Eight Years Ago..
"Ma, may field trip po kami sa school. Puwede po ba akong sumama?" Bungad ko kaagad pag uwing pag uwi ko.
Dala ko pa ang backpack ko mula sa likuran ko at suot ang uniporme ko na pang elementary. Grade five pa lamang ako at isang taon na lamang ay makakapag-tapos na ako at tutungtong na ng highschool.
"Anak, Hindi puwede. Alam mo naman na wala tayong pera. Ni hindi pa nga tayo nakakapag-bayad ng bahay pati kuryente at tubig." Wika ni Mama na abala sa pag hihiwa ng mga sangkap na gulay ng niluluto niyang ulam para sa tanghalian namin.
"Pero, Ma. Lahat po ng kaklase ko ay sasama." Reklamo ko pa.
"Sinabi na ngang wala tayong pera eh. Ano bang hindi mo maintindihan doon, Alison? Pasalamat ka nga at nakakapag-aral ka pa. Hindi naman importante ang field trip na 'yan." Mainit na ulong wika nito.
Napaupo na lamang ako sa mahabang upuan namin na gawa sa kawayan. Si Papa ang nag gawa nito gamit ang mga tirang kagamitan sa ginawa niyang lamesa ng kapitbahay.
Mula noong nag simula akong mag aral ay hindi pa ako nakakaranas at nakakasama sa mga field trip namin. Ang laging dahilan ay ang kakulangan namin sa pera.
Walang permanenteng trabaho ang mga magulang ko. Si Mama ay kumukuha lang ng labada sa mga kapitbahay upang may pang-dagdag kami sa gastusin sa araw araw. Habang si Papa naman ay isang construction worker. Kapag wala itong gawa ay ume-extra ito at tumatanggap ng mga repair sa mga kapitbahay namin.
"Nandito na ako. Ano ang ulam natin?" Napalingon ako sa pinto kung saan kakadating lang ni Papa galing sa trabaho. Napaka-dumi na naman muli ng damit nito at puro buhangin ang mga braso at binti.
Lumapit ako sa kaniya upang salubungin siya at yakapin. Sasabihin ko sana ang tungkol sa field trip namin ngunit hindi na ako nakasingit dahil kaagad na nag sermon si Mama.
"Ano na Alberto? Kailan mo ibibigay ang pambayad natin sa bahay? Ilang beses ng bumabalik rito ang may-ari at binabantaan ako na palalayasin na tayo kapag hindi pa tayo nakapag-bayad."
"Sonya, Hindi pa kasi ako nakaka-bale sa amo ko. Hayaan mo at kakausapin ko na lamang ang may-ari ng bahay."
"Puro na lamang ganoon. Eh ang tubig at kuryente natin? Sa tingin mo ay mapakikiusapan mo sila na huwag tayong putulan?"
"Ilang linggo pa lamang naman tayo hindi nakakapag-bayad sa kanila. Hindi naman siguro tayo para putulan kaagad."
"Puro ka nalang siguro! Nakaka-sawa na, Alberto!" Padabog na inilapag ni Mama ang kutsilyo na hawak niya at lunapit sa kalan kung saan nandoon ang niluluto nito.
"Huwag ka na ngang mainit ang ulo d'yan. Hayaan mo at darating rin ang araw na magkaka-pera tayo, Maraming maraming pera." Nakangiting sambit ni Papa at lumapit kay Mama para pakalmahin at yakapin ito.
"Huwag ka ng umasa. Labing isang taon na tayong kasal pero ganito at ganito pa rin ang buhay natin. Hanggang sa panaginip na lang talaga tayo yayaman."
"Huwag ka ngang mag salita ng ganiyan, Sonya. Huwag kang mawalan ng pag asa. Magkakaroon rin tayo ng marangyang buhay kapag tumama tayo sa lotto."
"Anak ng teteng! Huwag mo sabihin sa akin na tumaya ka na naman sa lotto?" Hinarap ni Mama si Papa at napa-kamot naman ito ng ulo. "Alberto naman! Ilang taon ka nang tumataya d'yan! Kung inipon mo ang itinataya mo sa pesteng lotto na 'yan, Baka sakaling nakabili na tayo ng sarili nating bahay!"
Hindi manginginom ang Papa ko, Wala rin itong bisyo katulad ng sigarilyo. Ang tanging kina-aadikan lamang nito ay ang pag taya niya sa lotto.
