki at disenyo. Itong mga nasa tabi niya ang latest sa kaniyang mga gadget collection. Ang ibang hindi na in ay pinaglaanan niya ng isang kuwarto na para rito lamang. Halos kalahati pa lang naman ang laman niyon dahil last year lang naman niya naisipang itabi na lang kesa ang ipamigay sa mga kakilala.
Isang cellphone na kulay asul ang case ang tumutunog. Iniabot niya ito na siyang nasa dulo ng lima. Gamit ang kanang kamay, inilapag niya saglit ang hawak sa kandungan at kinuha ang nasabing aparato. Saglit na tiningnan kung sino ang tumatawag. Napakunot-noo siya dahil hindi naka-save ang numero.
Ilang segundo muna siyang nag-atubili kung sasagutin ba niya o ilalapag na lang ulit ito at hahayaan kung sino man ang tumatawag sa kaniya sa dis-oras ng gabi.
Baka importante.
Pinindot niya ang receive icon bago itinapat sa kanang tainga at nag-hello. Nakalimutan niya ang Bluetooth earhone na nasa kuwarto at nakakatamad ang tumayo para lang doon.
"Rye, na-check mo na ba ang latest model ng cellphone ngayon? Astig, p’re!"
Napangiwi si Ryan. Sana pala hindi na lang niya sinagot. Kahit hindi naman niya kasi itanong ang pangalan nito, ito lang ang kaisa-isang kaibigan na tumatawag sa kaniya ng Rye. Si Noah, feeling niya ay dumidikit sa kaniya ay para humiram o manghingi ng mga hindi na niya ginagamit na mga gadget. E, koleksiyon na nga niya ang mga iyon na mas gugustuhin niyang maalikabukan sa kuwarto kesa ang mahingi o magamit nito. At numero unong napakamakulit pa nito. At para sa kaniya, social climber ang nasabing lalaki.
"Noah, not now. Last chapter na ako sa nilalaro ko, istorbo ka." Ibababa na sana ni Ryan ang tawag nang marinig na sumigaw ito sa kabilang linya.
"Wait lang Rye, makinig ka muna. This latest gadget e, siguradong magkakainteres ka. Tatlo lang ang dinala sa Pilipinas at ipapasubasta on-line 'yong isa!"
Sandaling hindi naniwala si Ryan sa sinabi ni Noah. Kahit naman ganito itong si Noah e, mukhang nagsasabi naman ng totoo.
Tuluyan na pinindot na niya ang pause ng laro. Tumayo na rin siya at lumabas ng beranda. Nanatiling nakadikit ang cellphone sa kanang tainga, nag-iisip. Nakatingin sa kawalan kahit pa karimlan ang kaniyang nakikita.
"Rye? Ano? Bigay ko na ba sa 'yo ang site? You need password, dude." Bakas sa boses ni Noah na kakailanganin niya talaga ang tulong nito.
"Sige. What's the catch?" Knowing Noah, hindi ito mag-aabalang magbigay ng info kung walang kapalit. Hihingiin is the exact word. Gaya pa rin talaga ito ng dati.
"Well, check mo muna iyong item. Then, tsaka tayo mag-usap pagkatapos." Nakangisi na si Noah, sigurado siya roon. Nakalabas ang sungki-sungking ngipin habang nagniningning ang mga mata.
Pagkabigay ni Noah ng site plus the password, dumiretso na si Ryan sa harap ng laptop. Wala na siyang pakialam kung paano ito nakakuha ng password. Ang mahalaga ay ang item. Bagong gadget para sa kaniyang koleksiyon.
jhavril---