Bata pa lamang ako ay saksi na ako doon. Kita ko ang lahat ng sandamakmak na mga lotto ticket nito sa wallet niya kundi ay sa bag na pang-trabaho.
Minsan ay sinasama niya rin ako sa pag taya kapag wala akong pasok sa paaralan. At ako rin ang pinapipili niya ng numero para daw suwertehin siya.
"Kumalma ka na d'yan, Sonya. Basta't hahanap na lamang ako ng mahihiraman para makapag-bayad na tayo sa mga dapat bayaran."
"Bahala ka na, Alberto. Kapag napuno ako sa iyo ay talagang iiwanan ka na lamang namin ng anak mo."
Nang makatapos sa pagluluto si Mama ay inasikaso na nito ang mga pinggan at naghain na ng pagkain sa mesa.
Paupo na sana ako sa doon ngunit inutusan muna ako ni Papa na buksan ang bulok na tv namin.
Pasira na ang tv na ito pero hindi pa rin ito bayad ng buo sa pinag-utangan nila.
"Ilipat mo sa channel 14, Anak. Sa channel ng lotto." Utos ni Papa.
Kaya't kinuha ko ang remote at inilipat ang palabas sa channel na sinabi nito.
Matapos ay naupo na ako sa hapag kainan at sabay sabay kami na kumain.
Ito na sana ang pagkakataon ko na sabihin at mag paalam muli tungkol sa field trip dahil tahimik na silang dalawa at wala ng ni isa sa kanila ang nagsasalita.
Ngunit ng maisip ko ang pinag-tatalunan nila kanina ay napag-desisyunan kong huwag na lamang ipilit ang hindi naman uubra.
Tatanggapin ko na lamang na hindi na talaga ako makakasama at makakaranas ng field trip.
"Kamusta pala ang pag aaral mo, Anak?" Tanong ni Papa sa gitna ng pagkain namin.
"Ayos naman po, Papa. Top 1 po ako ulit nitong grading."
"Talaga? Napaka-galing at napaka-talino talaga ng anak ko." Masayang at proud na wika nito kaya't napangiti ako.
"Kita mo? Top 1 ang anak natin pero wala tayong maibigay na regalo. Ni hindi nga na naman makakasama 'yan sa field trip nila dahil palagi tayong walang pera." Sambit ni Mama habang sinasalinan ng tubig ang baso namin ni Papa.
"Ano ba ang gusto mong regalo, Anak?" Tanong ni Papa sa akin kaya't napatingin ako rito.
"Po?" Nagtatakang tanong ko. Dahil alam kong wala naman kaming pera para bigyan pa niya ako ng regalo
"Huwag mo ng paasahin ang anak mo, Alberto." Kontra ni Mama rito.
"Kung maliit na halaga lang naman ang regalo na gusto niya ay magagawan ko naman ng paraan. Makakatapos naman na ako sa bumbay na inutangan natin kaya't makakabalik na tayo roon."
"Bag lang po, Papa. Para sana mapalitan ko na iyong bag ko pang school. Grade 1 pa lamang po kasi ako ay iyon na ang gamit ko. Sira na rin po kasi ang strap no'n." Wika ko.
"Bag lang pala eh, Hayaan mo. Gagawan ni Papa ng paraan 'yan. Bukas na bukas ay ibibili kita sa palengke. Basta iyong mumurahin lang ha?"
"Talaga po?" Masayang tanong ko at tumango naman si Papa. "Thank you po, Pa!" Hindi ko maiwasan na mapatayo at lapitan si Papa para yakapin ito ng mahigpit.
"Sige na, Ubusin mo na muna ang kinakain mo at pagkatapos ay mag-bihis ka na. Para malabhan ko na 'yang unipormeng suot mo dahil may pasok ka pa bukas. Baka mamaya ay wala na ang araw at hindi na matutuyo 'yan." Sambit ni Mama sa akin kaya't bumalik na ako sa pagkakaupo at tinapos na ang pagkain ko.
Iisa lamang kasi ang uniporme kong pamasok. Kaya't kinagawian na ni Mama na labhan ito kaagad pag uwi ko dahil wala rin naman kaming dryer at umaasa lamang kami sa sikat ng araw para makapag-patuyo ng damit.
"Siya nga pala, Alberto-"
"Ssshh, Huwag kang maingay. Nag sisimula na ang anunsyo." Putol ni Papa sa sinasabi ni Mama kaya't napa-simangot ito.
Nag sisimula na ang pag aanunsyo ng mananalo sa lotto ngayon. Kaya't inilabas ni Papa ang lotto ticket nito na nakalagay sa bulsa niya.
"And now, for the winner of the grand lotto prize worth 528.3 million pesos..." Wika ng host sa tv.
"Pambihira! Napaka-laking premyo naman noon." Hindi maka-paniwalang wika ni Mama.
"Hindi ba? Napakalaki ng mapapanalunan natin, Sonya. Kapag nakuha natin iyon, Talagang mararanasan na natin ang buhay milyonaryo."
"Asa ka naman, Alberto. Sa daming tumataya diyan, Napaka-liit ng tiyansa na manalo tayo."
Sa kabila ng sinabi ni Mama ay hindi ko pa rin napigilan na umasa.
Napapikit pa nga ako at pasimpleng hinihiling na sana ay kami ang makakuha no'n.
Para makasama ako sa field trip namin ngayong taon.
"The lucky numbers are 5.. 3.. 9.. 2.." Pinutol ng host ang anunsyo nito upang bitinin ang mga nanonood. Dalawang number na lamang ang kulang sa mga numero na iyon.
"Ano, Alberto? Bakit ganiyan ang mukha mo? Apat na numero pa lang at sigurado akong talo na kaagad 'yang ticket na hawak mo, Ano?" Wika ni Mama kaya't napatingin ako kay Papa.
Hindi ito umiimik at nakatulala lamang sa tv namin.
"Huy, Alberto!" Wika ni Mama ngunit hindi pa rin nag sasalita si Papa.
Kaya't hinila ni Mama ang lotto ticket na hawak ni Papa.
"Teka, Totoo ba itong nakikita ko?!" Gulat at nandidilat na wika ni Mama kaya't napakunot ang noo ko. "Kapareho ng inanunsyo ang mga numero sa ticket mo, Alberto!"
"S-sonya, D-dalawang numero na lang." Nauutal na wika ni Papa.
"Ilabas lamang ang numero uno at kuwatro ay milyonaryo na tayo!" Tugon ni Mama rito.
Maya maya pa ay bumalik na ang host at nag patuloy sa pag aanunsyo.
"Nabitin ba ang lahat? Ito na at ibobola na natin ang dalawang huling numero." Wika nito na mas nakapag pakaba sa aming lahat. "At ang ikalawa sa huling numero ay...."
Tila pare-pareho na kaming hindi makahinga sa anunsyo ng host.
Tila puno kami ng tensyon, takot at kaba.
"Numero uno!" Wika ng host at bumola ulit.
"Dios ko, Alberto! Kuwatro na lamang, kuwatro na lang!" Kabadong wika ni Mama.
"At ang huling numero.."
Hindi man ako nagsasalita pero paulit ulit kong hinihiling sa utak ko na sana ay numero kuwatro ang lumabas.
Pare-pareho kaming napapikit habang inaantay ang huling numero na sasabihin.
"Numero kuwatro!"
Napadilat ako ng marinig ang huling numero na inanunsyo na siyang kukumpleto sa kumbinasyon ng lucky numbers.
Kuwatro, kuwatro ang inaantay namin.
"Kumpleto na ang ating lucky numbers! Iyon ay 5.. 3.. 9.. 2.. 1.. 4.."
"A-alberto!"
"S-sonya!"
Parehong sigaw ng mga magulang ko. Napatingin ako sa kanila na ngayon ay tumatalon habang magka-yakap.
"T-totoo ba ito?" Hindi makapaniwalang tanong ni Papa.
Maging ako ay hindi rin makapaniwala sa narinig ko.
"Oo, Totoo! Milyonaryo na tayo, Alberto!" Nanginginig ang boses na sambit ni Mama. At pansin kong may luha na rin na umaagos mula sa mga mata nito.
Napatingin sila sa akin na dalawa. At mabilis na nilapitan ako ni Papa at binuhat. Isinama nila ako sa yakapan nilang dalawa ni Mama.
"Milyonaryo na tayo, Anak!"
"Maibibili ka na ni Papa ng bag. At hindi lang isa, Kung hindi kahit ilan pang bag na gusto mo!"
At itong araw na ito ang simula ng pagbabago ng lahat.
Araw na nanalo kami ng 528.3 million pesos sa lotto.
Dito nabago ang mga buhay namin.
Mula sa mahirap na buhay, Sa isang iglap ay napalitan ng karangyaan.
Dahil iyon sa lotto, at dahil sa kumbinasyon ng mga numerong iyon.